Nagdadabog na bumangon si Reese at naligo na kaagad pagpasok sa banyo. Ang tindi pa naman ng kaba niya nang marinig niyang nasa labas na ang Mama niya. Binilisan na niya ang pagligo at nagsipilyo na rin ng ngipin. Nakalimutan pa niya dalhin ang pamalit kaya no choice siya kundi lumabas muna ng banyo na nakatapis ng tuwalya.
Naroon na si Roan sa kama at nakapagbihis na. Pinandilatan niya ang nobyo at pahablot na kinuha ang damit niyang pamalit. Bumalik siya sa banyo at nagbihis na rin. Inayos lang niya ang kanyang buhok at sinuklay iyon gamit ang disposable comb na naroon. Lumabas na siya sa bayo at nakahanda na ang kanilang mga gamit sa kama. Walang imik na kinuha ni Reese ang kanyang backpack at sinuot na ang kanyang sneakers.
Napangiti na lang si Roan sa inakto ng nobya. Napakamot siya sa kanyang batok nang walang lingon likod na naglakad si Reese papunta sa kanyang pick up at nakahalukipkip na naghihintay sa pinto nito. Pinindot ng binata ang susi at na-unlock ang pinto ng sasakyan.
Kaagad na sumakay sa pick up si Reese. Hindi na hinintay ang nobyo na ipagbukas siya at pabagsak niyang sinara ang pinto ng pick up. Nang tingnan niya si Roan, matamis ang ngiti sa mga labi nito. Kaya, naiinis siya lalo. Nang bumukas ang pinto ng driver seat ay umasim ang mukha niya.
“Ang cute talaga ng baby ko. Huwag ka na magtampo baby wife,” pang- aalo ni Roan sa nobya.
“Tse! Huwag mo nga ako matawag sa mabantot na endearment na iyan!” nalukot talaga ang magandang mukha ni Reese at pinakita sa nobyo ang inis niya sa biro nito.
“Sorry na baby. Huwag ka na sumimangot at pwede ng sabitan ng bilao ang nguso mo,” natatawang saad ni Roan.
Naningkit ang mata ni Reese sa sinabi ni Roan. Hindi niya napigilan ang sariling kururin ang tagiliran ni Roan na siyang dahilan para mapaigik ito.
“Aray naman baby, ang brutal mo talaga,” natatawang turan ni Roan. Pinaandar na niya ang kanyang sasakyan at minaniobra palabas ng inn. Saglit silang huminto sa cashier area at binayaran ni Roan ang kanilang pananatili roon.
Sa kabuuan na mahigit isang oras na biyahe, walang imik si Reese. Naiinis pa rin siya sa kanyang nobyo at sa tuwing tatangkain nitong hulihin ang kanyang kamay, iniiwas niya iyon.
Nasa b****a na sila ng Rancho Vergara. Maaga pa kung tutuuisin at hindi pa sila nag almusal. Nag-text na si Roan sa ina na ipaghanda sila ng makakain pagkarating nila.
Napangiti si Roan nang bumungad sa kanya ang abalang feedlot na nadaanan nila pauwi sa mansion nila. Bata pa lang siya ay kasa-kasama na siya ng kanyang Mommy Eliza at Daddy Roman na maglibot sa kabuuan ng Rancho Vergara. Ang kanilang mga tauhan na may kanya-kanyang mga trabaho ay maaga pa na abala na. Naroong may nagre-refill ng mga pakain, may napapala ng mga dumi ng baka, at ang ibang tauhan naman ay abalang umaawat ng mga bakang nag-aagawan ng pwesto.
Naranasan lahat ni Roan ang mga gawain ng mga tauhan. Kahit anak siya ng may-ari hindi naman siya nangilag na subukin ang mga gawaing pawang ginagawa naman ng mga tauhan nila ng maayos.
Narating na nila ang garahe at naroon sina Roman at Eliza na naghihintay. Bumaba na si Roan sa sasakytan at lumigid papunta sa pinto para pagbuksan si Reese. Hindi na ito nakasimangot, bagkus ay nakangiti na ito nang masilayan ang mga magulang ng nobyo.
Nagmano ang mga bagong dating sa mga nakaabang sa kanila at kaagad na iginiya ni Eliza ang magnobyo sa garden.
“Hija, hindi ka ba tsinantsingan ng anak ko?” tanong ni Eliza.
“Mommy!” Napailing na lang sai Roan sa pagiging prangka ng ina. Sa lahat ng pwedeng itanong ay iyon pa talaga ang napili ng ina?
“Hindi naman po, Tita Eliza. Natulog lang po talaga kami, promise,” paniniyak ni Reese. Napangiti na lang din ang dalaga lalo at naasar ang nobyo sa tanong ng ina.
“O, sya kumain na kayo at pupunta muna kami ng Daddy Roman ninyo sa kwadra. May titingnan kaming buntis na kabayo.”
Nagpaalam na ang mag-asawa sa mga bagong dating. Kaagad din namang lumapit ang kasambahay sa garden at may bitbit na itong mga pagkain.
“Senyorito, ano po ba ang gusto ninyong inumin?” tanong ng kasambahay.
Tiningnan ni Roan si Reese na tila hinihintay ang isasagot.
“May sikwate po kayo dito, Ate? Pwede iyon na lang?” ani Reese.
“Meron naman po, Senyorita.” Yumukod at nagpaalam na ang kasambahay at umupo na ang magnobyo.
Tapang baka, garlic fried rice, at sunny side up ang kanilang almusal. At dahil gutom na si Reese ay komportable siyang kumain sa harapan ng nobyo. Pamilyar ang lasa ng tapa sa kanya. Katulad ng madalas na kinakain niya sa kanilang tahanan sa Davao. Kaya ngayon alam na niyang sa mga Vergara pala galing ang unlimited supply nila ng tapang baka.
“Masarap ba baby?” aliw na tanong ni Roan sa nobyang sarap na sarap sa pagkain nito.
Pero, imbes na sumagot ay isang irap lang ang ganti ni Reese at pinagpatuloy niya ang maganang kain. Dumating na ang kanyang sikwate na may kapares pa na evaporated na gatas. Kaagad niyang hinalo ang gatas sa sikwate at dahan-dahan na ininom.
“Ang sarap talaga!” ani Reese.
Ngumiti na lang si Roan. Atleast, nagustuhan ng nobya ang kanilang almusal. Nang natapos na sila kumain, sumaglit sila sa guestroom na tutuluyan ni Reese. Inutusan ni Roan ang nobya na magpalit ng damit lalo at pupunta sila ng kwadra. Kaya, isang long sleeve na kamisa shirt at itim na leggings ang suot ni Reese. Natuwa ang dalaga nang binigyan siya ni Roan ng leather boots.
Magkahawak kamay silang naglakad patungo sa kamalig kung saan naroon ang kwadra. Namangha si Reese lalo at bagaman yari pa rin sa cogon ang atip ng kamalig ay maganda naman ito tingnan. Moderno na ang buong Rancho Vergara at nag-iisa ang kamalig na iyon ang taliwas sa modernong rancho
“Roan, bakit kamalig pa rin ang ginawang kwadra ng mga kabayo?” tanong ni Reese.
“Malamig kasi kapag ganyan. Hindi maii-stress ang mga broodmare kapag malamig ang kanilang kwadra. Halika, puntahan muna natin si Midnight.” Giniya ni Roan si Reese patungo sa dulong bahagi ng kuwadra.
Halos mapunit ang labi ni Reese sa tuwa nang makitang muli ang kabayo ng kanyang nobyo. Napakakintab ng balahibo nito at talaga namang matikas si Midnight. Nilapitan ni Reese si Midnight at maingat niyang hinaplos ang mukha nito.
“Hello, Midnight,” ani Reese. Nang hindi pumalag si Midnight, niyakap niya ito at napangiti siya lalo at gunmalaw ang mga nguso ni Midnight at inaamoy siya ito. Muling pinasadahan ni Reese ng haplos ang mukha ni Midnight matapos siyang kumawala sa pagkakayakap dito. “Ang gwapo mo talaga!”
Para namang nakaintindi si Midnight at marahan nitong tinulak si Reese at humalinghing ang kabayo. Umalingawngaw naman ang halakhak ni Reese at aliw na aliw na hinahaplos ang mga piling ni Miodnight.
“I feel jealous!” Hindi naiwasang bulalas ni Roan habang pinagmamasdan ang nobya at ang kanyang paboritong kabayo. Kaya, lumapit siya sa dalawa at hinawakan na rin si Midnight. Nagtawanan sila ni Reese lalo at nagustuhan naman ni Midnight ang ginawa niya.
Matapos ang maiksing pagdalaw kay Midnight, nilabas nila ito sa kwadra at sinakyan para maglibot sa buong Rancho.
Habang nasa kanyang likuran si Roan, ramdam ni Reese ang mainit na yakap ng nobyo. Masaya siya lalo at kakaibang katiwasayan ang nararamdaman habang nakayapos ito sa kanya. Mahina lang naman ang lakad ni Midnight at ninamnasm nila pareho ang magandang tanawin ng rancho. Nadaanan pa nila ang mga taniman ng mais, sorghum, napier, at ang silage bunker kung saan abala ang mga tauhan.
Saktong alas onse y medya, bumalik sila sa kamalig. Namangha pa si Reese nang igiya siya ni Roan sa likuran kung saan may munting kubo roon at may dirty kitchen pa.Aliw na aliw siya lalo at ipagluluto raw siya ni Roan ng steak.
May basket na nakahanda ang mga lulutuin ni Roan. May munti ring styro box kung saan nakalagay ang dalawang naka-vacuum seal na mga wagyu steak. Napaawang ang labi ni Reese lalo at mamahalin ang ganoong uri ng steak.
“Mamahalin ang ganyang steak, Roan. Saan ka ba nagpabili?” usisa ni Reese.
Saglit na pinunasan ni Roan ang mga kamay na basa ng tubig at may bahid ng uling mula sa pagsalang niya ng palayok para sa sinaing nila.
“Silly, it’s our very own wagyu beef. Isa na ngayon ang Rancho Vergara sa may mga wagyu cattle. At isa sa mga magiging specialty dish ang wagyu steak sa mga Steak House na ipapatayo sa Davao. Kaya, baby umupo ka muna sa loob ng kubo habang nagluluto ako.”
Inabog na ni Roan ang nobya papasok sa kubo at sinuot na ang apron na naroon. Sanay naman siya sa kusina at saglit lang naman ang pagluluto. Napangiti pa siya nang dumungaw si Reese sa kanya at tumulis ang nguso nito. Nang iluto na niya sa isang malaking cast iron pan ang steak ay lumapit si Reese sa kanya at buong giliw na pinagmasdan siya habang nagba-baste na siya ng butter sa steak na ma bawang ar rosemary.
Natakam na talaga si Reese sa niluto ng nobyo lalo at nanunuot sa kanyang pang-amoy ang mga herbs na nilagay ng nobyo sa steak. Kailangan pa nila maghintay saglit lalo at kailangan na ipahinga muna ang mga steak bago ito pwedeng hiwain.
Trenta minutos lang at naghain na si Roan. Pinagsaluhan nila ang steak na luto ng binata. Aliw na aliw si Roan at ganadong kumain si Reese ng kanyang luto.