PAGDILAT ni Anne ay ang puting kisame ng kanyang kuwarto ang kanyang namulatan. Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay. Hindi maalala ni Anne na nagtungo siya sa kanyang silid. Inapuhap niya sa kanyang isip ang huling ginawa bago siya nakatulog.
Ang huling naaalala ni Anne ay nakaharap siya sa computer at naglalaro. Hindi niya matandaan na pumasok siya sa loob ng kuwarto at natulog. Madalas siyang makatulog sa workroom kung saan naroon ang kanyang computer.
Bumangon si Anne at umupo sa kama. Lalong nagsalubong ang kanyang mga kilay nang makitang maayos ang silid. Malinis na malinis ang paligid. Ni anino yata ng alikabok ay hindi niya mababanaag. Ang huling naaalala niya ay magulong-magulo roon. Isang linggo nang hindi nagpupunta roon ang kanyang tagalinis at labandera dahil nabuwisit siya.
Lumabas siya ng kanyang silid. Hindi na gaanong nagulat si Anne nang makitang malinis na malinis din ang buong sala. May mga sariwang bulaklak din sa coffee table. Walang kahit na anong nakakalat na bagay. Makintab din ang sahig.
Nagtungo sa banyo si Anne. Nagsepilyo at naghilamos siya. Hindi na niya kailangang hulaan kung sino ang pumasok sa kanyang bahay nang walang pahintulot. Iisang tao lang ang may duplicate ng kanyang susi. Dati ay dalawang tao ang may duplicate ng kanyang susi, ngunit ibinalik na ng tagalinis ang susi sa kanya noong huling araw nito. Alam ni Anne na nasa bahay niya si Nigel. Sigurado siya na si Nigel ang naglinis ng buong bahay habang natutulog siya.
Bigla ang pagdagsa ng kaligayahan sa kanyang puso. Nakabalik na sa bansa ang binata.
Paglabas ni Anne ng banyo ay tinungo niya ang munting kusina. Naroon nga si Nigel at nakaharap sa kalan. Nanuot agad sa kanyang ilong ang mabango at masarap na amoy ng kung anong ulam na niluluto ng binata.
Tila naramdaman naman ni Nigel na nasa likuran siya kaya lumingon ang binata. Binigyan siya ni Nigel ng isang napakatamis na ngiti. She had always thought he possessed the most sexy smile.
“Good afternoon,” masayang bati ni Nigel sa kanya.
Wala sa loob na napatingin si Anne sa wall clock. Pasado alas-dose na pala. Bigla siyang ginutom dahil sa amoy ng pagkaing niluluto ni Nigel.
“Hello,” bati rin niya sa binata. “Narito ka na pala uli.” Binuksan ni Anne ang refrigerator at kumuha ng maiinom. Napansin niya na puno na uli ang kanyang refrigerator. Nang nagdaang araw ay pulos bottled water ang laman niyon. Kumuha siya ng isang lata ng Coke.
“Ibalik mo `yan,” sabi ni Nigel bago pa man niya maisara ang refrigerator. “Gatas ang inumin mo. Wala pang laman ang sikmura mo. Sandali na lang itong niluluto ko.”
Tumalima naman si Anne. Ayaw pa niyang makipag-argumento sa binata dahil kadarating lang nito. Umupo siya sa harap ng hapag habang nagsasalin ng gatas sa isang baso.
“How have you been?” tanong ni Nigel habang naghahain. Paborito niyang ulam ang pork and chicken adobo. “Ayaw nang bumalik ng tagalinis at tagalaba mo. Ipinahiya mo raw. Kailangan ko na namang humanap ng bago.” Nilagyan nito ng kanin at ulam ang kanyang plato.
Dinampot ni Anne ang kutsara at tinidor. “Ang arte-arte niya, eh. Panay ang text habang nagtatrabaho. Kinukulit pa ako palagi. Igawa ko raw siya ng kuwento na ka-partner niya si Brad Pitt. Sa susunod, kumuha ka ng pipi, okay?”
Marahang natawa si Nigel.
Ilang sandali pa ay kumakain na si Anne. Masarap ang pagkakaluto nito ng ulam. Naging sunod-sunod ang kanyang subo. Ilang linggo niyang hindi natikman ang luto ni Nigel. Na-miss din ng kanyang sikmura ang matinong pagkain. Nitong mga huling araw ay tsokolate at tubig lamang ang laman ng kanyang tiyan.
“Chew your food properly,” ani Nigel habang sinasalinan ang isa pang baso ng fresh orange juice. “Walang laman ang ref mo pagdating ko. Paano, pinalayas mo ang inutusan kong mamalengke para sa `yo. Sana sinabi mo na lang na igagawa mo siya ng kuwento kasama si Brad kahit na hindi naman totoo. You should be more patient with your maids. What have you been eating these past few days? Parang mas pumayat ka ngayon, ah.”
Nilunok muna ni Anne ang nasa bibig bago sumagot. “I survived naman. At saka narito ka na uli. Hindi na mangangamoy ang bahay ko. Palagi na ring may pagkain.”
Hinaplos muna ni Nigel ang kanyang ulo bago iyon hinagkan. “Bakit parang iba na ang amoy mo, ha?” panunudyo nito sa kanya.
“`Oy, kahapon lang ako hindi naligo. Hindi pa ako gaanong nangangamoy.”
Natawa nang malakas ang binata. “Hindi ka pa rin talaga nagbabago. Pagkakain, maligo ka.”
“Kung magsalita ka naman parang ang tagal-tagal mong nawala. Ilang linggo ka lang naman sa Italya. Kumusta pala ang trabaho mo roon?”
“Maayos naman. Still the same. I had so much fun.” Tumabi sa kanya si Nigel at nilagyan uli ng pagkain ang kanyang plato. Nagsimula na ring kumain ang binata. Panaka-naka siyang napapatingin dito habang kumakain.
Ayaw niyang aminin kay Nigel na na-miss niya ito nang husto. Hindi na bago sa kanya ang pagpunta ng binata sa iba’t ibang lugar dahil sa trabaho nito. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nawala ito nang ilang linggo. Noon lang ang unang pagkakataon na na-miss niya nang labis si Nigel. Siguro, dahil nitong mga nakaraang linggo ay wala siyang gaanong pinagkakaabalahan. Wala siyang maisip na isulat. Hindi abala ang kanyang utak kaya may panahon siyang isipin ang binata.
Isang writer si Anne. Romance novelist. Matagal na siya sa trabahong iyon, halos sampung taon na rin. Marami na siyang naisulat na libro. Karamihan sa mga iyon ay best sellers. Kahit na marami na siyang naisulat, hindi siya maaaring tumigil sa kanyang ginagawa. She was still too young to stop.
Ang kaso, ilang linggo na siyang walang maisulat. Total blackout. Kahit na munting ideya ay walang pumapasok sa kanyang isip. Noong nakaraang buwan pa niya inumpisahan ang isang kuwento ngunit hanggang ngayon ay nakakalimang pahina pa lang siya.
She had been in denial for weeks, and she finally gave in last night. Dumaranas siya ng isang matinding writer’s block. Hindi alam ni Anne kung saan nagmula iyon. Noong una ay inakala niyang tinatamad lang siya. Naisip ni Anne na masyado na niyang pinaikot ang kanyang mundo sa solar system na hindi totoo—fiction. Inakala niya na sawa na siya sa mga bagay na hindi totoo.
Hinayaan lang niya ang kanyang sarili. Lubos na naniwala si Anne na kusa rin siyang magkakaroon ng gana sa pagsusulat. Lilipas din ang kanyang katamaran. Kusang dadaloy ang mga ideya sa kanyang utak. Makakagawa uli siya ng isang kuwento na tatangkilikin ng lahat. Ano naman kasi ang ibang gagawin niya kundi ang magsulat?
Ngunit habang lumilipas ang mga araw ay lalong nawawalan ng gana si Anne. Wala talagang dumadaloy na kahit na munting ideya sa kanyang isip.
Frustrated na si Anne. Nais niyang magsulat ngunit wala siyang maisulat. Hindi niya alam kung bakit biglang nangyari sa kanya ang bagay na iyon. Nag-aalala na siya para sa kanyang sarili. Wala siyang ibang alam na trabaho kundi ang magsulat. Sa pagsusulat umiikot ang kanyang buong buhay.
Sa loob ng sampung taon, nabuhay si Anne dahil sa pagsusulat. Hindi siya maaaring tumigil ngayon. She had to go on. She had to find her inspiration again.