Ilang araw pa kaming nanatili ni Alana sa bayan kung saan nakatira si Demetrius. Walang nagsalita sa amin tungkol sa mga ala-ala ko na bigla na lamang bumalik sa aking isipan. Walang nagbanggit ng mga bagay na sinambit ko noong araw na iyon, kahit na si Demetrius ay tikom ang bibig sapagkat hindi rin niya nais na maipit sa gitna ng hindi namin pagkakaintindihan ni Alana.
Tinanong ko siya. Tinanong ko siya kung itatago pa rin ba niya ang katotohanan kahit na napatunayan ko nang kasama siya sa mga taong nakalimutan ko, ngunit nanatili pa ring tikom ang bibig niya kaya naman hindi ko na lamang sinubukan pang muli.
Hindi ko na lamang siya pinilit sapagkat alam ko na magiging dahilan lamang iyon upang mag-away kaming dalawa. Magiging dahilan lamang iyon upang mawala ang mga pinagsamahan naming dalawa matapos kong magising sa mundong ito nang walang ala-ala – magiging dahilan lamang iyon upang lumayo siya sa akin, at hindi ko ninanais na may ganoong bagay ang mangyayari sa aming dalawa.
Walang nagbanggit sa aming tatlo ng mga bagay na napag-usapan namin noong araw na iyon, na para bang wala naman talagang nangyari – na para bang mas lalo lamang gumulo ang lahat nang dahil sa mga isiniwalat ko sa kanilang dalawa. Tila ba hindi na nila nais pang palakihin ang apoy na sinimulan ko.
Alam ko na gustong-gusto ni Demetrius na magtanong sa aming dalawa ni Alana, ngunit sa tuwing makikita niya kaming dalawa na wala pa ring imik at hindi pa rin nag-uusap magmula noong araw na iyon, siya na lamang ang umiiwas sa amin na para bang siya ang may kasalanan – kahit na naiipit lamang siya sa gulo naming dalawa ni Alana.
Nais ko ngang humingi ng paumanhin sa kaniya. Nais kong sabihin na hindi naman niya kailangang iwasan kami sa sarili niyang tahanan sapagkat ito ay sariling pagmamay-ari niya. Kami ang nakikitira sa kaniyang tahanan, ngunit siya pa ata ang kailangang gumawa ng paraan upang hindi na magningas pa ang nag-iinit na pakikitungo na’min ni Alana sa isa’t-isa.
Nakakahiya mang aminin, ngunit nararamdaman ko nang hindi na komportable pa si Demetrius nang dahil sa mga nangyayari sa amin ni Alana. Nararamdaman ko na hindi na siya komportble na naririto kami sa tahanan niya, at umaakto nang ganito, kaya naman ngayong araw, nais kong kausapin si Alana.
Nais kong sabihin na ipagpapatuloy ko pa rin ang paghahanap ko ng katotohanan – kahit na hindi ko pa rin mawari kung paano ko naalala ang mga bagay na iyon, kahit na wala akong ka-ide-ideya kung paano ko na lamang basta naalala ang mga bagay na iyon.
Nais ko nang umalis dito sa tahanan ni Demetrius, kahit na wala naman siyang sinasabi na kailangan na talaga naming umalis. Ngunit alam ko rin naman na hindi na rin kailangan sa kaniya pa manggaling iyon sapagkat sapat na sa akin iyong mga inaakto niya nitong mga nakaraang araw upang magdesisyon ako nang ganito.
Sapat sa akin na nakikita kong para bang hindi na siya komportable na nakikita niyang malamig ang pakikitungo na’min ni Alana sa isa’t-isa upang mapagdesisyunan ko na oras na upang umalis sa tahanan na ito.
Sa kasulukuyan ay hinahanap ko si Alana upang makapag-usap na kami sa desisyon kong ito, at para na rin maayos na namin itong hindi namin pagkakaintindihan nitong mga nakaraang araw.
Alam ko kasi na makakaapekto lamang sa aming gagawin pang paglalakbay kung hindi kami mag-uusap nang maayos, dahil nitong mga nakaraang araw na nagdaan, nag-uusap lamang kami sa tuwing may itatanong ako sa kaniya o ‘di kaya naman ay may kailangan kami sa isa’t-isa, ngunit bukod pa roon, wala na kaming mahabang usapan.
Hindi katulad noong nakaraan na kahit na ano pa mang mapag-usapan na’min ay ayos lamang sa aming dalawa. Wala kaming reklamo at mas gusto pa nga naming mas pahabain pa ang aming pinag-uusapan.
Nais kong bumalik sa ganoong pakikitungo niya sa akin kaya rin gusto ko siyang maka-usap ngayon. Nais kong bumalik kaming muli sa dati, ngunit kung hindi naman na niya nais na maging ganoon muli kami, mas ayos na lamang din siguro kung magkaayos lamang kami sapagkat kahit hindi niya sabihin, hindi siya papayag na ako lamang mag-isa ang maglalakbay sa mundong ito.
Alam ko na hindi siya papayag na ako lamang mag-isa ang haharap sa lahat ng hamon na alam ko na makahaharap ko, kaya naman mas mabuti na lamang talaga na magsalita na ako bago pa man kami umalis sa tahanan ni Demetrius – bago kami lumisan sa bayan na ito.
Ilang beses pa akong nagpaikot-ikot sa tahanan ni Demetrius, hinahanap kung nasaan si Alana, at tumigil lamang ako sa aking paghahanap nang makita ko na kung nasaan siya. Napatigil ako at hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ba ang paglapit sa kaniya, sapagkat tila ba nasisiyahan siya sa kaniyang ginagawa ngayon.
Siya ngayon ay nakipaglalaro sa mga bata na sa tingin ko ay naninirahan sa mga tahanan na karatig ng bahay ni Demetrius. May ngiti sa kaniyang mga labi habang nakipaghahabulan siya sa mga ito, at sa tuwing siya ay mahahabol nang isa sa kanila, titigil ito at bibigyan ang mga ito ng pagkain na hindi ko alam kung saan niya nakuha iyon.
Nang mapagod na ang mga bata na kalaro nito, para bang wala lang sa kaniya na umupo sa maruming daanan ng lugar na ito at nakipagtawanan sa mga kuwento ng mga batang kalaro niya kani-kanina lamang.
Patuloy kong pinagmamasdan si Alana habang siya ay nakikipagkulitan sa mga batang iyon, at hindi ko na namalayan pang naka-ngiti na rin pala ako. Hindi ko namalayan na labis akong nasisiyahan na nakikita ko siyang ganito.
Para bang may humaplos sa aking puso, at hindi ko magawang sirain ang kasiyahan na mayroon siya ngayon. Hindi ko nais na maging dahilan upang maging problemado na naman siya nang dahil sa akin.
“Mas mabuti na lamang siguro kung mamaya na lamang kami mag-uusap ni Alana,” bulong ko sa aking sarili, ngunit hindi pa man ako nakalalayo sa aking kinaroroonan kanina, napatigil na naman ako nang marinig ko siyang tinawag ang aking pangalan.
Unti-unti akong lumingon muli sa kaniyang kinaroroonan, at doon ko lamang nakita na nakatayo na siya at nakalapit na sa aking kinaroroonan. Ang mga kabataan na nakapaligid sa kaniya kanina ay ngayon ay naglalaro nang muli nang wala siya.
May kunot muli sa mga noo ni Alana, at wala na ang masayang kislap sa kaniyang mga mata na kani-kanina lamang ay naroroon – at hindi ko mapigilan ang masaktan sapagkat alam ko na ako ang dahilan kung bakit naging ganoon na naman siya. Alam ko na ako ang dahilan upang umakto na naman siyang ganoon, kahit na hindi ko naman ninanais na maging ganoon siya nang dahil sa akin.
“May kailangan ka ba?” tanong niya sa akin nang may kunot pa rin sa kaniyang noo, at akmang iiling ako upang sabihin na wala lamang iyon at makapaghihintay ako sapagkat nakikita ko kung gaano siya nasisiyahan sa ginagawa niya kanina, ngunit nang marinig ko ang kaniyang sumunod na sinabi, agad akong tumango sa kaniya at hindi na nagdalawang isip pa. “Nais nga rin pala kitang makausap.”
Nakita ko na para bang hindi siya sigurado sa kaniyang mga sinasabi, ngunit nagawa pa rin niyang sambitin iyon. Narinig ko ang hesitasyon, ngunit hindi iyon naging hadlang upang sabihin niya ang bagay na iyon sa akin, kaya naman tumango na lamang ako sa kaniya at nakapamulsang tumalikod sa kaniya.
“Sa loob na lamang tayo ng tahanan ni Demetrius mag-usap,” sambit ko sa kaniya nang may malambot na tono sa aking boses upang iparating sa kaniya na hindi niya kailangang umakto pa nang ganoon sapagkat naiintindihan ko naman kung bakit siya kinakailangang itago ang kaniyang mga nalalaman.
Naramdaman ko na tahimik lamang siyang sumunod sa akin hanggang sa magkaharap na kaming dalawa sa maliit na hapagkainan ni Demetrius. Parehas lamang kaming tahimik, at tila ba nangyari na naman ang nangyari noong unang beses na sinabi niya sa akin na siya ay sasama sa aking paglalakbay.
Para bang bumalik kami sa dati, ngunit alam ko rin na maaayos namin ito katulad na lamang nang mga nangyari noon. Alam ko na maaari pa kaming bumalik sa panahong ayos pa kaming dalawa at walang problema na naririto siya sa kaing tabi, kahit na tila ba napaka-imposible na no’n ngayon.
Akmang magsasalita si Alana at alam ko na ang kaniyang mga sasabihin. Alam ko na hihingi na naman siya ng tawad sa akin, kahit na hindi naman talaga niya kailangang gawin iyon sapagkat naiintindihan ko kung bakit niya ginagawa ang mga bagay na ito. Naiintindihan ko kung bakit kailangan niyang umakto nang ganito sa akin, pati na rin kay Demetrius na alam kong gulong-gulo na sa mga nangyayari sa akin.
“Hindi mo na kailangan pang humingi ng tawad sa akin, Alana,” sambit ko sa kaniya, at nakita ko kung paano siya napatingin sa akin na para bang hindi niya inaasahan na sasabihin ko ang bagay na ganoon s akaniya. “Hindi ba’t sinabi ko na na naiintindihan kita?” Nginitian ko siya, bago ako marahang umiling. “Kaya naman hindi mo na kailangan pang ipaliwanag kung bakit mo itinatago pa rin ang katotohanan kahit na may ideya na ako na magkakilala tayo noon pa man.”
“Ambrose.” Mas lalo pang lumapad ang aking ngiti, na para bang sinasabi ko sa kaniya na ayos lamang talaga sa akin iyon, at mukhang hindi na alam ni Alana kung ano ang kaniyang sasabihin sapagkat nanatiling nakaawang ang kaniyang labi na para bang hindi siya sigurado kung ano ang kaniyang sasabihin sa akin.
“Ayos lamang sa akin kung hindi ka magsasalitang muli,” pagpapagaan ko ng kaniyang loob, bago ko diretsahang sinabi sa kaniya ang isa pang dahilan kung bakit ko siya hinahanap kanina. “Ngunit mas mabuti siguro kung magpaliwanag ka kay Demetrius sapagkat tila ba naguguluhan na siya sa mga nangyayari sa ating dalawa.”
Dahan-dahan siyang tumango na para bang iniisip niya ang lahat ng aking sinasabi, bago siya nagsalita at nagsabing, “Gagawin ko ang bagay na iyon.” Muli siyang nanahimik na para bang malalim ang kaniyang iniisip, bago siya tumingin muli sa akin. “Ano nga pala ang iyong sasabihin sa akin?”
Ngumiti ako sa kaniya na wala lamang iyon at hindi naman iyon ganoong ka-importante, ngunit mukhang alam niya na mayroon talaga akong nais na sabihin sa kaniya sapagkat inoobserbahan niya ang bawat pagbabago ng ekspresiyon ko sa aking mukha.
“Alam ko na may nais kang sabihin sa akin, Ambrose,” sabi niya sa akin, bago niya hinawakan ang aking kamay na nasa mesa na nasa pagitan naming dalawa. Marahan niya iyong pinisil bago niya sinabing, “Huwag ka nang magdalawang isip pa at sabihin mo na sa akin kung ano ang iyong nais sabihin.”
Mukhang wala na rin naman akong pagpipilian sapagkat nakikita ko sa kaniyang mukha na hindi niya ako hahayaang umalis rito sa aking kinauupuan hanggang sa hindi ko sinasabi sa kaniya ang nasa aking isipan. Alam ko na hind niya ako paaalisin hanggang sa hindi ko sinasabi sa kaniya ang nais kong sabihin.
Mahina akong napa-buntong hininga, bago ko sinabi sa kaniya, “Nais ko nang ipagpatuloy ang ating paglalakbay.” Tumingin ako sa kaniyang mga mata, at mukhang inaasahan na niyang sasabihin ko ang bagay na iyon sapagkat walang bahid na pagkagulat kahit na saan pa man ako tumingin. “Nais ko na muling hanapin ang katotohanan, dahil mukhang may malalaman ako kung ipagpapatuloy ko ang paglalakbay ko sa mga bayan sa mundong ito.”
Tumango muli si Alana sa aking sinabi na para bang naiintindihan niya ang lahat ng aking mga sinabi, bago niya muling hinigpitan ang pagkakahawak sa aking mga kamay. Hindi niya inalis ang kaniyang tingin sa aking mga mata, bago ito unti-unting ngumiti sa akin.
“Sigurado ka na bang nais mo nang lumisan?” tanong niya sa akin.
Akmang sasagot ako sa kaniyang mga sinabi, ngunit nabitin ang aking mga salita nang bigla na lamang kaming nakarinig ng salita mula sa taong kadarating lamang sa loob ng tahanan na ito.
“Sino ang lilisan?”
Si Demetrius iyon at tila ba hindi niya mawari kung bakit kailangang may lumisan sa kaniyang tahanan.