NAKALILIYONG sensasyon ang ngayon ay nararamdaman ni Anastacia. Carlo was staring at her as if she was the prettiest woman living on Earth. Hindi magkasya ang tuwa sa puso niya. Ang makasama lang si Carlo ay masaya na siya, ang matitigan pa kaya nito!
Unti-unting bumaba ang mukha ni Carlo. She knew he would kiss her and God forbid, she was waiting!
‘Go, Anastacia! Kiss him! Kiss him now!’ bulong ng isip niya pero hindi pa man niya nagagawang sundin ang utos ng damdamin ay isa-isa nang naglitawan sa kaniyang mga balintataw ang mga alalahanin.
Paano ang mga magulang ni Carlo? Ngayong alam na niyang hindi niya ito kauri, na mayaman pala ito, lalo na niyang naramdaman ang malaking handlang sa pagitan nilang dalawa. Langit ito habang siya, kahit sa lupa ay hindi maihambing ang sarili. She was nothing. Tanging ang ama lang niya at si Chikki ang kaya niyang ipagmalaking kasiguruhan sa mundo, paano siya mangangarap na mapansin ng isang tulad ni Carlo?
Si Portia? Hindi ba ito ang girlfriend ni Carlo? At siya? Ano nga ba ang tawag sa isang babaeng pumapayag makipagmabutihan sa isang lalaking committed na sa iba? Panlaan?
Dahil sa samut-saring isipin ay bigla siyang natauhan at napatikhim. Tila natauhan rin si Carlo at awtomatiko silang naghiwalay. Halos ay magkapanabay pa nilang nabigkas ang salitang ‘sorry.’
“A-ayos lang…matulog na tayo?” tanong niya rito.
“Ang aga pa ah…would you mind if I drink some?”
“Sige lang. Mahihiga na muna ako at pagod na pagod ang pakiramdam ko.”
“May dinalang hapunan si Allan, baka gusto mo? Kumain na raw sila sa labas kaya bukas na lang daw sila sasalo sa atin sa almusal.”
Saglit siyang natigilan. “Sasalo sa atin sa almusal ang parents mo? I mean…magkakasabay tayong kakain bukas?” Ibig niyang batukan ang sarili sa istupidong tanong na iyon.
“Kung…okay lang sa’yo,” Nananantiya ang paraan ng pagkakasagot ni Carlo.
“Of course! B-bakit naman hindi?” mabilis naman niyang tugon. Napaka-selfish naman niya kung dahil lang sa pagkailang niyang nararamdaman sa mga magulang ni Carlo ay hindi na niya nanaising makasabay sa pagkain ang mga ito. “Masaya rin naman akong makilala sila. Pero teka…paano pala ang setup natin? Baka maraming itanong ang mama mo na hindi ko masagot ha.”
“Leave that to me. Ako na ang bahalang sumagot sa kung ano mang itatanong nila bukas.” Carlo smiled widely.
Gayon man ay naglahad pa rin ng plano sa kaniya ang lalaki. Siya naman ay nakuntento nang titigan ang guwapo nitong mukha habang kunwari ay buong atensiyon niyang pinakikinggan ang mga sinasabi nito.
“KAILAN kayo nagkakilala ng anak ko?” masungit na tanong ni Mrs. dela Peña kay Anastacia sa harap ng almusal kinabukasan. Hindi ito pumayag na siya ang maghanda niyon at sa halip ay ipinilit nitong iluto ang ilan sa mga napamili nito.
“Ehermm… ‘Ma, kumusta naman ang org mo? How’s it doing?” salo ni Carlo matapos tumikhim.
“It’s doing good, hijo…” Ngumiti ito sa anak at pagkuwa’y muling bumaling sa kaniya. “Nag-aaral ka ba?”
Tumango siya. “Opo.”
“At sa unibersidad na pinapasukan ng anak ko?”
Muli siyang tumango.
“So, doon kayo nagkakilala?”
“Opo. Tumatakbo po ako noon dahil—”
“Nakita ko siya sa library habang nagbabasa ng libro, Ma.”
Mabilis siyang napalingon sa sumabad na si Carlo.
“Really—”
“Yes, Mama…nagandahan ako sa kaniya kaya…kaya nakipagkilala ako.”
“That’s sweet,” ani Mr. dela Peña.
Tumango na lang siya para sang-ayunan ang kasinungalingang sinabi ni Carlo. Sa isip ay itinatak niyang sisitahin niya ito oras na magkasarilinan sila mamaya.
“Ilang taon ka na?” muling tanong ng ginang. Doon siya pinagpawisan at animo umurong ang dila sa labis na kaba.
“Ah eh…ano na po—”
“Eighteen, Ma. Nag-eighteen siya last month,” agaw ni Carlo sa dapat ay sasabihin niya.
Nang lingunin ito ng ina ay tila may warning signal sa mga mata nito. “Gaano katagal ka naman niyang niligawan?”
“Ah, ‘Ma—”
“Carlo Eruel! Can you please let your wife talk? Is she mute or something?”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi dala ng pagkasindak sa pagtaas ng boses ng ginang. Pinilit niyang kalmahin ang sarili sa pamamagitan ng isang pasimpleng paghugot ng malalim na paghinga.
“Three days po yata, Mama,” pagsisinungaling niya.
“Tatlong araw, que barbaridad!” bulalas naman ng ginang sa tonong sindak na sindak.
“Ah, four po pala…” Saglit siyang kunwa ay napaisip. “No, I think it’s six or seven…opo, tama!”
“Papa, ilang buwan mo akong niligawan noon?” tila naeeskandalong baling nito sa asawa.
“Hindi buwan, Mama…taon…dalawang taon…”
“See that?” Nanlalaking mabuti ang mga mata nito. “Dalawang taon! Paanong sa loob lamang ng ilang araw na hindi mo pa halos matandaan ay napasagot ka ng aking anak?”
“Ah, eh…Mama, nagagalit po ba kayo na…sinagot ko agad si Carlo…o nagagalit kayong ako ang babaeng pinili niyang ligawan?”
Naramdaman niya ang pagdantay ng kaliwang kamay ni Carlo sa ibabaw ng kaniyang hita. Nang sulyapan niya ito ay nakita niya ang pagsaway roon. Nang ibalik niya ang tingin kay Mrs. dela Peña ay salubong na ang kilay nito.
“Ikaw siguro ang nagsusulsol sa anak kong kumuha ng Fine Arts kaysa—”
“Mama! That’s impossible dahil nang makilala ko si Tasha ay enrolled na ‘ko. Huwag niyo naman siyang sisihin dito.”
“Pero lumakas ang loob mong ipagpatuloy ang kalokohan mo dahil sa kaniya, hindi ba?”
“That’s not true, ‘Ma!”
“Kita mo na! At nagagawa mo na akong pagtaasan ng boses ngayon! Papa, ano ba’ng nangyayari sa anak natin?”
Ngumuyngoy ang ginang nang bumaling sa kabiyak pero wala na naman itong luha. Pigil ni Anastacia ang sarili sa pag-ismid.
HINDI malaman ni Anastacia kung ano ang uunahin sa mga pinagagawa ni Mrs. dela Peña. Wala si Carlo kaya’t wala siyang mahagilap na kakampi. Nagpaalam ito kanina na isasama ang ama sa kanto kung saan naroon ang talyer na pinapasukan nito sa tuwing libre ang schedule ng binata. Excited si Mr. dela Peña kahit pa nga ilang ulit itong sininghalan ng asawa. Hindi raw kasi bagay ang trabahong iyon kay Carlo pero hindi magawang itago ng ama nito ang katuwaan. Frustration raw kasi nito ang paggawa ng sasakyan.
“Natapos mo na ba ang isda, Anastacia?”
Hindi niya napigilan ang pag-ikot ng mga mata. Sa pagkakaalam kasi niya ay asawa ang pakilala ni Carlo sa kaniya, bakit katulong yata ang unawa ni Mrs. dela Peña roon?
“Tapos na po, Mama…”
“Please don’t call me Mama kung wala rin lang dito ang mag-ama ko. Hindi pa naman kayo kasal ng anak ko. Isa pa, sa tingin ko ay imposible talaga kayong makasal.”
Napamaang siya rito.
“Look at yourself in the mirror, aba ay baka maakusahan ng ‘corruption of minor’ hindi man ‘r**e’ ang anak ko.
Yumuko siya sa hawak na isda at doon itinuon ang atensiyon. Sa bagay ay may punto ito. Dieciséis anyos lang siya. Oo nga at nasa kolehiyo na pero talagang bata pa siya kung edad ang pagbabasehan. Bakit ba hindi niya naisip na posibleng iyon ang dahilan kung bakit ganoon siya kung ituring ni Carlo? Marahil para dito ay isa lang siyang paslit. Malay ba niya kung pinagtatawanan pa siya nitong nang talikuran dahil sa mga pinaggagagawa niya.
“Bakit ka ba kasi sumama sa anak ko? Ang bata-bata mo pa…”
“Ilang taon ba kayo nang mag-asawa, Ma’am?” wala sa loob na tugon niya pero agad niya rin iyong pinagsisihan nang makita ang panlalaki ng butas ng ilong ng ginang.
“Bakit ba ang hilig mong magbalik ng mga tanong ko?”
“Ang ibig ko lang pong sabihin, baka kung tumuntong na sa ganoon ang edad ko ay puwede na rin kami—”
“Hindi kayo puwede ni Carlo!”
“B-bakit naman po?”
“Basta!”
“Eh bakit nga po?”
“Basta nga! Ayoko sa’yo!”
“Bakit, gusto ko ba kayo?”
Lalo nang nanlaki ang mga mata at ilong ng ginang. Nameywang ito sa harapan niya at dinuro-duro siya.
“Ang ibig ko pong sabihin, hindi naman tayo ang dapat na magkagustuhan dito, Ma’am, dahil hindi naman tayo ang magpapakasal. Kami ni Carlo ang magiging mag-asawa kaya saloobin lang naming dalawa ang dapat kong intindihin.”
“Ang tapang mong magsalita, babae.”
“Sinasabi ko lang po ang saloobin ko. Hindi ko kayo binabastos pero sana naman, igalang niyo rin ako bilang babaeng napili ni Carlo na makasama habambuhay.”
Umismid ito. “Sigurado ka bang ikaw na talaga? Okay, granted na ikaw ang nandito pero hindi iyon sapat para isipin mong ikaw na nga ang pakakasalan ni Carlo.”
“Pinakilala niya ako sa inyo—”
“That was not the first time, hija, if you must know,” anitong iiling-iling na para bang naaawa sa kaniya.
“Hindi nga po siguro pero titiyakin ko sa inyong iyon na ang huli.”
“Wow, very confident.” The old woman grinned. “Sige, pagkatapos mong linisin ang isda ay lagyan mo na ng—”
“—asin, Ma’am! Don’t worry dahil marunong naman po akong magluto. Just wait and relax, ako ang bahala.”
Naningkit ang mga mata nito pero hindi niya iyon pinansin. Pinagbuti niya ang ginagawa pero hindi siya nakuntento sa ganoon, sumipol-sipol pa siya habang bahagya pang sumasayaw-sayaw sa harap ng lababo. Ginaya niya ang paraan ng pagsipol na ginagawa ni Carlo at hindi man niya lingunin ay alam niyang asar na asar na ang ina nito.
Hindi doon natapos ang lahat. Pagkatapos niyang magluto ay pinaalis ni Mrs. dela Peña ang mga kurtina at pinadala sa kaniya sa likod-bahay. Tatayo sana siya para kunin ang detergent powder nang matalsikan ng tubig na galing sa kaharap na batsa. Initsa lang naman ng biyenan niyang hilaw ang supot ng sabon doon.
“Thanks, Mam—Ma’am.” Nagtunog utal na bata tuloy siya dahil doon. Ngumisi siya pero inirapan lang nito.
Sa buong durasyon ng paglalaba ni Orange ay hindi niya alam kung paano niyang natiis ang pangangawit ng kaniyang panga. Kahit kasi nahihirapan na ay sinisikap pa rin niyang ngumiti para lalong inisin ang ginang. Ayaw nitong huminto kahahanap ng ipagagawa sa kaniya at hind rin naman niya ito bibigyan ng pagkakataong mahanapan siya ng butas para pintasan kaya naman panay ang pagngiti niya. May pakanta-kanta pa siyang nalalaman pero sa tuwing tatalikod naman ito ay halos gumulapay na siya sa pagod. Kulang na lang ay lumupasay na siya sa sahig sa sobrang sakit ng likod at mga kamay.
Nang magbalik ang ginang nang walang iniitsang damit ay kunwa pa siyang nalungkot.
“Wala na pong labahin, Ma’am?” kunwa’y malungkot niyang tanong.
“Wala na.”
“Naku, bakit naman gayong sinisipag pa ‘ko? Puwede na po kayong maligo, Ma’am, let me have your clothes,” nakangiti niyang sagot dito.
Laking gulat ni Anastacia nang mula sa likuran ay ilabas nito ang tinatago, mga nagtututong na basahan ng pinto na hindi niya alam kung saan nito nakuha. Tingin niya, sa sobrang kamiserablehan nito ay naggalugad pa ng maruruming basahan sa mga kapitbahay. Magtatanong pa sana siya pero bigla nitong inihagis ang hawak sa batsang may tubig. Pati mga damit na huling banlaw na sana ay uulitin pa niya dahil sa dumi ng basahan na agad na kumalat sa tubig.
“Ayan, puwede ka nang magpahinga pagkatapos mo diyan,” anito sabay talikod.
“Ma’am, is that your final answer?!” sigaw niya. “Pati kapote ng kotse ng landlady namin, isama niyo na rin!” Dinig na dinig niya ang pagdadabog ni Mrs. dela Peña sa loob ng kabahayan.