Halos nagugol nila ang isang araw sa pagbiyahe. Pare-pareho silang walang mga tulog. Hindi sanay si Lucita na sumakay sa barko at medyo nahihilo pa siya nang makababa roon. Pagkababa sa barko ay agad silang naghanap ng sasakyan na magdadala sa kanila sa pinakamalapit na hotel upang makapagpahinga.
May mga parte pa rin sa Manila na kakakitaan ng pinsala dulot ng nakaraang digmaan.
Taong 1941 nang binomba ng mga hapon ang Manila, walong taong gulang pa lamang siya noon at nasaksihan niya ang kalupitan ng mga dayuhan. At pagdating ng taong 1945, nakamtan na rin ng Pilipinas ang kalayaan.
Inaamin ni Lucita, isa siya sa mga may pribilehiyong magpatuloy sa normal na buhay pagkatapos ng giyera. Karamihan ay huminto sa pag-aaral nang maganap ang trahedyang iyon subalit siya ay nagpatuloy. Marahil, dahil na rin sa suporta ng kaniyang ama nang mga panahon na bumabangon pa siya.
Apat na taon na ang nakalipas subalit nadarama pa rin ang pighati ng bayan. Gayunman, nandoon ang positibong pananaw at pag-asa na makakabangon silang muli. Marahil isa na ito sa pinaka-katangi-tanging katangian ng mga Pilipino, ang hindi mawalan ng pag-asa at muling bumangon pagkatapos ng trahedya.
Ngunit ang totoo, kinamumuhian niya ang lugar na ito. Marami siyang mapapait na alaala rito at kung hindi lang dahil sa orchestra, hindi siya babalik sa Manila.
Lulan ng inarkilang kotse, magkatabi sila ni Alexei sa likod, samantalang ang kaniyang ama at kapatid ay tahimik lamang sa unahan. Katabi ng mga ito ang tsuper. Patingin-tingin sila sa labas ng sasakyan, may mga namamataan pa silang mga sundalong nagmamasid sa lugar. May mga trabahador at manggagawa sa konstruksyon na halos magdamag nakabilad sa araw.
Napabuntong-hininga si Lucita habang nanonood sa mga taong abala sa kaniya-kaniyang gawain.
Pagkuwa'y, tinanong niya ang ama kung mayroon pa ba silang hotel na matutuluyan sa Manila, gayung bumabangon pa lamang ang karamihan dahil sa naganap na digmaan noon.
Tumugon ito. "Sa Bay View Hotel tayo makikituloy pansamantala."
At napagtanto ni Lucita na may mga gusali na palang muling naitayo. Sinulyapan niya ang katabi. Tahimik lamang na nakaupo si Alexei, hawak-hawak ng dalawang kamay nito ang violin, nakatingin ang mga balitataw sa ibaba at malalim ang iniisip.
"What's wrong? Are you okay?" untag niya rito.
Mistulang nagising ito sa panaginip, nagulat na napatingin sa kaniya. "No, I'm just..." Hindi nito madugtungan ang sasabihin at sa halip tumingin na lamang sa labas.
Sinundan niya ang paningin nito at napagtantong nakatingin ito sa isang gibang gusali. "Oh that?" Naintindihan niya kahit hindi nito sinabi.
Malalim siyang napabuntong-hininga at iniwas ang linya ng tingin. "Did you really assume you were the only one who struggled with moving on and starting out over again? We are all struggling..."
Hindi na nagsalita pa ang lalaki. Kapwa silang natahimik. Marahil pareho nilang pinagdarasal sa loob-loob ang mga buhay na nawala dahil sa walang silbing digmaan.
***
Hindi maiwasan ni Lucita na makaramdam ng pangamba sapagkat ito ang unang beses na makikipagkompetensya siya at tutugtog sa harap ng madla. Subalit wala nang urungan lalo pa't nangako siya kay Alexei.
Ang una nilang pagsubok ay gaganapin sa isang Art Deco Theatre na matatagpuan sa Avenida Rizal. Pagkatapos ng tatlong araw ay gaganapin na ang paligsahan. Wala na silang natitirang sapat na oras upang makapagsanay.
Kaya nang makarating sa hotel at makaupa ng sariling kuwarto, imbis na matulog o magpahinga ay naisipan na lamang ni Lucita na magsanay ng piyesang tutugtugin sa tanghalan.
Sa gitna ng pagtugtog ay nakarinig siya ng katok sa pinto. Natigilan siya sa pagsasanay. Ibinaba ang hawak na instrumento at pinagbuksan ang kumakatok. Akala niya ay may nagrereklamo sa kaniyang ingay, hindi niya inaasahan na ang makikita ay ang nakangiting mukha ni Alexei.
"I heard you from the other room, instead of resting, you're still practicing."
"We don't have much time left." Nang makapasok ito ay sinara niya muli ang pinto. "How about you? Why are you still awake?"
"I just thought of something. I don't intend to join the Manila Orchestra as a musician, so... the spotlight should be yours. You'll be the only one playing the violin and I'll accompany you on the piano."
Nabigla at natameme siya nang saglit. Ipinikit-pikit niya ang mga mata na tila hindi makapaniwala sa narinig. "Do you know how to play the piano?"
"Yeah. So let's change the piece that we'll perform," simpleng wika lamang nito na hindi natatanggal ang ngiti sa labi.
"Okay?" Hindi pa siya sigurado sa sinagot. Napatingin siya sa music sheet na inihanda. Isa iyon sa mga komposisyon ni Mozart.
Table Music for Two ang nauna niyang naisip tugtugin, subalit sa kasawiang-palad ay hindi siya nasisiyahan sa pagtipa ng nota. Marahil, hindi para sa kaniya ang komposisyon na ito.
"What do you have in your mind?" Diretso siyang tumitig dito. May tiwala naman siya sa ideya ng lalaki.
"Are you familiar with any Filipino compositions?" tanong nito.
"Yes, my mother has a scorebook about that..." tugon niya. Mabuti na lamang at dinala niya ang lahat ng librong iyon. "But where are you going to find a piano to practice?"
"Well, I already found one." Lumaki ang ngisi sa mukha nito na para bang nasabik sa sinabi. Kumunot naman ang noo niya at napuno ng kuryosidad ang puso.
Iginiya siya ni Alexei palabas ng kuwarto upang dalhin sa lobby. Mayroon palang piano sa bulwagan na halos maalikabukan na lamang dahil walang gumagamit.
"So this is your idea?" Pinadausdos niya ang hintuturo sa gilid nito at nang iangat ang kamay nabalutan iyon ng alikabok.
"Any complains?" sarkastikong tugon naman nito.
Pinagkrus niya ang mga braso at saglit na napaisip. Sa totoo lamang, baka pumalpak siya sa inihandang piyesa dahil hindi niya nadarama ang pagtugtog. Hindi na rin masama ang plano ng kapartner. "No, I agree with you. Let's find another piece."
Muli siyang naglakad pabalik sa kuwarto at sumunod naman si Alexei sa likuran niya. Nang makapasok muli sa silid, hinanap niya agad ang libro na minana pa niya sa kaniyang ina.
Pinag-usapan nilang dalawa ang musika na tutugtugin. Marami pa silang diskusyon ukol sa daloy ng patugtog at kung paano magsasabay. Sa huli, napili nila ang Cavatina Op. 7 ni Nicanor Abelardo- isa sa mga klasikong Pilipinong manunulat ng musika.
***