Kabanata 14

2701 Words
“Ambrose,” iyon ang una kong narinig nang magising ako mula noong… hindi ko matandaan kung kailan at paano ako nakatulog at ang tanging naaalala ko lamang ay iyong boses ng babae na para bang parte ng ala-alang nais kong malaman – parte iyon ng katotohanan na nais kong maisiwalat. Iniikot ko ang aking paningin sa lugar na kinaroroonan ko, at doon ko lamang napansin na ako ay nasa tahanan pa rin ni Demetrius – sa kuwarto kung saan ako natutulog nitong mga nakaraang araw – at naririto si Alana sa aking tabi, habang ang may ari naman ng tahanan na ito ay nakatayo lamang hindi kalayuan sa kinahihigaan. “Ano ang… nangyari?” Sinubukan kong magsalita, ngunit tila ba putol-putol ang mga sinasabi ko sapagkat para bang nawalan ako ng lakas nang dahil sa aking mga naaalala no’ng oras na iyon. Para bang hindi ko na alam kung nasa reyalidad pa ba ako o nasa panahon pa rin ako kung kailan nangyari ang usapan na iyon sa pagitan naming dalawa ng babaeng iyon – sa pagitan naming dalawa ni Alana. “Bigla mo na lamang sinapo ang iyong ulo na para bang may masakit sa iyo, Ambrose,” pagpapaliwanag ni Alana sa akin at hindi nakatakas sa akin na para bang alalang-alala siya sa akin. “Hindi rin namin kung bakit nagkaganoon ka, at noong tinanong ka naman namin kung ano ang nangyayari, bigla ka na lamang nawalan ng malay.” Pinagmamasdan ko si Alana habang sinasambit niya ang mga bagay na iyon, na para bang iniintindi ko ang lahat ng kaniyang mga sinasabi, ngunit ang katotohanan ay pinakikinggan ko lamang ang kaniyang boses sapagkat nais kong ikumpirma kung tama ba ang hinala ko na iisa lamang ang tono noon sa babaeng nasa ala-ala ko noong nangyari ang bagay na iyon sa akin. “Tinulungan ko si Alana na dalhin ka rito nang bigla ka na lamang nawalan ng malay,” pagku-kuwento sa akin ni Demetrius, ngunit kahit na ano pang pilit ko sa aking sarili, hindi ko talaga maalala na ako pala ay nawalan ng malay. Ang tanging naaalala ko lamang talaga ay ang boses ng babaeng iyon at ang boses ni Alana na alam kong parehas na parehas talaga sa isa’t-isa. Iyon lamang ang tangi kong naaalala sa ngayon, kaya naman hindi ko maiwasang pagmasdan si Alana na para bang nais kong malaman na talaga ang mga panahon na kasama ko siya, ngunit alam ko na na hindi ganoong magiging madali iyon. “Ano ba talaga ang nangyari, Ambrose?” pagtatanong sa aking ni Demetrius na para bang gulong-gulo siya sa lahat ng mga nangyari, ngunit hindi ko siya pinansin at patuloy lamang ako sa pagtitig kay Alana na para bang makukuha ko sa kaniyang mukha ang mga sagot sa mga tanong na nasa aking isipan. “Bigla ka na lamang nagkaganoon noong sinabi ko ang nangyari sa akin sa labas ng aking tahanan.” Tinapunan ko ng tingin si Demetrius, at nakita ko kung paano siya sumulyap kay Alana - na ngayon ay nakatingin pa rin sa akin – nang may seryosong ekspresiyon sa kaniyang mukha na para bang may pinag-usapan ang dalawang ito habang ako ay wala pang malay. “Tinanong ko si Alana kung may ganoon ka bang karanasan noon na hindi mo lamang maalala, ngunit sinabi niya sa akin na hindi naman kayo magkakilalal noon pa man.” Nakita ko kung paano napatigil si Alana nang dahil sa mga sinabi ni Demetrius, at alam ko kung bakit siya nagkakaganoon. Alam ko kung bakit ganoon na lamang ang kaba na makikita sa kaniyang mukha – na sinusubukan niyang itago sa akin ngunit hindi naman siya nagtatagumpay sapagkat kitang-kita ko pa rin iyon kahit na ano pa ang kaniyang gawin. Alam ko kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksiyon niya sapagkat alam niya na alam kong nagsisinungaling na naman siya. Alam ko na muli na naman siyang magtatago ng lihim, at hindi ko inaasahan na kahit na hindi ako ang kaniyang kausap, ganoon pa rin ang magiging sagot niya – na para bang wala talaga siyang alam, na para bang hindi niya talaga ako kilala kahit alam naming dalawa na hindi naman talaga iyon ang totoo. “Ano ang nangyayari, Ambrose?” naguguluhang tanong ni Demetrius sa akin, ngunit patuloy lamang ako sa pagtingin kay Alana at inoobserbahan ang kaniyang bawat galawa, pati na rin ang ekspresiyon sa kaniyang mukha. “Ang akala ko ay magkakilala na kayo ni Alana noon pa man, at hindi mo lamang siya maalala sapagkat iyon ang aking nakikita sa tuwing pinagmamasdan ko kayong dalawa, ngunit ano ang nangyayari ngayon?” Nakita ko kung paano nahihirapan si Alana nang dahil sa mga tinatanong ni Demetrius sa akin. Nakikita ko na pinipigilan niyang muli ang kaniyang sarili, at alam ko na hindi magtatagal ay makapagsasabi na siya ng mga bagay na ninanais niyang itago sa akin – sa amin – kahit na hindi niya iyon ninanais. “Alana!” Napatigil muli si Alana nang marinig niya ang pagsigaw ni Demetrius, ngunit hindi siya tumingin sa lalaki at nanatili lamang ang kaniyang mata sa aking direksiyon. Hindi siya gumalaw na para bang natatakot siyang may mangyaring kakaiba kung haharap siya sa taong ‘yon. “Ilang beses kitang tinanong ngunit hindi ka rin naman nasagot sa akin. Ano ba talaga ang nangyayari? Ano ba talaga ang tinatago n’yong dalawa sa akin?” Parehas kaming napatigil ni Alana nang marinig namin iyon kay Demetrius, sapagkat hindi namin inaasahan na magtatanong siya nang ganoon sa amin. Parehas naming hindi inaakala na maririnig namin ang bagay na katulad noon mula sa kaniya. “Tinuturing ko na kayong aking mga kaibigan, kahit na hindi pa ganoong katagal magmula noong tayo ay nagkakilala,” sambit niya sa aming dalawa, ngunit nanatili lamang kaming walang sinasabi at walang imik sapagkat hindi rin namin alam ang kaniyang mga sinasabi. “Tapos ngayon, malalaman ko na para bang may tinatago kayo sa akin? Na para bang hindi ako mapagkakatiwalaan at hindi n’yo man lang masabi sa akin ang bagay na iyon?” “Wala rin akong alam, Demetrius.” Pagpuputol ko pa sa kung ano pa mang sasabihin niya, bago ako muling tumingin kay Alana na ngayon ay hindi na makatingin sa akin na para bang hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. “Ganoon din ang inakala ko noong una, na hindi kami magkakilala ni Alana, ngunit habang tumatagal na kami ay magkasama, para bang may tinatago siya sa akin.” Doon lamang napabaling muli si Demetrius kay Alana, at alam ko na kahit hindi nakaharap si Alana sa kaniya, nararamdaman pa rin nito ang talim ng tingin ni Demetrius sapagkat tila ba nais talaga nito malaman ang lahat – na para bang sa kaniya may kasalanan si Alana at hindi sa akin. “Bakit mo ginagawa ang bagay na ito, Alana?” tanong ni Demetrius sa kaniya, na ngayon ay may kunot sa kaniyang noo at puno ng kaguluhan ang kaniyang mukha. “Bakit kailangan mong maglihim kay Ambrose, Alana?” Iyon din ang tanong na matagal ko nang tinatanong sa kaniya – ang mga tanong na kahit kailan ay hindi niya nagawang sagutin sa kadahilanang hindi ko rin mawari kung ano, at ang natatanging nagawa ko na lamang ay hayaan siya sapagkat alam ko na hindi naman talaga siya magsasalita kahit na ano pa man ang aking gawin, kahit na magmakaawa pa ako sa kaniya ay wala ring mangyayari. “Bakit nagiging ganito ang lahat?” Nanatili kaming tahimik ni Alana, habang patuloy naming pinagmamasdan ang isa’t-isa na para bang hindi nagtatanong si Demetrius sa aming dalawa – na para bang mga bingi kami at hindi siya naririnig. “Sagutin ninyo ako!” Akala ko ay matatakot at kakabahan si Alana nang dahil sa bigla na lamang pagsigaw ni Demetrius, ngunit ganoon na lamang ang aking naging gulat nang makita ko na para bang kalmado pa rin siya. Nakita ko na para bang hindi siya nakaramdam nang kung ano man nang dahil sa mga sinabi ni Demetrius sa aming dalawa. Tila ba nawalan ng buhay ang kaniyang mga mata. Nawalan iyon ng kislap, na dati naman ay lagi kong nakikita sa tuwing siya ay makipag-uusap sa aming dalawa ni Demetrius – na para bang may pinipigilan siyang sabihin sapagkat alam niyang iyon ang magiging katapusan ng lahat. “May mga bagay na mas maganda na lamang kung hindi sasabihin, Demetrius,” sambit niya sa malamig na boses, na nakapagpa-tigil sa aming dalawa ni Demetrius sapagkat tila ba hindi si Alana ang kausap namin ngayon. “May mga bagay na mas makabubuti na lamang para sa ating lahat na itago at hindi na sabihin pa, sapagkat mas makasasakit lamang iyon ng damdamin kung isisiwalat pa.” Wala pa ring emosyon ang kaniyang mukha habang sinasabi niya ang mga katagang iyon, at mas pinili ko na lamang din ang manahimik sapagkat iyon din naman ang inaasahan kong sagot mula sa kaniya. Iyon din naman ang inaasahan kong marinig mula sa kaniya. Hindi na ako naasa pang may sasabihin siya tungkol sa akin. Hindi na ako naasa na aaminin niya ang lahat ng kaniyang nalalaman, sapagkat sinabi na niya sa akin noong una pa lamang na wala siyang sasabihin sa akin na kahit ano pa man – wala siyang isisiwalat sapagkat may malalim siyang dahilan kung bakit niya ginagawa ang bagay na katulad nito. “Pumapayag ka na ganito ang inaakto ni Alana, Ambrose?” hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Demetrius na para bang hindi siya makapaniwala na ayos lamang sa akin na ganito kami ni Alana, na wala kaming sinasabi tungkol doon kahit na alam namin sa isa’t-isa na may nalalaman siya. “Pumapayag kang samahan ka niya kahit na nasa kaniya na ang kasagutan na nais mong malaman?” Hindi. Hindi kailanman ay ayos lamang sa akin na ganito kaming dalawa, kahit na alam namin sa isa’t-isa na may kaugnayan siya sa aking nakaraan – kahit na alam niyang may kinalaman siya sa lahat ng mga bagay na nais kong malaman. Imbis na sagutin ko ang tanong ni Demetrius, mas pinili ko na lamang ang mag-iwas ng tingin sapagkat hindi ko nais na saktan si Alana. Hindi ko nais na ipitin siya sa sitwasyon na mapipilitan siyang magsabi ng totoo kahit na alam kong may sapat siyang dahilan kung bakit niya ginagawa ang bagay na iyon – kahit na alam kong ginagawa niya iyon sapagkat nais niyang protektahan ako. “May kaunti akong naalala tungkol sa aking nakaraan,” iyon na lamang ang aking sinabi sapagkat hindi ko na nais pang maipit si Alana sa sitwasyon namin ngayon, kahit na nakapag-usap na kaming dalawa tungkol sa bagay na iyon. “Kaya ata ako nawalan ng malay sapagkat sumakit ang aking ulo nang dahil sa aking mga naalala noong mga oras na iyon.” “Ano ang iyong mga naalala?” tanong sa akin ni Alana na para bang nasisiyahan siya na may naalala na ako kahit kaunti – na nakapagpagulo na naman sa akin sapagkat hindi ko inaasahan na ganito ang kaniyang magiging reaksiyon sa oras na sambitin ko ang bagay na ito. Para bang nagagalak siya na may naalala na ako tungkol sa aking nakaraan, ngunit hindi ko mawari kung bakit ganoon ang reaksiyon niya sapagkat alam ko kung gaano niya itinatago sa akin ang mga nalalaman niya – alam ko kung ano ang kaya niyang gawin para lamang hindi niya masabi sa akin ang kaniyang nalalaman. Nais kong magtanong sa kaniya, sapagkat labis na naman akong naguguluhan. Nais kong linawin ang kaniyang intensiyon, ngunit sa iisiping muli na naman akong mabibigo kung gagawin ko ang bagay na iyon, mas pinili ko na lamang ang hindi magtanong at sagutin na lamang ang kaniyang katanungan. Lumingon ako muli sa kaniya, at doon ko nakita na akmang magtatanong si Demetrius nang dahil sa bigla na lamang inakto ni Alana, ngunit nang makita niya kung paano ako umiling sa kaniya, tumango na lamang ito at nag-iwas ng tingin na para bang hindi na niya nais pang manggulo sa mga pangyayari ngayon. Nakita ko na napipilitan lamang siya ng mga oras na iyon, ngunit wala na lamang siyang sinabing kung ano at pinili na lamang nito ang manahimik na para bang nais niyang i-respeto ang aking desisyon – na para bang alam niya na wala na rin naman siyang magagawa maliban na lamang sa makinig sa mga sasabihin ko kay Alana. Nang makita ko na nanahimik na lamang sa gilid si Demetrius, binigyan ko na muli ng pansin si Alana, na ngayon ay nakangiti sa akin na para bang nasisiyahan siyang marinig na may naalala na ako kahit na kaunti lamang iyon – na para bang nagagalak siya na isiping may ideya na ako tungkol sa aking nakaraan. Bumalik na ang kislap sa kaniyang mga mata, na para bang ang Alana na nakita namin kani-kanina lamang ay ibang tao, ngunit agad din iyong nawala at napalitan ng pag-aalala nang makita niya ang ekspresiyon sa aking mukha. Alam ko na may labis na kaguluhan doon. Alam ko na hindi ko na naitago pa ang pagkunot ng aking noo habang paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan ang mga salitang sinambit ng boses na iyon sa akin gala-ala. Ang boses na alam kong pagmamay-ari ni Alana, sapagkat iyon talaga ay napaka-pamilyar sa akin. Bumuka ang aking bibig at isa-isa kong sinambit ang mga bagay na naalala ko na, at doon ko nakita kung paano nagbago ang ekspresiyon sa kaniyang mukha. Doon ko nakita kung paano bigla na lamang natahimik si Alana at tuluyan na ngang nanwala ang masayang kislap sa kaniyang mga mata. Napa-labi pa nga ito na para bang muli niyang pinipigilan ang kaniyang sarili na magsabi nang kung ano pa man, na para bang alam na niya na may tatanungin ako pagkatapos kong magkuwento sa kanilang dalawa ni Demetrius. Nakita ko rin na para bang inoobserbahan ni Demetrius ang bawat galaw na ginagawa ni Alana, habang patuloy lamang ako sa pagsasabi kung ano man ang mga bagay na naalala noong mga oras na iyon. “Hindi ko alam kung ano ang naging dahilan kung bakit bigla ko na lamang naalala ang mga bagay na iyon,” sabi ko at napailing na lamang ako, bago ako tumingin kay Alana, na ngayon ay nakatungo lamang na para bang may nagawa siyang kasalanan. “Hindi ko alam kung bakit bigla na lamang iyon bumalik sa aking isipan, ngunit may isa akong nakumpirma nang dahil sa ala-ala kong iyon.” “Ano iyon?” si Demetrius ang nagtanong ng bagay na iyon sapagkat nanatiling tahimik si Alana habang nakaupo ito sa aking tabi – habang nakatungo lamang ito at tila ba walang balak na magsabi nang kung ano pa man. Nakikita ko na para bang may ideya na siya kung ano ang nakumpirma ko nang dahil sa mga pangyayari na naalala ko. Nahinuha na niya kung ano ang nais kong iparating, ngunit wala naman siyang ginawa para pigilan akong magsalita. Wala siyang sinabi at nanatili lamang siyang nakaupo sa aking tabi, na para bang hindi niya ninanais na umalis kahit na alam niyang may kaugnayan ang aking susunod na sasabihin sa kaniya – kahit na alam niyang may koneksiyon ang nais kong iparating sa kaniya. “Ang boses ng babaeng iyon ay parehas lamang sa boses ni Alana.” Nakita ko kung paano napatigil si Demetrius nang dahil sa aking mga sinabi, ngunit hindi ito nagsalita nang kung ano pa man. Nanatili lamang ito sa kaniyang kinatatayuan habang inoobserbahan nito ang reaksiyon ni Alana sa aking mga sinabi. Inoobserbahan lamang nito ang mga bagay na ginagawa nito, ngunit tila ba hindi rin inaasahan ni Alana na didiretsahin ko sila nang ganoon sapagkat napatigil na lamang siya habang nakatingin sa aking gawi. Hindi ako nagpatalo nang dahil lamang sa kaniyang mga tingin. Hindi ako nagpapigil sa aking sumunod na tanong habang ako ay patuloy na nakatingin lamang sa mga mata ni Alana na ngayon ay may labis na pangamba. “Aminin mo sa akin, Alana,” sabi ko sa kaniya nang may seryosong ekspresiyon sa aking mukkha bago at tuluyang nagtanong sa kaniya, “Ikaw ang babaeng iyon na nasa akin gala-ala, hindi ba?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD