JIRO’S POV
“JIRO, nagpe-pedicab ka na rin pala ngayon?”
Nagulat ako nang biglang sumulpot sa tabi ko si Aling Teri habang nasa unahan na ako ng pila. Si Aling Teri ay ang biyudang kapitbahay namin na may pagnanasa sa akin.
Hindi naman sa pagmamayabang, eh, gwapo ako kaya ganoon na lang ang pagkagusto sa akin ni Aling Teri kahit na matanda pa yata siya sa nanay ko. Ewan ko nga ba kay Bebe kung bakit hindi niya ako magustuhan. Pogi naman ako. May dimples at killer smile pa! Marami nga diyang babae na nagpapa-cute sa akin pero hindi ko talaga pinapansin. Loyal talaga ako kay Bebe. Wala pa akong nagiging girlfriend dahil sa kanya. Ang gusto ko kasi ay siya ang maging first ang last girlfriend ko.
Nginitian ko si Aling Teri. Medyo mataba siya at parang kay Dora The Explorer ang buhok. “Opo, Aling Teri. Ako muna ang pumalit kay Tito Ador sa pagpasada ngayon,” sagot ko.
“Naku, pinapahirapan ka ni Ador?” humawak pa siya sa braso ko sabay haplos doon.
Sige lang, hawak lang…
Haplos lang…
Wala namang mawawala sa akin, eh. Hehe!
Isa pa, kailangan ko rin naman na maging mabait kay Aling Teri dahil kahit papaano ay nakakautang kami sa sari-sari store niya.
“Hindi naman po. Siguro ay gusto lang magpahinga ni Tito Ador kaya ako muna. Saka wala din naman akong ginagawa, tambay lang…”
“Ay, gano’n ba? Siya… Sasakay ako sa’yo. Ihatid mo ako doon sa palengke at mamimili ako ng pang-sinigang na baboy. Lulutuin ko para sa tanghalian. Hayaan mo at dadalhan kita pagkaluto!” at parang kinikiliti ang singit na humagikhik pa ito.
Naitanong ko tuloy sa sarili ko, hindi kaya minumulto ito ng asawa nito dahil sa panlalandi niya sa akin? Ang alam ko kasi ay noong isang buwan lang namatay ang asawa ni Aling Teri.
Hay… Bahala na nga siya sa buhay niya.
Basta, hindi ako papatol sa biyudang ito. Kay Bebe lang ako.
Tinanguhan ko si Aling Teri. “Wow! Favorite ko po ang sinigang na baboy. Aasahan ko po `yan, ha. Sakay na po kayo para maihatid ko na agad kayo.”
“Ay, sige!”
Medyo gumewang ang pedicab nang sumakay na si Aling Teri. Mukhang mahihirapan akong magpedal nito, ah.
Pero… ano kaya kung gamitin ko ang kakaiba kong lakas ngayon?
Huminga muna ako ng malalim sabay buga ng hangin.
Inisip ko na malakas ako…
Kaya ko `to! Malakas ako! sigaw ko pa sa utak ko.
Nang magsimula na akong magpedal ay nagulat ako nang parang pumepedal ako sa hangin. Astig! Kahit mabigat si Aling Teri ay nakaya kong magpedal nang hindi ako nahihirapan.
“Wow, Jiro! Parang hindi ka nahihirapan na magpedal diyan, ah. Sabi ko na nga ba, nabawasan na ang timbang ko!” Humagikhik pa ito.
Hindi ko na siya pinansin. Tuloy lang ako sa pagpedal.
Hanggang sa isang boses ang nasagap ng tenga ko…
Magnanakaaaaw!!!
Teka…
Pamilyar sa akin ang boses na iyon, ah!
Heeelp!!! Help!!!
`Ayon na naman!
Hindi talaga ako pwedeng magkamali! Boses iyon ni Bebe! Nasa panganib siya!
Saklolo! Ang phone kooo!!!”
Hindi ko siya pwedeng balewalain. Itinigil ko sa tabi ng kalye ang pedicab at bumaba na mula roon.
“Jiro, saan ka pupunta?” nagtatakang tanong ni Aling Teri.
“Ah, eh… Ji-jingle po!”
“Ha? Sasama ako!”
“Naku, `wag na po. Mabilis lang po ako. Pramis!” sabi ko at kumaway na ako sa kanya.
“Sige. Hihintayin kita! Bilisan mo, Jiro!” anito.
Siguro ay ito na ang tamang oras para gamitin ko ang Super Ring. Hindi ako makakapayag na may masamang mangyari kay Bebe. Nang makakita ako ng sira at abandonadong gusali ay tumakbo agad ako doon. Luminga muna ako sa paligid at nang masiguro ko na walang tao na makakakita sa akin ay tinanggal ko na ang Super Ring mula sa pagkakakwintas sa leeg ko.
Minasdan ko iyon at parang namamalik-mata ako nang biglang umilaw ang letter “S” na nasa gitna ng singsing.
Aaminin ko na kinakabahan ako dahil unang beses kong susubukan ang sinasabi ni Nanay Jina na kapangyarihan ng Super Ring.
Isinuot ko na iyon sa palasingsingan sa kaliwang kamay ko.
Ito na talaga. Sana ay mailigtas ko si Bebe gamit ito…
Isinuntok ko paitaas ang kamao ko kung saan naroon ang Super Ring sabay sigaw ng: “Super Jiro!!!”
Nang isigaw ko ang pangalan na iyon ay isang kulay puting liwanag ang lumabas mula sa singsing. Sa una ay maliit lamang ang naturang liwanag ngunit lumaki iyon nang lumaki!
Palaki nang palaki hanggang sa sinakop na niyon ang buong katawan ko. Wala na akong makita kundi puro kulay puti. Ramdam ko na may mga pagbabago na nangyayari sa katawan ko. Maya maya ay sumabog sa kung saan-saan ang puting liwanag at nang iwanan niyon ay katawan ko ay nagulat ako sa naging hitsura ko!
Manghang-mangha na tiningnan ko ang kamay at braso ko.
Astig! Lumaki ang mga muscles ko at pakiramdam ko ay pumogi pa ako ng isangdaang beses!
Ang suot kong sando, shorts at tsinelas ay napalitan ng kulay green na boots, green na boxer shorts at kulay pulang kapa.
Superhero na superhero na ang datingan ko nito, ah.
Ako ba talaga ito?
Muling umilaw ang singsing. Isang puting liwanag ang lumabas doon at pumunta sa harapan ko. Lumaki ang liwanag at naghugis tao hanggang sa maging si Nanay Jina iyon.
“N-nanay…” naiiyak na tawag ko.
Nakangiti siya sa akin at walang bakas ng sakit niya noong siya ay nabubuhay pa.
“Anak, sa wakas ay ginamit mo na rin ang Super Ring. Ngayon ay alam mo na ang tunay mong pagkatao. Ikaw ay si Super Jiro! Gamitin mo ang iyong lakas at kapangyarihan para tumulong sa mga tao. Gamitin mo iyan sa kabutihan! Lupigin mo ang kasamaan, anak. Ipinagmamalaki kita!” At biglang nilamon ng hangin ang imahe ni Nanay Jina.
Pinahid ko ng kamay ko ang namumuong luha sa aking mga mata.
Tama. Susundin ko ang sinabi ni Nanay Jina. Ako ang magiging bagong superhero ng mundo…
Ako si… SUPER JIRO!
At kailangan kong iligtas ang babaeng pinakamamahal ko na si Bebe!
“Wait ka lang diyan, Bebe! I’m coming!” At kasing-bilis ng hangin na lumipad ako sa ere papunta sa kinaroroonan ni Bebe.