Mainit nga ako, ramdam ko ang init ng sarili kong balat, maging ang paghinga ko ay mainit. Mukhang ito ang naging kapalit sa mahabang oras na inilagi ko sa ulan.
"Pasensya na sa abala." Hinging-paumanhin ko sa kanya sa paos na tinig. Hinang-hina ang pakiramdam ko na kahit ang pagsasalita ay hirap ako.
Tinignan ako ng lalaki at saka ngumiti. "Kahit naman siguro sino ay tutulungan ka kapag ganito ang sitwasyon mo," saad nito na lumapit sa akin at inayos ang kumot na nakabalot sa katawan ko.
"Magpahinga ka na muna, matulog ka ulit. Gigisingin kita kapag luto na iyong sopas na inihanda ko. Kailangan mong kumain para makainom ka ng gamot, magtitiis ka nga lang sa lasa niyon dahil sa ako lang ang may gawa." Nakangiting turan niya sa akin.
"Thank you," usal ko at binigyan siya ng isang tipid na ngiti. Pagkuwa’y ipinikit ang aking mga mata.
Isang kamay ang muling humaplos sa pisngi ko bago ko naramdaman ang mga yabag na papalayo sa akin. Pagkasara ng pinto ay muli kong iminulat ang aking mga mata at pinagmasdan ang kabuuan ng kuwarto. Walang masyadong kagamitan ang loob ng kuwarto ngunit bawat gamit na makita ko ay hindi maikakailang mamahalin at branded.
Napatingala ako sa kisame at sumagi ulit sa isip ko ang masayang mukha ng dating nobyo ko pagkatapos niyang makipaghiwalay sa akin. Hindi ko na naman napigilang umiyak, sumisikip ang dibdib ko at para akong nauubusan ng hangin sa katawan, sa tuwing maiisip ko ang ginawa niya.
Pinilit kong umupo at isinandal ang likod sa headboard ng kama, hinawakan ko ang dibdib ko at nagpakawala ng ilang malalalim na paghinga.
'Oh God, what's happening to me?' tanong ko sa sarili ko. Ipinikit ko ng mariin ang mga mata ko at pilit pinakalma ang aking sarili. Inalis ko sa isipan ko ang mapait na alaalang iyon at napagtagumpayan ko naman kahit papaano.
Nanatili ako sa ganoong posisyon ng ilang sandali hanggang sa maisipan kong humiga ulit at piliting makatulog. Sa ganoon paraan ay maiiwasan niyang maalala ang mapait na nangyari sa kanya ngayong araw.
*****
Isang pares ng mata ang sumalubong sa akin pagkamulat ko agad ng aking mga mata. Nakaupo siya sa gilid ng kamang hinihigaan ko at kalmadong naghihintay sa pag-gising ko.
Nagkatitigan kami at namayani ang katahimikan sa paligid, tanging ang pagpatak ng ulan sa bubong at ang malakas na ihip ng hangin sa labas ang maririnig sa paligid namin. Maya-maya lang ay tumikhim ang lalaking hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang pangalan. Ilang oras na akong nandito sa bahay niya't ilang beses na kaming nagkausap ngunit ni minsan ay hindi ko naitanong kung ano ang pangalan niya.
Ang sama ko naman!
"Good you're already awake, balak na sana kitang gisingin kaso nakita kong masarap ang tulog mo kaya hinayaan na muna kita. Kumain ka na habang mainit pa 'to," saad niya na ipinakita ang umuusok pang sopas na nasa tray.
Inalalayan niya akong makaupo ng maayos bago ibinigay ang tray na may pagkain. Bigla akong natakam nang makita at malanghap ko ang pagkain. Agad kong kinuha ang kubyertos na nasa gilid ng mangkok at balak na sanang kumain ngunit hindi umayon ang mga kamay ko. Nanginginig ang mga iyon at sa tuwing sasandok ako ng pagkain ay natatapon lang bago umabot sa bibig ko. Binitiwan ko ang kutsarang hawak at nauubusan ng pasensyang tinignan na lamang ang pagkaing nasa harap ko.
"Let me help you, susubuan na lang kita, kung okay lang sa'yo?" Nakangiti niyang tanong sa akin at kinuha ang pagkain sa kandungan ko.
Wala akong nagawa kundi ang tumango na lang at nagpasubo sa kanya. Nakakahiya man ngunit wala akong ibang choice kundi ang hayaan siyang pagsilbihan ako. Sobra-sobrang abala na ang ginagawa ko sa kanya.
"My name is Harvey, mabuti na lang pala at naisipan kong umuwi ng maaga kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari sa'yo doon. Kaya mo na bang magkuwento?" tanong niya habang sinusubuan ako ng pagkain.
Naitikom ko ang aking bibig at natigilan sa ginagawang pagnguya ng pagkain.
"Uhm, okay lang kung ayaw mo pang pag-usapan. Mukhang mabigat nga ang dinadala mong problema," aniya.
"My boyfriend dumped me." Nauutal kong saad na nakatingin sa kawalan. "It's our sixth monthsary today. He invited me to go on a date and meet him in the park. When he saw me, the first thing he said was he wanted to break up with me." Mapait akong napangiti.
Naramdaman ko ang pagtingin niya sa akin at tila hindi ito makapaniwala sa sinabi ko—iyon ang akala ko. Iyon pala ay iba ang nakikita kong pagkagulat sa mukha niya.
"Dahil lang sa hiwalayan niyo kaya nawala ka sa katinuan at naglunoy sa ulan? Nasobrahan ka yata sa mga napapanood at mga nababasa mo. Kailanman ay hindi naging solusyon ang pagpapahamak sa iyong sarili kapag nasasaktan ka o nabibigo dahil sa huli walang ibang tutulong sa'yo kundi ang sarili mo." Napalingon ako sa kanya at muli ay nagtama ang mga mata namin.
May bumangong inis sa dibdib ko dahil sa sinabi niya. Hindi niya ba alam kung gaano kasakit ang iwan ng taong pinakamamahal mo? Hindi ako nagsalita at nagpatuloy lang sa pagnguya, ayaw kong makipagtalo sa taong tinulungan ako’t inaasikaso.
"Bakit ba siya nakipaghiwalay sa’yo? May ginawa ka bang hindi kanais-nais at nagalit siya?"
Umiling ako't nagbaba nang tingin, nagsisimula na namang lumabo ang aking paningin dahil sa luhang nagbabadyang bumagsak sa aking mga mata.
“Iyon nga ang masakit, eh, nakipaghiwalay siya sa akin ng hindi man lang nagpaliwanag kung bakit. Iniwan niya ako at tinalikuran ng hindi man lang nagsasabi ng magandang dahilan."
"Whew! What a jerk! Those kinds of men don't deserve your tears, tahan na. Huwag mong sayangin ang sarili mo dahil lang sa mga walang kuwentang taong katulad ng ex mo."
"But I can't stop it. I can't endure the pain in my heart. It hurts so much to the point that I no longer know what to do! I love him, and my world revolves around him ever since I met him."
"Eh, ‘di umiyak ka ngayon pagkatapos bukas kalimutan mo na siya. Ibuhos mo lahat ng hinanakit mo ngayon at paggising mo bukas ng umaga umpisahan mong ibaon siya sa limot. Move on," utas niya na kababakasan ng kaseryosohan ang boses.
Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya, parang ganoon lang kadaling gawin ang lahat.
Inirapan ko siya at nagkibit ng balikat, palibhasa wala siyang alam sa kung ano ang nararamdaman ko. "Parang ganoon lang kadali ang pinagsasabi mo." Tumawa ako na may bahid ng pait. "Hindi mo ako maiintindihan kasi hindi mo alam ang nararamdaman ko ngayon."
Narinig ko siyang tumawa ng mahina.
"Iyong alin? Iyong pakiramdam na umasa kang okay kayo at masaya? Iyong feeeling na binigay mo na lahat para lang iparamdam sa kanya kung gaano mo siya kamahal? O, iyong pakiramdam na wala ka namang ginawang mali pero nagawa ka pa rin niyang iwan at balewalain?" mapaklang turan niya.
Nakagat ko ang ibabang labi ko at nag-iwas ulit nang tingin sa kanya. Bigla akong napahiya sa pagiging mapanghusga ko, hindi naman kasi halatang bigo rin ito sa pag-ibig.
"I'm sorry," mahina kung utas sa kanya. Sininghalan niya lang ako nang tingin at inilapag ang mangkok na hindi ko namalayang naubos ko na pala.
Namayani ulit ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Nahihiya akong tumingin sa kanya at magsalita. Tinulungan na nga ako't nagmagandang loob ang lalaki pero hinusgahan ko pa din ang pagkatao nito. Huminga ako ng malalim at nilakasan ang loob na tumingin ulit sa kanya.
"Galit ka ba?" untag ko.
Umiling ito't ngumiti. "Nah, naiinis lang. Hindi lahat ng lalaki pare-pareho, Miss. May mga lalaking gago at may mga lalaking nagagago. May mga lalaking nang-iiwan at meron din namang iniiwanan, ganoon din naman sa mga babae. May mga manggagamit at meron din namang ginagamit lang para sa pansariling kasiyahan. Looks can be decieving, maraming nabibiktima niyan. Iyong tipong bumabase lang sa nakikita ng mga mata at sa itsura. In short, don't judge the book the way it looks," litany niya sa akin.
"I said I’m sorry," mahina kong utas sa kanya.
"Apology accepted.” Nakangiti niyang sabi sa akin. Ngumiti na rin ako at lihim na nakahinga ng maluwag. Hindi ko alam kung bakit pero parang hindi ako mapakali nang makita ang kaseryosohan niya habang nagsasalita.
"Caryn," sambit ko, sabay lahad nang naginginig ko pang kamay sa kanya.
Tinanggap niya ang nakalahad kong kamay saka matamis na ngumiti.
Sinapo niya ang noo ko. "Mainit ka pa. Uminom ka na ng gamot at magpahinga ka ulit. Dito ka na magpalipas ng gabi at bukas ka na umuwi. Masama pa rin ang panahon at hindi okay sa'yo ang umuwi na ganyan ang kalagayan mo," aniya na iniabot sa akin ang gamot at isang basong tubig.
"Thank you," usal ko sa kanya at ininom ang gamot na binigay niya. Tango at ngiti lang ang isinukli niya at inalalayan na akong makahiga ulit.
Nang masigurong okay na ako ay tinungo niya ang mahabang sofa na nasa isang sulok lang ng kuwarto niya. Kumuha siya ng extrang kumot at humiga na. Ilang sandali pa ang lumipas at naging tahimik na ulit ang paligid, tinapunan ko ang mahimbing ng natutulog na binata. Hindi ako makatulog, hindi dahil sa nangangamba akong may gagawing masama sa akin ang lalaking kasama ko kundi dahil sa lamig na nanunuot sa balat ko. Hindi sapat ang makapal na kumot para protektahan ako sa lamig.
Tinawag ko siya sa pangalan niya ngunit hindi niya ako narinig, pinilit kong bumangon at balak siyang gisingin. Ibinalabal ko ang kumot sa nanginginig kong katawan at dahan-dahang humakbang palapit kay Harvey.
Nang nasa tapat na ako ng higaan niya ay tinapik ko ang mukha niya ng dahan-dahan. "Harvey…" paos ang boses na tawag ko sa kanya.
Naalimpungatan siya at nagulat nang makitang nakaupo ako sa sahig at nakaharap sa kanya. "What are you doing here? May kailangan ka ba?" Tumango ako't balak magsalita ngunit hindi ko naituloy dahil bigla niya akong kinarga at ibinalik sa higaan.
"Mataas na naman ang lagnat mo, wait, I'll go and take some water and towel." Lumabas siya ng kuwarto at iniwan ako, hinawakan ko ng mahigpit ang kumot at ramdam ko ang panginginig ng katawan ko dahil sa lamig.
Hindi ko na namalayan ang pagbabalik niya dahil biglang nanlabo ang paningin ko at hinihila na ako ng kadiliman.
"Caryn, do you hear me? Anong nararamdaman mo, nilalamig ka ba? God, what I am gonna do?!" natatarantang saad niya.
Sa nanlalabo kong mga mata ay nakita ko ang matinding pag-aalala niya at pagkataranta.
"I'm cold…" utas ko na parang bumubulong lang sa sobrang hina ng boses ko. Maya-maya lang ay may naramdaman akong mainit na bagay sa tabi ko. Awtomatikong isiniksik ko ang katawan ko at doon lang ako nakaramdam ng kaginhawaan hanggang sa tuluyan na akong gupuin ng kadiliman.