Sa unang lingo ng klase ay nakita na ang pag-uugali ng lahat ng kaklase, ang mga maingay, player, siga, tahimik, at syempre ang mga bida-bida sa klase. Lahat ay may kanya-kanyang mga grupo at may sarisariling mundo pero isa lang ang nahalata ko, iyon ang hindi nila gusto ang grupong kinabibilangan ko. Karamihan sa officer ay nasa grupo namin, hindi naman sila irresponsible bagkus ay gusto nilang baguhin ang buong klase, kahit na ang iba ay gustong magsaya at i-enjoy ang natitirang sampong buwan na magkakasama.
Ito ang huling taon namin, sa susunod ay maghihiwalay na kami at marami ng aalis upang abutin ang kanilang mga pangarap. Naiintindihan ko sila, hanggang sa maari ay gusto ko din gawin ang ginagawa nila at sumama sa kanila minsan pero hindi ko kaya makipagsabayan dahil karamihan sa kanila ay walang problema sa financial at panay lang ang gastos.
“Anong gagawin niyo after class?” tanong ni Joana. Napapagitnaan nila ako ngayon ni Mariel habang si Jean ay abala sa pag-iikot sa kwarto upang ayusin ang mgahindi nakalinyang mga upuan na inalisan ng iba naming kasamahan.
Wala pang teacher kaya ang iba ay nagpunta sa canteen para bumili ng makakain at kaming dukha na sampong piso lang ang baon ay nanatili sa loob ng kwarto upang bantayan ang kanilang mga gamit. Mamaya ay kailangan ko pa silang hanapin bago dumating ang teacher, syempre hindi pwede na kami lang ang magkaklase.
“Tatambay ako kela Mariel para maki-wifi.” Sagot ko. Ilang araw na akong walang update sa librong ginagawa ko, marami na ang nagrereklamo na mga mambabasa kaya kailangan ko na i-upload ang mga naisulat ko. Iniiwasan ko na ang magpa-load, siguradong maraming bayarin ang aking kakaharapin pagdating a susunod na buwan.
“Sama. Wala akong gagawin sa bahay, uutusan lang ako ni mama maglinis ng swimming pool.” Reklamo niya.
“Sige lang para makilala ka na din ni mama.” Tugon ni Mariel.
Maya-maya lang ay sumingit na sila Jean, balak nilang sumama dahil wala din naman silang gagawin. Mukhang hindi na lang ako ang tatambay kela Mariel, magiging masaya ang taon na ‘to mas lalo na at nadagdagan ang kaibigan namin dalawa na mukhang maasahan.
“Sabihan ko si mama para makapaghanda ng makakain natin. Baka mamaya ay kulangin ang kanin, malakas pa naman kumain si Hazel.” Komento niya. Ngumiti ako sa kanya.
Sa totoo lang ay kaunti lang ang kinakain ko pagdating sa kanila pero minsan ay inuubos ko ang kinukuha niya upang walang ibang matira sa mesa nila. Nakakahiya naman kung hindi uubusin ang inihain na para sa akin, pero kung gulay ang ulam ay syempre sabay kaming nagrarason upang di kumain.
“Itong si Hazel, hindi na nahiya sa bahay niyo. Dapat hindi mo na ‘yan pinapapunta sa inyo” biro ni Jean.
“Magtataka si mama kung hindi ko siya isasama, iisipin non na nag-away kaming dalawa.” Paliwanag nito.
DUMATING na ang teacher, hinahanap ang ibang mga kaklase namin kaya nagpaalam na ‘kong hahanapin sila. Iyon ang gawain ko, dalawang lugar lang naman ang kanilang pupuntahan, iyon ang gym at ang canteen. Karamihan sa mga player ay iyon ang puntahan at dahil groupo sila wala silang takas sa akin.
“Naisulat niyo na ba ang assignment na pinasa ko sa inyo? Baka mamaya ay pagalitan na naman kayo dahil wala kayong maipasa mamaya.” Paalala ko habang pabalik na kami sa room.
Pinagtitinginan kami ng ibang nasa loob ng klase na dinaraanan namin at may bumabati sa kanila. Kilala sila sa school, ilang taon na din nilang pinaglalaban ang pangalan ng sintang paaralan na ‘to kaya hindi nakakapagtaka na kilala sila ng lahat—well, maliban kay Mariel na siyang may sariling mundo kahit saan magenta.
“Nasulat na namin kanina. Mabuti na lang at andyan ka, hindi madamot, di katulad ng iba mong kaibigan na takot na takot malamangan at makisama sa amin.” napakamot ako ng batok sa sinabi ng isa na nagpapaikot ng towel sa kamay.
“Assignment lang naman iyan. Mas maganda kung sabay-sabay tayong gragraduate at walang maiiwan dito.” Iyon naman talaga ang magandang isipin. Imbis na makalamang sa iba ay mas maganda ng tulungan sila para sabay-sabay kayong aangat at matapos ang taon na ‘to.
Matapos ng makilala ko si Jazz at maging kaibigan sila Jean ay pinipilit kong buksan ang pag-iisip ko sa lahat ng tao. Na ang mga pasaway ay hindi naman talaga ganon kasama, malay ko ba na may katulad silang sitwasyon sa akin. Hindiman financial pero sa ibang aspeto ng buhay, ayaw ko silang husgahan kaya mas mabuti ng tulungan sila upang mapunta sa tamang daan.
At masabi ko din sa susunod na isa ako sa tumulong sa kanila para matapos nila ang taon na ‘to at para maabot nila ang mga pangarap nila. Masaya sila kasama, ayos na ‘yon sa akin basta ‘t hindi nila gagalawin ang mga kaibigan ko.
Hindi ko naman mababago ang pag-iisip nila kung paano nila tignan ang mga kaibigan ko.
“Sana ganyan lahat mag-isip.” Tugon nito.
Nang makarating na kami sa room ay isang lumilipad na eraser ang bumungad sa kanila. Ang teacher na hindi natatakot na mawalan ng lisensya basta maturuan niya ng leksyon ang mga pasaway niyang istudyante. Si Sir Boli.
“Isang lingo pa lang ang klase natin, nagka-cutting na kaagad kayo. Ibabagsak ko kayong lahat!” pagbabanta nito.
Agad na lumapit ang mga ito. Karamihan sa kanila ay mga lalaki at nakikiusap kay Sir, may ibang binibiro ito upang maiba ang usapan at makalimutan ni Sir ang ginawa nila. At mukhang naging matagumpay ang plano nila dahil pinabalik na sila sa kanya-kanyang mga upuan.
“Saan mo na naman sila hinanap?” tanong ni Mariel.
“Sa madalas nilang lungga.” Bulong ko bago inayos na ang attendance na pinahawak ko sa kanya.
Lahat ay nasa loob na ng room maliban sa mga sa unang araw lang nagpakita. Nag-umpisa na din ang klase, lahat ay interesado dahil may biruan na nagaganap at kaunting pagtatalo kpatungkol sa darating na exam sa susunod na buwan.
NANG matapos ang klase ay nagpalam na sa akin ang ilan, mga cleaners na tumakas at ang iba na dumiretso para sa training. Samantala, naiwan kami upang linisin ang kwarto, hindi pa naman nagpapalabas sa gate kaya mas pinili namin ang manatili kesa ang makipagsiksikan sa labas.
“Hazel, kapatid mo ba iyong nasa kabilang building?” tanong ni Jean bago tinuro si Ellie na may kausap na lalaki, mukhang may pinagtritripan sila ‘t inaaway sa tabi habang maraming nakatingin. “Ang shala ah?! Sa maraming tao pa siya nambully, hindi takot na dalhin sa guidance at ipatawag ang magulang.” Komento nito.
“Kung alam mo lang.” tugon ni Mariel na nakatingin din dito.
“Hindi naman siya pinapagalitan kahit anong gawin niya, kung mangengealam ako sa ginagawa niya ay babaliktarin niya lang ang kwento. At ako pa ang ipapaamak niya sa bandang huli, syempre, kakampihan siya ni papa.” Aniko bago tumalikod na sa kanilang pwesto.
Sana lang ay makakita siya ng katapat niya—ang magiging karma sa lahat ng masamang ginawa niya. Hindi niya na pinalampas pati ang mga maliliit sa kanya, masyado niyang inaabuso kung anong meron siya at umaasa sa iba. Siya din ang magiging kawawa sa bandang huli, hindi ako at never magiging ako.
“Mukhang hindi talaga kayo magkasundo ng kapatid mo.” ani Joana.
Tumango ako. “Hindi talaga kahit ng mga bata pa kami.”
Hindi na siya muling nagsalita at kinuha a namin ang gamit. Nang makalabas sa school ay dumiretso sa bahay nila Mariel upang doon tumambay, dali-dali naman akong humarap sa computer nila dahil wala ang kuha niya at doon nag-umpisa magtipa.
“Magaling ka pala. Bakit hindi ka sumali sa journalism?”
Hindi ako nag-abala ng tingin ng magsalita si Jean sa aking tabi. “Sumali ako last year, kaya ko naman last year pero ang bulsa’t katawan ko ay hindi kakayanin. Pumapasok ako na kwarenta lang ang nasa bulsa, trenta sa pamasahe at sampong piso na baon. Hindi ‘yon aabot ng isang araw kahit na magbaon pa ‘ko ng kanin at tubig.” Tugon ko.
Ang sabi ni mama ay wala naman mapapala sa pagsusulat ko, ang telento ko ay pag-aaksaya lang ng oras imbes na magtrabaho. Paulit-ulit na tianatatak sa isip ko na wala akong mararating pero hindi ako titigil, hindiman nilaa supportado ang pangarap ko na ‘to, alam ko naman sa sarili ko na may mararating ako.
“Grabe! Buti natitiis ka nilang nagugutuman sa school, kaya pala tuwing breaktime ay ayaw na ayaw mo magpunta sa canteen at umiikot lang para mamburaot.” Anito.
Mahhina akong tumawa. Sa apat na taon ko sa junior high ay nabuhay ako sa pambuburaot at panghihingi sa iba, may ibang naasar na sa akin at may ibang nagbibigay pa din—isa na doon ang mga madalas kong tulungan sa klase.
“Sa tingin ko ay magiging libro ‘yang gawa mo. Tignan mo, kaka-upload mo pa lang, ang dami na kaagad comment.” Anito.
“Sana.” Hiling ko na may pagdadalawang isip sa saking isipan.
Maraming parte ng istorya ang binabago nila sa tuwing gagawing libro, maraming nawawala at pakiramdam ko ay nagkukulang kaya kung sa pagkakataon na ‘to ay tatanungin ako ay ayaw ko pero ang perang kapalit non ay sayang.
“Ang dami niyo na ah?” bungad ng mama ni Mariel na kakauwi palang. “Mariel, nagluto ka na ba?” baling nito sa anak.
Bumati ang lahat kay tita at nagpakilala sila sa mga ‘to. “Uuwi na din po kami kaagad, tita. Dumaan lang po kami dito para makilala kayo.” Ani Joana.
“Kumain na muna kayo, huwag na kayo mahiya.” Pangungumbinsi nito.
Wala na kaming magawa kundi ang pumayag, ako na ang nagsaing at si Mariel ang nagluto ng canton na uulamin namin. Walang tao sa bahay kanina ng makarating kami kaya walang nakahanda na pagkain pagdating namin. Oh, ‘di ba? Ang shala.
Habang naghihintay ng makakain ay naisipan namin na ayusin ang na ang assignment na si Jean lang ang sumagot dahil mukhang ito lang naman ang nakaintindi. At bago pa maihanda ang pagkain ay nakatanggap ako ng mensahe mula sa bahay.
“Uuwi na ‘ko.” paalam ko sa kanila. “Hinahanap na ‘ko ni mama sa bahay.”
“Kumain ka na muna, Hazel.” Ani Mariel.
Umiling na ‘ko at kinuha ang mga gamit. Hindi ko na sinabi kung ano ang dahilan ni mama kung bakit ako kaagad pinapauwi, nagpaalam na ‘ko kay tita at hindi na din nagpahatid kay Mariel hanggang sa sakayan. Panay ang takbo ko hanggang sa makauwi at malayo pa lamang sa bahay ay rinig ko na ang malakas na sigawan mula sa loob.
“Ano ba ang problema mo?! Ikaw ang nagtago ng pera ng kagabi, binilang mo pa isa-isa sa harap namin sabay kami ang hahanapan mo?!” umaalingawngaw na sigaw ni mama.
Marami ang tao sa labas ng bahay, inaalam kung ano ang nangyayari at ng mapansin nila ang presensya ko ay agad silang lumapit. “Kanina pa sila nag-aaway sa loob, may basag na gamit na din kaming narinig mula sa loob. Mukhang may nawawalang pera at hinahanap sa mama mo.” paliwanag ng isa.
Tumango ako. Nanginginig ang kamay na pinasok ang susi sa doorknob at sa pagsara ko ng pinto ay nag-umpisang manginig ang aking katawan ng malakas na pagbagsak ang aking na datnan. Maraming basag na gamit sa sahig, ang mga bote ng softdrinks ay nakapatong-patong habang nasa taas non si papa at may tila pinipilit abutin sa loob. si Mama naman ay nasa gilid, umiiyak habang may binubulong-bulong.
“Sabihini niyo hindi kayo marunong makuntento sa binibigay ko at nakukuha niyo pang nakawin pati ang perang tinatago ko!” galit na sigaw ni papa bago lumingon sa akin, “Isa ka pa! Ilabas niyo ang pera, anim na daan ‘yon bago pa ako mapuno sa inyo at kung ano pa ang magawa ko.” pagbabanta niya.
Pilit na ginalaw ko ang tuhod at madaling lumapit kay mama. “Ma, ano ba nangyayari?” pulit kong tinatatagan ang boses ko na hindi maputol.
Ang bilis ng kabog ng dibdib ko at ang buong katawan ay napupuno ng takot sa malakas na dagundong ng boses ni papa. “Hinahanap niya sa akin ang benta kagabi, eh, binigay na naman natin ‘yon sa kanya kagabi at harap-harapan niya pang tinignan ang listahan ng lahat ng mga binili. Hindi ba ‘t tinago niya ‘yon, hinintay niyang makaalis tayong dalawa bago niya tinago saka nilock ang pinto na ‘yan. Sabay sasabihin niya na kinuha natin.” Humagulgol na pagsusumbong ni mama.
“Kung walang kumuha, andyan pa din ‘yan sa pinaglagyan ko. WALA Oh! Na saan ang benta kagabi na inilagay ko dyan kung walang kumuha!” sigaw nito.
“Hindi naman kami nakakapasok dyan sa tuwing wala ka pa.” lakas loob kong sagot. Ang mga luha ko ay nangingilid, nasasaktan ako sa sinasabi ni papa pero mas nangingibabaw ang takot sa dagundong ng kanyang boses.
“Pwes hanapain niyo! Mga magnanakaw! Wala kayong kakainin kung hindi niyo maibigay ‘yon sa akin, sinasabi ko sa inyong dalawa, huwag niyo ‘kong subukan.” Sigaw muli nito bago nagpatuloy sa ginagawa nito.
Ang purpose pala ng mga case ng mga bote ng softdrinks at ng kanyang pagpatong doon ay upang alamin kung kaya ba namin abutin ang pinaglagyan niya ng pera mula sa butas na maliit malapit sa pinto. Ginagawa niya ang lahat upang malaman kung paano makukuha mula sa labas ang pera na di binubuksan ang pinto.
“Grabe ka, iyan ang tingin mo sa amin dito talaga ‘no? Mga magnanakaw. Sa tingin mo ay kaya namin abutin, sa tingin mo may lakas kami ng loob para kunin ‘yang pera mo?!” galit na usal ni mama.
Nakatuon ang atensyon ko kay papa. Hindi matanggal ang tingin ko sa ginagawa niya, sa tingin niya ba talaga ay kami ang kumuha ng pera niya? Sa tingin niya makakaya namin gawin ‘yon ni mama kung alam namin na doon lang kami umaasa sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Magnanakaw. Iyon ba talaga ang tingin niya sa amin? Ganon na nga dahil hindi niya gagawin ang bagay na nakikita ko ngayon kung hindi iyon ang tingin niya sa amin. Sinong matinong tao ang gagawa ng bagay na ginagawa niya ngayon, nanghuhusga siya ng walang ebidensya, pinagbibintangan niya ang taong gumagawa ng lahat ng paraan at makakaya para makatulong sa pamilya.
“Kung may nawawalang pera, may magnanakaw.” Bumaling ang tingin sa akin ni papa, “Ikaw, hindi ka nauubusan ng pera. Ang dami mo siguradong nanakaw sa benta!” sigaw niya.
Natigilan ako. Ang kaninang luha na nagbabanyang pumatak ay nawala, namanhid ang buong katawan ko at puso ko ay napuno ng galit sa kanyang sinabi habang paulit-ulit na umaalingangaw sa isipan ko ang kanyang sinabi.