Samuel POV
"Oh? Ano 'yang dala dala niyo?" Patanong na bungad ni Manang Hiliya, ang isa sa pinakamatagal na kasambahay namin. Masungit siya at umaaktong pinuno dito. Siya ang mayordoma ng bahay na ito.
"Wala." Sabi ko saka nilagpasan siya. Pero bago pa kami makapasok ni Valeria sa loob ng bahay ay nahawakan na niya ang aking braso at pinabalik ako sa kaniyang harapan.
"Huwag kang magsinungaling sa akin, Samuel." Pagbabanta niya. Tamad akong umirap saka ibinalandra sa harap niya ang kwintas. Agad naman siyang gumawa ng reaksyon.
"S-saan mo nakuha iyan?" Pagaring niyang tanong. Bahagya kong pinagsalubong ang aking kilay nang nakita ko ang pamamawis ng kaniyang noo.
"Kilala mo ba kung sino ang may-ari nito?" Tanong ko pabalik.
Lumunok siya ng isang beses at naglihis ng tingin. Namamawis pa rin ang kaniyang noo. Bahagyang maputla ang kaniyang labi.
"Tss." Irap ko saka tuluyan na siyang nilagpasan. Wala naman siguro siyang balak na sagutin ako.
Dumiretso kami sa loob ng aking kuwarto. Kinuha ko ang isang kwintas na kulay pilak at ibinigay iyon kay Valeria. Tuwang tuwa naman siya. Matagal na niyang gustong maangkin iyon. Pero dahil galing iyon kay Wesley, hindi niya puwedeng kunin. Ngayon ay wala na akong ibang magagawa, ibibigay ko na lamang iyon. Alam kong magagalit sa akin si Wesley kaya bahala na.
"Pero ang hindi ko lang maintindihan kuya ay bakit ganoon ang reaksyon ni Manang Hiliya nang nakita niya ang kwintas. May kinalaman kaya siya sa may-ari ng kwintas na iyon?" Naguguluhan niyang tanong. Nakaupo siya sa gilid ng aking kama samantalang ako ay nakaupo sa tapat ng tukador habang nakatitig sa palawit ng kwintas na pangil.
"Hindi natin alam, Valeria." Sabi ko. "Hindi rin natin masasabi na kilala niya ang may-ari nito. Baka naman kawangis lang ng kwintas."
"Tanong kaya natin?" Agresibo niyang suhestiyon. Napaangat naman ako ng tingin sa kaniya. Tinignan ko siya sa pamamagitan ng salamin.
"'Wag na. Labas siya rito. Hindi na dapat niya malaman na hinahanap natin ang may-ari nito." Nagbaba muli ako ng tingin sa kwintas.
Pangil siya ng isang mabangis na hayop. Maaaring baboy damo o anuman. Makinis ito at maputi. Napakunot ang noo ko nang napansin kong may bahid ito ng dugo.
"Bakit kuya?" Rinig kong tanong ni Valeria. Sa sandali pa ay narinig ko ang iilang hakbang niya papunta sa gawi.
"Ang kwintas..." paugong kong sabi at pinakita sa kaniya iyon. Masusi naman niyang pinagmasdan ito. "Nakikita mo ba ang bahid ng dugo nito?" Tanong ko.
Nanatiling magkasalubong ang kaniyang mga kilay. Ang kaniyang labi nama'y bahagyang magkahiwalay. Sa sandali pa'y tinignan niya ako ng diretso saka bumaling muli sa kwintas.
"Hindi kaya..." siya, nag-aalinlangang magbitaw ng kuro kuro.
Binaba ko ang aking kamay na may hawak na kwintas. Kinilabutan kaagad ako. Ang unang taong pumasok isip ko ay si Iris.
Sa kaniya kaya ito? Kung sa kaniya, paano ito nahiwalay sa kaniyang leeg? Bakit may bahid ng dugo? Bakit hindi niya hinahanap?
"'Di maaari." Sabi ko't tumayo. Tinago ko ang kwintas sa loob ng aking bulsa. "Hindi tayo nakatitiyak na kay Iris ito o sa taong patay na. Maaaring ngayon lang ito nahulog. At pinaghahanap na ito ng may-ari."
"E, ano bang balak mo kuya?" Tanong niya sa magkasalubong na kilay.
"Kailangan nating bumalik sa kung saan natin ito nakita. Hindi puwedeng kunin nalang natin ito at lalong lalo na hindi puwedeng mananahimik lang tayo dito sa bahay. Baka ang may-ari nito'y nandoon na at hinahanap na ito."
Umikot ako't gumawa ng iilang hakbang. Bago ko pa maabot ang pinto ay nagsalita na si Valeria.
"Sasama ako, kuya. Kailangan ko ring makasiguro." Aniya. Umikot ako't hinarap siya.
"Huwag na. Makakabala ka lamang."
"Sobra ka, kuya!" Bumusangot siya. Umiling ako't napairap.
"Hindi tayo nakasisiguro na makakalabas tayo ng bahay. Maya maya ay dadating na rin ang iba pa nating mga kapatid at maging si ina. Nakasisiguro akong pagbabawalan na tayong lumabas."
"Subukan natin, kuya." Agresibo niyang sabi. "Wala namang mangyayari."
Napahinga ako ng malalim. Kahit na ako ang mas nakakatanda, palagi siya ang nasusunod.
"Sige... sa isang kondisyon." Malamig kong sabi saka naglakad papunta sa kaniya. Nanatili naman ang bughaw niyang mga mata sa akin. Nakita ko pa ang kaniyang paglunok.
"S-Sige. A-Ano iyon?" Utal niyang tanong.
"Ipangako mong walang makakaalam nito." Demanda ko.
Saglit siyang natahimik. Tila nag-iisip. At nang nakabawi na siya'y ngumiti siya saka tumango.
"Sige! Pangako!" Masaya niyang sabi sabay taas ng kaniyang palad, simbolo ng katapatan sa salita. Napailing nalang ako. Talo pa rin ako sa bandang huli.
IRIS POV
"O, anak? Ang ganda ng ngiti mo ah?" Tukso sa akin ni Ina sa gitna ng ngiti. Kararating niya lang halos mula sa palayan.
Mula nang lumiban sila Valeria at Samuel, naging magaan ang aking kalooban. Nag-uumapaw sa saya ang aking puso. Para akong nililipad sa alipaap.
Masaya ako dahil kaibigan ko sila. Masaya ako dahil mabait sila sa akin. Ngayon ay napagtanto kong hindi lahat ng mayayaman ay masasamang tao. Hindi rin lahat ng mahihirap ay may busilak na puso.
Nakakatuwa lang isipin na kahit ilang araw ko pa lamang silang nakakasama, pakiramdam ko'y kilala ko na sila ng lubusan.
"May magandang balita ako sa'yo, ina!" Masaya kong pahayag.
"Talaga?" Mangha niyang sabi.
Inilapag niya sa sahig ang kaniyang bayong at hinubad ang sombrero saka pinunasan ang kaniyang pawis na mukha gamit ang panyong nakasukbit sa kaniyang likod.
"Ano naman iyon, 'nak?"
Umupo siya sa tabi ko. Abala ako sa pagtutupi ng mga damit.
"Ang sabi sa akin ni Samuel, gusto ka niyang manilbihan sa kanilang mansyon! Maaaring isa ka sa mga kusinera sa kanila ina!" Lumapad ang aking labi. Nagagalak ako dahil sa balita. Napakabuti ni Samuel sa amin lalo na kay ina. Kapag si ina ay magtatrabaho sa kanila, ibig sabihin ay hindi na niya kailangang magbilad sa araw. Hindi na niya kailangang pumunta sa palayan para magtrabaho.
"Naku, anak. Imposible naman yata iyan." Aniya.
"Ho? E ang sabi po sa akin ni Samuel, kukumbinsihin niya ang kaniyang ina na ipasok ka sa kanilang mansyon bilang kasambahay. Ibig sabihin, hindi mo na kailangang pumunta sa palayan at magbilad sa araw ng halos buong araw!"
"A, e... kailan raw ba iyon?"
"Hindi ko pa po alam, ina. Pero nangako po si Samuel." Ngumiti ako para hindi siya mag-aalala. "Baka po bukas ay babalik siya rito. O mamaya. Depende, ina. Maghihintay nalang tayo."
"Alin ang hihintayin?" Isang pamilyar na boses ang sumingit sa usapan namin. Lumapad ang aking ngisi nang napagtantong si itay iyon.
"Itay!" Nagagalak kong sambit saka tumayo at nagmano sa kaniya. Niyakap ko rin siya. "Si Señorito Samuel po, itay. Nais niyang magtrabaho si ina sa mansyon nila!"
"Para saan pa Ate Iris?" Singit ng isang lalaking may baritonong boses. Pumasok siya sa loob ng bahay at nilagpasan ako. Kusa namang umikot ang aking katawan para panoorin siya. "Gagawin lamang nilang alipin si ina roon. Huwag na! Hindi natin sila kailangan para mabuhay."
"Bunso naman." Si Ina.
Hinarap ni Eris si Ina gamit ang tamad niyang mukha.
"Ina, porket mabait 'yong señorito na iyon e... may maganda siyang intensyon! Nagbabalat-kayo lamang sila. Gagawin ka nilang alipin roon!"
"Paano ka naman nakasisiguro?" Tanong ko.
Saan siya nakakuha ng lakas ng loob para magsalita ng ganiyan? Nagmamagandang loob na nga si Samuel e!
"Ate, mga Espanyol 'yan sila! Mga dayuhang ang bababa ng tingin sa ating mga Pilipino."
"Mabait sila, Eris." Giit ko.
"Mabait? Bakit nila tayo sinakop? Bakit nila tayo inaalipin sa sarili nating bayan? Mag-isip ka nga, ate!"
"Eris!" Saway ni itay.
Uminit ang aking mata, nagbabadyang bumuhos ang mga luha. Nasasaktan ako sa mga sinasabi niya. Nasasaktan ako dahil pinagsasalitaan niya ng masama si Samuel.
Oo mga Espanyol sila, mga Kastila, mga mananakop. Ngunit batid kong hindi lahat sila'y mga halang ang bituka. Hindi lahat sila'y kapakanan lang nila ang kanilang iniisip.
"Tay," si Eris. "Hindi ba't ginawa ka nilang alipin nang tumuntong ka sa edad na labing-anim? Gagawin din nila iyon sa akin, 'tay!"
"Hindi masamang tao si Samuel, Eris!" Sigaw ko. Kinuyom ko ang aking mga palad habang nakatingin sa kaniya ng masama.
Umihip ang malakas na hangin. Nagsigalawan ang mga muwebles dahil doon, dahilan para mawindang ang lahat.
"Iris..." sambit ni ina. Napahinga ako ng malalim kasabay ng pagkalma ng aking sarili. Humupa na ang nagwawalang hangin at huminto na sa paggalaw ang mga gamit. Tila bumalik sa normal ang lahat.
Lumunok ako ng isang beses at nagtaas-noo.
"Alam kong may galit ka sa mga Kastila, Eris." Pahayag ko. "Naiintindihan kita ngunit kung sa pagkakaakala mo'y lahat sila'y masasamang tao, diyan ka nagkakamali. Mabubuting tao ang mga de Legazpi. At nakasisiguro akong walang ibang hinangad si Samuel kundi ang matulungan tayo. Magpasalamat ka na lamang kesa sa marami ka pang sinasabi."
Umalis ako sa kanilang harapan. Naririnig ko pa ang pagtawag ni ina ngunit binalewala ko iyon. Kailangan kong lumabas upang magpahangin. Gusto kong humupa ang galit sa aking sistema. Batid kong mali ito. Alam kong hindi dapat ako nagtatanim ng galit sa aking kapatid kaya aalis nalang ako bago ko pa siya masaktan. Pagsisihan ko lamang iyon kapag nagkataon.