Naagaw ng nagkakagulong mga tao sa gilid ng kalsada ang pansin nina Arabella at Aurea na noon ay naglalakad patungong simbahan. Araw ng Linggo at nakaugalian na nilang dalawa ang mag-attend ng misa sa kapilya sa bayan.
Dala ng kuryosidad ay lumapit ang dalawa sa grupo ng mga kababaryo. Agad nilang napansin ang pagtataka at takot sa mukha ng mga ito. Pinalalayo ng mga ina ang kanilang mga anak, ang iba naman ay nagsa-sign of the cross pa.
“Ano ba ang nangyari, Ka Sixta?” tanong ni Aurea sa matandang babae na lumayo na sa umpukan marahil ay dahil hindi masikmura ang kung ano mang nakikita sa gilid ng kalsada.
“Diyos na mahabagin. Impakto. Impakto ang may kagagawan niyan,” nanginginig na sabi ng babae na tila ba walang narinig.
“Halika nga, Arabella. Tingnan natin ang pinagkakaguluhan ng mga ito.” Mabilis na ginagap ni Aurea ang kamay ni Arabella saka hinatak upang makasingit sa mga nagkakagulong taga-baryo.
“Susmaryosep!” bulalas ni Aurea nang makita ang isang bangkay ng lalaki na nakahandusay sa gilid ng kalsada. Dilat ang mata nito at tuyot na tuyot na tila ba may kung ano’ng humigop sa lahat ng dugo nito sa katawan. Walang sugat ang katawan ng biktima maliban sa dalawang butas nito sa bandang leeg.
Maging si Arabella ay hindi kinaya ang nasaksihan. Mabilis siyang lumayo sa umpukan. Bumabaligtad ang sikmura niya dahil sa kaawa-awang anyo ng biktima.
“Dali. Tawagin na ninyo si Kapitan Tonyo nang mai-report na ito sa pulis. Kailangang mahuli agad ang kriminal,” utos ng isa pang matandang babae.
“Hindi taga-rito ang taong iyan base sa kanyang itsura at pananamit. Maaaring iyan ay taga-bayan o isang turista sa lugar natin,” wika ng isang matandang lalaki.
“Siguradong aswang ang may kagagawan niyan. Hindi iyan kayang gawin ng ordinaryong tao,” sabi naman ng isang lalaki.
“Hindi gawa ng aswang iyan,” sansala naman ng isa. “Dugo lang ang kinuha. Kung aswang iyan, siguradong nilapa ang katawan at kinain ang mga lamang-loob ng biktima.”
“Eh, ano kaya? Taong-lobo? Bampira?”
“Malamang bampira ang gumawa niyan.”
“Diyos ko,” sabay-sabay na sabi ng mga babae sabay antanda uli.
Ipinasya ni Arabella na lumayo na sa umpukan. Nilingon niya si Aurea upang yayain na umalis na ngunit abala pa rin ito sa pag-uusisa at pakikipagkuwentuhan. Pagpihit niya upang humakbang palayo ay eksakto namang nahagip ng mga mata niya ang isang matangkad at guwapong lalaki na nakatayo sa kabilang gilid ng kalsada malapit sa kahuyan. Nakatingin ito sa kanya o mas tamang sabihing nakatitig.
Hindi mukhang taga-roon ang lalaki base sa anyo at magarang pananamit nito. Kayumanggi ang kulay ng balat nito pero lamang ang pagiging mukhang foreigner. He had pointed nose that matched to his masculine jaw. His long, bronze hair was neatly tied on the back of his head.
Para siyang itinulos habang nilalabanan ng tingin ang estranghero. May hatid na halina ang titig nito na tumatagos sa kanyang kaibuturan. Sa halip na kilabot ay parang may makapangyarihang init ang agad na bumalot sa kanyang katawan. She felt the urge to approach the man.
Saka pa lang niya naramdaman ang papalapit na si Aurea. Nilingon niya ang babae upang itanong dito kung nakikita rin nito ang nakikita niya. Ngunit nang tingnan niya uli ang lalaki ay wala na ito sa kinatatayuan kanina.
Ilang beses ikinurap ni Arabella ng mga mata sa pag-asang namamalik-mata lamang siya. “Nakita mo ba siya?
“Sino?’
“Iyong guwapong lalaki sa bandang iyon ng kahuyan.” Itinuro niya ang lugar na tinutukoy. “Nakatayo siya roon kani-kanina lang.”
“Nasaan? Wala naman, ah.” Kinusot pa ni Aurea ang sariling mga mata.
“Ang bilis niyang nawala. Saan naman kaya siya nagpunta? Imposible namang pumasok siya sa kahuyang iyon.”
“Hay naku, halika na nga, Arabella at mahuhuli tayo sa misa. Iyan ang napapala mo kapupunta sa ilog sa hangganan ng lupain ninyo. Baka namamaligno ka na doon.” Ginagap ni Aurea ang kanyang kamay at mabilis na hinila palayo sa lugar na iyon. Wala siyang nagawa kundi sumunod na lang sa babae matapos muling sulyapan ang bahagi ng kahuyan kung saan doon niya nakita ang mahiwagang lalaki.
Matiyagang hinintay ni Draven na magising si Athan mula sa mahimbing nitong pagtulog. Eksaktong alas-nuwebe ng gabi ay bumangon na ito sa higaan. Agad niyang sinugod ito at inundayan ng suntok. Sapol ito sa panga. Bahagyang sumuray si Athan tanda na ininda nito ang atake niya.
“Wala sa usapan na mambibiktima ka rito. Pero ginawa mo pa rin,” gigil na sabi niya.
“Ang alin?” takang tanong ni Athan, hawak ang panga. “Huwag ka nang magmaang-maangan,” he shouted. “Hindi ka rin nakatiis, di ba? Kung kaya lumabas ka kagabi upang mambiktima.”
“Ce?” bulalas ni Athan. “Bakit ko naman gagawin iyon eh ang daming alagang baka at kambing dito ni Mang Jaime? Sa dugo pa lang nang malulusog na mga hayop na iyon ay solve na ako. Saka Mystical Vampire ako, Draven. Hindi ko kursunada ang human blood. Baka ikaw pa.”
Napanganga si Draven sa narinig. Saglit na nagtalo ang isip niya. Likas sa mga tulad niyang Human Vampire ang pagkaibig sa dugo ng tao ngunit alam niyang kaya niyang kontrolin iyon.
He whirled around and hastily ran toward the location of Mang Jaime. Kailangan niyang makasiguro.
Nadatnan niya ang matandang katiwala na abala sa pag-aayos ng garapon ng mga inimbak na dugo ng hayop sa freezer. Nasa mahigit limampung taon na ito.
Galing ang sariwang dugo sa mga baka at kambing na matiyagang inalagaan ni Mang Jaime simula pa noong natanggap ito bilang katiwala sa kastilyo. Ngayon ay na-realize ni Draven na ang pagpapatayo ng kastilyo sa liblib na lugar na ito at pag-aalaga ng maraming hayop ay kabilang sa mga plano ng kanyang angkan para sa nakatakda niyang paghahanap kay Blackfire at sa Ragnor.
Agad tumigil si Mang Jaime sa ginagawa nang makita siyang palapit. Yumukod ito tanda ng pagbati.
“Magandang gabi, sir Draven. May kailangan po ba kayo?” magalang na tanong ng katiwala.
“Magandang umaga naman, Mang Jaime. Itatanong ko lang kung napansin ninyo na lumabas ng bakuran si Athan kagabi.”
“Hindi po, sir Draven,” walang gatol na tugon ng katiwala. “Halos magdamag kaming nagkuwentuhan habang umiinom siya ng dala ninyong imported na alak. Napakarami naming napagkuwentuhan at lasing na lasing siya kung kaya halos madaling araw na nang makatulog siya.”
“Sigurado ka?” may pagdududang tanong niya.
“Opo. Inihatid ko pa nga siya sa kanyang silid kagabi dahil hindi siya halos makalakad.”
“Ganoon ba?” Nahagpos ni Draven ang sariling batok. May takot na unti-unting lumulukob sa pagkatao niya.
“Magpapatay ba uli ako ng isang kambing bukas, sir Draven?” tanong ni Mang Jaime.
“Huwag na muna. Sa tingin ko ay sapat na iyan para sa tatlong araw.”
“Sige po.” Muling bumalik ang katiwala sa ginagawa nito. “Este, Mang Jaime,” baling niya sa matanda nang bigla siyang may maalaala. “Kilala mo ba ang magandang babae na nakatira sa hangganan ng lupaing ito?”
Umunat mula sa pagkakayuko ang tinanong saka tumingin sa kanya. “Ah, si Arabella po iyon. Ang nag-iisang apo ni Don Leandro Duarte. Ang alam ko ay isa siyang kolehiyala sa isang pamantasan sa kabisera ng lalawigang ito. Bakasyon ngayon kung kaya naririyan siya kahit week days.”
“I see. Dalaga ba siya?”
“Opo. Katatapos lang ng kanyang ika-labingwalong kaarawan noong isang buwan. Pero sila lang noong kanyang yaya ang nakatira riyan. Matagal na kasing patay si Don Leandro at nasa malayong lugar ang kanilang mga kamag-anak dahil nabili lamang ng don ang lupaing iyan noong bata-bata pa siya.”
“Ganoon ba? Malungkot siguro ang kanyang buhay kung ganoon?”
Umiling ang katiwala. “Sa palagay ko po ay hindi. Masayahin at palakaibigan si Arabella. Mabait na ay maganda pa. Teka, bakit po ninyo naitanong?”
“Ah, wala naman. Nakita ko lang siya noong isang araw. Maganda nga siya at mukhang mabait.”
“May itatanong pa po kayo?” tanong ng matanda na umastang babalik na sa ginagawa.
“Wala na, Mang Jaime. Pasensiya na sa abala. May isa pala akong ipapakiusap sa iyo.”
“Sige po. Ano po iyon?”
“Tulad ng napagkasunduan natin, dodoblehin ko ang suweldo mo basta’t ipangako mo na hindi ka muna lalabas ng bakurang ito hanggang makaalis kami ni Athan. Huwag ka munang makikipag-usap sa ibang tao at lalong-lalong huwag mong ipagsasabi na tanging dugo lang ng mga alagang hayop mo ang aming nagsisilbing pagkain dito.”
Marahang tumango ang matanda. “Makakaasa po kayo.”
“Salamat.” Pagkasabi noon ay tumalikod na si Draven. Meron pa siyang importanteng gagawin ngayon. Kailangan niyang makasiguro na hindi siya ang bampirang nambiktima kagabi dahil kung hindi ay malamang na masiraan siya ng ulo sa pag-iisip.