Kabanata 12 (Demetrius)

2602 Words
Napatigil ako sa aking paglalakad at hindi mawala ang labis na pagtataka sa aking isip nang makita ko na mag-isa lamang na nakaupo si Ambrose sa labas ng aking tahanan. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na mapatanong sa aking isipan sapagkat ito ata ang unang pagkakataon na nakita ko siyang nag-iisa. Sa ilang araw kasi na pananatili ng dalawang iyon, sina Alana at Ambrose, iilang beses ko pa lang nakikita na sila ay naghiwalay. Sa katunayan, hindi nagtatagal ang dalawang iyon na magkahiwalay kaya naman labis-labis ang aking pagtataka ngayong araw sapagkat kahit ilang beses ko pang hintayin na lumabas si Alana sa kung saan – dahil iyon ang kalimitan nitong ginagawa nitong mga nakaraang araw – ay hindi ko siya nakita kahit na ang anino niya pa. Kahit na ilang minuto pa akong nakatayo sa kinaroroonan ko at pinagmamasdan lamang ang likod ni Ambrose na nakaharap sa akin, walang Alana ang dumating na para bang umalis ito nang walang paalam – kahit alam ko na napaka-imposible noon sapagkat lagi lamang itong kasama ni Ambrose. At dahil hindi ko na maiwaksi pa sa aking isipan ang aking labis na pagtataka na nararamdaman, mas minabuti ko na lamang ang lumapit sa kinaroroonan ni Ambrose at tumabi rito, na para bang iyon talaga ang aking balak na gawin kahit na ang katotohanan ay nais ko lamang malaman kung may nangyari ba sa kanilang dalawa na hindi ko nalalaman, kaya siya nag-iisa ngayon. Mukhang napansin niya na ako ay lumapit sa kaniyang kinauupuan sapagkat binalingan niya ako nang tingin, bago ito muling tumingin sa labas ng aking tahanan – kahit na nasisigurado ko namang wala siyang maganda makikita roon sapagkat bukod sa sira-sira ang mga tahanan na malapit sa aking tinutuluyan, puro sigawan lamang ng mga tao ang maririnig sa buong paligid. Muli kong pinagmasdan ang ekspresiyon sa kaniyang mukha dahil para bang may napansin ako sa kaniya nang uang beses siyang lumingon sa aking kinauupuan, at doon ko lamang napagtanto na tila ba problemado siya – na para bang ginagawa niya ito dahil nais niyang makalimutan ang kung ano mang gumugulo sa kaniyang isipan. Nais niyang iwaksi ang kaniyang atensiyon sa mga kaniyang iniisip, ngunit nakikita ko rin na hindi naman nagiging epektibo ang kaniyang ginagawa sapagkat mas lalo lamang nakikita sa kaniyang mukha na may malalim siyang iniisip. Mas lalo pa akong nagtaka at nag-alala nang dahil sa ekspresiyon na mayroon sa kaniyang mukha, sapagkat ito ang unang beses na nakita ko siyang ganito – ito ang unang beses na nakita ko na para bang problemado siya at hindi na niya maikubli pa iyon kahit na ano pa man ang kaniyang gawin. Iyon ang dahilan upang ipagpaliban ko na lamang ang pagtatanong ko sa kaniya kung bakit siya nag-iisa. Mas pinili ko na lamang ang hindi itanong kung nasaan si Alana sapagkat kahit hindi pa siya magsalita, alam ko na nais niyang mapag-isa – alam ko na ito lamang ang pagkakataon na siya ay mag-isa, at ginulo ko pa iyon nang dahil lamang sa aking labis na pagtataka kung bakit hindi ko ata nakikita si Alana. Akmang tatayo na muli ako sa aking kinauupuan – kahit na hindi pa man ako nakapagsasalita nang kahit na ano sa kaniya – ngunit napatigil ako sa aking akmang gagawin nang dahil sa mga salitang lumabas mula sa kaniyang bibig. “Kahit minsan ba, ninais mo nang kalimutan na lamang ang lahat ng nangyari sa iyong nakaraan?” Ang tanong na iyon. Ang mga katagang hindi ko akalain na maririnig ko mula sa kaniya. Ang dahilan upang mapalingon ako muli sa kaniya nang may nanlalaking mga mata dahil hindi ko inaasahan na maririnig ko ang ganoong bagay mula sa kaniya – hindi ko inaasahang magtatanong siya nang ganoon na para bang gulong-gulo na ang kaniyang isipan. Lumingon siya sa akin at ngumiti na para bang nasasaktan na siya sa kaniyang mga iniisip, ngunit hindi naman ako nagsalita sapagkat hindi ko rin alam ang aking sasabihin sa kaniya. Hindi ko alam ang tamang mga salita na dapat kong sambitin sa kaniya. “Paumanhin, ngunit nakita ko kung paano ka umakto noong unang araw na naririto kami,” sambit niya, bago siya muling tumingin sa labas ng aking tahanan at ako naman ay naiwang nag-iisip nang dahil sa kaniyang mga sinabi. Naalala ko pa rin ang araw na iyon. Ang araw na unang beses ko silang nakilalang dalawa at ang unang beses na hindi ko napigilan ang aking sarili na sabihin sa kanila ang nangyari sa aking nakaraan. Hindi ko naman talaga iyon sinasadya na banggitin ang nangyari sa mga taong malapit sa akin noon, ngunit hindi ko na napigilan pa ang aking sarili sapagkat ilang taon ko nang kinikimkim sa aking dibdib ang lahat ng poot at sakit na aking nararamdaman. Hindi ko na mabilang pa kung ilang beses kong sinubukan na itago ang tunay kong nararamdaman tungkol sa nangyari, at kung ilang beses din akong nabigo sapagkat tila ba sariwa pa sa aking isipan ang lahat ng nangyari sa akin na para bang kailan lang noong nangyari ang mga bagay na iyon sa aking buhay. “Nakita ko kung paano mo pinilit ang iyong sarili na umakto na para bang walang nangyari.” Umiling si Ambrose sa akin nang may maliit na ngiti pa rin sa kaniyang mga labi. “Ngunit hindi nakatakas sa aking paningin kung paano mo ninais na talikuran na lamang ang iyong nararamdaman at itago ang tunay na emosyon na nasa iyong isipan.” Bumaba ang aking tingin sa sahig sapagkat hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sambitin sa kaniya, sapagkat kahit na hindi niya sabihin sa akin, alam ko na isa iyon sa mga dahilan kung bakit tila ba napaka-lalim nang kaniyang iniisip ngayon – alam ko na may naiwan na tanong sa kaniyang isipan kung kaya siya umaakto nang ganito ngayon. “Minsan ba ay inasam mo na lamang na sana ay nakalimutan mo na lamang ang lahat ng nangyari sa iyong buhay?” Kumuyom ang aking kamao nang marinig ko ang bagay na iyon mula sa kaniya, na para bang naaalala ko ang bawat hinagpis na naramdaman ko noon. “Ni minsan ba ay sumagi sa iyong isipan na sana pala, hindi mo na lamang naaalala pa ang mga bagay na iyon?” Bumalik sa aking isipan kung paano ko nakitang umalis ang aking ama upang ipaglaban ang dapat na sa amin naman talaga. Naalala ko kung paano ko nalaman ang balita na kahit na isa sa kanila ay walang bumalik na buhay – walang sinuman ang nakaligtas sa labanan na nangyari na naging dahilan upang labis na masaktan ang aking ina… hanggang sa… hanggang sa araw na iyon na bigla na lamang siyang nagkasakit nang dahil sa labis na kalungkutan at kagutuman. Doon ko lamang naramdaman ang galit na aking naramdaman sapagkat alam ko na hindi magiging ganoon ang aking pamilya kung walang kaguluhan na mangyayari. Hindi mamatay ang aking ama nang dahil sa pakikipaglaban niya sa alam niyang tama. Hindi magkakasakit ang aking ina nang dahil sa kagutuman na aming naranasan. Oo, minsan ko na lamang ninais na sana… sana hindi ko na lamang naaalala pa ang lahat ng pangyayari sa aking buhay. Minsan ko na ring inisip na sana… sana hindi ko na lamang naisip pang muli ang labis na lungkot na naramdaman ko noon, ang labis na hinagpis at poot na hanggang ngayon ay nasa puso ko pa rin. Minsan ko nang naisip nab aka ako ay sumaya at hindi na magka-problema pa kung wala na lamang akong naaalala pa. Minsan ko nang inisip na sana pala ay ganoon na lamang kadaling limutin ang lahat, ngunit agad ko ring napagtanto na hindi rin naman ako sasaya kung mamumuhay akong para bang walang alam. Alam ko na hindi ako tuluyang makararamdam ng kaligayahan kung mas nanaisin ko na lamang na kalimutan ang lahat. Alam ko na may magiging puwang lamang sa aking puso at isipan na pipilitin kong hanapin kahit na ano pa man ang mangyari, at kahit na hindi ko pa nararanasan ang bagay na katulad noon, alam ko na mahirap na para bang namumuhay ka ngunit wala ka namang maalala tungkol sa iyong nakaraan. Muli akong tumingin kay Ambrose sapagkat nahinuha ko na kung bakit siya nagkakaganito. Alam ko na kung bakit para bang problemado siya sa bagay na hindi naman talaga niya kontrolado, kahit na ano pa man ang kaniyang gawin. “Kaya ka ba nagkakaganito dahil natatakot ka sa iyong mga malalaman?” maingat ang aking pagtatanong sa kaniya, ngunit napatigil pa rin siya na para bang hindi niya inaasahan na agad kong malalaman kung bakit siya nagtanong ng bagay na iyon. Mahina akong natawa at napailing, bago ko iwinaksi ang aking tingin sa kaniya at itinuon ko na lamang iyon sa mga nangyayari sa aking harapan. Itinuon ko na lamang ang aking atensiyon sa mga bagay na lagi kong nakikita sa tuwing ako ay lalabas ng aking tahanan – ang kaguluhan, ang awayan, at ang tila ba hindi matahimik na mga tao sa bayan naming ito. “Oo, minsan ay sumagi na sa isipan ko iyon, ngunit napagtanto ko na para bang mali rin naman na hilingin ko ang bagay na iyon,” sambit ko sa kaniya at ngumiti nang mapait na para bang may naiisip akong bagay na napaka-sakit. “Napagtanto ko na wala rin namang mangyayari kung makalilimutan ko ang lahat ng nangyari sa akin.” Napa-buntong hininga ako habang hindi pa rin mabura ang mapait na ngiti sa aking mga labi. Hindi ko pa rin maiwaksi sa aking isipan ang aking nakaraan, at ang naging epekto noon sa aking kasulukuyan. “Mas lalo lamang akong masasaktan kung iisipin ko na wala akong nalaman sa nangyari sa akin.” Tumingin ako sa kalangitan na para bang ginawa ko iyon sapagkat alam ko na may luhang nagbabadyang pumatak mula sa aking mga mata. “Sapagkat ang nangyari sa aking nakaraan ay siyang dahilan kung bakit ako naging ganitong klase ng tao ngayon.” Bumalik sa aking isipan noong mga unang araw na napagdesisyunan kong magbigay ng saya sa mga tao sa aming bayan. Ang unang beses na naisip ko na gumawa ng paraan upang maibsan kahit na sa kaunting panahon ang mga sakit na dinaramdam nila. Ang unang beses na hiniling ko na sana ay tunay na ngiti sa kanilang mga labi ang aking makikita – hindi katulad ng mga pekeng ngiti na pinipilit kong ilagay sa aking mukha. Hindi ko alam kung ano ang tunay na nag-udyok sa akin upang gawin ko ang bagay na iyon, ngunit nais kong isipin na napagdesisyunan kong gawin ang bagay na iyon sapagkat hindi ko sila nais na malugmok sa kalungkutan – hindi ko nais na makita ang sakit sa kanilang mga mata kaya naman mas minabuti ko na lamang ang magbigay ng saya, kahit na ako rin ay nangangailangan ng saya at tunay na mga ngiti. “Natatakot ka ba, Ambrose?” Muli akong tumingin sa kaniya, at doon ko lamang nakita na siya ay nakatitig lamang sa akin habang may kaguluhan sa kaniyang mukha na para bang hindi na talaga niya alam ang kaniyang gagawin. “Labis ka bang kinakabahan sapagkat hindi mo alam ang iyong malalaman sa oras na maalala mo na ang lahat?” Nakita ko kung paano siya nag-iwas ng kaniyang tingin, bago siya umiling na para bang gulong-gulo na talaga siya. Narinig ko pa nga kung paano siya napa-hinga nang malalim na para bang nais niyang ikalma ang kaniyang sarili, ngunit hindi rin naman siya nagtagumpay sapagkat hindi malinaw ang kaniyang mga sumunod na mga sinasabi, ngunit nahinuha ko ang nais niyang ipunto. “Nakaramdam ako ng takot. Naisip ko na baka masaktan lamang ako kapag nalaman ko na ang katotohanan,” may labis na takot sa kaniyang boses nang sabihin niya ang bagay na iyon, na para bang hindi talaga siya ang Ambrose na nakilala ko nitong mga nakaraang araw na nananatili sa aking tahanan. “Naisip ko na baka mas makabubuti na lamang sa akin ang walang maalala kaysa ang masaktan nang dahil sa aking nakaraan.” “Pero hindi ba mas lalo ka lamang masasaktan kung wala kang maalala?” makahulugang tanong ko sa kaniya at may sumilay na ngiti sa aking labi nang makita ko kung paano bigla na lamang siyang lumingon sa akin na para bang hindi niya makuha ang nais kong sabihin. Mas lalo pa atang nagulo ang kaniyang isipan sapagkat napailing-iling pa siya na para bang hindi talaga siya mahinuha ang nais kong sabihin sa kaniya – na para bang hindi niya maisip kung ano ang nais kong ipunto sa kaniya. Nagkibit balikat na lamang ako bago ko sinabing, “Sa tingin ko kasi ay mas lalo ka lamang malulungkot sapagkat hindi mo alam kung bakit na lamang may biglang nangyayari sa iyong buhay na hindi mo naman alam ang dahilan.” Tumingin ako nang diretso sa kaniyang mga mata. “Magtataka ka na lamang kung bakit para bang may mali sa mga nangyayari, ngunit hindi mo naman alam kung bakit nagkakaganoon ang lahat.” Bumaba ang kaniyang tingin sa kaniyang mga kamay, at alam ko na malalim ang kaniyang iniisip nang dahil sa aking mga sinabi. Alam ko na tinitimbang niya ang bawat salitang aking binibitiwan, kaya naman pinili kong tapikin ang kaniyang balikat upang pagaanin ang kaniyang kalooban. “Huwag kang matakot, Ambrose.” Marahan kong tinatapik ang kaniyang balikat habang sinasabi ko ang bagay na iyon sa kaniya. “Huwag kang matakot na makaramdam ng kalungkutan, sapagkat kaakibat na iyon habang tayo ay naririto sa mundong ito.” Noong mga araw na akala ko ay tinalikuran na ako ng mundo, naisip ko kung bakit kailangan ko pang maramdaman ang bagay na iyon. Naisip ko kung bakit hindi na lamang puro saya at kaligayahan ang aking maramdaman? Bakit sa bawat araw na dumaraan, kailangan kong maramdaman ang kalungkutan? Bakit sa ilang taong lumipas, tila ba hindi pa rin naghihilom ang sugat na iniwan ng aking nakaraan? Patuloy ko iyong iniisip, inaaalala, ngunit sa tuwing makikita ko kung paano sumubok ang mga tao ng bayan na ito upang mabuhay – kung paano sila halos makipagpatayan para lamang makaligtas – napagtanto ko na minsan, kahit na para bang kinakain na tayo ng kalungkutan, hindi pa rin na’tin maiiwasan na maghangad nang mas higit pa sa ating kakayahan. Napagtanto ko na walang mangyayari kung paiiralin ko lamang ang kalungkutan sa bawat araw na dumaraan. Napagtanto ko na mas lalo lamang akong malulugmok sa kadiliman kung hahayaan ko na lamang ang aking sarili na matakot sa maaaring mangyari – kung hahayaan ko na lamang ang aking nakaraan na magdikta sa aking kasulukuyan. “Paano kung hindi ko talaga gusto ang aking malalaman na katotohanan?” Napangiti ako nang marinig ko ang tanong na iyon mula kay Ambrose, sapagkat hindi ko alam na may ganito na pala siyang iniisip habang kasama niya kami ni Alana. Ni wala man lang naging indikasyon na siya ay nakaiisip nang ganito nang dahil sa nangyari noong araw na iyon – na para bang hindi niya kami nais pag-alalahanin kaya mas pinili na lamang niyang kimkimin iyon, hanggang sa araw na ito na lumabas na ang totoo. “Isipin mo kung bakit nais mong malaman ang totoo, Ambrose.” Muli ko siyang tinapik sa kaniyang balikat, bago ko siya binigyang muli ng ngiti sa aking labi – isang ngiti na tunay at hindi pilit. “Isipin mo kung bakit pinipilit mo pa ring maalala ang lahat kahit na alam mong may kaakibat na sakit ang mga bagay na iyon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD