Magaan siyang ngumiti kay Manang Erma at mariing umiling sa matanda.
“Wala po kayong kasalanan, Manang. Nagpapasalamat nga po ako dahil kahit paano, tinutulungan ninyo ako kahit na puwede ninyong ikapahamak iyon.”
Mabigat na nagbuntong-hininga si Manang at umiling.
“Sa totoo lang, iha, kung ako ang masusunod, matagal ko nang isinumbong yang si Octavia kay Arkin.”
Nanlaki ang mata ni Elaina at matigas na umiling sa matandang mayordoma. Kapag ginawa nito iyon ay mapapahamak ito, higit sa lahat ang kanyang pamilya sa Quezon.
“Manang, nakikiusap po ako sa inyo, ‘wag na ‘wag n’yo pong sasabihin kay Arkin ang mga ginagawa sa akin ni Mama. Maaaring ikapahamak mo iyon at ng pamilya ko po, Manang.”
Napailing na lamang sa kanya si Manang.
“Alam ko, Elaina. Ngunit hanggang kailan ka magtitiis kay Donya Octavia? Hanggang kailan ka magtitiis sa mga pananakit niya sa’yo,sa mga pagpapahirap?”
Panandalian siyang natigilan sa tanong na iyon ni Manang Erma. Hanggang kailan nga ba siya magtitiis sa matapobre at malupit niyang biyenan? Hanggang kailan niya matitiis ang pagpapahirap nito sa kanya? Malalim siyang napabuntong-hininga.
“Hanggang sa makakaya ko, Manang, magtitiis po ako. Magtitiis ako alang-alang kay Arkin,”
ani niya at mapait na ngumiti.
Natapos siyang kumain na hindi man lang dumating ang kanyang asawa, kaya nagpasya siya na bumalik na lang muli sa kanilang silid.
Napatingin siya sa orasan na nasa taas ng pintuan. Hindi man niya alam kung anong oras na, pero sigurado siya na lumalalim na ang gabi. Maaga umalis ang asawa niya kanina, ngunit bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito bumabalik? Ni ang pagtawag man lang sa kanya ay hindi nito nagawa. At ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito. Dati-rati naman ay tinatawagan siya ni Arkin upang ipaalam sa kanya na gagabihin ito ng uwi. Pero ngayon? Wala, as in wala.
Naalala niya ang sinabi kanina ni Arlene. Ang babaeng kasama nito ay dati daw kasintahan ng kanyang asawa. Napalunok siya, unti-unting bumibigat ang kanyang nararamdaman.
“Hanggang ngayon kaya magkasama sila?”
Piping tanong niya sa sarili. “Malamang!”
Salo ng isip niya. Malalim siyang bumuga ng hangin at kinalma ang sarili. Pilit niyang iwinaksi ang sinabi ni Arlene kanina. Minabuti na lamang niyang matulog kaysa isipin ang asawa.
“Baka may biglaan lang siyang trabaho kaya hindi na niya ako nagawa pang tawagan,”
ani niya at pinagsawalang-bahala ang hindi pagtawag sa kanya ni Arkin. Dahil tiwala siya sa kanyang asawa.
Sa kabilang banda, sa labis na saya ni Arkin nang muli niyang makita ang dating kasintahan na si Priea, ay nakalimutan na niya na may asawa siyang naghihintay. Simula nang dumating siya kanina ay hindi pa man lamang niya nakikita si Elaina, dahil mas pinili niyang samahan ito sa mga lakad nito.
Tulad na lang ngayon, kasama niya ngayon sa mall si Priea,upang mag-shopping. Habang tinitingnan niya si Priea na abala sa pagtingin-tingin ng mga mamahaling damit, ay hindi niya maiwasang maalala ang mga nakaraan nila ni Priea.
Si Priea lang naman ang babaeng unang nagpatibok at nagpasaya sa puso niya. Kaya nga, nang mas pinili nito ang career kaysa sa kanya, ay labis siyang nasaktan.
Dahil sa sobrang pagkaabala nito sa trabaho, ay nakipaghiwalay ito sa kanya. Sobra siyang nasaktan dahil sa ginawa iyon ni Priea. Nawalan din siya ng komunikasyon dito. At nito lang nakaraang buwan, muli ay nagparamdam sa kanya ang ex-girlfriend at sinabing uuwi ito ng Pinas.
At heto nga, hindi siya nakatiis nang sabihin ni Priea na gusto siya nitong makita.
“Hey, what do you think?”
Napabalik sa diwa si Arkin nang marinig niya ang matamis at malambing na boses na iyon ni Priea. Nakangiti ito sa kanya habang ipinapakita sa kanya ang isang sexy dress. Maganda si Priea—sexy, matangkad, at maputi. Kaya kahit anong isuot nito, alam naman niyang babagay rito. Ano pa at naging isang international model ito kung hindi rin lamang ito marunong tumingin at magdala ng mga magagandang damit.
Matamis niyang nginitian si Priea at tumango rito.
“Beautiful…”
ani niya at saka inalalayan ang babae.
Pagkatapos mamili ay nagyaya si Priea na kumain sa paborito nilang restaurant noong sila pa ng babae.
Napatigil siya sa ginagawa nang masuyong hawakan ni Priea ang kamay niya.
“Do you still remember our sweet memories in this restaurant?”
masuyong tanong sa kanya ng babae at matamis na ngumiti sa kanya.
Kinuha niya ang kamay nito at marahan na tumango.
“Yeah, of course. Dito tayo nagkakilala, at dito ka rin nakipaghiwalay sa akin, four years ago,”
ani niya at gumuhit sa mata ang lungkot.
Muli niyang naalala kung paano siya nagmakaawa noon kay Priea upang huwag lamang siya nitong iwanan. Ngunit sa huli, mas pinili ng babae ang career nito kaysa sa kanya.
“I’m sorry for what I did. But I’m here now, Arkin. Pwede ulit tayong magsimula. Pwede na tayong magsama, gaya ng gusto mo noon. Pwede na tayong bumuo ng pangarap nating pamilya.”
“And how can I do that? You know I’m married,”
ani niya at malalim na napabuga ng hangin.
Saka lang niya muling naalala ang asawang si Elaina. Simula nang dumating siya ay hindi pa niya ito nakikita. Ni hindi man lang niya nagawang tawagan ang asawa.
“Idivorce mo siya. Tita Octavia told me everything about your wife. Arkin, pwedeng-pwede mo iyong gawin sa asawa mo, lalo na at isa siyang mangmang.”
Tama si Priea—kayang-kaya naman talaga niyang hiwalayan si Elaina kung gugustuhin niya. Ngunit mariin siyang umiling sa babae.
“Hindi iyon gano’n kasimple, Priea.”
Nangunot ang noo ng babae. Tila hindi nito maintindihan ang kanyang sinasabi.
“At bakit? Makapangyarihan ka, Arkin. Pwedeng-pwede mo siyang iwanan. Marami kayong magagaling na abogado. O baka nga hindi mo na kailangan ng abogado, eh, dahil mangmang naman ang asawa mo—walang alam sa batas. Kaya kaya mo siyang—”
“Priea, I need to go,”
putol niya sa iba pa sanang sasabihin nito.
Hindi na niya nagugustuhan ang sinasabi ng babae. Hindi siya gano’n kasama upang samantalahin ang pagiging mangmang ni Elaina. Kahit pa nga ang totoo ay hindi naman talaga siya sigurado sa nararamdaman niya para sa asawa.