Umiling siya at huminga ng malalim. “Nothing, you’re perfect enough Caryn, but we’re not fated to be together. Ayokong makulong sa isang relasyon na hindi ko na naman gusto, I’m sorry. I really am sorry.”
“Please give me another chance, Kevin. I will do everything you want. Kung kinakailangang ibigay ko ang sarili ko sa’yo just to be with you again, gagawin ko. Mahal na mahal kita at hindi ko kayang mawala ka sa akin.” Pagsusumamo ko at hindi ko na pinigilan pang umiyak.
Napatitig siya sa akin at napalunok ngunit ilang sandali lang ay nag-iwas ito nang tingin at tumayo sa kinauupuan nito. “Just let me go, Caryn. Kung talagang mahal mo ako, makakaya mo akong pakawalan kung iyon ang ikasisiya ko. Huwag kang madamot at intindihin mo ring gusto kong maging malaya.” Sa pangalawang pagkakataon ay tinalikuran niya ulit ako at walang lingon-likod na lumabas siya sa bahay namin.
Sunod-sunod ang pagtulo ng mga luha ko at sa nanlalabong paningin ay binaybay ko ang hagdan papunta sa kwarto ko. Agad kong isinara ang pinto at siniguradong naka-lock iyon bago ako dumapa sa kama at ibinuhos lahat ng sama ng loob ko.
Hindi ko alam kung bakit niya pa naisipang magpunta rito kung pinal na pala ang desisyon niyang hiwalayan ako. Alam niyang mas lalo lang akong masasaktan sa sasabihin niya ngunit pinili niya pa ring puntahan ako at linawin ang pakikipaghiwalay niya sa akin. Iyon lang ba talaga ang rason kung bakit siya nagpunta dito sa bahay? Parang ang hirap paniwalaan ng mga sinabi niya, hindi niya na ako mahal? Kailan pa? Ganoon lang ba talaga kadaling mawala ang nararamdaman ng isang tao? O, may pinagdadaanan lang siya kaya nakipaghiwalay sa akin? Pinili kong paniwalaan ang huling naisip na dahilan kung bakit niya ako iniwan. Bigla akong nabuhayan ng loob, maaaring tama ako at maaari ring hindi pero kailangan kong subukan.
Hindi ako susuko ng ganoon lang, alam kong may konting pagmamahal pa din akong nararamdaman mula sa kanya. Dahil kung hindi ay hindi ito maglalakas loob na puntahan ako dito sa bahay at maghintay hanggang sa pagdating ko. Tama! All I need to do is to try! Kung kinakailangan lumuhod ako sa harap niya at maghabol gagawin ko! Kakalimutan ko ang sarili kong pride para sa kanya, baka sakaling kapag nakita niyang nag-e-effort ako ng sobra ay bumalik siya sa akin.
Nagkulong ako maghapon sa kuwarto ko, tumahan na din ako sa kakaiyak at kinalma ang sarili. Kailangan kong magpahinga at maging okay para bukas may lakas akong harapin ulit siya at kausapin.
Nang sumapit ang hapon ay pumasok sa kwarto ko ang kapatid ko at parang mas matanda sa akin na sinermunan ako at pinagalitan. Inilihim ko sa kanya ang totoong nangyari sa akin at ang tanging sinabi ko lang ay nakatagpo ako ng isang bagong kaibigan.
*****
KINABUKASAN, naghanda na ako para sa pagpasok ko sa unibersidad. Hindi ko na naabutan ang kapatid ko, ang sabi ni Tita ay may sumundo na raw sa kanya papuntang school, hindi ko na ipinagtaka iyon kasi araw-araw ay may sumusundo dito.
Pagpasok ko sa loob ng campus ay agad kong hinanap si Kevin, desidido talaga ako sa gagawin ko.
Nagpunta ako sa building nila, magkaiba kasi kami ng kurso, Accounting ako at siya naman ay BSIT. Nakita ko ang mga kaibigan niya kaya lumapit ako sa kanila, nang makita nila ako ay bigla silang natahimik at nagpalitan nang tingin sa isa’t-isa.
“Hinahanap ko si Kevin, nandito na ba siya?” Nakangiti kong tanong sa kanila at hindi pinansin ang pagkailang na makikita sa nga mata nila.
“Ha? Ah… wala pa eh, baka hindi papasok iyon ngayon. Nagpaalam kahapon na may pupuntahan daw siya,” sagot ng isa sa mga kaibigan niya na hindi makatingin sa akin ng diretso.
“Ganoon ba? Alam mo ba kung saan siya pupunta?” tanong ko sa kanya.
“Hindi niya sinabi kung saan siya pupunta, emergency yata,” sagot pa ng isa pang kaibigan niya.
Nginitian ko sila at hindi nagpahalatang nadismaya sa ginawa nilang pagsisinungaling. Mukhang wala akong aasahan sa mga ito, maski sila ay ayaw na sa relasyon namin ni Kevin.
“Thanks! Tatawagan ko na lang siguro siya para magtanong, aalis na ako.” Pagkasabi ko niyon ay tinalikuran ko na sila’t umalis na.
Bigo akong kausapin siya ngayon pero hindi ako susuko at babalik ako bukas. Sana lang makita ko na siya at makausap bukas pagbalik ko rito. Bumalik ako sa building namin at pinilit na ipokus ang sarili sa pagre-review para sa exam.
Lumipas ang apat na araw at wala akong nadatnang Kevin sa building nila. Bawat punta ko doon ay may nakahandang alibi ang mga kaibigan niya, kesyo may sakit daw o kaya ay umuwi ng maaga, o ‘di kaya ay hindi nila nakita. Alam kong nakakahalata na silang hindi ako naniniwala sa mga sinasabi nila ngunit hindi sila umimik at laging nag-iiwas ng tingin kapag nakikipagtitigan ako sa kanila. Ngunit sa huli ay hindi ako kumibo at hinayaan lang sila at sinabihang babalik na lang ulit kinakabukasan.
Mahirap hulihin ang taong nagtatago ngunit hindi ako susuko, alam kong magkikita din kami ni Kevin at kapag nangyari iyon ay hindi ko na talaga siya papakawalan pa. By hook or by crook, I will get him back.
Haggang sa isang hapon ay naisipan kong magpuntang canteen para bumili ng pagkain. Mamaya pa ang break time namin ngunit nagpaalam ako sa Prof. ko, hindi ko na kasi matiis pa ang gutom ko. Nasa labas pa lang ako ng canteen ay dinig ko na ang pamilyar na halakhakan ng mga kaibigan ni Kevin, bahagya akong natigilan ngunit dahan-dahan akong pumasok at ikinubli ang sarili sa mga estudyanteng kasabay kong pumasok.
Pagkatapos kong bumili ng pagkain ay hindi agad ako bumalik sa room at umupo sa mesang nasa likod nila. Nakita ko si Kevin na kasama nila kaya naisip kong ito na ang pagkakataon kong kausapin ang dati kong nobyo.
“Pare, hindi kita maintindihan kung bakit inayawan mo ang katulad ni Caryn. Mahal ka nung tao at hindi biro ang ilang beses niyang pabalik-balik sa building natin, bakit ‘di mo na lang kaya harapin at kausapin ng maayos? Pati kami nadadamay sa kalokohan mo,” reklamo ng isa niyang kaibigan na lagi niyang pinagtatanungan.
“Hayaan niyo lang siyang magpunta at magtanong sa inyo, pasasaan ba’t susuko rin iyan. Nag-effort na akong puntahan siya sa bahay nila at kausapin siyang tigilan na ako at hayaan na ako sa desisyon ko pero wala pa rin. Ang kulit niya, ayoko siyang harapin at talagang naririndi na ako sa tuwing makikita ko siyang umiiyak,” inis na saad ni Kevin.
Nagpanting ang dalawa kong tenga sa narinig na sinabi ni Kevin. Napahigpit ang hawak ko sa pagkaing bitbit at pinigilan ang sariling lingunin siya at sabihing nasa likod niya lang ako at narinig ko ang sinasabi niya, ngunit pinigilan ko ang sarili ko at ipinagpatuloy ang tahimik na pakikinig.
“Gago! Mahal ka nung tao, ang suwerte mo nga at may nagmamahal sa’yo ng totoo. Can’t you see? Kahit na pinagtulakan mo na’t binitiwan, hinahabol ka pa din at umaasang babalik ka!” galit na saad ng isa pa niyang kaibigan.
“Hindi ko naman sinabing maghabol siya, isa pa wala na talaga akong nararamdaman doon sa tao. I’m done with her, alam niyo namang niligawan ko lang iyon dahil bored lang ako noon at walang magawa.” Napapikit ako at gumuhit ang sakit sa mukha ko. Kung ganoon pala, totoong naging palipasan lang ako ng oras niya.
Hindi totoo ang mga sinabi niya sa akin dati at lahat ng iyon ay sinabi niya lang para mauto ako’t sumakay sa trip niya. Tumayo ako sa inuupuan ko at walang emosyong hinarap si Kevin at ang mga kaibigan niya. Halatang hindi nila inaasahan ang paglitaw ko sa harap nila.
“Can I talk to you for a second?” malamig ang tonong tanong ko sa kanya.
“For what? I told you we’re done already, hindi na ako babalik pa sa’yo kaya huwag mo na akong guluhin pa. Narinig mo ang sinabi ko kani-kanina lang, ‘di ba?” Nakangisi niyang saad at sininghalan ako ng tingin.
Lihim na nagtagis ang bagang ko at ikinuyom ang mga kamao kong nasa likod ko.
“Isang pagkakataon na lang Kevin, let’s talk and after this, I will definitely forget everything about us. Kakalimutan kong may isang gagong katulad mo na nagdaan at ginulo ang buhay ko.”