“Ano!? Paano na ’yan?” nag-aalalang tanong niya kay Trina.
“Eh, di ikaw na lang ang pumunta. Hindi ko talaga kayang bumangon ngayon gawa ng menstruation ko,” nakapikit na wika nito.
Nasa silid s’ya nito nang mga sandaling iyon. Araw nang Sabado at pupunta na dapat sila sa concert. But Trina is having a menstrual cramp kaya hindi ito makabangon.
Naupo s’ya sa tabi nito.
“Eh, ang paalam ko kina Itay at Inay ay kasama kita. Baka mamaya kapag nalaman nilang hindi kita kasama ma-grounded pa ako,” reklamo niya rito.
“Betty naman. . . pagkakataon mo na ito palalagpasin mo pa ba? At saka, hindi naman nila malalaman kung hindi mo sasabihin na hindi ako sumama sa ’yo, hindi ba?” katwiran nito.
Napabuntonghininga na lang s’ya sa sinabi nito.
Alam kasi nito kung gaano niya kagustong makita ng personal ang The Hermits, lalong-lalo na si JE. At tama itong hindi niya dapat palagpasin ang pagkakataong iyon.
“Sige na. Baka hindi mo maabutan ang opening number. Andiyan ang susi sa may lamesa ko. Damihan mo na lang ang pagkuha ng mga pictures at huwag mo ring kalimutan na humingi ng autograph para sa akin,” pagtataboy nito sa kaniya.
Nag-aalangan namang tumayo s’ya at kinuha ang susi ng scooter, bago sinulyapan ang nakapikit pa ring si Trina.
“Sigurado ka ba talaga dito?” nag-aalangan pa ring tanong niya.
Tumango ito. “Go ka na, okay? And claim your JE.” Nakuha pa rin talaga nitong magbiro sa kalagayang iyon.
Napangiti s’ya. Kahit kailan talaga napaka-supportive ng best friend niyang ito. Alam nitong crush na crush niya ang lalaki, kaya naman kahit hindi nito noon gusto ang banda nina JE, para raw sa kaniya ay susuportahan na rin daw nito ang The Hermits.
But eventually, Trina also falls in love with their music. Kaya sa tuwing may nababalitaan ito na kahit ano tungkol sa banda: mapa-dating news, concerts, gigs, mall tours, and fan meet man iyon, hindi ito nagdadalawang-isip na ibalita iyon sa kaniya. Because she knew how she’ll be happy about it. Kahit na nga hanggang sa pakikibalita na lang s’ya, dahil hindi naman niya afford na makapunta sa mamamahaling concert ng mga ito. Kontento na s’yang makita si JE sa mga pictures at posters nito, na nasa dingding ng kanilang kwarto ni Jessica. At kung minsan na nakaiipon s’ya, hindi siya nagdadalawang-isip na bumili ng mga CD’s ng banda nito.
And that’s how The Hermits became part of her high school and college life.
“Ano pang itinutunganga mo d’yan? Go na, ano ba. . .” kunwa ay inis na taboy sa kaniya ni Trina nang makitang naroon pa rin siya nang imulat nito ang mga mata.
Nakangiti naman s’yang tumango rito.
“Oo na. Oo na. . .” aniya at nagmamadaling lumabas ng silid nito.
Naka-park na sa labas ng bahay ng mga ito ang scooter ng kapatid nito, kaya dali-dali s’yang sumakay doon pagkasuot ng helmet. May katagalan din ang ibabyahe niya, pero wala s’yang pakialam. Basta makita niya lang si JE ay masaya na siya.
*****
Malakas na sinagawan ang sumalubong kay Bettina pagdating niya sa concert venue. Agad s’yang naghanap ng pagpaparadahan ng scooter, at lakad-takbong nakipagsiksikan sa mga tao roon para lang makarating sa unahan. It was a free concert, kaya walang problema kung makipagsiksikan pa s’ya sa dami ng taong nanonood.
Nang makarating sa unahan ay humihingal na agad na hinanap ng kaniyang mga mata ang iniidolo. At halos matulala s’ya nang makita ito sa personal. Hindi lang pala ito gwapo gaya nang inaakala niya, kun’di super gwapo at super hot!
Gosh!
Kinikilig siya habang tinatanaw ang lalaki sa kaniyang kinatatayuan. At kahit may kalayuan s’ya rito ay hindi maitatangging nag-uumapaw ang taglay nitong s*x appeal. He’s the kind of man na kahit patayuin mo lang mag-isa sa gitna ng isang silid ay hindi mo pagsasawaang titigan.
Ang itim na itim nitong buhok na madalas na nakalugay ay lagpas balikat ang haba. Iyon ang nagbibigay rito ng kaakit-akit na aura. ’Yong tipong bawat galaw ng hibla ng buhok nito ay mapapalunok ka.
He has a deep set of almond-shaped eyes na para bang punong-puno ng misteryo kung makatingin. Matangos ang ilong nito, medyo pangahan ang mukha, at may maninipis at mapupulang mga labi, na parang kaysarap-sarap halikan! Matangkad ito at kulay kayumanggi. Hindi maikakatwang pinoy na pinoy ang lahing pinanggalingan nito.
Nang makita niyang lumingon ito sa gawi niya ay ubod-lakas s’yang sumigaw.
“I love you, JE. . . !” Halos maglabasan na ang mga ugat sa leeg niya sa pagkakasabi niyon. Nagtakip pa ng kanilang mga tenga ang mga katabi niya at binigyan s’ya ng kakaibang tingin.
But she didn’t mind them. Nakapokus lang ang nangingislap niyang mga mata sa stage. Sinasabayan pa niya ang mga ito sa pagkanta habang tumutugtog. At sa tuwing magagawi ang mga mata ni JE sa kan’yang kinatatayuan ay mabilis siyang kumakaway na para bang nakikita nga s’yang talaga nito.
Halos may isang oras ding tumugtog ang mga ito bago nagsabing magpapahinga sandali para sa ikalawang set. Matiyaga namang naghintay ang mga tao. But Bettina wanted to take that chance to see her crush eye to eye.
“Narito na rin ako, dapat lubos-lubusin ko na,” aniya sa sarili.
Kaya lakas-loob s’yang muling sumingit sa kumpol ng mga tao sa paligid hanggang makawala roon. Nagpunta siya sa likod ng stage at palinga-lingang hinanap ang pakay. Pero maraming gwardiya na nakaharang kaya hindi siya makalagpas.
“Ano na Sandy? Nagkita ka ba?” Narinig niyang tanong nang isang boses bakla di-kalayuan sa kinatatayuan niya.
“Sorry na Rene. . . wala talaga, eh,” tugon naman ng kausap nito.
“Anong wala! My God! Malilintikan ako kay JE nito!” palatak ng tinawag na Rene. “Bakit ba kasi kinalimutan mong dalhin ang mga memorabilias nila? Hindi ba kabilin-bilinan ko na sa iyo na huwag na huwag mo iyong kalilimutan dahil mahalaga iyon sa concert na ito?” nakapamewang na talak pa nito.
Napakamot naman sa ulo ang tinawag na Sandy.
“Hay, naku! Kapag ako nawalan ng trabaho dahil sa ’yo, talagang isusumpa kita!” dagdag pa ni Rene.
Hindi naman na nakatiis si Bettina. Dahan-dahan siyang lumapit sa mga ito.
“Ahm. . . excuse po,” aniya.
“Ano iyon? Hindi ba bawal ang audience sa backstage? Bakit may nakalusot?” Nakapamewang pa rin si Rene nang harapin siya.
“Eh, narinig ko po kasi ang pinag-uusapan ninyo. Ano po bang mga memorabilia ang tinutukoy ninyo?” magalang niyang tanong.
Bigla namang nagliwanag ang mukha ng kaniyang kaharap.
“God! Oo nga! Bakit ba hindi ko naisip!” anito sabay hila sa kaniya papunta sa isang tent. “Dala mo ba ang mga CD’s or anything na related sa The Hermits?” agad na tanong nito.
Marahan siyang tumango.
“Good! Good!” anito bago inilahad ang kamay. “Pwede bang makita?”
Mabilis niyang binuksan ang dalang bagpack at inilabas doon ang mga ipon niyang CD’s at posters ng buong banda. Mayroon din iyong mga solos.
“Great! Ito nga ang mga hinahanap ko!” tuwang-tuwang palatak ni Rene sabay yakap sa kaniya. “Hulog ka ng langit, hija!” anito bago hinarap ang kasunod nilang si Sandy. “Ito mamaya ang mga ipakikita sa screen. Baka naman iwala mo pa ang mga iyan, talagang malilintikan ka na sa akin!” Gigil na pinanlakihan nito ng mga mata ang alalay, pagkuwa’y s’ya naman ang binalingan.
“At dahil tinulungan mo ako sa isang malaking problema, ano ba ang gusto mong kapalit?” nakangiting tanong nito.
Pakiramdam niya ay pumalakpak ang dalawang tenga niya sa narinig.
“Talaga, ho!” namimilog ang mga matang bulalas niya.
“Of course! You do me a favor, so I should give it back. At kitang-kita naman na die-hard fan ka ng The Hermits.” Pumipilantik pa ang mga daliri nito sa ere habang nagsasalita.
Sunod-sunod s’yang tumango.
“Sige na. Ano bang gusto mo?” tanong muli nito.
“Ahmm. . . gusto ko pa sana kahit makapagpa-picture lang kay JE,” kiming sagot niya.
“Iyon lang ba?”
“At pa-autograph na rin ho ako nitong mga dala ko. Kahit dalawa o tatlong autograph lang po,” mabilis na dugtong niya.
“Okay, hija. Noted lahat. Sandali at huwag ka munang aalis. Puntahan ko lang sa kabila si JE,” anito at pakendeng-kendeng na lumapit sa kabilang tent.
Pagbukas nito roon ay bahagya pa itong naapatras. At kitang-kita niya ang dahilan kung bakit ganoon ang reaksyon nito. JE was kissing his bandmate Aira. Ang itinuturing na prinsesa ng banda ng mga ito at siyang nasa likod ng keyboard.
Para namang may kung anong kumudlit sa puso niya at mabilis s’yang napatalikod. Hindi niya alam kung bakit tila nasaktan s’ya sa nakitang iyon. Pakiramdam niya nagkadurog-durog ang puso niya nang mga sandaling iyon.
“I’m sorry, pero may ipakikiusap lang sana ako sa iyo, JE, kung pwede.” Ang narinig niyang wika ni Rene dito.
Hindi naman niya narinig na tumugon ang lalaki. Kaya lalo lang s’yang nalungkot.
Aalis na sana s’ya nang may pumigil sa kamay niya. Pagtingin niya sa kaniyang likuran ay naroon na si JE na nakatiim ang mga labi, habang titig na titig sa kaniya katabi ni Rene.
Napatingin s’ya sa braso niya. Ang bakla pala ang pumipigil doon.
“Just like what I’ve promised,” anito sabay kindat pa sa kan’ya.