Iris POV
Halos mawalan ako ng malay nang makita ko sila. Si Samuel lang pala at isang babaeng kapareho niya ng mata. Magkahawig din sila ng mukha kaya naniniwala akong magkapatid sila.
"Magandang umaga, aking kaibigan." Nakangiting bati ni Samuel.
Tila natatakot ang babae sa akin. Nakatago siya sa likod ni Samuel.
Ngumiti ako. "Anong pakay mo rito, Señorito Samuel? Baka hahanapin ka ng iyong ina rito."
"Naparito ako para ipakilala ko sa'yo ang aking kapatid na si Valeria." Aniya sa gitna ng magandang ngiti.
Hindi nga ako nagkamali. Kapatid nga niya ang babaeng iyan! Kay ganda niya. Maladiyosa ang ganda. Ang kaniyang tuwid na buhok at kulot sa dulo'y kulay ginto. Ang kaniyang balat ay kasing puti ng asin. Ang kaniyang mga mata'y kasing kulay ng asul na dagat. At ang kaniyang damit ay yari sa silkang kulay na pinaghalong puti at pula. Mahaba ito, hanggang tuhod at nakasuot rin siya ng mahabang medyas at mamahaling sapatos na kulay puti.
"Valeria..." hinarap niya ang kaniyang kapatid. "Siya si Iris Magsaysay... ang aking kaibigan."
Uminit ang puso ko sa aking narinig. Pakiramdam ko'y kauri ko sila. Ngayon ko lamang muli narinig ang isang taong nagsasabing kaibigan niya umano ako.
Nag-aalinlangang makipagkilala sa akin si Valeria. Naiintindihan ko naman 'yon. Marahil hindi siya sanay na makita ang tulad kong magulo ang itsura.
Ngumiti ako sa kaniya. Agad naman siyang kumalma na parang nabunutan ng tinik sa dibdib.
"Ikinagagalak kong makilala ang kaibigan ng aking kapatid. Ako si Valeria de Legazpi... ang bunsong anak ng gobernadorcillo at apo ng gobernador-heneral." Ngumiti ka.
"Ako naman si Iris Magsaysay. Panganay na anak ng Magsaysay."
Ngumiti siya. Iyong ngiting alam kong natutuwa siya sa akin.
"Ipagpaumanhin mo kung naging mailap ako sa'yo. Marahil hindi ako sanay na makakita ng isang tulad mo."
"Ipagpaliban mo na lamang, Señorita Valeria. Sanay na ako sa ganoong eksena."
"Bakit?" Pinagsalubong niya ang kaniyang mga kilay. "D-Dahil ba sa... i-itsura mo?"
Ngumiti muli ako at tumango. "Hindi ko batid kung bakit nilalayuan nila ako gayong dati ko silang matalik na kaibigan."
"Hmm... sa tingin ko'y..." pinasadahan niya ng tingin ang buo kong katawan. "... kailangan mo ng mag-ayos. 'Di bale, kapag nakabisita ka sa amin, ipapakita at ipapahiram ko sa'yo ang aking mga kagamitan!" Nagagalak niyang pahayag.
"Naku, señorita. Hindi ba't nakakahiya iyon?"
"Hindi! Ako ang bahala sa'yo! Tutal kaibigan na kita, ipagkakatiwala ko sa'yo ang aking kuwarto!" Bakas sa mukha niya ang labis na kaligayahan.
"Masusunod, señorita." Tumango ako't ngumiti.
"At... kung puwede sana'y huwag mo na akong tawaging 'señorita' 'pagkat magkaibigan naman tayo."
"Masusunod... Valeria."
"O ayan! Magkaibigan na tayo ha?"
"Sige!" Ngumiti ako.
Nilingon ko si Samuel na nakangiti sa akin. Iyong biloy niyang tawag-pansin. Tumango ako sa kaniya saka bumaling muli kay Valeria na ngayo'y natutuwa sa akin.
Sana nga'y totoo sila. Na hindi sila nagpapanggap lamang dahil may kailangan sa akin. At ano naman 'yon kung ganoon? Wala naman akong yaman na kayang ibigay sa kanila. Mahirap lamang kami.
Samuel POV
"Kuya, nakakatuwa ang iyong kaibigan!" Masayang sabi ni Valeria nang umalis si Iris sa harap namin dahil pumasok sa kanilang bahay.
"Tama ka... ngunit ang ipinagtataka ko ay bakit maraming natatakot sa kaniyang gayong mabait naman siya?" Bahagya kong pinagsalubong ang aking mga kilay nang tinignan ko siya ng diretso.
Ngumuso siya at tumingin sa itaas, tila nag-iisip.
"Oo nga naman kuya. Pero..." nakanguso pa rin siya hanggang ngayon. "Nakakatakot kasi siya sa unang tingin."
Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya. Sakto namang kalalabas lang ni Iris mula sa kanilang bahay. Ngumiti siya. Kaagad akong kinilabutan. May ano sa kaniyang ngiti na nakakagising ng diwa.
Magulo ang kaniyang buhok. Hindi ko alam kung sadya ba iyon o natural. At iyong damit niya'y ang damit na sinuot niya kahapon. Hindi naman siya maamoy pero hindi dapat dahilan iyon para hindi na siya maligo.
Marahil walang ibang damit? O... sadyang hindi lang siya naliligo?
"Nakakakilabot ang kaniyang itsura kuya." Bulong ni Valeria sa akin. "Pero mabait siya! Kaya nakapagtataka talaga kung maraming ayaw sa kaniya."
Hindi ko na pinansin pa si Valeria. Umalis ako sa gilid niya't lumapit kay Iris.
"Maaari bang tumulong, cariña?" [Love] Tanong ko na kaagad kong pinagsisihan dahil sa huli kong salita.
Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha. Nakaukit sa kaniyang mukha ang kahihiyan. Nagbaba siya ng tingin saka tumungo.
"P-Paumanhin, Iris. H-hindi ko sinasadya." Utal kong paghingi ng tawad. Pinagdarasal kong hindi siya galit.
"Ah!" Ngumiti siya. "Paumanhin. Hindi ko naintindihan ang huli mong salita. Hindi cariña ang aking ngalan."
Napaawang ang aking labi. Abot langit ang pasasalamat ko dahil hindi niya ako naintindihan. Lumunok ako ng isang beses at tumango. Pilit akong ngumiti para hindi niya mahalatang hindi ako mapakali ngayon.
"Teka lang ha? Papasok muna ako. Titignan ko lang ang aking sinaing."
"H-ha? O-o sige ba." Tumango ako ng maraming beses saka ngumiti. Tumango siya't ngumiti rin saka umalis na sa harap ko.
Panay ang aking paglunok. Pinagpapawisan ako ng husto.
"Hermano..." tawag sa akin ni Valeria. Halos tumalon ang aking puso dahil doon. "Narinig ko iyon, kuya!" Aniya. Sumilay ang pilyong ngiti sa kaniyang labi kasabay ng pag-alon ng kaniyang mga kilay. "Gusto mo na siya kaagad? Cariña pala ha?" Kutya niya.
"Shsh!" Saway ko. Baka may makarinig.
"O sige kuya..." nagngiting tagumpay siya. "Ililihim natin 'to sa isang kondisyon." Umismid siya. Tamad naman akong umirap. Negosyo na naman ang nasa utak niya.
"Alam ko na 'yan, Valeria. Kilala kita."
"Ayun naman pala!" Aniya na parang nanalo sa isang sugal. "Alam mo na ha? Pagkauwi natin, ibigay mo kaagad sa akin."
"Tss." Umiling ako. Kahit kailan talaga si Valeria. Mukhang pera.