CHAPTER 1
Merjie’s Point of View
Five years ago, Davao City.
“Sinasabi ko sayo, kung gusto mong ipagpatuloy ‘yang pagkanta mo, lumayas ka sa bahay,” galit na galit ang Daddy ko nang umuwi ako ng alas tres ng madaling araw. Mayroon kasi kaming gig na hindi ko pwedeng palampasin dahil sayang ang kita.
Hindi naman kami mahirap na mahirap. Nakakapag-aral pa naman ako. Sa Ateneo de Davao pa nga, mind you. Ang course ko? Bachelor of Science in Entrepreneurship, Major in Agri-Business.
Mayroon kasi kaming taniman ng saging dito sa Davao. Medyo maliit lang pero sakto na ang kita para mapag-aral kami ng isa ko pang kapatid na nasa high school.
“Sayang kasi Daddy ang kita,” sagot ko. Pakiramdam ko hulas na ang make up ko at mukha na akong panda sa eyeliner kong hulas na hulas na dahil sa pawis.
“Magkano ba ang sinasabi mong kita na ‘yan? Gaano kalaki ‘yan para umagahin ka nang ganyan? Alam mong mayroong curfew dito sa Davao.” Nakukulili na ang tainga ko sa kakasigaw ni Daddy. Daig niya pa si Mommy. Si Mommy na walang pakialam sa akin.
“Five hundred po,” sagot ko. Dumayo pa kami sa General Santos para lang sa gig na ‘to.
“Hoy, Merjs! Tulala ka na naman,” sabi ni Tuts, ang lead guitarist namin. Napabuntong-hininga ako.
“Sorry. Ano nga ulit ‘yon?” tanong ko sa kabanda ko. “Okay ba sayo ang line up ng kanta natin mamaya?” tanong ulit nito. “Okay na ‘yon. Song of 90’s. Eraserheads, at Rivermaya,” sagot ko.
Naging maganda ang epekto sa aming mga musikero nang mag-operate ang Grace Hotel. Bukod sa naging permanente kami, nagsasalitan kami sa Club Zero, Country Club at Below Negative sa Grace Hotel para sa gig. Parehong pag-aari ni Mark Cuevas. Kapag mayroong event, raket pa rin kami doon. Mostly sa kasal at debut. Nag-iibang anyo kami kapag kasal at debut. Baka hindi niyo kami makilala dahil nakatago ang mga tattoo ng mga kasama ko sa long sleeves. Pormal na pormal, aakalain mong yayamanin kami.
Buti mababait ang may-ari ng Grace Hotel. Madali namin napakiusapan na bigyan kami kahit isang gig lang sa kasal. Kaya ang event organizer nila na si Yumi, kilala na kami.
“May problema ba, tol? Lagi kang natutulala,” tanong ng drummer naming si Baste. “Antok lang. Tulog lang ako ng ilang oras pa para mamaya.” Nagpaalam ako sa mga kabanda ko na naging tropa ko na rin.
“Sige, mamaya na lang. Sa Grace na tayo magkita kita,” sagot ni Tuts. Tumango ako at iniwan sila.
Umuupa ako sa maliit na apartment malapit sa Rotonda. Hindi ko afford ang umupa sa hotel sa Country Club kahit mayroon kaming privilege na umupa doon without membership kasi empleyado kami sa loob ng Country Club. Grabe ang ganda ng lugar na ‘yon. Parang paraiso. Parang fairy tale. Parang nasa ibang lugar ka. Parang any moment lilitaw ang mga engkanto dahil sa ganda.
Medyo malayo ang Country Club sa Rotonda. Mas okay na ang magmaneho ako ng halos isang oras para lang makauwi, kaysa naman mamulubi ako sa renta sa loob ng Club.
Hindi ko na kinaya ang antok. Hindi na ako kakain. Matutulog na lang ako para mawala na lang ang alalahanin at ang sakit ng pagbagsak ng telepono ni Daddy sa akin.