“Ce se intampla cu tine?” nagtatakang tanong ni Athan kay Draven na noon ay nakahiga sa malaking sofa sa living room ng Gualtieri castle. Alas-nuwebe na ng gabi.
“Bakit mo naman naitanong iyan?” Ibinaling ni Draven ang tingin sa papalapit na si Athan Danilov. Mahigit dalawampung taon ang tanda ng lalaki sa kanya ngunit mukhang magkasing-edad lamang sila. Guwapo pa rin ito at matikas bagama’t taglay nito ang maputla at kasing-lamig ng yelo na balat ng isang bampira. Si Athan Danilov ang naatasan ng kanilang angkan na sumama sa kaniya dito sa Pilipinas para sa isang misyon bilang isa sa magigiting na commander ng kanilang hukbo ng mga mandirigma. Ito rin ang napipisil ng kanilang konseho na ipalit sa kanilang Grand Commander na si Dameon Montazr kapag hindi na ito nakabalik mula sa Underworld.
“Ngumingisi ka kasing mag-isa. Ngayon ko lang nakitang maaliwalas ang mukha mo mula noong iniatang sa iyo ng ating coven ang paghahanap kay Blackfire sa bansang ito.” Tinungo ni Athan ang bar upang kumuha ng paborito nitong alak.
He crumpled his forehead upon hearing the name of Blackfire. The mere name of the vampire slayer could easily ruin his day. “Sino ba naman ang matutuwa sa kalagayan ko ngayon, Athan? Sa halip na nasa Wallachia ako at ipinagpapatuloy ang aking buhay habang ini-enjoy ang aking kalayaan ay narito ako sa maliit na bansang ito at naghahanap sa isang tao na ni hindi ko alam kung nasaan at kung buhay pa.”
Pagak na tumawa si Athan. Naglakad ito patungo sa mini bar at kinuha ang bote ng paboritong alak. Kumuha rin ito ng dalawang kopita. “Of course, narito siya sa lugar na ito at buhay pa siya. Hindi naman magsasayang ng pera at panahon ang lolo mong si Silvero Gualteri at si Professor Duncan Dmitru at sampu ng ating mga kalahi kung hindi sila siguradong matatagpuan ang napakaimportanteng tao na iyon para sa lahat ng Mystical Vampires.” Sinalinan ni Athan ng alak ang dalawang kopita at iniabot ang isa sa kanya.
Napilitan tuloy siyang bumangon upang abutin ang kopitang iniaabot ni Athan sa kanya. "Pero kapwa natin alam na hindi si Blackfire ang importante sa ngayon kundi ang Ragnor na nasa pag-iingat niya."
Tumango si Athan tanda ng pagsang-ayon sa kanya. "Corectie." Pero hindi natin matatagpuan ang Ragnor kung hindi natin siya makikita."
“Pero paano? Kilala lamang natin siya sa alyas na Blackfire? Ni hindi natin alam ang totoo niyang pangalan at ni wala tayong ideya kung ano talaga ang itsura niya dahil diumano ay lagi siyang nakasuot ng itim na maskara kapag nakikipaglaban. At kung meron man tayong larawan niya, siguradong matandang-matanda na siya ngayon. So, paano pa rin natin siya makikilala?”
“Ang Ragnor ang pagkakakilanlan natin sa kanya,” kalmanteng sabi ni Athan habang sinisimsim ang laman ng hawak na kopita.
He cracked up. “Pasensya na, pero hindi ko talaga maiwasang isipin na hindi totoo si Blackfire at ang Ragnor. Na mga alamat lang sila na nilikha ng ating mga ninuno bilang defense mechanism sa kanilang depresyon sa kalupitan ni Faramundo Voldova.”
“Totoo si Blackfire.” Lumapit sa kanya si Athan at iniabot ang isang kopita na may lamang alak. “Ako, ang lolo mo, ang ina mo at ang iba pa nating kalahi ang nakakita sa kaniya nang gabing pinatay niya si Faramundo at ang mga kampon nito gamit ang Ragnor.”
"Tatlumpu't pitong taon na ang nakalilipas, umaasa pa ba kayo na nasa kanya pa rin ang espadang iyon ng diyosa ng mga Demonic Vampire?"
“Da!” maliksing tugon ni Athan. “Isang beteranong archaeologist si Blackfire. Alam niya ang kahalagahan ng Ragnor na iyon. Isa pa, ang artifact na iyon ang nagsisilbing alaala ng kaniyang kabayanihan kasama ng iba pang vampire slayers nang nilupig nila ang angkan ni Faramundo Voldova. Umasim ang mukha ni Draven sa narinig. “So, bayani para sa inyo ang mga vampire slayer na iyon?”
Tumango si Athan. “Da! Kung hindi dahil sa kanila ay malamang ay namatay na tayong lahat sa ilalim ng kastilyo Voldova. Sila ang nagsilbing tagapagligtas nating lahat nang mga panahong iyon.”
“Kayo lang, hindi ako kasama.”
“Of course, naroon ka rin ng mga panahong iyon, Draven. Nasa tiyan ka pa lamang ng ina mong si Astrid nang ikulong kami ni Faramundo sa basement ng kastilyong iyon. Nasaksihan ko ang paghihirap maging ang kamatayan ng marami nating kasamahan doon.”
“How I wish I should have died also that time.” Napabuntong-hininga si Athan. Agad nitong nabasa ang nasa isip niya. “Tanggalin mo na ang galit sa puso mo, Draven. Matagal na panahon na iyon. Napatawad na ng ina mo si Armand Mondragon, sana’y ikaw rin.”
Lalong sumulak ang dugo ni Draven pagkarinig sa pangalan ng sariling ama. “Paano ko mapapatawad ang isang amang umabandona sa amin ni mama? Nang malaman niya na isang Mystical Vampire si mama ay iniwan niya ito kahit alam niyang nagdadalantao?”
Inubos ni Athan ang laman ng hawak na kopita saka muling nilagyan ito. “Minahal ni Armand Mondragon ang iyong ina sa kabila ng pagiging bampira nito. Hindi mo dapat pinaniwalaan ang mga haka-haka ng ating mga kalahi ukol sa pag-iibigan ng iyong mga magulang. Ako ang nakakaalam ng totoong nangyari sa kanilang dalawa.”
“Bakit mo nasabi iyan? “ may pagdududa sa tinig ni Draven. Hindi siya masyadong malapit kay Athan. In fact, ngayon lang silang dalawa nagkasama o magsasama nang matagal dahil nga sa kanilang misyon. Kung ano meron kay Athan Danilov upang ito ang napiling kasama niya sa misyong ito ay hindi niya alam.
“Kababata at kaibigan kong matalik ang iyong ina. Sa akin niya ipinagtatapat ang mga bagay na hindi niya kayang sabihin sa kaniyang mga magulang. Ang hindi niya alam ay lihim akong umibig sa kanya noon ngunit mas pinili niya ang isang kaaway.”
“Bakit hindi ko alam ang bagay na iyan?”
“Dahil bago ka ipinanganak ay ipinasya kong lumayo na kay Astrid. Nasaktan ako nang labis nang tinanggihan niya ang inialok kong kasal upang may kilalaning ama ang sanggol na isisilang niya, at ikaw iyon. Noon ko napatunayan na mahal na mahal niya si Armand kung kaya ang pagpapakasal sa akin ay itinuring niyang isang pagtataksil dito sa kabila ng katotohanang umalis na ito sa Wallachia at hindi na muling nagpakita pa.”
“Kahit na ano pa ang sabihin mo, hindi pa rin magbabago ang katotohanang isa akong bastardo. At katulad mo, katulad ng aking ina at ng aking lolo ay minalas na nakakulong din sa isang sumpa.”
Muling napabuntong-hininga si Athan. “Draven, ang pagiging bampira mo ay hindi bunga ng isang sumpa o magical spell. Isa kang Human Vampire. Ang ibig sabihin noon ay mas mataas ang uri mo kumpara sa aming mga Mystical Vampire. Taglay mo ang lahat ng kapangyarihan ng isang bampira at higit pa, dahil hindi gaya namin ay taglay mo ang kakayahan na mabuhay sa sinag ng araw. Hindi ka takot sa kahit na ano mang bagay na banal maging sa krus ng mga Kristiyano at sa kanilang banal na tubig.”
“Ngunit katulad ng mga Demonic Vampire, kailangan ko ring uminom ng dugo ng tao upang manatiling malakas at mahaba ang buhay,” asik niya.
“Nasa pagpapasya mo na iyan, Draven. Alam kong hanggang ngayon ay hindi ka pa rin tumitikim ng dugo ng tao. Nagkakasya ka lamang sa pag-inom ng dugo ng hayop. Ngunit bilang isang Human Vampire, alam mong isang araw ay kakailanganin mo ang dugo ng tao upang patuloy na mabuhay at maging malakas, or else, matutulad ka sa mga tao, tatanda, magkakasakit at mamamatay. Ngunit ganoon pa man, marami ka pa ring kayang gawin na hindi kaya ng isang Demonic o ng isang Mystical Vampire na katulad ko dahil sa aming mga limitasyon.
“At iyon ang dahilan kung bakit ako ang napiling humanap kay Blackfire at sa Ragnor?”
“Tama ka. Ipinaliwanag na iyan sa iyo ng iyong lolo at ni Propesor Duncan. Hindi naman lingid sa iyong kaalaman na muling lumakas ang angkan ng mga hell demons dahil sa bago nitong pinuno na si Braedan Voldova na anak ni Faramundo Voldova. Mas malupit at mas mabangis ang paraan nila ng paghahasik ng lagim sa ating bayan. Kailangan nating kumilos agad bago mahuli ang lahat. At iisang bagay lamang ang alam natin na makapipigil sa kanila. Ang Ragnor.”
“Hindi ako natatakot sa kanila. Kayang-kaya ko silang labanan lahat dahil katulad mo, nagpakabihasa rin ako sa larangan ng pakikipaglaban sa mga hell demons sa ilalim ni Propesor Duncan Dimitru.”
Napailing si Athan tanda ng unti-unting pagkaubos ng pasensiya sa kayabangan niya. “Ngunit hindi sapat ang isa o dalawang Demonic Vampires na mapapatay mo. Ang kailangan natin ay maubos sila hanggang sa kahuli-hulihang binhi sa ibabaw ng lupa nang sa ganoon ay bumalik na ang kapayapaan sa ating bayan. Lahat sa ating angkan ay nagnanais ng katiwasayan at normal na pamumuhay, huwag mo sanang ipagdamot ito, Draven.”
Si Draven naman ang napailing. Sinapo ng kanang palad niya ang kanyang batok. “Hindi ako sigurado na kaya kong gawin ang ipinag-uutos ninyo. Wala lang akong magawa dahil batas sa ating angkan ang pagsunod kapag ang isang miyembro ay naatasan ng isang misyon. Ayokong bigyan ng kahihiyan ang aking lolo at ina kung kaya naririto ako ngayon at kasama mo. Pero aaminin ko sa iyo, isa lamang ang gusto kong mangyari sa buhay ko ngayon. Gusto kong maging tao. Isang normal na tao.”
Athan raised his eyebrows, amused of his last words. “Now you are complaining of being a vampire. What happened, Draven? Dati-rati ay ine-enjoy mo ito dahil sa iyong naiibang kakayahan. Ano ang dahilan? May nangyari ba habang mahimbing akong natutulog kanina?” Muling lumagok ng alak si Athan.
He, too, was surprised. And when did he desire to become a human?
“Tinatanong kita, Draven.”
Walang sagot mula sa kanya. Tinungga niya ang laman ng hawak na kopita. Nang mag-init ang mga labi dahil sa alcohol ay isang pangalan ang lumabas mula roon.
Arabella.
Arabella opened her eyes. Somebody was calling her name. Iginala niya ang mga paningin sa maluwang niyang silid. Nag-iisa lang siya rito. Sarado ang pinto at mga bintana at halos walang hangin na nakakapasok, saan kaya maaaring nagmula ang tinig na iyon ng isang lalaki?
She must be dreaming, she thought. But the voice seemed real. Malamig at malamyos ang boses na narinig niya, sapat upang antigin ang kanyang natutulog na damdamin.
Minabuti niyang makiramdam ngunit tahimik na tahimik ang paligid. Ilang minuto na siyang nakamulat ay patuloy pa ring humahagod sa kaibuturan ng kanyang puso ang mahiwagang tinig na narinig niya.
Sino siya? She rose from her bed. Ang totoo ay may kakaiba siyang nararamdaman mula pa kaninang nasa ilog siya. Pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa sa lugar na iyon habang naliligo. Para bang may isang pares ng mga mata ang nasisiyahang nanood sa kanya habang nakabandera ang kanyang hubad na katawan. At dahil likas na matapang ay hindi niya pinasin iyon noong una. Ngunit nang dinala na ng hangin sa kanyang mga tenga ang tila nga ungol at bulong ay kinilabutan na rin siya. Mabuti na lamang at dumating agad si Aurea.
Sinulyapan niya ang orasan sa dingding. Ala-diyes pa lang ng gabi pero para sa isang liblib na baryo katulad ng Matala, tahimik na ang buong paligid at lahat ng tao doon ay nagpapahinga na. Nawala na ang antok niya kung kaya ipinasya niyang lumabas na ng silid. Pupunta siya sa terasa sa ikalawang palapag upang sumagap nang malamig na hangin. Ang buwan ng Disyembre sa kanilang lugar ay nagdudulot ng kainamang simoy ng hangin na masarap sa pakiramdam.
Malamlam ang ilaw sa terasa ngunit agad niyang naaninaw ang isang malaking bulto na nakatayo roon. Kahit nakatalikod ito, kilalang-kilala niya kung sino ito. Si Don Leandro Duarte, ang kanyang lolo na ngayon ay lampas seventy years old na. “Hindi ka pa natutulog, lolo?” malambing na tanong niya nang makalapit sa matanda. Agad niyang ikinawit ang isang kamay sa braso nito. Malapit na malapit siya sa kanyang lolo. May hatid na kaligayahan sa kanya kapag ganitong naglalambing siya sa matanda.
Marahang pumihit si Don Leandro Duarte upang makaharap sa kanya. Bahagyang nakangiti ito. Bakas pa rin ang taglay nitong kakisigan na pilit itinatago ng mga gatla sa noo at pisngi. Matangkad ang kanyang lolo, maaaring nasa mahigit anim na talampakan ang taas nito. Malapad ang balikat at mahaba ang mga bisig na kinatakutan ng mga naging kaaway nito noong kabataan. She knew how famous her grandfather was in southern Europe. Nasulat pa nga sa iba’t ibang libro ang kabayanihan nito sa paglupig sa mga kaaway at naging inspirasyon sa ilang pelikula sa Europe at Amerika.
Ngunit naglaho na ang liksi at lakas nito. Hindi na ito tulad ng dati. Hindi na ito ang dating si Blackfire na kinatakutan at pumatay ng daan-daang Demonic Vampires noong minsang nanirahan ito sa bansang Romania kasama ang unang asawa nito. Napangiti si Arabella. Hinding-hindi niya pagsasawaan ang mga kuwento ng kanyang lolo. Ito na ang kinalakihan niya mula nang mamatay ang kanyang ina na anak naman ng kanyang lolo sa naging pangalawang asawa nito noong umuwi na ito ng Pilipinas.
And she was proud of being a Duarte. Taglay niya sa kanyang dugo ang tapang at liksi na nananalaytay sa ugat ng kaniyang minamahal na lolo. Bukod pa rito, mula pagkabata ay sinanay na siya ni Don Leandro sa pakikipaglaban gamit ang maaalamat na espada ng isang diyosa na nahukay nito sa isang templo bilang isang archaeologist, ang Ragnor.
“Gising ka pa, iha?” tanong nito na may pag-aalala. Alam ni Arabella kung gaano siya kamahal ng kanyang agwelo dahil dadalawa na lamang silang naiwan sa kanilang pamilya. Magkasunod na namatay ang lola at ina niya. Namatay daw sa sakit ang kanyang lola at hindi na niya ito nagisnan. Samantalang namatay naman sa isang car accident ang kanyang ina noong bata pa siya. Lumaki siyang tanging ang Lolo Leandro lang at ang yaya niyang si Aurea ang kapiling sa mansyon na ito ng mga Duarte.
Isa siyang kolehiyala sa isang pamantasan sa kabisera ng Bukidnon. BS Biology ang kursong kinukuha niya. Balak niyang ituloy ito ng medicine. At dahil Christmas vacation ngayon, mas mahaba ang oras nilang maglolo sa isa’t isa.
“Ang totoo ay naidlip na ako kanina, lolo. Bigla lang akong nagising at nawala na ang antok ko.”
Matipid na ngumiti ang matanda pagkuwa’y muli nitong ibinalik ang mga mata sa tinatanaw. Sinundan ni Arabella ang dakong tinititigan ng kanyang lolo hanggang malaman niyang ang kastilyo Gualtieri na nasa tuktok ng isang mataas na talampas pala ang kanina pa tinatanaw nito. Malayo ang lupain na iyon ng mga Gualtieri pero dahil sa napakataas na lupang kinatitirikan ng malaking kastilyo at dahil na rin maliwanag dito ngayon sa kauna-unahang pagkakataon ay tanaw na tanaw ito sa balkon ng kanilang mansyon.
Leandro took a heavy sigh. “Ipagpapatuloy natin ang pagsasanay bukas, Arabella,” sabi nito habang hindi inaalis ang tingin sa kastilyo.
Ikinagulat ni Arabella ang sinabi ng agwelo. “Lolo? Narito ako para sa isang bakasyon. Ayokong gugulin iyon sa pagsasanay. Isa pa ay marami na akong alam sa pakikipaglaban dahil bata pa ako ay tinuruan mo na ako,” maktol niya.
“Marami ka pang dapat malaman, Arabella. Isa pa, ang isang bagay na natutuhan, kapag hindi laging ginagamit ay nakakalimutan.”
“Lolo naman, kung magsalita ka ay parang meron tayong pinaghahandaan. Lo, tapos na ang digmaan, modernong mundo na tayo ngayon.”
“Hindi pa, Arabella. Hindi pa…” makahulugang turan nito. May lambong ng lungkot at takot ang abuhing mga mata.