Chapter 4

2133 Words
Nagmaneho na ang lalaki at itinuro ni Cara ang daan. Una nilang hinatid si Boching at kasunod siya. “Dito na ako, bababa,” sabi ni Cara nang makarating sa may gate. “Hindi. Hahatid na kita sa building mo, saan ba?” “Dito na lang,” “Hahatid kita, wag nang makipagtalo.” “Diretso,” sabi na lang ni Cara bilang pagsuko. Inabot na rin siya ng hiya dahil sa marami na ang nakakapansin sa kaniya sa loob ng kotse nitong lalaki gayong alam ng lahat na mas dukha pa siya sa dukha. Sa tapat ng building ng kanilang department pumarada ang sasakyan at bumaba itong lalaki para pagbuksan siya ng pinto. Bumaba naman siya pero laking gulat niya nang maramdaman niya na may kamay na humawak sa kaniyang kaliwang braso. “Zian?” singhap ni Cara nang makita ang galit na mukha nito. “Mag-usap tayo,” sabi ni Zian at hinigit siya palayo. Hindi na nalingon ni Cara iyong lalaki dahil sa takot na makitang galit si Zian. Ni minsan ay di niya nakitaan ng matinding emosyon si Zian. Sa bakanteng room ng laboratory sila nagtungo. Binitawan siya ni Zian nang makarating sa loob, “Ano yon, Cara? Isang gabi lang ang lumipas tapos kinabukasan putok na putok ang balita na may nag-aalok ng kasal sayo? Di ko maunawaan? Kakapag-usap lang natin tungkol sa kasal-kasal na ito kahapon at sabi mo wala kang balak.” “Zian, kung gulat ka ay mas gulat ako.” “Eh ano yon bigla na lang, hindi mo alam? Magic? Paano?” “Mahirap ipaliwanag,” “Paanong mahirap ipaliwanag? Pumayag ka ba?” “Hindi.” “Hindi pero nagpahatid ka pa,” “Siya ang nagpumilit,” “Ha! Ayos to ah. Anong meron? Ganon ka niya kagusto agad?” “Zian, kahit ako ay tanong ko rin yan sa sarili ko. Hindi ako sigurado sa pakay niya...” “Anong pinangako niya? Madami ba siyang binigay? Mas marami ba siyang ibinigay kaysa sa akin? Sabagay basta libre, sige ka lang ng sige. Siguro, grabeng pagpapaawa na kwento ang ginaw—” Hindi na pinatapos ni Cara si Zian at sinampal na niya ito. Nangingilid ang mga luha niya pero pinanatili niyang kalmado ang sarili. Kakapag-away lamang nila ng kaniyang ama at di na niya kakayanin ang isa pang away. “Wala kang alam Zian kaya maghinay-hinay ka sa mga binibitawan mong mga salita. Di mo alam ang matinding takot na nararamdaman ko ngayon sa mga nangyayari.” “Gusto kita, Cara. Matagal na, baka nga mahal na kita.” Ngumisi ng mapait si Cara, “Wow. Ang ganda ko naman pala. Pero talaga? Tapos nakuha mo akong sabihan ng ganon kadali ng mga panghuhusga, grabeng pagmamahal iyan.” “Cara,” “Baka mahal mo ako, di ka rin sigurado dahil ako, sa tingin ko naguguluhan ka sa awa at sa pagmamahal. Sige na, marami pa akong iniisip, saka na lamang ulit tayo mag-usap.” “Hindi mo na ba ako gusto?” Natigilan si Cara at humarap rito, "Anong sinasabi mo?" "Alam kong gusto mo ako," "Imposible," "Talagang itatanggi mo kahit buong lakas ng loob mong kwinento kagabi kay Dj Vera?" Napahawak sa bibig si Cara. “Nakikinig ka rin kay Dj Vera?” “Aksidente ko lang narinig dahil kina lola ako natulog,” Napangisi si Cara, “Kaya ka ganiyan ngayon.” "Hindi Cara, matagal na rin kitang gusto pero, hindi ko kayang mawala ang pagkakaibigan natin. Pakiusap, maniwala ka. Wag kang papayag sa lalaking yon." Pigil ang mga iyak ni Cara na lumabas ng laboratory at nagtungo na sa unang klase sa umaga. Pinili niyang mapag-isa muna at iwasan si Zian. Gulong-gulo ang kaniyang isipan. Sumapit ang hapon at ganon na lamang ang gulat niya nang paglabas ng classroom ay nakita niyang nakasandal iyong lalaki sa kotse nito, nakapamulsa, at naghihintay sa kaniya. Kita niyang nakasunod si Zian kaya agad siyang naglakad palapit rito sa lalaki, “Bakit di ka pa umaalis?” “Wala ka pa namang sagot,” “Ano?” “Hindi ka pa nagsasabi ng oo o hindi sa tanong ko kung papayag ka bang magpakasal sa akin,” kalmado nitong sagot. Natigilan si Cara at tila tumigil ang sandali habang nakatitig na naman sa nakakatunaw nitong mga tingin, hinihiling na makakita ng kahit kaunting awa sa mga mata nitong lalaki pero bigo siya. Wala talaga. Imbes ay parang mas lalo siyang nagustuhan nito sa paglipas ng maghapon. Huminga ng malalim si Cara, “Kaya mo ba maghintay?” “May hihintayin ba ako?” “Seryoso ka ba talaga?” “Sa buhay, Cara, ni minsan di ako nagbiro dahil walang kasiguraduhan ang lahat. Baka bukas wala na ako sa mundo, malaking pagsisisi ang mararamdaman ko kung di ko ito ginawa. Ikaw rin, baka bukas pag nawala ako, manghinayang ka rin. Alam ko marami nang nakakatakot na bagay sa mundo at di kita masisisi roon, pero ibahin mo ako. Sumugal ka lang, di kita papatalo.” “Hintayin mo ako makatapos ng pag-aaral, hintayin mo akong matutunan kong matanggap at pahalagahan ang sarili ko,” sinserong sagot ni Cara. Gumuhit ang maliit na ngiti sa labi nitong lalaki saka inilahad ang kamay kay Cara para makipagkamay. “Sige. Maghihintay ako. Lawrence nga pala. Lawrence Zante.” “Nice meeting you, Lawrence Zante.” Turan ni Cara nang tanggapin ang kamay nito. Umalis ito sa pagkakasandal sa kotse at malugod siyang pinagbuksan ng pinto. “Pasok na, mapapangasawa ko.” Di mapigilang mapangiti ni Cara pero kahit gayon ay saglit pa rin nahagip ng kaniyang mga mata si Zian na nanatili na nakasubaybay ng tingin sa kaniya kahit sa malayo. Hindi sila dumiretso pauwi, kundi ay sa palengke sila nagtungo. “Hala anong ginagawa natin dito?” gulat na tanong ni Cara. “Habang nasa klase ka, nag-ikot-ikot ako at nakita kong ito lang ang pinakamalapit na bilihan ng mga makakain. Saka, gusto ko sana ay samahan mo akong mamili kahit kaunting madadamit, tsinelas, at ilang mga gamit,” saad ni Lawrence habang inaalis ang seatbelt. “Ha? Teka, anong ibig mong sabihin?” “Ah, nakausap ko na si Nanay. Didito muna ako para pag-aralan ang kalagayan ng baryo ninyo para sa paglilinyang gagawin namin bago ko ipatawag ang team ko. Naisip ko rin na magandang panimula ito para sayo, marami kang matututunan. Bukod sa matututunan mo akong mahalin, matututo ka ng kung paano ba ang mga electrical engineers sa field,” Hindi mapigilang mamangha ni Cara sa pagkatao ni Lawrence. Wala itong takot na ipahayag ang mga nararamdaman nito. “Grabe talagang bilis mo. Nanay mo na talaga. Pero sana balang-araw ay matutunan ko rin ang maging kagaya mo. Walang takot, siguro mas magiging madali ang mga bagay-bagay,” “Hindi ako matapang, talagang sinisikap ko lang ang maging tapat sa nararamdaman at naiisip ko sa lahat ng mga bagay. Halika ka na at baka tayo dilimin.” Kaso gabing-gabi na nang makabalik sila sa sasakyan ni Lawrence. Parehas na pawis na pawis at parehas na pagod na pagod. Sa katatawa. “Naku, bilis! Umuwi na tayo, mapapagalitan na ako,” saad ni Cara habang pinipigil ang tawanin. “Sige, sige. Mas mabuti pang atin na lamang sana ito,” sabi ni Lawrence na pigil rin ang tawanin. “Ang alin? Ang katotohanang halos bilhin mo na ang buong palengke dahil hindi ka marunong mamili?” biro ni Cara rito. "Pasensiya na, unang beses ko sa palengke," "Nahiya ang palengke sayo," biro ni Cara. Pinatakbo ni Lawrence ang kotse. "Ito ang towel, magpunas ka ng pawis." "Salamat," tugon ni Cara nang tanggapin ang towel. "Oh ha, may pakinabang na agad ang isa sa mga pinamili mo." Ngiting-ngiti tumingin si Lawrence kay Cara. “Ang ganda ng mga ngiti mo, ang sarap pakinggan ng mga tawa mo,” usal nito. Tumingin si Cara kay Lawrence dahil sa sinabi nito, “Ikaw. Tumingin ka sa kalsada, mamaya ikaw pa magpahamak sakin, baka di matuloy ang kasal natin.” Nakaramdam tuloy ng pamumula at pag-init ng tenga si Lawrence kaya naman itinuon na nito ang tingin sa daan. Sa likuran nila ay halos mapuno ang buong sasakyan ng mga gamit. Bandang alas-seite na rin nang makauwi sila at ganon na lamang ang takot ni Cara nang makita ang kaniyang ama na naka-upo sa labas ng kubo, galit ang mukha. Pagkatigil na pagkatigil ni Lawrence sa pagmamaneho ay mabilis itong bumaba at inalalayan si Cara. “Tay,” bati ni Cara, kabang-kaba at nag-aalangan sa maaaring sabihin ng ama. “Pasensiya na ho kung ginabi kami. Di ko ho sinasadyang abutin kami ng ganoon katagal sa pamimili,” sabi agad ni Lawrence. “Wag niyo ho sanang pag-isipan na may ginawa na akong mali sa anak ninyo dahil iintayin ko pa po siyang matutunan akong mahalin at makapagtapos ng pag-aaral.” Napanganga talaga si Cara sa mga namutawing salita sa bibig ni Lawrence. Maski ang kaniyang ama ay nawala ang gusot sa mukha. “Ayaw ko lang na nadidilim sa daan ang anak ko lalo at babae siya,” sabi na lamang ng ama ni Cara. “Pumasok na tayo at kakain.” “Ah sige ho Tay, mauna na po kayo at ibababa ko na po muna itong mga pinamili namin,” sabi ni Lawrence. Nanlaki na naman ang mga mata ni Cara. “Tatay?” bulong pa niya. “Mamaya na,” sabi ng ama ni Cara at nagpaumuna nang maglakad sa loob. "Totoo ba talaga ito?" nawiwindang na sabi ni Cara habang ginugulo ang buhok. "Totoong-totoo," kindat ni Lawrence. "Halika na." Sumunod sina Cara at Lawrence papasok. Nakahain na ang mga pagkain sa mesa. Sabay-sabay silang naupo pero saglit na namayani ang katahimikan dahil nagpapakiramdaman. “Sa kwarto namin matutulog si Lawrence simula ngayon, si Lorena, ay sainyo munang magkapatid matutulog,” basag ng ama ni Cara sa katahimikan. “Sige po, Tay,” kaswal na kaswal ang pagkakasabi ni Lawrence. “Pumayag ka na rin po?” usisa ni Cara sa ama. Lumunok muna ang ama bago sumagot, “Marami akong pagkukulang bilang ama, Cara. Ang mga magulang dapat nagbibigay ng ginhawa sa buhay ng mga anak pero bigo akong maibigay iyon sa inyo. At kahit pa ata magkopra ako ng magkopra ay di ko maiibigay ang ginhawa ng buhay na pwedeng ibigay sayo nitong si Lawrene,” “Tay, wag naman po ganon. Hindi naman natin kailangan dumepende sa ibang tao para lang sa pera,” “Hindi Cara. Bukod sa magandang buhay na pwede niyang ibigay, kita ko na mamahalin ka ng tama nitong lalaking ito. Kung iisipin mo na ginagawa ko ito para sa pero maling-mali ka anak. Nagiging matapang lamang ako at sana hindi pa ito huli para bumawi. Gusto ko lang ay maging masaya ka. Sige na kumain na tayo.” “Tapos pagtapos, may mga pinamili ako,” sabi ni Lawrence na nagpasabik kay Boching. Ngumiti si Lawrence at nagpasalamat sa kaniyang ama para sa pagkakataong ipinagkaloob. Habang si Cara ay hindi alam kung maiiyak ba o ano. Ipinagsandok siya nito ng makakain at masayang tinanggap ito ni Cara. "Thank you," bulong ni Cara kay Lawrence. "Thank you," usal ni Lawrence pabalik at pinisil ang kaniyang kamay. Pagkatapos na kumain ay agad na tumuloy sa pagbabalot ng suman sina Cara. Sumali rin naman si Lawrence at dahil sa pangungulit nito ay napapayag na rin ang ama ni Cara na makisali. Walang pasok kinabukasan kaya naman mas nag-enjoy sila dahil habang nagbabalot ng suman ay diretso ang kwento ng ama ni Cara ng katatakutan, mga kwentong aswang sa kanilang baryo. Panay ang tawanan dahil takot na takot si Lawrence lalo at lampara lamang ang ilaw ng kubo. “Sana laging ganito,” bulong ni Cara habang sinasalansan ang mga suman sa malaking kaldero nang sa wakas ay nakatapos rin sila sa pagbabalot. Ito kasing si Lawrence dahil sa takot, hindi na magawa ng ayos ang pagbabalot kahit anong gawing turo. Ang resulta, kakaiba ang pagkakabalot ng kay Lawrence. “Malapit na si Dj Vera,” sabi pa ni Lawrence matapos na maglagay ng gatong sa apoy. Nasa kwarto na ang ama at ina ni Cara maging si Boching. Nagpaiwan lamang silang dalawa dahil magbantay sa paglalaga ng suman. Natawa naman si Cara at pinahid ang pisngi nito na nalagyan na ng uling. “Mainit dito ha. Baka di ka sanay.” Hinawakan naman ni Lawrence ang kamay niya at dinama ang mainit niyang palad sa pisngi, “Masaya rito. Sobrang sapat na iyon, wala na akong mahihiling pa.” Binawi ni Cara ang kaniyang kamay at naupo sa upuang kahoy. Tumabi si Lawrence at sabay silang nakinig kay Dj Vera habang nakatitig sa maliwanag na kalangitan na kay ganda ng mga bituin sa langit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD