Prologo: 66th Commemoration
"Your Excellency! We, the Refugees of the United Nations Evacuation Center on Tubabao Island, in the Province of Samar, are expressing here with to Your Excellency, your Government and the entire Philippine Nation our sincerest gratitude for the cordial hospitality, and brotherly treatment accorded to those who were, by force of political circumstances, deprived of the privilege of having a country of their own.
The unforgettable legend of your noble and generous act in saving five thousand five hundred human beings from the claws of the Red Beast, by offering them a haven at the most critical moment of their lives, will live in our hearts for ever and ever.
These emotions and feelings will be carried by us to the remotest corners of the earth, wherever we may find our future homes. Daily we pray to the Lord for the welfare and prosperity of your Country and its deliverance from Communist terror, s*****y and aggression which are threatening the world of today.
May the Almighty bestow His blessings upon Your Excellency and the Filipino people, and may He prolong your services to your Nation and to all freedom-loving mankind.
Long live the Republic of the Philippines!"
Binasa niya ang napakahabang mensaheng nakasaad sa historical marker. Kaunti lang ang kaalaman niya sa mga kaganapan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ngunit lubos na nauunawaan ni Elica ang kahalagan ng mga salitang iyon.
Ang historical marker na ito ang nagsilbing simbolong ugnayan ng mga White Russians sa mga Filipino noong panahon ng gera. Matatagpuan lamang ito sa kaniyang lupang sinilangan — sa Tubabao Island, dito sa Guiuan, Eastern Samar.
"March 7, 2015 na ba ngayon?" Napaisip si Elica kung tama ba ang petsang nakatala sa kaniyang utak. Ni hindi na siya nakikinig pa sa speech ng Regional Director.
Kanina pa lumulutang ang isip niya sa ibang bagay. Iniisip niya kung anong lulutuin niya mamayang hapon. Iniisip niya kung niloloko ba siya ng bagong boyfriend niya. Hindi siya nakapokus sa sinasabi ng DOT director.
Hindi niya ikakaila ang boredom na nararamdaman sa katawan. Kung hindi lang ito parte ng kaniyang trabaho, hindi siya pupunta sa nakakaantok na pagpupulong.
Sa kasawiang-palad ay kasama siya sa mga napiling Private Tour Guides, kaya wala siyang pagpipilian kundi ang magtyaga rito.
Inikot niya ang paningin sa malawak na paligid. Napapaligiran sila ng mga puno at napakasarap sa pakiramdam ang hampas ng sariwang hangin. Mataas ang sikat ng araw kaya mabuti na lamang at naglagay sila ng tabing o foldable gazebo tent. Kung hindi sila naglagay ng bubong, siguradong masusunog ang mga balat nila dahil sa tindi ng init.
Sa gitna ng lugar ay may nakapila at nakahilera na mga monoblock chairs. Nakaupo rito ang ilang kasapi ng provincial government at lokal na pamahalaan. Sa likod naman nila nakaupo at nagpapaypay ang mga bisitang Russians.
Nahulaan ni Elica na hindi sanay sa klima ng Pilipinas ang mga dayuhan. Bahagya siyang natawa nang makita ang nakasimangot na itsura ng mga ito. Ngunit wala rin namang pagpipilian ang mga turista sapagkat katulad niya — trabaho rin ang pinunta ng mga ito sa Tubabao.
Mga ambasador ito ng kabilang bansa at nandito lamang sila sa Pilipinas upang dumalo sa tinatawag na Dobrota-Tur. Isang libreng commemoration tour upang ipagdiwang ang matibay na relasyon ng minulatang bansa at ng Russia. Mag-uumpisa ang tourism circuit sa Tacloban City hanggang sa bayan ng Samar at magtatapos sa Balangiga.
Binilinan sila ng Tour Director na marami pang dayuhan ang dadaong sa bayan. Isang libong Russian daw ang inaasahan na bibisita ngayong taon. Kaya sinabihan sila na maging alerto. Ibinigay rin ang listahan ng mga hotels at kopya ng homestay program para maayos na ma-accomodate ang mga bisita.
Napabuntong-hininga si Elica. Napatingin siya sa matangkad at guwapong dayuhan na nakatayo malapit sa speaker. Nagpupunas ito ng pawis dahil sa init.
"Ang pogi," wika niya sa isip. At parang binigyan siya ng pagkakataon nang mapatingin sa gawi niya ang lalaki. Nagtama ang mga mata nila at binigyan siya nito ng ngiti. Lumawak tuloy ang ngisi niya sa mukha at parang nabuang na kinilig.
"Mag-asawa na lang kaya ako ng foreigner?" pilyang tanong niya sa sarili. "Hiwalayan ko na lang si Bernard tutal mukhang hindi ko naman s'ya mapagkakatiwalaan." Napairap siya nang maalala ang kasintahan.
"Ba't ba ngayon ko lang 'to naisip?" Napahawak siya sa baba. " Kung sakali man na mag-asawa ako ng dayuhan, magiging maganda at gwapo rin ang mga anak ko. Mas malaki rin ang etits nila kumpara sa —" Hindi na napigilan ni Elica na mapatawa dahil sa nakakalokong imahinasyon.
Ngunit mabilis na napawi ang ngiti na iyon nang bigla siyang hinampas ng abaniko sa ulo. Agad siyang napahawak sa nasaktang bahagi at napalingon sa matandang babaeng katabi. Nanlalaki ang mga mata ni Lola Lucita. Mistulang halimaw na kakainin siya nang buo ng Lola. Mukhang napansin nito ang pakikipag-flirt niya sa estrangherong dayuhan.
"Tuko na!"
"Lola naman e!" nagtampo niyang tugon at masamang tinitigan ang kasama. "Kasalanan ko bang may nahalina sa ganda ko? Saka nasa trabaho ako ngayon. Tourist guide ako, Lola. Kapag may nakarinig sa 'tin o nakakita... nakakahiya." Inilibot niya ang paningin kung may nakapansin ba sa nangyari.
"Waray ak labot. Hindi ka na lang makinig sa direktor," panenermon pa rin nito at nagpaypay ng abaniko.
"Nakikinig naman po ako! Huwag na kayong mag-bisaya, Lola. Hindi ko po maintindihan." Napakamot siya sa ulo. Sanggol pa lamang siya nang lumipat ang kaniyang mga magulang sa Maynila. Lumaki siya sa lungsod at pagtungtong ng ika-25 na taon, saka lamang siya tumira sa bayan ng kaniyang mga magulang. Hindi siya marunong mag-waray ngunit nakakaunawa naman siya ng kaunting mga salita.
Inirapan lamang siya ng Ginang at muling nagpaypay. Siya si Lola Lucita Garcia Dyquangco.
Siya ang kapatid ng kaniyang Lola Paulita. Siya ang tita ng kaniyang ina. Kilala ito sa pagiging masungit at istrikta kaya nga umiiwas dito ang kaniyang dalawang kapatid.
Ngunit alam ni Elica na mabait din naman ang kaniyang Lola. Sadyang masungit lamang dahil sa hirap ng buhay. Naranasan din nito ang lupit ng digmaan. May mga trauma ito sa buhay na hindi na nagamot.
"Bakit kasi nandito kayo? Dapat Lola magpahinga na lang kayo sa bahay, sobrang init ng panahon oh! Masama 'yan sa kalusugan ninyo." Pinagtatabuyan na niya ang matanda para maging malaya siya sa pakikipaglandi. Kung nandito ang babae, siguradong pipigilan siya nitong mapalapit sa gwapong dayuhan.
"Alam mo namang taon-taon akong sumasali sa Commemoration 'di ba?"
"Oo naman po. Parang mas mahalaga pa nga 'to sa inyo kaysa sa Pasko."
"Mahalaga rin naman ang Pasko sa akin, apo."
"Pero Lola, hindi mo naman sinasabi ang dahilan kung bakit. Si Lola Paulita nga, hindi naman nagpupunta sa mga commemoration. Bakit ikaw, Lola, taon-taon na sumasama sa mga ganito?"
Hindi nagsalita ang matandang babae. Napalingon siya rito at napanganga nang makita ang lungkot sa kislap ng mga mata nito.
"Bakit Lola? Bigla ka yatang lumungkot," usisa niya. "May naalala na naman ba kayong traumatic event?"
Tumingin sa kaniya ang matanda. Tipid itong ngumiti at umiling. "Buang gyud ka!" pagbibiro pa nito. "Hindi ako malungkot!"
Naudlot ang pag-uusap nila nang marinig ang palakpakan ng mga tao at ang musika ng bandang kasapi sa pagdiriwang. Tapos na ang speech ng Regional Director at kasalukuyang naghahanda na ang mga tao sa magaganap na kainan.
Nakaayos sa kabilang gazebo ang mga putahe sa Boodle Fight. Nagkanya-kanyang punta ang mga tao roon. Animo'y fiesta ng santo ang nagaganap ngayon sa harap niya dahil sa pambihirang ingay at kasiyahan ng mga tao.
Ang iba ay pinili muna na mag-usap at magkamustahan, ngunit ang mga makakapal ang mukha, ang nanguna sa hapag-kainan.
"Elica! Tara na, dali!" Napalingon siya sa kasamahang tourist guide na humawak sa braso niya. Kasama ni Jelia ang mga katrabaho. "Kumain na tayo."
"Mamaya na ako! Kasama ko, Lola ko oh!" Tinuro niya ang matandang katabi. "Mauna na kayo." Pagkasabi niya n'on ay nagmadali nang magtungo ang mga kumag sa libreng kainan.
Napailing na lamang si Elica at napasapo sa ulo. "Nandito lang sila para sa pagkain eh!" aniya.
"Sumama ka na sa kanila, apo," anas naman ng kaniyang Lola.
"Paano po kayo?"
"Ako nang bahala sa sarili ko."
"Kakain ba kayo?"
Umiling ang babae.
"Kain muna kayo, Lola."
"Hindi na, apo..." usal nito at nauna nang tumalikod.
"Saan kayo pupunta?" tanong niya ngunit hindi na siya sinagot pa ng babae. Nagtatakang sinundan niya ng tingin ang papalayong matanda.
***
Nagtungo si Lucita sa baybaying dagat. Hinayaan niyang bumaon sa pinong buhangin ang mga paa. Nakapaikot ang isang pulang shawl sa dalawa niyang balikat at hawak niya ang magkabilang dulo nito sa dibdib. Nilalaro ng hangin ang puti at mahaba niyang buhok habang nakapaling ang mga mata niya sa alapaap. Bughaw at payapa ang kalangitan, malayang lumilibot sa himpapawid ang mga ibon.
Salamat sa nagkukumpulang mga ulap na tumatakip sa sinag ng araw. Nababawasan ang init dahil sa mga ito.
Umupo siya sa tipak ng malalaking bato habang nagmumuni-muni. Napabuntong-hininga siya habang pinagmamasdan ang kalikasan at pinakikinggan ang kaluskos ng mga dahong sumasabay sa ihip ng hangin.
Animnaput anim na taon na ang lumipas...
Animnaput anim na taon na paghihintay...
Iniisip ni Lucita kung nakalimutan na ba siya ng lalaki? Kung nakaligtaan na ba nito ang nakaraan? Umaasa siya na hindi, sapagkat sariwa pa rin sa kaniya ang mga alaala.
Hindi nagbabago ang kaniyang damdamin.
Katulad ng Tubabao...
Kahit ilang taon o henerasyon pa ang dumaan, hindi rin nagbago ang kagandahang taglay ng isla. Kinanlong ng maliit na isla na ito ang mga pusong naliligaw at naghahanap ng tahanan. Ito ang nagsilbing paraiso ng mga kaluluwang nagdurusa.
Kung ano ang nakikita niya ngayon sa tabing dagat, ganoon din ito sa nakaraan. Walang makakaparis sa kariktan ng baybaying dagat. Walang makapagbabago sa pag-ibig niya sa lugar na ito.
"Ngunit nasaan ka na? Nasaan ka na kaya?" tanong niya sa sarili. Binulong niya sa hangin ang nilalaman ng puso. Tumingala siya sa malawak na himpapawid na para bang doon hinahanap ang kasagutan, ngunit wala pa ring binibigay na tugon sa kaniya ang langit.
"Lola."
Napalingon siya nang may tumawag sa kaniya. Hindi niya inaasahan na makikita muli ang mukha ng apo.
"Oh?" nagtataka niyang bati. "Bakit ka pa sumunod?"
"Alam mo, Lola, kung may problema ka handa naman ako makinig eh," paalala ni Elica at tinaas pa ang dalawang paper plate na may laman na putahe. "Kain tayo habang nagkwekwento ka."
Napangiti siya nang mapagtantong naiisip ng dalaga ang kaniyang kapakanan. "Salamat apo. Dinalhan mo pa talaga ako ng pagkain."
"We're family po, Lola. Hindi kita hahayaan na mag-isa. Isa pa, bukas ay mas magiging busy na ako. Ngayon lang ako may time para makipag-kwentuhan."
"Saan daw matutulog ang mga dayuhan?"
"Sa Tacloban na raw dahil mas maraming hotel doon."
"Tapos na ang trabaho mo sa kanila, apo?"
Tumango siya. "Isa ako sa mga sumundo sa kanila sa International Airport. Nag-tour na kami rito sa Guiuan kaninang umaga. Gustong-gusto nga nila sa Calicoan Surfing Station."
Tumango-tango lamang si Lucita. Tumabi sa kaniya ang dalaga at iniabot ang pagkaing hawak. Saglit silang natahimik.
"Lola, magkwento ka naman. Bakit napakahalaga sa 'yo ng islang 'to? Kahit niyayaya ka ni Lola Paulita at ni Mama na sumama sa Manila, ayaw mo. Mas mabuti ang buhay roon, Lola. Kung wala rin akong trabaho rito, babalik ako ng Manila."
Napasimangot siya nang marinig ang sinabi ng apo. "Elica, hindi mo maiintindihan kahit ikwento ko pa."
"Lola naman, eh! Iyan ka na naman sa pagiging judgemental mo sa 'kin!" Umirap at napanguso nitong sabi. "Try me, Lola!" paghahamon pa.
Napailing at napangisi na lang si Lucita. Sa kaniyang mga apo, si Elica ang pinakamakulit at pinakapilya. Mapaglaro din sa pag-ibig ang dalaga at parang buwan-buwan nagpapalit ng kasintahan. Ngunit sa kabila nito, mapagmahal ang babae sa pamilya.
"Mahalaga sa 'kin ang Tubabao."
"Bakit nga po?"
"Natatandaan mo ba, apo nang may magtangkang bumili ng lumang bahay natin sa isla?"
Tumango si Elica. "Opo. Hindi n'yo pinagbili tapos hinabol n'yo pa ng itak 'yong lalaki. Muntik na kayo makasuhan n'on, Lola!"
"Tama lang 'yon sa kaniya!"
"Hindi 'yon tama, Lola! Pero balik po tayo sa tanong ko, bakit nga po, Lola? Ano bang mayroon sa Tubabao?" usisa ni Elica na punong-puno ng kuryosidad ang mga mata.
Natahimik si Lucita. Ilang segundo na tinitigan lamang niya ang pinakamamahal na apo. Magkadugo nga sila. Nakikita niya ang sarili sa dalagita noong kabataan niya.
Punong-puno ng kuryosidad ang mga mata nito. Naalala niya na ganito rin siya dati. Ang pinagkaiba lang ay ang prinsipyo niya pagdating sa pag-ibig. Napangiti si Lucita nang may mapagtanto. "Bakit nga ba hindi ko ikwento sa 'yo? Para naman maisip mong magseryoso sa relasyon."
"Ha, Lola?" Tumaas ang isang kilay ni Elica. Medyo na-offend sa sinabi niya.
"Bakit hindi ba totoo?"
Napasimangot at pinag-krus nito ang dalawang braso. "Okay fine! Totoo naman," pagtatapat nito.
Bahagyang natawa si Lucita. "Sige na nga, pinakamamahal kong Elica. Isasalaysay ko sa 'yo ang isang kasaysayan na nalimot na ng panahon ngunit hindi ng aking puso."
Natahimik ang dalaga at hinintay ang mga sasabihin niya.
"Dito, sa lugar na ito. Dito, sa mismong niyayapakan ng ating mga paa, nabuo, nagsimula at nagwakas ang isang himno. Isang tugtugin na ako lamang ang nakakaalam... Mga notang hinubog ng damdamin ko para sa kaniya. Kahit ilang taon na ang lumipas, hindi ko nakakalimutan kung paano tugtugin sa biyolin ang piyesang binuo ng pag-ibig namin..."
Ipinikit ni Lucita ang mga mata. Parang kailan lang nang magsimula siyang mag-aral ng violin. Kay bilis ng panahon at kisap-mata lamang na nagiging kahapon ang bawat araw.
At kahit wala namang tumutugtog, naririnig niya ang musikang kabisado ng puso. Malamyos. Mabagal. Kahali-halinang tunog ng mga nota...
***