Chapter 1
Naglalakad ako mag-isa papunta sa isang bench nang may makasabayan akong tatlong mga babae. Kapwa ko sila estudyante sa pinapasukan kong paaralan. Ibang course nga lamang sila batay sa kulay ng strap ng kanilang mga ID's.
"Uy narinig ba ninyo? May libreng concert daw si Flynn sa school auditorium mamayang gabi," pagbabalita ng nasa gitna. Matangkad na babae iyon. Pinagitnaan siya ng isang matabang babae at isa pang hindi ko mawari kung babae nga ba. Paano ay bihis babae ito pero mukha naman lalaki.
"Uy talaga!" tili ng isa. Doon ko nakumpirmang isa itong binabae o kaanib sa tinatawag na l***q. "Napili niya ang school natin? Promotion iyan sa bago niyang album hindi ba? Iyong Campus Love niyang album..." dagdag pa nitong kinikilig.
Imbes na lampasan sila ay napatigil ako at nakinig pa. Basta kapag ang usapan ay patungkol kay Flynn, napapatigil talaga ako. Mukha pa lamang niya sa mga magazine o kaya billboards, napapatitig na ako at natutulala na lamang. Balita pa kaya sa paroroon niya sa aming campus ay hindi ko mapapalagpas.
Si Flynn ay ang ultimate crush ko sa mga sikat na singer at model ngayon. Inaamin ko, guwapo kasi talaga siya at gaya ng ibang kababaihan, nabighani ako sa taglay niyang pisikal na anyo at siyempre, karisma.
He is tall, dark and handsome. Bukod pa sa maganda niyang boses ay talagang biniyayaan siya ng maganda at kabigha-bighaning panlabas na kaanyuan. Ang lakas ng dating niya lalo na ang mga mata niyang nangungusap . Malalalim iyon na parang hinihigop ang kaibuturan ng aking kaluluwa sa kung saan.
Katamtaman at tamang muscles lang ang kanyang katawan. May abs siya pero hindi katulad ng iba na parang bato maging sa mga braso. Sa tangkad na taglay niya ay perpektong perpekto siyang tingnan. Kaya nga isa siya sa mga sikat na modelo bukod pa pagiging singer. Mas sikat siya sa mga baguhan o kaya ay sa mga dati na sa industriya.
Napakagat ako sa aking pang-ibabang labi. May tatlong taon na yata akong fan at hanggang ngayon, mas lalong naging malalim ang pagiging fan ko. Mula sa kanyang umpisa hanggang ngayon na sikat na sikat na siya ay supporter at fan niya ako. Masasabi kong isa ako sa masugid na tagasubaybay ng kanyang karera. Isa ako sa mga taong ipinagdarasal ang kaligtasan niya sa bawat araw. Isa ako sa fan na kahit mga negatibo na ang mga balita patungkol sa kanya ay hindi naniniwala. I am a silent fan who's rooting for him from day one.
"Punta tayo mamaya. Pagkakataon na natin ito. Malay mo tayo mapili niyang paakyatin sa entablado para kantahan," kinikilig na saad ng matabang babae. Bigla pa silang naghiyawan habang siguro, ini-imagine nila ang sariling mapalapit kay Flynn.
Lalo kong nakagat nang mas madiin ang aking ibabang labi dahil sa narinig. Sa limang campus tour na ginawa niya, nakakainggit nga naman ang mga estudyanteng napipili niya para samahan siya sa entablado. Nayayakap nila siya at nakakausap habang hinaharana niya. Alam kong pangarap ng iba iyon...
Katulad ko. Hindi ko tuloy maiwasang mangarap katulad ng tatlong estudyanteng nasa harapan ko.
"Hoy, Anais!" panggugulat sa akin ni Samantha. Muntik na akong mapatalon dahil sa gulat.
Isa sa masasabi kong tapat na kaibigan si Sam. Katulad ko siyang scholar at pareho ng kinukuhang kurso--ang pagiging guro. Pareho din kaming damo sa lahat ng mga bulaklak at matatayog na puno sa paaralang iyon. Ibig sabihin, nabibilang kami sa mahihirap na nakatungtong sa paaralang iyon na para sana sa mga mayayaman o may kaya.
"Narinig mo ba, pupunta daw si Flynn dito sa campus, hindi ba, crush mo iyon? Pun..."
Napatigil si Sam sa pagsasalita nang napalingon sa amin ang tatlong nag-uusap kanina tungkol kay Flynn. Umismid siya at hindi itinago iyon sa tatlo. Umirap pa siya bago ako muling harapin.
"Sam, tumigil ka nga..." saway ko sa kanya. Hinila ko na lamang ito. Baka mapaaway na naman siya kapag hindi ko inilayo. Nanganganib na kasi ang scholarship niya dahil sa pagiging palaaway. Hindi niya gustong minamaliit siya at tinatapakan ng iba. Alam ko, mataas ang pangarap ni Sam para sa sarili. Hinding hindi siya tatanggap ng anumang panlalait na ginagawa ng ibang tao sa kanya. Kaya kahit sa mga kaibigan niya ay ganoon siya. Ayaw niyang maagrabyado isa na ako roon.
"Akala mo naman ang gaganda..." puyos na saad niya. "Hmppp!" labas pa ang hangin sa kanyang ilong dahil sa inis.
"Ikaw naman kasi. Napatingin lang, inirapan mo na agad," ika ko. Hindi naman sa sinisisi ko siya. Sinabi ko lang ang totoo. Minsan kasi, out of place na pagiging protective niya sa sarili at sa amin. Wala naman ginawa ang tatlong mga estudyante para sungitan niya.
"Naku, kita mo naman sila makatingin. Nakita mo ba paano ka tingnan mula ulo hanggang paa? Hindi naman sila kagandahan," ika niyang sinipat pa ako. "Mas maganda ka nga eh," aniya.
Hindi ko mapigilang mapangiti sa sinabi niya. Hindi ko na mabilang kung ilang beses niyang sinabi sa akin na maganda ako. Gusto ko siyang paniwalaan, pero paano? Kung ang nag-iisang taong inakala ko na magiging kakampi ko ay siyang taong lubos na nanghuhusga at nang-uuyam sa pagkatao ko.
"Ano, pupunta ba tayo? Pagkakataon mo na," sabi niya nang makaupo na kami sa isang bench. Wala pa kaming klase kaya may oras pa kaming mag-chikahan.
Natahimik ako at napaisip.
"Huwag mong sabihing hindi, Anais. Ano ba? Minsan lang sa buhay mo ang pagkakataong ito. Punta tayo. Kung gusto mo ipaalam kita sa inay..."
"Huwag!" agad kong pigil sa kanya. Medyo napalakas pa ang boses ko. Hinawakan ko siya sa kamay. "Huwag na Sam..."
Tinaasan niya ako ng kilay. "Pero pupunta ka, 'di ba?"
Mataman niya akong tinitigan. Parang binabasa ni Sam ang iniisip ko. Gusto ko pero alam kong hindi ako papayagan ni Inay. Makaririnig pa ako ng kung ano-anong mura sa kanya kung sakaling magpaalam ako. Baka mas lalo niya akong pag-initan. Halos ayaw na nga niya akong magpatuloy sa pag-aaral ko. Pabigat lamang daw iyon sa kanya. Kung magpapaalam ako para lamang manood, baka patigilin na niya ako ora-orada. Ayaw kong tumigil dahil malapit na akong matapos. Sayang din ang scholarship na pinaghirapan kong makuha.
"Susubukan ko, Sam..." sabi ko na lamang para tigilan na niya ang pangungulit sa akin.
Pinaningkitan ako ng mga mata ni Sam. Parang nabasa niya ang nasa isip ko.
"I-sure mo iyan, Anais! Lagot ka talaga sa akin kapag hindi mo ako sinipot!" banta niya sa akin. Tumango na lamang ako. Saka na lamang ako hihingi ng paumanhin kapag muli kaming magkita pagkatapos ng campus concert ni Flynn. Hindi ko maipapangakong makakadalo nga ako.
Nasa klase na kami ay napapaisip pa rin ako tungkol kay Flynn. Mas naging maugong ang balitang ang campus namin ang next na bibisitahin niya at talagang naging laman ng usap-usapan iyon. Halatang excited ang lahat dahil bukambibig iyon hindi lang ng mga estudyante kundi pati mga guro. May mga gumawa na nga ng banner para sa kanilang idolo. Ang iba ay nag-absent na rin para daw makaprepara sa libreng concert. Talagang iba ang hatak ni Flynn lalo na sa mga estudyante. Inihahanda na rin ang auditorium kung saan gaganapin ang concert niya.
"Kita tayo mamaya ha, Anais. Pumunta ka," ika ni Sam. Pinandilatan pa ako ng mga mata na para bang binabalaan ako. "Bye."
Hindi ko talaga alam kung makakapunta nga ako. Saka ko na lang iisipin paano harapin si Sam sakaling hindi nga ako makapunta. Malaki kasi ang porsyentong hindi ako makakaalis sa bahay. Lalo na at hinahanap ako ni inay kapag dumadating ito galing sa kanyang trabaho. Kailangan ko kasing ihanda ang pagkain para sa kanya. Kahit pa madaling araw na ang uwi niya ay kailangang naroon ako para pagsilbihan siya.
Naglakad lang ako pauwi sa barong-barong naming tahanan. Nakahilera iyon sa ibang mga bahay sa isang iskwater area. Karamihan ay gawa sa kahoy at pinagpatong patong na yero. Buti na lang at walang kadugtong na ibang bahay ang amin. Atleast, hindi gaanong malalaman ng mga kapitbahay ang sitwasyon ko. Depende na lang kung gugulpihin ako ni inay at maninigaw ng kung ano-ano. Buti na lang at lagi siyang tulog sa umaga at nasa eskwelahan naman ako. Iniiwasan ko rin na makikita niya ako at makasama ng matagal sa bahay. Kapag naroon siya ay iniiwas ko ang sarili sa paningin niya. That way, makakaiwas din akong magulpi at makarinig ng masasakit na salita mula sa kanyang bibig.
Isang oras din ang lakad na ginagawa ko araw-araw. Thirty minutes sa umaga at thirty minutes sa hapon. May mga tricycle driver na gusto akong isakay ng libre pero tinatanggihan ko. Gaya na lamang ni Anton na ngayon ay kinukulit ako nang makita akong naglalakad.
"Halika na Anais. Mukhang uulan, baka abutan ka," sabi niyang medyo bumagal sa pagpapatakbo upang masabayan lang ako. Kahit pa nga may pasahero siyang nakairap na sa gawi ko ay hindi siya nagpatinag.
"Huwag na Anton. Sige na, ihatid mo na ang sakay mo. Baka nagmamadali," pagtataboy ko. Mabilis na lang akong naglakad para umiwas sa kanya. Kahit pa abutan ako ng ulan gaya ng sabi niya ay hindi ako sasakay sa tricycle niya. Baka kasi kung ano anong balita pa ang makarating kay inay. Hindi naman lingid sa akin na pinagpustahan ako ng mga tricycle driver sa amin. Iyon ay kung sino raw ang bibigyan ko ng pansin sa kanilang lahat.
Malapit na ako sa bahay ay umulan na nga. Ngunit nakarating na rin naman ako sa bahay nang mas lumakas ang buhos ng ulan. Ang tanging naging problema lang ngayon ay ang datnan ko si Inay na aburido habang nasa maliit na sala at tila may kausap.
"Hindi ba ang sabi ko nga pagkatapos ng trabaho ko sa bar. Bakit ba hindi ka nakakaintindi!" rinig kong saad ni Inay. Nakaupo siya malapit sa may bintana. Nakataas ang isang paa niya sa bangkitong inuupuan. Nakasandig ang siko niya sa kawayang hamba ng bintana habang may nakaipit na sigarilyo sa darili niya.
"N-narito na ako, inay," sabi ko nang tuluyang makapasok sa loob. Tinapunan lamang niya ako ng masamang tingin. Na para bang isa akong malaking problema sa kanya. Hindi na bago sa akin iyon. Kailanman, mula noong bata pa ako at habang lumalaki ay hindi siya naging masaya sa presensiya ko. Pero mahal ko pa rin si Inay. Dahil kahit ganoon ay binuhay niya ako at pinag-aral. Pero siyempre, may hinihingi siyang kapalit. Bayaran ko raw lahat ng nagastos niya sa akin pagdating ng panahon.
Nagtuloy ako sa inuokopa kong kuwarto. Nagpalit ako ng pambahay. May butas na ang t-shirt sa laylayan pero puwede pang pagtiyagaan. Nagsuot ako ng shorts na halos hanggang tuhod ko ang haba.
Pagkatapos kong makapagbihis ay nagtungo na ako sa maliit naming kusina para magluto. Alas sais na ng hapon at kailangan kong magluto ng hapunan. Kahit na hindi naman kumakain si inay bago pumasok sa bar ay nagluluto pa rin ako. Para ready na iyon kapag dumating siya ng madaling araw.
"Sige-sige na!"
Napalingon ako kay inay dahil talagang aburido na ang tono ng boses niya. Padarag siyang tumayo at pinatay ang sigarilyo sa pamamagitan ng pagdukdok iyon sa kahoy. May marka na nga ng sigarilyo ang hamba ng bintana dahil sa palagian niyang ginagawa iyon. Hindi na rin ako magtataka kapag isang araw, masunog ang bahay namin. Hindi ko naman masabihan si Inay dahil kahit anong gawin ko, tama man ang sasabihin ko, ako pa rin ang lalabas na mali.
"Oo na. Sunduin mo na lang ako sa bar pagkatapos ng trabaho ko," aniya. Napalingon siya sa akin.
Agad akong umiwas sa mapanuring mga mata ni inay. Lalo at nagningning ang mga mata ko sa narinig. Mukhang may pagkakataon akong makaalis.
Nagpatuloy akong maghiwa ng sangkap ng lulutuin kong sardinas at upo. Kahit na ramdam kong nasa malapit na si Inay ay nagkunwari akong abala.
"Baka hindi ako uuwi mamaya at hapon na makakauwi bukas..." sabi niya. "Narinig mo ba ang sinabi ko, Anais?"
"Ho? O-opo inay," aligaga kong sagot nang tila galit niyang tinawag ang pangalan ko.
"Sabado bukas kaya maglaba ka at maglinis dito sa bahay. At huwag na huwag kang aalis ng bahay!"
"O-opo," muling sagot ko at hinarap na si Inay. Napasulyap din ako sa kabundok na mga labahan. Karamihan doon ay damit ni Inay na pangtrabaho.
"Siya, iidlip muna ako, gisingin mo ako mamayang alas siyete. Maaga akong aalis."
"Sige po."
Pumasok nga si Inay sa sarili niyang kuwarto na natatabingan lamang ng kurtina. Napabuga na lamang ako ng hangin at sinubukang maging tahimik dahil ayaw kong maistorbo ang tulog ni inay. Natapos akong magluto bago mag-alas-siyete. Kinuha ko ang ilan sa mga damit ni inay at nag-umpisang ibabad ang mga puti para ready na at madali na lamang labhan. Sa gilid ng bahay ang ginawa naming lugar para maglaba.
Habang tinatakpan ang timba na ginawa kong babaran ay napatingala ako sa langit. Wala ng ulan at maliwanag na ang langit.
Muli akong napabuntong hininga. Malapit ng mag-umpisa ang concert ni Flynn sa school. Sayang, hindi ako makakapunta sa oras. May pagkakataon pa naman siguro ako sa susunod. Kung may pagkakataon pa ay talagang hindi ko na palalagpasin iyon.
Nang pumasok ako ay saktong alas siyete na. Pumasok ako sa kuwarto ni Inay upang gisingin siya.
"Nay, alas siyete na po..." Niyugyog ko bahagya ang balikat niya.
Uulitin ko sana nang tabigin niya ang kamay ko.
"Gising na ako. Umalis ka nga dito," pagtataboy niya agad sa akin. Iritang irita nang mamulatan ako.
Wala akong nagawa kundi ang tumalikod na at umalis para pumasok sa aking kuwarto. Hindi ako gustong makita ni inay habang naroon siya at hindi pa umaalis kaya magkukulong muna ako dito. Sinukil ko ang luhang gustong kumawala. Gusto ko din sanang magpaalam na pumunta saglit sa school bakasakaling payagan niya ako. Bakasakali lang pero sa inasal ni Inay. Malabo. Sa susunod na lang talaga na pagkakataon.
"Hanggang sulyap na lang ako sa iyo sa picture..." bulong ko sa litrato ni Flynn na nasa dingding ng silid ko. Siguro hindi ko talaga suwerteng makita siya ngayon.