Chapter 13.1

1897 Words
Aking sinulit ang natitirang araw bago magbakasyon, buong araw kaming magkakasama at gumagawa ng kalokohan. Minsan ay sumasama si Mariel ngunit madalas na nagkakaroon ng problema sa kanilang tahanan kaya ‘t madalang lamang siyang makasama. Katulad ngayong araw, ang huling araw namin na magkakasama dahil baka sa susunod na taon ay hindi na kami magkakaklase. “Malayo pa ba ang bahay niyo, Jazz?” reklamo ni Joven habang nakatingin sa labas ng jeep na sinasakyan. Mag-iisang oras na kami sa byahe, ilang jeep na din ang pinaglipatan namin ngunit hindi pa din kami nakakarating. Ang lahat ay napagkasunduan na alas-otso uuwi kaya ‘t kailangan namin magmadali upang masulit ang oras na andoon kami. “Malapit na, sandali na lang.” tugon nito habang nakatingin sa labas. Makalipas ang limang minuto ay pumara na ito, sa tabi ng kalsada kung saan may papasok sa isang gilid ngunit ang isang malaking gate sa aming harapan ang pinasukan. Mataas ang bakod at sa pagkakagawa pa lamang ng gate ay kitang pinaggastusan na ang pagpapagawa nito. Tahimik kaming pumasok, walang nag-ingay bilang pagrespeto sa may-ari ng bahay kahit na sinabi ni Jazz na ang tanging nasa bahay lang ay ang matandang naghahanda para sa kanila. “Ang ganda ng bahay niyo, pre!” puri ni Lyka na inililibot ang tingin. Sa pagpasok ng gate, isang malawak na espasyo ang bumungad sa amin, maraming halaman sa paligid at sa pinaka-sentro nito ay may lamesa na mukhang waiting area o kung gusto magpahangin sa labas. Ilang sasakyan din ang nakaparada sa gilid, may maliit na basketball court, at lugar kung saan nakasabit ang mga sinampay. Alam kong mayaman siya ngunit mas maganda pa ang bahay nila kesa kay Mary na nasa loob ng subdivision. “Pasok kayo, pre. Batiin niyo muna si nanay sa loob, tsaka mamili kayo kung saan niyo gusto pumwesto pero para sa akin mas ayos na dito sa labas para maaliwalas at hindi mainit.” Aniya. “Dito nalang.” Nakakahiya naman kung sa loob pa kami. Alam ko na hindi lang ako ang na-o-out of place sa bahay nila kundi ang lahat ng aming kasama pero mukhang hindi ‘yon pansin na dirediretso lang sa paglalakad. “Ngayon lang ako nakaramdam ng hiya kung paano ko siya pakainin sa sahig noong nasa bahay tayo.” bulong ni Lyka. Natawa ako sa kanyang sinabi at sumunod na kay Jazz. Laking pasasalamat dahil hindi nila napagdikitahan na puntahan ang bahay namin kundi ay ramdam ko din ang sinabi ni Lyka. Habang nakikisama si Jazz sa bahay na bawat puntahan namin ay wala ‘tong arte, minsan nga ay sa pinto na siya ng banyo kumakain ngunit wala itong reklamo. “Magandang hapon po.” Isa-isa kaming nagmano sa matanda na nagtitiklop ng damit. Kung napanganga kami sa labas ay mas napanganga kami sa pagpasok ng loob. Hindi na dapat ito nakakagulat dahil sa trabaho pa lang ng tatay niya ay dapat inaasahan na ang ganda ng bahay nito ngunit iba pa din habang nasa loob ka na. Ang isang dukha na katulad ko ay nai-apak ang paa sa ala-mansyon na bahay na ‘to. Ang hagdan ay nakikita ko lang sa TV kung may nagdedebut, ang mahabang mesa, at sobrang lawak na salas. Sa pader nila na gawa sa marmol ang mga desenyo, ang mga kagamitan sa loob na kulay rose gold at ang chandelier na mapapa-overthink ka sa laki. “Ano ang gusto niyong kainin?” tanong ni nanay. “Ito ang unang beses na nagsama ng kaibigan itong si Jazz dito sa bahay maliban sa tropa niya dyan sa labas. Akala ko ay wala siyang kaibigan sa school dahil hindi naman nagkwekwento ang isang yan.” Kwento nito. Pero si Jazz ay buong puso na nagkwento sa amin patungkol sa buhay niya. Sobrang masikreto din pala ito pagdating sa loob ng bahay at hindi nagsasabi patungkol sa nangyayari sa tuwing nasa labas o kung sino ang kanyang mga kasama. “Pag nasa school po ay kami ang kasama niya, nitong nakaraan po ay abala po kami sa paggawa ng project namin sa ibang subject kaya medyo ginagabi din po kami ng uwi.” Paliwanag ni Jean sa matanda. “Mabuti naman at gumagawa na siya ng mga project niya ngayon. Kung alam niyo lang ay hindi naman talaga siya seryoso sa pag-aaral niya, hindi ko nga nakitaan gumawa ‘yan ng assignement niya o kahit sulat sa notebook niya.” kwento nito. Hindi naman talaga nagsusulat si Jazz. “Huwag po kayo mag-aalala, nay. Siguraadong pasado po siya, nakaraan ay bantay sarado siya sa amin at nagsusulat kahit papaano.” Pabiro ni Jean. Ngumiti ang matanda sa amin at tinanong kung saan kami pupwesto. Nang mapagkasunduan namin na sa labas ay agad niya kaming sinamahan sa paglabas, tumulong si Jean at Lyka sa pagluluto dahil wala naman akong talent pagdating doon. “Oh, na saan ang iba?” tanong ni Jazz na bagong bihis. Umakyat ito ng kwarto kanina habang nakikipag-usap kami kay nanay. “Sigurado ba kayo na ayos lang kayo dito sa labas?” dagdag pa nito. Tumango ako. “Ayos na kami dito, baka makabasag lang ang isa sa amin kung malasing kami. Nasa loob din sila para tulungan si Nanay sa paghahanda ng pagkain.” Wala pa naman kaming pambayad sa mukhang mamahalin nilang gamit. “Kayo ang bahala. Ano ang gusto niyong inumin o chichirya na gusto kainin?” tanong nito habang inaayos ang pagkakatayo ng mesa. Si Joven ang sumagot dahil wala naman akong alam pagdating sa alak, nagsabi lang ako ng mani tsaka na ito lumabas. Habang naghihintay ay lumabas na sila Lyka at maayos na daw, hinihintay nalang maluto ang hinanda nila. “Huwag kayo masyadong magpakalasing ah?” paalala ni Angela kay Ryan na madalas nitong katabi. Mukhang may gusto sa kanya ang isang ‘to kaya hindi umaalis at madalas na nakabuntot dito. “Hindi naman ako nag-iinom.” Tugon nito. Kumuha kami ng kumuha ng litrato hanggang sa dumating na si Jazz bitbit ang maraming bote sa kamay nito. “Tignan natin kung walang magsuka sa atin dito.” sabay halakhak nito. Agad na kumuha sila ng baso habang ako ay nakaupo sa tabi at nakatingin lang sa kanila. Naiilang ako gumalaw sa ibang bahay, wala din naman akong maitutulong sa kanila kait maggalaw-galaw pa ako. Nang makompleto na kami ay panay kami kuha ng litrato, nag-umpisa na din mag-inom ang lahat habang nakapabilog kami sa mesa at nagtatawanan. “Sayang at hindi sumama si Mariel, gusto ko pa naman siyang makitang mag-inom.” Panghihinayang ni Lyka. As If na papayagan ko siyang painumin si Mariel. Sa lahat ng iniingitan namin dalawa ay ang tiwala ng magulang ng isa ‘t isa. Kilala si Mariel sa bahay, at siya lang ang pinagkakatiwalaan ni mama na kasama ko sa tuwing lalabas at wala ng iba, ganon ang kanyang mga magulang sa akin. “Masyadong inosente si Mariel, sobrang tahimik at hinihin niya pa kaya sa tuwing iniisip ko kung paano sila naging magkaibigan ni Hazel ay nagtataka talaga ako. sa ugali ‘t paggalaw palang ay hindi na nagtutugma ang dalawa.” Komento ni Joven. Tinaasan ko siya ng kilay. Kung alam lang nilang sobra-sobra kong pangungulit kay Mariel para pagkatiwalaan niya ‘ko at maging magkaibigan kaming dalawa. Kung hindi matyagang tao ang gusto makipagkaibigan kay Mariel ay wala silang paparatingin, ang babae na ‘yon ang tipo na hindi magsasalita kung hindi kakausapin. “Kaya nga.” Segunda ni Angela na may pang-asar na ngiti. “Ang parehas lang sa kanila ay ang pagiging matikuloso nila pagdating sa grado at pagiging aktibo sa klase. Bukod doon ay wala na.” dagdag pa nito. Inirapan ko lang sila bago ininom ang alak nasa aking harapan. Lahat kami nag-iinom maliban kay Angela na baka hikain kaya si Ryan ang sumasagot sa lahat ng para dito kay mas mabilis itong namula kumapara sa iba. “Tama kayo, sobrang inosente niya, iyon ang nagustuhan ko sa kanya.” pagak akong tumawa bago sinandal ang likod sa aking sandalan ng aking kinauupuan. “Kung maaga niyo siyang nakasama at nakilala, makikita niyo sa mata niya ang sobra niyang pagiging inosente. Kabaliktaran siya ng lahat ng mga tao na andito ngayon. mukha siyang walang problema at parang hindi dumadaan sa kahit anong problema. Sa tuwing nakikita ko siya, minsan ay naiinggit ako pero sobrang komportable kong kasama siya kahit sa maliit na bagay na paggalaw niya.” “Alam niyo ‘yon? Iyong may isang tao na magiging panatag ka, sa kanya ko ‘yon nakita. Wala siyang bisyo at inggit sa katawan na mas nagustuhan ko sa kanya. Kahit hindi bigay ang luho niya at hindi sanay sa hirap ng buhay ay hindi siya tumingin ng nakababa sa ibang tao. Iyon nga lang ay madalas niyang limitahan ang sarili sa mga taong lalapitan at papakisamahan. Minsan, nagagalit ako sa iba dahil ang pagiging mabait ni Mariel ay inaabuso nila.” Dagdag ko pa. Natahimik ang lahat sa sinabi ko. Ngayon lang ako nagsalita ng patungkol kay Mariel sa harap nila, alam nila kung gaano ko iniingatan si Mariel ngunit walang ibang nakaalam kung gaano kataas ang paghanga ko sa babae na ‘yon. “Siya lang ang nakakapagpakalma at tumutulong sa akin sa tuwing may problema ako sa bahay. Sa tuwing wala akong makain ay siya nagbibigay sa akin, sa mga panahon na tiniis ko ang lahat para makapasok kinabukasan ay siya ang sumasalba sa akin. Alam niyo ba na, iyong pagkakaibigan namin ay pakiramdam ko na gusto ko siyang protektahan dahil kahit sa panahon na walang-wala ako ay lang ang andyan, nagbibigay ng kamay para tulungan ako.” Kinuha ko muli ang baso na dapat ay iinumin ni Joven. Kung ang alak ang magpapalabas ng lahat ng emosyon na nakatago sa puso ko ay mas maganda pala ang malasing. Hindi ko na kaya itago pa mag-isa, ayaw kong kaawaan nila pero ang puso ko, gusto ng bumigay. Dumarating na ‘ko sa punto na gusto ko na wakasan ang buhay ko, gusto ko na sumuko sa lahat ng problema, baka ito lang ang kailangan kong gawin. Ang ilabas ang lahat ng nasa isip at puso ko. Sa mga bagay na si Mariel lang ang gustong makinig at bukod doon ay wala ng may taong gusto malaman kung gaano nga ba kabigat ang nararamdaman ko ngayon. “Baka malasing ka.” Suway ni Ryan bago sinenyasan na huwag nang ipadaan sa akin ang baso. “Hindi ah.” Natatawa kong sagot. “Humuhugot lang ako ng lakas ng loob para sabihin sa inyo ang bagay na ‘to na hindi umiiyak. Wala kasi akong ibang mapagsabihan ng mga problema ko bukod sa kanya kaya hanggat kaya kong alagaan ang taong gustong makinig sa akin ay aalagaan ko ng buong puso.” Dagdag ko pa. “Mamaya na ‘yan, Hazel kung lasing na ang lahat. Andito tayo para magsaya, magcelebrate dahil paunti-unti ay umuusad na tayo.” paalala ni Angela. Ngumiti ako sa kanya bago tumango, kinuha ang isang chichirya na nasa mesa. “Share ko lang naman.” Sabay tawa ko. Dinig ko ang malalim na paghinga nila na tila nakaginhawa. Walang may gustong makinig, ayos lang basta kasama ko sila sa saglit na oras, sapat na ‘yon para maging masaya ako at kalimutan ang mga problema.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD