Parang naliwanagan ang aking isipan nang makapag-usap kami ni Demetrius nang umagang iyon. Para bang nawala ang takot at ang pagdadalawang isip ko nang dahil sa kaniyang mga sinabi, at sa katunayan, para bang nagkaroon muli ako ng pag-asa na hanapin talaga ang katotohanan – nagkaroon muli ako ng dahilan upang ipagpatuloy ang aking ginagawa.
Naisip ko na tama naman ang kaniyang sinabi. Na dapat kong alalahanin ang mga bagay na dahilan kung bakit nais kong maaalala ang lahat ng nangyari sa aking nakaraan. Na dapat ay hindi ako magpatalo sa aking kinatatakutan sapagkat walang mangyayaring maganda kung paiiralin ko iyon.
Doon ko lamang napagtanto na dapat talaga ay pagtuunan ko na lamang ng pansin ang bagay na aking pinahahalagahan – ang bagay na dahilan kung bakit nais kong isiwalat ang lahat ng aking makikita.
Mukhang hindi ko na rin kailangan pang pag-isipan pa nang mabuti ang bagay at tao na naging dahilan upang gawin ko ang bagay na ito sapagkat pagkatingin ko pa lamang sa maingay na pagbukas ng pinto ni Demetrius, agad na sumilay ang aking ngiti sapagkat nakita ko ang dahilan kung bakit ninais kong malaman ang katotohanan.
Agad na nabuhay muli sa aking kalooban ang kagustuhan kong maalala ang lahat lahat, sapagkat nakita ko si Alana – ang nag-iisang taong alam ko na may koneksiyon sa aking nakaraan, ang nag-iisang taong tumulong sa akin nang magkaroon ako ng malay, at ang nag-iisang tao na hindi ako tinalukuran kailanman.
“Ambrose!” agad na masayang bati ni Alana sa akin, na agad ko namang sinuklian ng ngiti sapagkat tila ba tuwang-tuwa siya na makita ako makalipas ang isang araw na hindi kami nagkita – sapagkat nagpaalam siya sa akin noong nag-aagahan kaming dalawa na siya ay may pupuntahan lamang.
Hinayaan ko na rin siya sapagkat naisip ko na sa ilang araw na naririto kami sa bayan na ito, hindi man lang siya umalis sa aking tabi. Kahit na sabihin ko pa sa kaniya na ayos lamang ako kahit na ako ay mag-isa, hindi pa rin siya naniniwala at patuloy lamang siya sa pagbabantay sa akin na para bang ako ay aalis – na para bang natatakot siya na may mangyari na naman sa akin.
“Nakita ko si Demetrius kanina sa gitna ng bayan,” agad niyang pagku-kuwento sa akin nang mailapag niya ang mga bagay na dala-dala niya. Umupo pa nga siya sa aking tabi habang patuloy na sinasabi sa akin kung ano na naman ang ginagawa ni Demetrius sa gitna ng kanilang bayan para lamang mapasaya ang mga tao rito. “Gumagawa naman siya ng mga ilusyon ng mga tao at hayop ngayon. Napaka-galing niya!”
Hindi ko mapigilan ang aking ngiti sapagkat kitang-kita ko sa mga mata ni Alana na siya ay talagang manghang-mangha sa ginagawa ni Demetrius, kahit na noong una ay alam ko na para bang umiiwas siya sa taong kakikilala pa lamang namin – kahit na noong una ay tila ba hindi niya lubusang mapagkatiwalaan si Demetrius.
Puring-puri niya ang taong malugod na tinanggap kami sa bayan na ito. Nakikita ko sa kaniyang mga mata na siya ay labis na nasisiyahan nang dahil sa mga bagay na ginagawa ni Demetrius para sa mga tao rito sa kaniyang bayan.
Ako rin naman ay labis na natutuwa sapagkat kahit na sa kabila ng lahat ng mga bagay na nangyari sa kaniya, hindi iyon naging hadlang upang gawin niya ang kaniyang gusto – hindi iyon naging hadlang upang siya ay magpasaya ng mga taong nasasadlak sa labis na kalungkutan nang dahil sa mga nangyayari ngayon.
“Nakatutuwa lamang isipin na may ganoon pa rin pa lang isang tao,” sambit ni Alana, na agad ko namang sinang-ayunan sapagkat hindi ko inaasahang may makikilala kaming katulad ni Demetrius sa bayan na katulad na ito.
Hindi ko inakalang kahit na pati ang isang tao na labis-labis ang dinadalang problema ay hindi pa rin iyon nakapigil sa kaniya na gawin ang ganitong bagay para sa mga taong naririto sa kaniyang bayan. Hindi iyon naging dahilan upang maging lugmok siya sa mga bagay na naranasan niya noon.
Patuloy lamang kami sa pag-uusap tungkol kay Demetrius at sa mga bagay na naiisip namin habang hinihintay naming dumating ang may ari ng tahanan sapagkat malapit na rin kaming maghapunan.
Hindi ko alam kung gaano katagal pa kaming naghintay sa kaniya, ngunit nang muli naming marinig ang paglangitngit ng pinto ng tahanan ni Demetrius, madilim na ang buong paligid at naririnig na ang mga hiyawan ng mga tao sa labas ng kaniyang tahanan.
Nakita ko pa nga na para bang hinihingal si Demetrius at mukhang tumakbo siya mula sa kinaroroonan niya kanina hanggang dito sa kaniyang tahanan. Hawak-hawak pa nga niya ang kaniyang dibdib habang habol pa rin niya ang kaniyang hininga.
“Muntik na akong mapasama sa kaguluhan kanina sa gitna ng bayan,” sabi niya na para bang kinakausap niya ang kaniyang sarili at hindi siya makapaniwala na naranasan niya ang bagay na iyon ngayon.
Agad naman akong nakaramdam ng pag-aalala para sa kaniya, at mukhang ganoon din si Alana sapagkat agad itong tumayo sa kaniyang kinauupuan at lumapit sa kinatatayuan ngayon ni Demetrius.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Alana kay Demetrius habang pinapalibot nito ang tingin sa kabuuan ng lalaki. “Mabuti naman at wala kang sugat na natamo sa nangyari.” Parehas kaming nakahinga nang maluwag ni Alana nang sabihin niya iyon, ngunit hindi pa rin ito tumigil sa katatanong kay Demetrius sapagkat tila ba takot na takot ito sa narasan niya sa labas ng kaniyang tahanan.
“Ito ang unang beses na nangyari ang bagay na ito sa akin, magmula noong mawala ang aking ina at kinailangan kong gumawa ng sarili kong paraan upang makakain sa isang araw.” Para siyang tuliro habang sinasambiit niya ang mga bagay na iyon sa aming dalawa ni Alana.
“Ayos ka lang ba?” tanong ko muli sa kaniya sapagkat tila ba hindi niya talaga inaasahang may ganoong bagay pala ang mangyayari sa kaniya ngayong araw.
Naisip ko pa nga noong nagpaalam siya sa akin kaning tanghali na pupunta na siya sa gitna ng bayan upang magpakitang gilas muli sa mga taong naroroon. Labis ang kaniyang galak sa iisiping makapagpasasaya siyang muli sa mga mamamayan ng bayan na ito – labis ang kaniyang tuwa sapagkat isang araw na naman ang lilipas na nakapagpasaya siya ng mga taong sadlak sa kalungkutan.
Naiisip ko ang ngiti sa kaniyang mga labi habang sinasabi niya sa akin ang kaniyang mga balak na ipakita, ngunit ngayon na siya ay nakaharap na sa aming dalawa ni Alana, tila ba ang taong nakita ko kani-kanina lamang ay hindi ang Demetrius na kaharap namin ni Alana ngayon.
Tila ba iba siyang tao mula sa Demetrius na nakilala naming dalawa ni Alana. Ni hindi nga siya maka-ngiti, hindi katulad ng Demetrius na laging itinatago ang kaniyang tunay na nararamdaman sa pamamagitan ng kaniyang pagngiti sa mga taong kaniyang nakasasalamuha.
Hindi rin nakatakas sa aking tingin kung paano siya manginig na para bang takot na takot talaga siya sa mga nangyari at nakita niya kanina sa labas ng kaniyang tahanan.
At kahit na hindi ko nais na malaman kung ano ba talaga ang nangyari, sa tingin ko ay hindi ko na rin naman mapipigilan si Demetrius sapagkat wala ito sa kaniyang tamang isip nang bigla na lamang siyang magsalita tungkol sa kaniyang naranasan – kahit na hindi naman kami nagtanong ni Alana tungkol doon.
“Mas malala pa ang nangyayari noon kaysa dati,” sambit niya, at napatigil ako sapagkat tila ba pamilyar ang mga katagang iyon sa akin – na para bang narinig ko na iyon kung saan man, na para bang may nagsambit na rin sa akin ng bagay na iyon dati.
Napatigil naman si Alana nang dahil sa mga sinambit ni Demetrius bago ito unti-unting tumingin sa akin, ngunit hindi ko na siya tinapunan pa ng tingin sapagkat bigla na lamang may mga pangitain akong nakita sa aking isipan na napaka-pamilyar sa akin – na para bang isa iyon sa mga ala-alang nais kong maaalalang muli.
“Ang sitwasyon na’tin ngayon ay mas malala pa kaysa noon, naiintindihan mo ba iyon, Ambrose?”
Mga salitang tila ba nais ako noong gisingin sa katotohanan – na para bang may pinapaaalala ang pamilyar na boses noon sa akin, na para bang nais sabihin ng boses na iyon na tama na at hidni na katanggap-tanggap pa kung ano man ang nangyari noong panahon na iyon.
“Baka may paraan pa upang mabago ko sila.”
Ako ang nagsambit ng bagay na iyon sa nagsasalita, ngunit hindi ko naman maalala kung bakit tila ba para akong isang desperadong tao na nais ipaniwala sa aking sarili na may magagawa pa ako para sa mga taong pinag-uusapan namin ng may ari ng boses na iyon.
“Ambrose!”
May galit sa kaniyang boses na para bang nais niyang ipaaalala sa akin ang mga bagay na ginawa ng mga taong pinag-uusupan namin – mga bagay na hindi ko mawari kung ano sapagkat wala na akong maalala maliban na lamang sa usapan na iyon.
“Nagiging sakim na sila! Hindi nalalayo ang panahon na aasamin na nila ang taglay mong kapangyarihan! Ang gampanin na dapat ay sa iyo!”
Napahawak ako sa aking noo habang naka-kunot ang aking noo sapagkat bigla na lamang sumakit ang aking ulo nang dahil sa huling sinabi ng boses na iyon – ang boses na para bang pamilyar, ngunit hindi ko rin naman mawari kung saan ko narinig.
May… may gampanin ako sa mundong ito? Kung mayroon nga, at kung isa nga ito sa aking mga ala-ala ko na pilit kong maalala, ano naman ang gampanin ko na iyon? Ano ang kailangan kong gawin upang matapos ang gampanin ko na iyon? Ano ang mga bagay na sinambit sa akin ng pamilyar na boses na iyon?
“Ambrose!” Bigla na lamang akong nabuwal sa aking kinatatayuan habang sapo-sapo ko pa rin ang aking noo sapagkat nananakit na iyon nang dahil sa mga bigla ko na lamang naisip – sapagkat pilit kong inaalala ang mga bagay na nangyari pagkatapos sabihin iyon ng boses na hindi ko mawari kung saan ko narinig iyon.
“Ambrose?” Akala ko ay nasa isipan ko lamang iyon nang may tumawag sa aking ngalan sapagkat magkaparehas ang boses na iyon at ang boses na nasa aking mga ala-ala, ngunit napatigil ako nang may maramdaman akong kamay sa aking balikat.
Dahan-dahan akong tumingin upang makita kung sino ang taong iyon, ngunit ganoon na lamang ang aking gulat nang mapagtanto ko na si Alana pala iyon, ngunit muli akong napaisip sapagkat alam ko na hindi ako nagkamali sa aking nahinuha.
“May… may nangyari ba sa iyo?”
Ang boses niya, at ang boses na nasa aking isipan… alam ko na hindi ako nagkakamali nang isipin ko na magkaparehas lamang iyon.