“KAWAWA naman siya,” naiiling na bulong ni Adrian habang nakatutok ang mga mata sa binabasa.
Isa iyong online article tungkol pa rin sa hiwalayang Maddie at Jordan. Lumipas na ang mahigit isang linggo mula nang pumutok ang balitang iyon pero hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang ingay dahil tumatanggi pa rin ang babae na magpahayag ng panig nito sa issue.
Kung ginagawa nito iyon para panatilihing maingay ang pangalan nito o dahil gusto lang talagang pangalagaan ang privacy, hindi niya alam at wala na rin naman siyang pakialam. What’s important to him is, kung ano ang magiging epekto sa kanilang palabas ng sitwasyon sa buhay ng co-star niya. At sa nakikita niya, mukhang umaayon sa show nila ang takbo ng mga pangyayari dahil pataas lalo nang pataas ang ratings nila.
Wala namang problema sa balitang i-p-in-ost ng social media page ng kalabang network nila kung saan nagtatrabaho si Jordan, ngunit ang nakapagpapakunot ng noo ni Adrian ay ang isang partikular na comment na nahagip ng paningin niya sa comment section. Nagmula iyon sa isang halatang basher ni Maddie, na nagsasabing mabuti raw sa babae ang mawalan ng boyfriend dahil masama raw ang ugali nito. Nasundan pa ang komentong ‘yon ng mga reply ng kung sinu-sinong nanlalait din sa katrabaho niya, na karamihan naman ay hindi na talaga konektado sa issue ang mga pinagsasasabi.
Napabuntong-hininga na lang si Adrian. The only reason why he spent time to read the news about Maddie is to know how her issue will affect the publicity of their show, pero sa huli ay ito pa pala ang kaaawaan niya. May pinagdaraanan na nga ito ay napag-trip-an pa ng mga taong walang magawang matino sa buhay. Sa pagkaasar ay bigla na lang niyang binitiwan ang hawak na cellphone.
Hindi niya talaga maunawaan ang mga taong mahilig makisawsaw sa mga isyung wala namang kinalaman sa mga ito, gayong wala rin namang magandang sasabihin o maitutulong. He hates those people in general. Mas naiintindihan pa niya ang mga reporter na nagkalat na naman sa palibot ng location nila at hinahabol si Maddie sa hindi niya malamang dahilan. At least, those reporters are doing their jobs.
“Okay na po ito, Sir Adrian,” anang makeup artist na nakatawag ng pansin niya.
Nilagyan nito ang braso niya ng prosthetics na parang isang malaking sugat, na kakailanganin sa susunod na eksenang gagawin nila. Sinulyapan niya ang obra ng artist at napangiti sa nakita.
“Nice work! Salamat. Sige, lumabas ka na.”
Ilang sandali lang ang lumipas matapos paalisin ang staff ay sumunod din siya sa paglabas nito sa kuwartong kinaroroonan niya. Nangangawit na kasi siya sa pag-upo at gusto rin niyang makita ang sitwasyon sa labas.
Nakatayo pa siya sa tapat ng pinanggalingang silid nang aksidente niyang marinig ang pag-uusap ng dalawang tauhang napadaan sa harapan niya.
“Sigurado ka ba? Huy, ikaw ha! Kung anu-anong tsismis ‘yang ipinagkakalat mo.”
“Oo nga! Sinampal talaga siya ni Miss Kelsey. Nataranta nga ako, eh, umalis ako agad.”
Umarko ang mga kilay ni Adrian. Bago pa makalampas sa kaniya ang dalawa ay maagap niyang tinawag ang atensyon ng mga ito.
“Hey! Sino’ng pinag-uusapan ninyo?”
Naghintay siya ng sagot, pero imbes na magsalita ay parehong nanginig at nagtinginan lang ang mga tinatanong niya. Naiinis siya sa ganoon, so he had no choice kundi bigyan ng dahilan ang takot ng mga ito.
“Magsasalita ba kayo, o irereklamo ko na lang kayo na nagtsitsismisan sa oras ng trabaho?”
“Naku! Huwag naman po, Sir!”
“S-si Miss Maddie po kasi, nakita kong sinampal ni Miss Kelsey kanina.”
Napahilot na lang sa sentido si Adrian nang matapos magkuwento ang dalawa ng mga narinig at nasaksihan. He then permitted them to go, pero pinabalik din nang may maalaala.
“Kalimutan n’yo na ang nangyaring ‘yon, okay? ‘Wag ninyo iyong ipagsasabi sa iba pa.”
Pagkasabi niyon ay siya na mismo ang umalis sa harapan ng mga ito.
Hay! Anong klaseng gulo ba ang pinapasok ng mga babaeng ‘yon?
“MAY mga reporter na naman sa labas? When will they stop pestering you?”
Mula sa nire-review na script, napaangat ng tingin si Maddie nang marinig ang maarteng boses ng nagsalita. Akala niya ay ang staff na pinakiusapan niyang dalhan siya ng maligamgam na tubig ang pumasok sa standby area na kinaroroonan, pero mali siya dahil si Kelsey pala iyon.
“Bakit ba kasi hindi mo na lang ibigay ang statement na hinihingi nila? Para tapos na. Pati ang taping natin, naaabala na, eh.”
Hindi siya sumagot. Hindi maganda ang lagay ng lalamunan niya kaya hangga’t maaari ay ayaw niyang magsalita. Isa pa, wala siyang balak na ipaliwanag ang sarili sa mga taong tulad ni Kelsey.
Ngumisi ito at bahagya pang namilog ang mga mata na parang may naisip na kalokohan nang walang makuhang sagot. “Ah! Gusto mo siguro talaga ‘yung pinag-uusapan ka, ‘no? O baka naman... you’re expecting na magkakabalikan pa kayo ng ex mo? Alin sa dalawa? I-chika mo naman sa ‘kin!”
Naiiritang nagbuga ng hangin si Maddie. Madalas namang hindi niya nagugustuhan ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Kelsey, ngunit ang sinabi nito ngayon lang ay below the belt na. Masyado siyang nabastos niyon para palampasin niya lang.
“Mabuti pa, magbasa ka na lang ng script at pagbutihin ang trabaho mo kaysa intindihin mo pa ang mga bagay na wala namang kinalaman sa ‘yo. Kapag ipinagpatuloy mo pa ‘yan, baka isipin ko nang naiinggit ka sa akin.”
“Ano?!” Tinaasan siya nito ng kilay. “Bakit naman ako maiinggit sa ‘yo?”
Nagkibit-balikat siya. “Kasi, at least ako kahit pa’no, pinag-uusapan ng mga tao. Eh ikaw? Pang-ilang lead role mo na nga ba ‘to? Pangatlo? Pero hanggang ngayon, ewan ko kung ilang Pinoy viewers lang ang makasasagot nang tama kapag tinanong ng buong pangalan mo.”
“How dare you! Ang kapal ng mukha mo!”
Sa galit ay bigla siyang sinampal ni Kelsey. Halos mabingi siya sa lakas ng pagtama ng kamay nito sa pisngi niya, na umabot pa malapit sa kaniyang tainga. Ilang sandali siyang natigilan dahil sa ginawa ng babae ngunit nang makabawi ay gumanti rin ng mas malakas na sampal. Hindi nito iyon napaghandaan kaya hindi nakailag. Ang akala siguro nito ay hindi siya lalaban.
Magsasalita na sana siya pero isang boses ng lalaking kapapasok lang sa kuwarto ang nauna sa kaniya.
“Hey, kayong dalawa! What the hell are you doing?!” dismayadong pag-awat ni Adrian sa mahinang boses. “In case you don’t know, pinagtsitsismisan na kayo ng mga staff dito!”
Agad namang sinamantala ni Kelsey ang pagdating ni Adrian, na para bang nakahanap ito ng kakampi sa katauhan ng binata.
“Si Maddie... she slapped me! Nakita mo naman, ‘di ba?” parang aping-aping sumbong nito. “I was just trying to comfort her mula sa pangha-harass sa kaniya ng mga reporter, pero bigla siyang nagalit sa ‘kin.”
“Look, I don’t care kung ano ang pinag-aawayan ninyo, okay? Ang akin lang, huwag kayo rito gumawa ng gulo,” nakukunsuming dagdag pa ng lalaki, sabay pasimpleng pinalis ang kamay ni Kelsey na nakakapit sa braso nito.
Bigla siyang tinubuan ng hiya nang tumingin sa kaniya si Adrian habang bakas ang pagkairita sa mga mata. Pasimple siyang napairap bago itinaas ang dalawang kamay sa ere tanda ng pagsuko.
“Isipin ninyo kung ano ang gusto ninyong isipin.”
Dinampot niya ang binabasang script at cellphone na naiwan sa kinauupuan kanina para makaalis na, pero bago tuluyang iwan ang dalawa ay binilinan pa niya si Kelsey.
“Sa susunod, ‘wag mo na ulit akong pakikialaman kung hindi mo naman pala kayang tanggapin ang mga isasagot ko sa ‘yo.” Sa init ng ulo ay naidamay niya pati si Adrian na nakatayo sa tabi ng babae. “Magsama kayo.”
Saka lang nakahinga nang maluwag si Maddie nang makalayo na sa mga nakasagutan. Sa ginawa, alam niyang para na rin siyang nagdeklarang magiging kaaway talaga ni Kelsey at imposible nang mangyari ang gusto niyang magkaroon sana ng kapayapaan sa pagitan nila habang magkatrabaho. Pero sa kabilang banda, marahil ay maganda na ring naiparating niya rito ang mga gustong sabihin, sa gayon ay malaman nito kung saan ilulugar ang sarili upang hindi na sila magkaroon ng mas malalang pagtatalo sa susunod.
“BUWISIT na babaeng ‘yon! Ang kapal ng mukha niyang pagsabihan ako ng gano’n!” nanggagalaiting bulalas ni Kelsey na nakatayo malapit sa kaniyang sasakyan. “She’ll pay for that! Makikita niya!”
Kumukulo pa rin ang dugo niya sa tuwing maaalaala ang mukha ni Maddie pati ang mga sinabi nito kanina. Ang malditang iyon! Malakas na siguro ang loob na pagmalakihan siya ngayong may kumakalat na bulung-bulungan sa set na posibleng magbago ang ending ng series nila at ito ang maging bida. Mas mabenta raw kasi sa mga manonood ang chemistry ng mga karakter ng babaeng iyon at ni Adrian kaysa sa kanila ng lalaki. Mukhang asang-asa naman doon ang bruha kaya lumaki agad ang ulo.
In her dreams!
“Candy, let's go! Umuwi na tayo!” bulyaw niya sa PA na kararating lang sa harapan niya at hindi pa magkandatuto sa pagdadala ng mga gamit niya. “Bilisan mo nga!”
“Hindi pa po tayo makaaalis, Ma’am. Hintayin lang daw po natin saglit si Chinno,” tukoy nito sa baklang manager niya.
“Nasaan ba siya?” iritable pa ring tanong niya.
“‘Ayun po, oh. May kausap pa sa cellphone.”
Nilingon niya ang kabilang dulo ng parking lot kung saan nakaturo si Candy at natanaw nga roon ang nakatalikod na manager. Magsisimula na sana siyang magwala sa labis na pagkainip, nang mahagip ng paningin niya ang pulang kotseng malapit sa kinatatayuan ni Chinno.
“Kotse ni Maddie ‘yon, right?” mahinang tanong niya kasabay ng pagkabuo ng isang maitim na ideya sa isip.
Hindi na siya naghintay ng isasagot ng assistant at nakangisi na itong binalingan. “Candy, ‘di ba you told me before na willing kang gawin ang lahat ng ipag-uutos ko?”
“O-opo, Ma’am. Bakit po?”
Mapaglaro niyang hinawakan ang dulo ng buhok nito. “Good. Patunayan natin ngayon kung totoo nga ang sinabi mo.”
She gazed at the red car once again, with an evil smile on her face. Lintik lang ang walang ganti, Maddie.
“TINGNAN mo iyon, Belle, oh. Sina Miss Maddie, kanina pa nakatayo lang sa harapan ng sasakyan nila.”
“Oo nga po, ‘no? Ano kaya ang problema?”
“May hinahanap yata, eh.”
Nahinto si Adrian sa tangkang pagsusuot ng headphones nang marinig ang pag-uusap ng driver niyang si Mang Jimmy at ni Belle. Pare-pareho na silang nakasakay sa service van at nakahanda nang pumunta sa opisina ni Madam Helena para sa meeting nila mula sa katatapos lang na taping, pero mukhang naantala ang pagbiyahe nila dahil sa napansin ng dalawa.
Walang imik na sinundan niya ng tingin ang direksyon kung saan nakalingon ang mga ito at nakita nga niya sa ‘di kalayuan si Maddie kasama ang babaeng sa pagkakaalam niya ay PA nito. Mukhang guilty at apologetic ang hitsura ng PA habang pagala-gala ang tingin sa sementadong sahig ng parking lot, pero kumalma rin ang ekspresyon nang tapikin ng amo nito sa balikat.
Bahagyang napaangat ang kilay ni Adrian nang makita niyang luminga-linga rin si Maddie at sumilip pa sa ilalim ng kotse nito para tulungan ang assistant sa paghahanap ng kung ano.
Malayung-malayo ang Maddie na pinanonood niya nang mga sandaling iyon sa babaeng nang-irap at nagtaray sa kaniya sa standby area kanina lang.
“Tulungan ba natin, Sir?”
Nagulat pa siya sa naging tanong na iyon ni Belle. Hindi niya napansing sa kaniya na pala ito nakatingin.
“Bahala kayo,” aniya matapos tumikhim. “If you want to help, hindi ko kayo pipigilan.”
Saglit na nagkatinginan sina Belle at Mang Jimmy bago tumango sa isa’t isa. Nakaporma na ang driver niya na bubuksan ang pinto sa tapat nito para makababa at malapitan sina Maddie nang biglang magsalita ulit si Belle.
“Oh! Ano na namang ginagawa ng reporters na ‘yan dito? Ang sabi ni Steffi, nakipag-areglo na ang agent ni Miss Maddie sa kanila?”
Maging si Adrian ay nagulat din nang pagsilip sa bintana ng van ay nakita niyang naglipana nga ang mga taong media sa parking lot at kinukuyog na si Maddie.
Hindi na niya napigilang mapasimangot. Parang sumosobra naman yata ang curiosity ng mga tagapagbalitang iyon sa paghihiwalay ng dalawang dating magkasintahan. Why can’t they just let it be kung may isang ayaw magbahagi ng tungkol sa kasawian nito? Kung makaasta ang mga reporter na iyon, akala mo’y ikauunlad ng ekonomiya ng bansa ang pagkalkal ng hanggang sa kaliit-liitang detalye ng pribadong buhay ng mga artistang katulad niya, gayong kung tutuusin ay wala naman na silang obligasyong ipaliwanag pa ang mga ganoong bagay sa lahat.
“Naku! Mas mainam sigurong huwag na tayong makialam d’yan. Baka madamay pa si Adrian at ma-late pa sa meeting.”
Napatango si Adrian sa sinabi ni Mang Jimmy. “‘Buti pa nga ho, Manong. Umalis na tayo.”
Naiiling na tuluyan na niyang isinuot ang hawak na headphones at ipinagwalang-bahala na lang ang nasaksihan. He’s about to close his eyes to relax his mind while listening to some music, tutal ay ilang minuto rin naman ang itatagal ng biyahe nila, pero paliko pa lang ang kanilang van sa unang kantong madaraanan ay nahagip ng paningin niya si Maddie na nagmamadaling makalayo sa pinanggalingan din niya. Naglalakad lang ito at mukhang tinakasan lang ang mga reporter dahil hindi pa nito kasama ang PA.
Naalaala niyang bigla ang sinabi ng staff na nakakita sa pag-aaway nina Maddie at Kelsey.
“S-si Miss Maddie po kasi, nakita kong sinampal ni Miss Kelsey kanina.”
“What?! Sigurado ka ba?” diskumpyadong pangungumpirma niya, sa pag-iisip na nagkamali lang ng intindi ang staff sa nakita. “Baka naman nagri-rehearse lang sila for the next scene, or something.”
“Hindi po, Sir. Narinig ko po talagang nag-aaway sila. Na-offend po kasi yata si Miss Maddie sa mga biro ni Miss Kelsey kaya nakapagsalita siya ng hindi maganda. ‘Tapos, ‘ayun na nga po...”
“At ano naman ang ginagawa mo sa lugar kung nasa’n sila?” muling tanong niya, para masubukang ilihis ang usapan sa eskandalong ginawa ng dalawang katrabaho at matakot ang staff na ungkatin pa uli iyon.
Natitiyak kasi niyang mas magiging malaki ang gulo sakaling makarating pa sa pandinig ng mas maraming tao ang tungkol sa pangyayaring iyon.
“Ah, eh... n-nagmamalasakit lang ho, Sir. Katulong po kasi ni Ma’am Cherie ang PA ni Miss Maddie sa pagtataboy sa mga reporter, kaya pinakiusapan niya akong dalhan siya ng maligamgam na tubig sa standby room. Masakit daw po kasi ang lalamunan niya. Ang tingin ko nga po, parang magkakasakit pa siya, eh,” nahihintakutang paliwanag naman nito. “Sir, ‘wag n’yo naman po sana kaming ireklamo. A-ayaw ho naming mawalan ng trabaho.”
Napabuntong-hininga siya sa awa sa mga empleyado. Masyadong sineryoso ng mga ito ang pananakot niya.
“Sige na, huwag na kayong mag-alala. Bumalik na kayo sa mga trabaho ninyo.”
Adrian mindlessly clicked his tongue. Bago pa magdalawang-isip ay tinanggal niya ang headphones na nakapalsak sa kaniyang tainga at inutusan si Mang Jimmy.
“Pakibalik po ang sasakyan, Mang Jimmy. Let’s give her a ride.”
Hindi na siya nagdalawang-salita pa. Nakuha agad ng matandang lalaki ang ibig niyang sabihin matapos nitong tuntunin ang tinitingnan niya, at kagaya ng ipinag-utos niya ay nag-U turn nga ito at huminto sa tapat ni Maddie.
Ang nagtatanong na tingin ni Maddie ang bumungad sa kaniya nang ibaba ni Mang Jimmy ang bintana ng van sa tapat ng babae at magkaharap sila.
“Sabay ka na sa ‘min,” simpleng sabi niya.
Mukhang lalo namang nagtaka ang babae at napakunot-noo pa. “Ha?”
Magpapaliwanag pa sana siya rito ng mga nasaksihan nila ng mga kasama sa parking lot, pero nagbago ang plano nang lumampas ang paningin niya sa likod nito at nakitang papalapit na sa kanilang kinaroroonan ang mga taong tinatakbuhan nito.
“Unless gusto mong abutan ka nila,” sa halip ay maikling nasabi na lang niya, habang pasimpleng inginunguso ang mga nasa likuran nito.
Hindi na kinailangang lumingon pa ni Maddie dahil base sa bahagyang pamimilog ng mga mata nito ay mukha namang madali nitong nakilala ang tinutukoy niya. Nang makabawi ay may pagmamadali na nga itong sumampa sa kaniyang sasakyan, bagay na lihim niyang ipinapasalamat dahil maging siya ay kinakabahan na ring maabutan ito ng reporters. Tiyak na madadamay siya, kapag nagkataon.
Medyo nakalayo na sila sa pinanggalingan nang marinig niyang tumikhim ang babae.
“Uhm... salamat, tinulungan n’yo ‘ko,” parang naiilang pang sabi nito. “Nawawala kasi ang susi ng—”
“Okay lang ‘yon. Don’t mention it.”
May mga idurugtong pa sana siya sa kaniyang sagot, but the sudden ringing of his phone interrupted him. Kinuha niya iyon mula sa pagkakapatong sa pagitan nila ni Maddie para kilalanin ang tumatawag, at hindi na siya nagulat nang malamang si Lara iyon. Nagdalawang-isip pa siya kung sasagutin ang tawag, ngunit sa huli ay nagpasyang i-decline muna iyon dahil sa prensensya ng taong ngayon ay katabi. He’d rather call his girlfriend back later.
Binalingan niyang muli si Maddie nang maibaba ang telepono. “May kailangan lang akong puntahang appointment. After that, I can lend you my van. Magpahatid ka na lang kay Mang Jimmy kung saan mo gustong pumunta.”
Hindi ito sumagot, sa halip ay tumingin-tingin sa labas ng bintana—marahil para makita kung saan na sila makarating. Mayamaya lang, sumilip na ito sa rearview mirror at nakipag-usap sa driver niya.
“Ah... Manong, alam n’yo ho ba kung saan ‘yung Edward’s Chicks?” paunang tanong nito bago bumaling din sa kanila ni Belle. “Baka puwedeng doon n’yo na lang po ako ibaba, para hindi ko na rin kayo masyadong maabala.”
Adrian knows the place very well. That is a restaurant specializing in chicken dishes na pagmamay-ari ni Edward Torres—isang aktor sa kakompetensya nilang network na kilala rin sa bansa—na ilang beses na rin niyang napuntahan kasama ang pamilya o sina Madam Helena. Madaraanan nila ang naturang restaurant, kaya siguro doon napiling magpahatid ni Maddie.
“Sige ho, Ma’am,” nakangiting tugon ni Mang Jimmy matapos humingi ng go signal mula sa kaniya. “Kayo ho’ng bahala.”
Sa hindi sinasadyang pagtatama ng mga mata nila ni Maddie nang magbawi ng tingin ang babae mula sa driver ay halatang-halata ni Adrian na hindi talaga ito komportable sa sitwasyon. He can clearly see it in those expressive eyes of hers. Marahil nahihiya ito dahil sa inasta nito sa harapan niya kanina lang.
Hmm. Marunong ding kumilala ng pagkakamali. ‘Di na masama.
Siya na ang kusang umiwas ng tingin. Kasabay ng pagngiti nang dahil sa naisip ay ikinabit na lang niyang muli ang hawak-hawak pa ring headphones, bagama’t hindi na siya muling nagpatugtog pa.