“Bettina, alam mo ba kung bakit sa tuwing mag-e-excursion tayo ay dito na lang lagi sa Bahay Tagpuan tayo pumupunta? Hindi na ba nagsasawa ang departamento natin dito?” gusumot ang mukhang bulong ni Trina sa kaniya. Kasalukuyan silang nagbubuhat ng mga lumang laruan na ipamimigay nila sa mga bata mamaya.
Ang Bahay Tagpuan na sinasabi nito ay isang orphanage sa bayan ng San Mateo. At tuwing excursion nila ay doon sila pumupunta.
“Hindi ko rin alam. Kaya pwede ba, huwag ka na lang magreklamo d’yan, dahil hindi naman iyan nakatutulong!” pasupladang tugon niya bago nagpatiuna ng maglakad.
Mabilis itong humabol.
“Sandali lang naman. . . Curios lang talaga ako kung bakit, eh. Daig pa kasi na may panata tayo rito. Ikaw ba hindi nagtataka?”
“Kahit na magtaka pa ako, wala rin iyong magagawa. Naririto na tayo. Isipin mo na lang na may sentimental value ang lugar na ito sa head natin. Pero malay mo, totoo nga.”
“Sus! Hindi na uso ’yon noh! Sabihin mo nagtitipid lang sila sa budget,” anito bago s’ya inunahan.
Napatigil s’ya sandali, pagkuwa’y umiiling-iling na sumunod rito.
Wala naman talaga silang magagawa kung iyon ang gusto ng head nila. Kahit pa nga sabihing isa siya sa mga officer ng education department, hindi naman s’ya maaaring tumanggi.
Tuloy-tuloy lang s’ya sa pagsunod kay Trina, nang mula sa kung saan ay may sumulpot na bata sa harapan niya at nabundol siya. Natapon lahat ng mga dala-dala niya sa sahig.
“Naku, Ate, sorry po. . .” hinging-paumanhin nito. Agad s’ya nitong tinulungan na pulutin ang mga nanlaglag na laruan.
Nilingon niya ito at ngumiti.
“Okay lang. Sa susunod tingnan mo na lang dinaraanan mo, ha,” aniya bago tumayo.
“Opo.” Ngumiti ito at tumayo na rin. “Sige po,” paalam nito at patakbong nagpunta sa mga kasamahan na nasa ilalim ng isang puno. May pinakakaguluhan ang mga ito roon.
Sandali s’yang tumigil at nag-usisa kung ano iyon. Napakunot-noo siya nang hindi naman bagay iyon kundi isang tao. Nakatalikod sa kaniya ang kung sinumang iyon habang naggigitara. Masaya namang sumasabay dito ang mga bata. Ngunit, bakit para bang pamilyar sa kaniya ang bultong iyon?
Ihahakbang na sana niya ang mga paa papunta sa kinaroroonan nito, nang may biglang kumalabit sa kaniya.
“Hoy!”
Napaigtad si Bettina at tiningnan nang masama ang kaibigan. Binalikan pala s’ya nito. Napansin siguro nitong wala na siya sa likuran nito.
“Ano bang tinitingnan mo d’yan?” tanong ni Trina na hinayon din ng nga mata ang tinitingnan niya.
Umiling s’ya.
“Wala. . . Halika na,” aniya habang pilit na hinuhukay sa isip kung saan nga ba niya nakita ang lalaking iyon.
Kunot-noong sumunod sa kaniya si Trina na halos magkandabali ang leeg sa paglingon sa tinitingnan niya kanina.
Bigla s’yang napatigil nang may pumasok na imahe sa kan’yang isipan. Eksakto namang bumundol mukha ng kaibigan sa kaniyang may likuran.
“Aray naman, Betty!” nakasimangot na reklamo nito ng lingunin niya.
“Pamilyar din sa ’yo ano?” aniya sa halip na humingi ng pasensya rito.
“Ang alin?” Hindi na maipinta ang mukha nito.
“’Yong lalaki. . .”
At sabay pa silang lumingon sa kinaroroonan nito kanina. Pero laking panghihinayang niya nang wala na ito roon.
“Si JE ba ’yon?” hindi na nakatiis na tanong ni Trina sa kan’ya.
Alanganin naman siyang tumango.
“Parang. . . Pero hindi ako sigurado. Pero parang s’ya ’yon, eh,” magulong sagot niya.
“Pero kung s’ya nga iyon, ano namang gagawin niya rito? Wala naman akong nasasagap na impormasyon na sponsor s’ya ng lugar na ito,” anito.
Huminga s’ya nang malalim.
“Baka nga nagkakamali lang tayo.” Nagpatuloy na siyang muli sa paglalakad. Sumunod naman sa kaniya ang kaibigan.
“Baka kamo hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa isip mo ang once in a lifetime experience mo with him,” panunudyo nito.
Pero sa halip na makaramdam ng kasiyahan ay nalungkot pa s’yang lalo sa pagkakabanggit nito tungkol sa bagay na iyon. Halos magdadalawang buwan na rin mula noong makita niya ng personal si JE. At hindi niya maitanggi sa sarili na na-m-miss niya ito.
Hanggang ngayon ay nagtatalo pa rin ang kalooban niya, kung tama ba talaga ang ginawa niya noong pag-alis nang hindi man lang nagpapaalam dito. Ayon na nga rin kay Trina, that was once in a lifetime opportunity for her. But, sadly. . . she just throw it away.
Because who knows? Kahit na hindi sila naging magkaibigan ng lalaki, at least naging maayos sana ang paghihiwalay nila nito.
*****
“Doon ka na lang sa may bandang likuran, ako na rito,” ani Trina at ituro sa kaniya ang likurang bahagi ng orphanage.
“Sige.” Sinabayan niya iyon ng pagtango.
Nakatoka sa kanilang magkaibigan ang pag-a-assist sa mga palaro. Kaya kasalukuyan silang naglalagay ng mga marka para sa treasure hunt na gagawin maya-maya.
Pagdating niya sa likuran ay naghanap siya ng magandang pwesto na paglalagyan ng hawak niyang clue. Nakakita naman s’ya nang hindi kataasang punong mangga at doon niya naisipang ilagay iyon.
Ilang sandali pa at nakaakyat na s’ya sa itaas. Inilagay n’ya muna ang papel sa loob ng plastic bago iyon itinali sa sanga ng puno, pagkuwa’y akma na s’yang tatalon nang pagtingin niya sa ibaba ay may taong nakatayo roon.
At hindi lang ito basta nakatayo. Kundi umiihi pa!
“Mahabaging langit!” bulalas niya kasabay ng pagdulas ng kaniyang paa sa tinutuntungang sanga. Dere-deretso s’yang nahulog paibaba, padapa sa mismong tapat ng iniihian ng lalaki.
“F**k!” malakas na mura ng taong naroon at napatigil sa ginagawa. Madaliang ipinasok nito sa pantalon ang pag-aari sabay zipper. “Are you following me?” galit na tanong nito sa kan’ya.
Inis na tumayo s’ya habang pinapagpagan ang damit na nabasa ng ihi nito.
“Ikaw itong basta na lang sumulpot dito at—”
“Ikaw!?” sabay pa nilang bulalas nang humarap s’ya rito.
Natutop niya ang bibig kasabay nang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso.
“At anong ginagawa mo rito? Stalker ba kita, ha?” Naniningkit ang mga mata nito na nakatingin sa kaniya.
Bigla siyang nakaramdam ng inis at pinameywangan ito.
“At bakit naman kita susundan dito, aber?” Tumaas-baba ang dibdib niya habang sinasabi iyon.
“Because you are stalking me,” bintang pa nito.
“Hoy!” malakas na sambit niya sabay duro ng hintuturo sa mukha nito. “Para sabihin ko sa ’yo may excursion kami ngayon dito. At wala akong panahon na mang-stalk sa ’yo dahil marami akong pinagkakaabalahan sa buhay!” gigil na gigil na dagdag pa niya.
Malakas na tinabig nito ang kamay niya.
“At anong karapatan mo na duruin ako nang ganiyan, ha? If I know gawa-gawa mo lang iyan para makalusot sa akin.” Halos mag-isang linya na ang mga kilay nito.
“Bakit naman ako gagawa ng kwento? Hindi naman ako gano—”
“JE. . . !?” bulalas ni Trina na s’yang pumutol sa sinasabi niya. Sabay pa silang napalingon ng lalaki dito.
“JE, ikaw nga!” tuwang-tuwang bulalas nito. At sa pagkagulat nilang pareho ay walang sabi-sabing niyakap nito nang mahigpit ang lalaki.
“My God. . . ! Ang bango-bango mo!” walang kapreno-preno ang bibig na bulalas ni Trina at walang kahiya-hiyang inamoy pa ang lalaki.
Hindi agad nakapag-react si Bettina sa inasta ng kaibigan. Samantalang si JE ay mabilis na inalis ang mga kamay nito.
“And who are you?” kunot-noong tanong nito kay Trina.
Ngumiti naman nang pagkatamis-tamis ang huli.
“I’m Trina Chavez. Bettina’s bestfriend,” pakilala nito sa sarili sabay lahad ng kamay.
Tiningnan lang iyon ni JE, pagkuwa’y siya ang hinarap.
“At nagsama ka pa talaga ng kasabwat. Gusto mo bang pareho kayong makulong?” tiim-bagang na sambit nito.
Natauhan si Bettina sa narinig.
“Kasabwat? Ha! At anong palagay mo sa amin? Mga kriminal?” Pagak siyang napatawa. “Walang maniniwala sa ibinibintang mo. Dahil kahit saang anggulo mo tingnan, wala kaming kasalanan dito!” ganting balik niya rito sa kaparehong tinig.
“I know your kind. Nagpapanggap nang kung ano-ano para lang makalapit sa akin. And you’ll do everything just to take even a slightest peek on me.”
“Aba’t! Ang lakas naman ng loob mo na magsalita sa amin ng ganiyan. Yes! We are your fans, pero hindi ibig sabihin noon na magpapaka-kriminal kami para lang makalapit sa iyo. Hindi pa kami nasisiraan ng bait ng kaibigan ko, ano!” bulyaw niya sa pagmumukha nito.
Napapikit naman ito nang magtalsikan ang kaniyang mga laway sa mukha nito.
“Teka nga. . . teka nga. . . Ano bang pinagtatalunan ninyong dalawa?” pamamagitan sa kanila ni Trina.
“Pinagbibintangan niya tayong stalker,” mabilis niyang sagot.
“And that’s a fact,” JE immediately responded.
“No!” tutol niya kasabay nang mariing pag-iling.
“Yes!” bwelta nito.
Hindi naman magkaintindihan si Trina kung sino ang lilingunin sa kanilang dalawa.
“No!”
“Ye—”
“Pwede ba tumigil nga kayong dalawa? Nahihilo na ako kung sino ba ang pakikinggan sa inyo, eh!” inis na reklamo ni Trina.
Pareho naman silang natahimik ni JE bago tiningnan nang masama ang isa’t isa.
Tatalikod na sana ito nang mabilis itong pigilan sa braso ng kan’yang kaibigan.