Chapter 20

1408 Words
Chapter 20 Trisha's PoV “Trish, pwede bang ayusin na natin ang lahat? Pwede bang manligaw?” Hindi pa rin pala titigil si Raven sa tanong niyang iyon. Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Parang hindi pa ako handa. Parang panaginip pa rin ang lahat. Tinuloy ko na ang pag bihis. Hindi ko na siya sinagot pa dahil hindi ko pa rin talaga alam kung anong gagawin ko. “Alright, if you need some time, maghihintay ako,” sabi niya at inalok akong ihatid sa tinutuluyan ko. Nasa kalagitnaan ng byahe nang huminto siya sa isang fast food. Hapunan na kaya hindi na rin ako umangal pa nang bigla bigla na lang siyang nagdedesisyon na hindi man lang ako tinatanong. Gutom na rin naman ako kaya hinayaan ko na rin siya. Pagdating namin sa loob, agad siyang nag-order dahil maikli lang ang pila sa counter. Hindi niya na rin ako tinanong kung anong gusto ko. Pero habang pinapakinggan ko ang bawat salita niya habang umoorder, hindi ko maiwasan na hindi mamangha dahil alam niya kung ano ang gusto kong kainin. Hindi pa rin niya nakakalimutan. Hinawakan niya ang kamay ko pagkatapos niyang umorder at iginiya niya ako sa pinakadulong upuan doon sa sulok. Saglit lang namin hinintay ang order. At hindi ko mapigilan ang pag ngiti habang hinahain niya sa harap ko ang spaghetti, fried chicken, nuggets, at strawberry ice cream. “Thank you, Rav,” sabi ko na halos pabulong na. Sa totoo lang kasi, naiiyak ako. Naaalala ko ang malungkot kong kabataan. FLASHBACK. . . Limang taon pa lang ako noon, masyado pang bata para mamulat sa magulong mundo. Palagi kong naririnig ang nanay ko na umiiyak tuwing gabi. Nakikita ko ang pasa niya sa mukha, braso, at kung saan saang parte ng kanyang katawan. Dahil ang tatay ko ay isang manginginom, babaero, at sugarol. Palagi niyang binubugbog ang nanay ko sa hindi malinaw na dahilan. Basta mabigat ang kamay niya. Noong una ay hindi ko maunawaan ang mga bagay na yun. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun ang tatay ko. Hindi ko rin maunawaan kung bakit palagi silang nag aaway nila nanay. Hanggang sa isang araw ay hindi ko na nakita si Nanay. Walong taon na ako noon nang iniwan niya ako. Noong kinagabihan ay niyakap pa niya ako habang umiiyak. “Tring-tring, babalik si Nanay ha. Kain ikaw palagi,” bulong niya sa akin habang ako ay tulog. Hindi ko alam kung dahil masyado pa akong bata noon o panaginip lang ba, hindi kasi malinaw ang memory na ‘yun. Parang sa pagkakatanda ko ay madilim ang paligid at buhat buhat ni Nanay ang malaki niyang bag na butas butas. Nagmamadali siyang umalis. Pag gising ko kinabukasan ay hindi ko na siya nakita. Hindi ko na muling nasilayan ang kanyang mukha. Hindi ko na kailan pa narinig ang kanyang boses. Hindi ko na pala mararamdaman ulit ang kanyang haplos. Basta iniwan na lang niya ako ng ganun ganun na lang. Sumama na pala siya sa ibang lalaki. Ang sabi ng lola ko noong nabubuhay pa siya, paglaki ko, mauunawaan ko rin daw kung bakit ginawa yun ng nanay ko. Pero kahit anong pag iisip ang gawin ko, hindi ko maintindihan. Paano niya na atim na iwan ang musmos niyang anak? Iniwan niya ako sa taong nananakit. Dahil iniwan na kami ni Nanay, ako ang napagbuntunan ng galit ng tatay ko. Sa murang edad, nakaranas ako ng matinding hagupit. Habang nararamdaman ko ang hapdi ng palo niya. Doon ko bahagyang naunawaan kung bakit mas pinili ni Nanay ang tumakas at iwan ako dahil masakit. Mabuti at nariyan pa ang lola ko. Kahit papaano ay may pumoprotekta pa rin sa akin. May nagpapakain. Kung hindi dahil sa kanya, siguradong patay na ako sa bugbog o dili kaya’y sa gutom. Ngunit pinanganak yata talaga akong malas. Ilang buwan pa lang ako sa pangangalaga ng lola ko, kinuha na siya agad ng Langit. Malas. Napaka saklap ng buhay ko. Hindi naman nagtagal ang pang aabuso ng tatay ko. Dahil kahit papaano ay may mga tao pa ring mabuti. May kapitbahay kami na nagsumbong sa barangay at kinulong ang tatay ko. Pagkatapos ay napunta na ako sa aking tiyahin. Iyon nga lang, gaya ng tatay ko, ang tiyahin ko ay mabigat ang kamay. Nasa lahi yata nila iyon. Hindi pa rin pala ako nakatakas sa kamay na bakal. Dagdag pa ang mga pasa sa katawan ko tuwing gabi, tahimik kong pinapasan ang lungkot sa aking dibdib. Hindi ko maiwasang mainggit sa mga batang kaedad ko na may kumpletong pamilya. Mga batang tuwang tuwa sa hapag-kainan tuwing umuuwi ang kanilang magulang mula sa trabaho, may yakap at halik ng tatay, samantalang ako ay nasa isang sulok lang, tahimik na naiinggit, tahimik na umiiyak. Nangungulila sa magulang. Isang hapon, habang naglalakad pauwi galing school, basa ang tsinelas ko habang mabagal akong naglalakad sa gilid ng kalsada. Ang lamig ng ulan, pero mas malamig yata ang pakiramdam ko sa loob. Napahinto ako sa harap ng isang fast food. Sa likod ng malalaking salamin, nakita ko ang isang pamilyang magkakasama. May hawak silang tray na may spaghetti na maraming sarsa at sahog na hotdog, fried chicken na umuusok pa sa init, at isang kahon ng nuggets. Napalunok ako. Parang biglang umikot ang tiyan ko sa gutom. Isang tinapay lang kasi ang nabili ko sa baon ko. Napatitig lang ako, hindi makagalaw. Kumakain sila habang nagtatawanan, nagsusubuan pa. Yung isang bata, dinukot yung nuggets sa kahon, isinawsaw sa sauce, at ngumiti habang sinusubo ito. “Ano kaya ang lasa nun?” bulong ko sa sarili ko. Nuggets. Wala pa akong natitikman nun kahit minsan. Lagi ko lang nakikita sa TV, sa mga commercial na puro tawa at saya. Pero sa totoong buhay ko, wala. Kumalam ang sikmura ko, at kasabay noon, may kumukurot sa dibdib ko. Napapikit na lang ako nang mariin at pilit pinipigilan ang mga luhang gustong kumawala sa aking mga mata. Napahawak ako sa laylayan ng basang damit ko. Para akong pulubi sa sarili kong paningin. Isang batang nasa labas ng salamin, nanginginig sa ulan, habang sila sa loob ay binabalot ng init ng pagmamahal. Tumingala ako sa madilim na ulap. Hindi ko alam kung ulan ba ang bumabasa sa pisngi ko o kung luha na. Pero alam ko at ramdam ko na ‘yung gutom na hindi lang sa tiyan, kundi pati sa puso. Gutom sa pagmamahal, sa pag-aalaga, sa simpleng yakap at pasalubong ng isang magulang. Wala akong magawa noon kundi mangarap. Na sana isang araw ay sana, may darating din para sa akin. Isang araw ay kakain din ako ng spaghetti, ng fried chicken, ng nuggets na kasalo ko ang aking pinakamamahal. Pero habang hindi pa dumarating 'yon, pinunasan ko ang pisngi ko gamit ang kamay, huminga nang malalim, at muling naglakad. Basang-basa sa ulan. Kakalimutan na lang ang kalungkutan. Wala naman mangyayari sa buhay ko kung magmumukmok ako. Ganun pa man, lumuluha ang mata ko habang pinagmamasdan ang eksenang gusto ko ring maranasan, kahit isang beses lang. Bakit kaya napakalungkot ng kapalaran ko? Kahit saan ako dalhin ng munti kong mga paa, ang destinasyon ko ay kasawian. Pag-uwi ko sa bahay ng tiyahin ko ay gabundok na hugasan ang bubungad sa akin. Pagkatapos maghugas ng mga plato, hindi doon matatapos at makakapagpahinga dahil isa lang ang pares ng uniporme ko kaya kailangan ko itong labhan agad para matuyo kinabukasan. Habang nagsasampay sa labas, maririnig ko ang masayang tawanan ng kapitbahay. Ang excitement nang dumating ang tatay na may dalang pasalubong. Sweldo niya yata. Napangiti na lang ako ng mapait. Masasanay din ako. END OF FLASHBACK. . . “Ok ka lang ba Trish?” Napa igtad ako nang marinig ko ang kalmadong boses ni Raven. Napabalik ako sa kasalukuyan. Oo nga pala, nasa kalagitnaan kami ng dinner namin ni Raven. Ngumiti ako ng tipid at pilit na tinago ang kalungkutang nadarama sanhi ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan. “Ok naman. Salamat, Rav.” Tumitig siya sa mga mata ko at ngumiti ng ubod ng tamis. yung ngiti na nagpa-in love sa akin. “Childhood crush mo ‘ko ‘di ba? Bakit? Ano bang nagustuhan mo sa’kin. Trish?” Halos maubo ako sa tanong niya. Hindi ko inaasahan ang tanong na ‘yun. Bagamat nahihiya ako na umamin sa kanya, hindi ko naman mapigilan ang ngumiti dahil naalala ko na naman ang nakaraan namin. Kung bakit ako nahulog sa kanya. ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER. . .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD