Kabanata 10 : Typhoon

1694 Words
Nakapalumbaba si Lucita sa bintana habang pinapanood ang malalaking patak ng ulan at ang hagupit ng malakas na hangin. Halos bumaliko ang mga puno ng niyog dahil sa lakas nito. Napabuntong-hininga siya nang malalim at inisip ang dahilan ng kaniyang pagkalumbay. Dahil sa masamang panahon ay hindi pinapasok ng kaniyang ama si Alexei, naisip kasi nito na delikado lalo pa't malapit sila sa tabing dagat, mababa raw ang kidlat at baka magkaroon ng baha. Normal lamang sa Pilipinas ang maging daanan ng bagyo. Sadyang ganito lamang ang kalikasan, minsan ay malambing at minsan naman ay nagagalit. Ngunit hindi niya mapigilan ang paglabas ng tunay na damdamin. Bakit nga ba siya nalulungkot? Hindi niya rin alam. Nadatnan siya ng ama sa bintana, may hawak pa itong mainit na kape. Napahinto ito sa paglalakad at nagtatakang tinitigan siya. "Oh, bakit ka nandiyan? Akala ko ba ay mag-aaral ka nang mag-isa?" Tumitig siya nang masama sa ama pagkatapos ay umirap. "Paano ako mag-aaral? Wala naman ang guro ko ngayon! Hindi ko maintindihan itong piyesa na binigay niya sa akin." "Sinisisi mo ba ako? Tingnan mo ang panahon. Kaya nga hindi ko rin kayo pinapasok ngayon sa eskwela, 'di ba?" "May liban din tuloy ako sa klase..." "Anak, nasa tabi tayo ng dagat. Gusto mo bang lamunin ng baha mamaya? Iyan ka na naman sa pagiging matigas ang ulo." Hindi na siya sumagot dahil baka humaba na naman ang kanilang pagtatalo. Nakasimangot pa rin siya na tumitig muli sa bintana. "Isara mo nang maayos iyang bintana at baka pumasok ang tubig-ulan," paalala pa ng kaniyang ama bago humigop ng kape. Sumunod naman siya, isinara niya ito at umalis siya roon upang lumabas na rin sa kwarto. "Siya nga pala." Natigilan ang ama sa paglalakad at lumingon sa kaniya. "Ipinalangin mong umalis na ang bagyo." Bumuka ang kaniyang bibig dahil sa pagtataka. "Ha?" "Ito ang unang bagyo nila sa Pilipinas," makahulugang wika ng kaniyang ama. "Sino?" Wala itong itinugon at umalis nang tuluyan sa harap niya. At ilang segundo pa ang lumipas bago niya napagtanto kung ano ang tinutukoy ng ama. Sumagi sa isip niyang walang maayos na tahanan ang mga refugee at maaaring naghihirap ang mga ito ngayon na makisama sa hagupit ng bagyo. Bigla siyang nag-alala sa kalagayan ni Alexei. *** Kinabukasan ay panay pa rin ang pag-ambon ngunit lumagpas na ang bagyo sa kanila. Nakinig ang langit sa panalangin ng kaniyang pamilya ngunit sa pagtataka ni Lucita ay hindi pa rin pumapasok si Alexei. Nang umagang iyon, narinig niya sa radio ang pag-suspinde sa kanilang klase dahil umano sa pinsalang naging dulot ng dumaang bagyo. Nakita niya ang ama na naghahanda sa pag-alis patungo sa trabaho. Bago pa ito makalabas sa bahay ay pinigilan niya ito sa pinto. "Saan ka po pupunta?" "Sa kampo, hindi raw maganda ang sitwasyon nila roon. Alam mo naman na gumagawa ako ng dokumentaryo tungkol sa kanila, 'di ba?" "P-Pwede ba akong sumama?" Natameme ang kaniyang ama at nagtatakang napatingin sa kaniya. Hindi naman siya makatingin nang diretso dahil sa labis na pagkailang. Sadyang nais lamang niyang sumama sapagkat nag-aalala siya sa hindi pagpasok ni Alexei. Ngunit mukhang alam ng lalaki ang kaniyang motibo. "Nag-aalala ka ba kay Alexei?" Hindi siya sumagot. Ayaw niyang aminin dahil sa kaniyang dangal ngunit ayaw naman niyang magsinungaling. "Sige, basta tatabi ka lamang sa akin at huwag kang lalayo." Tumango siya, nagmadaling kumuha ng payong at humanda sa pag-alis. *** Pagdating nila roon ay hindi nila inaasahan na mas malala pa pala ang kalagayan ng lugar. Wala na roon ang mga refugees at mukhang nagsi-evacuate na ang mga ito sa bayan. Ang tanging nasa harap nila ay mga bagsak na kahoy at mga tent. Natatabunan pa ng mga ito ang mga kagamitan na naiwan ng mga residente, kaya naman ang ilang mga tao roon ay pilit binubuhat ang mga kahoy upang malikom ang mga gamit. "Its worse than I imagine..." wika ni Ricardo sa sarili at bumaling sa kasamang katrabaho. Nagsimula naman ito na kumuha ng mga litrato upang katibayan ng kanilang nakita. "Signal no. 1 ba tayo? Grabe, wala nang natirang bahay rito," pakikipag-usap pa nito sa kaniyang ama. Habang nag-uusap naman ang dalawang lalaki, nagkaroon ng pagkakataon si Lucita na lumayo at lakarin ang kabuuan ng kampo. Ngayon lamang siya nakapunta sa lugar na ito. Marami siyang naririnig na mga balita na nakakaawa raw ang kalagayan ng mga pamilyang nakatira dito, ngunit hindi niya pinakikinggan sapagkat wala siyang pakialam. Subalit ngayon na nakilala niya nang lubusan si Alexei, saka lamang niya napagtanto ang hirap ng buhay ng mga ito. Kahit pa mabuo ang mga tent, sino ang makokontentong tumira sa ganitong silungan? Madaling nagiba ang mga ito dahil sa mga mumurahing materyales na ginamit bilang pantrapal sa bubong. Kung sana ay makapagtayo sila ng mas maayos na mga bahay kahit pansamantala lamang... Hindi ba sila tinutulungan ng gobyerno? O dahil inaayos din ng Pilipinas ang mga lugar na sinira ng mga Hapon kaya wala ring panlaan sa kanila ang bansa? Napahinto siya sa paglalakad nang may makitang pamilyar na mukha. Tinitigan niya nang maigi ang batang lalaki na naghahalukay sa mga kahoy upang makahanap pa ng mga masasalbang gamit. "Mish?!" Napakislot na parang nagulat pa ang paslit. Lumingon ang bughaw na mga mata nito sa kaniya at agad siyang nakilala. "Lucy!" "It's Lucita," pagtatama niya na lumapit, "Are you alright? What happened here?" napansin niya ang band aid nito sa ulo. "Oh, this?" Hinaplos nito ang noo. "We tried to save our camp yesterday, but the wind was too strong. A piece of wood accidentally hit my head." "That's insane! Why would you do that?" pinagalitan niya ito. Hindi ba nag-iisip ang dalawang magkapatid at naisip ng mga ito na makipaglaban sa kalikasan? "Do we have a choice?" he shrugged. "How's your mother and brother? Are they safe?" "My mom is in the evacuation center, and my brother is over there." Tinuro nito ang kaliwang bahagi. Nagmadali siyang tumungo roon, inapakan na rin niya ang mga salansang na kahoy na nakaharang sa daan. Muntik pa siyang mapatid mabuti na lamang at nakabalanse siya. Nakahinga siya nang maluwag nang matanawan na rin ang lalaki. Mukha naman itong maayos at walang pinsala. Gayunman, abala ito sa paghahanap ng mga gamit sa lugar na nagmukha nang tambakan ng basura. "Alexei!" Tumingin sa kaniya ang binata. Saglit na nagningning ang mga mata nito sa katuwaan ngunit agad ding napawi ng kalungkutan. "Why are you here?" anito at iniwas ang paningin. "You didn't go to work today, that's why I came here with my dad," maikli niyang pagpapaliwanag nang makalapit. "I'm sorry, but I can't go today." Yumuko muli ito at pinagpatuloy ang paghahanap ng kung ano sa tambakan. Hindi niya masabi na nag-alala siya kaya siya sumama sa ama. Nahihiya siyang aminin iyon at para siyang buang na hindi alam kung ano pa ang pwedeng idugtong sa sinabi. "D-Do you need help?" Natigilan ito sa paghahanap at makahulugan na tumingin sa kaniya. Hindi niya maunawaan ang naiiritang pagtitig nito. Kunot ang noo ng lalaki at tila ba nais siya nitong itaboy. Mayroon ba siyang maling sinabi? Imbis na sagutin siya, lumayo sa kaniya ang lalaki at tumungo sa nakatumbang puno. Animo'y napagod na ito sa paghahanap, nagpagpag ng mga kamay at napabuntong-hininga na umupo roon. "Look, I just wanna know if you need money, clothes, food or whatever..." pangungulit niya na lumapit sa likod nito. Napabuntong-hininga muli ito at hindi pa rin tumugon sa kaniyang pagmamalasakit. "Set aside your pride!" Nabuysit na siya sa hindi nito pag-imik at lumakas na ang boses. Tinuro niya ang kanang bahagi. "Look!" Lumingon naman doon ang binata at pinanood nila ang isang Pilipino na nag-aabot ng mga pinaglumaang gamit sa mga dayuhan. "They set aside their own beliefs, cultures, and races to lend support to each other. Do you realize now what I'm trying to say? Set aside your pride and let me help you." Tumingin lamang sa kaniya si Alexei na tila ba nag-aalinlangan pa rin kung papayag sa kaniyang pag-aalok ng tulong. Siguro ay nahihiya pa rin ito — hindi lang sa kaniya pero pati na rin sa kaniyang ama. Muli nitong iniwas ang mga mata, tumingin sa ibaba at parang pinipigilan ang maiyak. Nakapamewang siyang napabuntong-hininga at napatitig sa kawalan. Inipon niya ang natitirang pasyensya sa loob at nag-isip ng paraan kung paano matutulungan ang lalaki na hindi magagasgasan ang dangal nito. Ngunit wala siyang maisip na paraan. Paano nga ba? Sumulyap siya kay Alexei na nakayuko at nakatulala pa rin doon. Ngayon lamang niya nakita na ganito ang binata. Mistulang wala nang pag-asang natitira dito. "Im exhausted from constantly starting over," sa wakas ay nagsalita na rin ito ngunit hindi pa rin tumitingin sa kaniya. Kahit hindi ipaliwanag, nauunawaan niya ang punto nito. Mula sa digmaan ay dumako sila sa Shanghai upang magsimula muli. Pinaalis sila dahil sa panibagong digmaan at dinala sa Pilipinas upang magsimula muli. At ngayon, nilipol ng bagyo ang kanilang mga pinaghirapan sa ilang buwan na pananatili rito. Ito na naman sila sa pagsisimula muli. Pero mali, kung hindi sila babangon, eh ano ang kanilang gagawin? "After everything you've been through, are you really going to give up now?" sagot niya rito. Wala itong naging tugon at nanatiling tahimik lamang. Nais niyang bigyan ito ng pag-asa. "Come with me to Manila and let's audition for the orchestra. If we succeed, not only might we become part of their team, but we'll also receive prize money. That money will be helpful to you," suhestyon niya, "you'll help me win the audition and you can have the prize money." Umupo siya sa harap nito, ipinatong ang kanang kamay sa balikat nito at tinitigan ito sa mga mata. "Deal?" untag niya dahil hindi pa rin ito sumasagot. "Swallowing your pride won't choke you to death." makahulugan pa niyang wika at inilahad ang mga palad. Ang sinabi niya ay inilalaan din niya para sa sarili. Walang masamang mangyayari kung pabababain ang pride at tatanggap ng pagkakamali o tatanggap ng tulong mula sa iba. May pagdududa man ay hinawakan ni Alexei ang kaniyang mga palad at nakipagkamay. Isang senyales na tinatanggap na nito ang alok niyang pagtulong. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD