“PAANO mo nasasabing mahal mo ako? Baka nabibigla ka lang. Kung ang kapatid mo nga, halos limang taon na ‘kong nakakasama pero hindi kailan man lumampas sa isang kaibigan ang tingin niya sa ‘kin.”
Adrian looked straight into Kelsey’s eyes. He then caressed her cheek, bago buong-pagsuyong binanggit ang kaniyang mga linya.
“Simple lang, Hannah. Dahil ikaw lang ang tanging babaeng nakapagpabaliw sa akin nang ganito. Tuwing nakikita kita, hindi mo lang alam kung gaano nagwawala itong puso ko. Kapag nawala ka naman sa paningin ko, hindi na ako makatigil sa kaiisip sa ‘yo kahit mapuyat pa ako sa gabi. Kaya hindi ako nabibigla, Hannah. Dahil sa ‘yo lang... sa ‘yo ko lang naramdaman ito sa buong buhay ko.”
Nakahinga nang maluwag si Adrian nang matapos ang eksena nila ni Kelsey nang hindi na kinailangang ipaulit pa ni Direk Dan. May pangamba kasi siyang baka hindi makapasa sa istriktong direktor ang acting niya dahil mismong siya ay hindi satisfied sa sariling performance sa partikular na eksenang iyon. Siguro, masyado lang napataas ang standards na i-s-in-et niya para sa sarili kaya ganoon.
Akala niya ay wala nang ibang pupuna sa kaniyang naging pag-arte ngunit nagkamali siya dahil bago pa makarating sa standby area ay hinarang na siya ni Kelsey para makipagkuwentuhan.
“What’s wrong with you today, Adrian? Don’t tell me, wala ka sa mood na mag-tape.”
“What are you talking about?” may kunot sa noong pagkakaila niya. “Si Direk nga, wala namang reklamo sa ‘kin.”
“Dahil hindi naman naging pangit ang delivery mo ng role. It’s just that... parang you’re a bit hesitant or something.” Napairap ito sa ere. “But I know you, dear. Twice na kitang ka-love team kaya alam kong hindi ka gan’yan talagang um-acting. So... why? Come on, tell me.”
Nagsimula siyang mairita sa interrogation ni Kelsey. He took down a mental note na sa susunod ay hindi na hahayaang mag-reflect sa kaniyang pagganap ang anumang personal na opinyong meron siya sa isang eksena.
“Well, I just find my lines a bit exaggerated. Hindi sa tinatamad ako o ano,” pag-amin na rin niya ng saloobin para matigil na sa pagtatanong ang babae.
He knows how it is to be in love, dahil mayroon siyang Lara. At oo, ramdam niya ang labis na kasiyahan sa tuwing nakikita at nakakasama ang nobya; palagi rin niyang iniisip at inaalala ang kalagayan nito. Pero kahit kailan ay hindi naman siya umabot sa puntong nagwawala nang sobra ang puso niya nang dahil sa babae, kagaya nang laging sinasabi ng mga bida sa pelikula at teleseryeng ginagawa at napanonood niya. Mas lalong hindi siya nagpupuyat sa kaiisip lang kay Lara, dahil paniguradong ito pa mismo ang manenermon sa kaniya kapag ginawa niya iyon.
He sighed. Siguro, sadyang magkakaiba lang ng paraan ng pagmamahal ang bawat tao.
“Oh! Bakit? Hindi ba sabi mo sa amin, may girlfriend ka? Don’t you feel that way towards her?” Sa gulat niya ay biglang ikinawit ni Kelsey ang kamay sa braso niya, bago mapang-akit na bumulong. “Baka naman, hindi mo lang kasi siya gano’n kamahal. You know, maybe there’s someone else who’s really meant for you.”
Doon na tuluyang kumulo ang dugo ni Adrian. He never expected that Kelsey can be rude to that extent.
“I don’t think so, Kelsey.” Mabigat ang kamay na inalis niya ang pagkakakapit nito sa kaniya. “Excuse me!”
Bago pa kung ano ang masabi o magawa niya kay Kelsey, nagmamadaling nilayasan na niya ito.
“MISS MADDIE, ito nga pala ‘yung payong mo, oh. Ipinabibigay ni Ma’am Cherie. Naiwan mo raw sa service van kahapon.”
Napahinto sa pagkain ng sandwich si Maddie para lingunin si Steffi. Tinawag ng agent niyang si Mrs. Cherie Montealto si Steffi para samahan ang ginang sa sasakyan ilang minuto na ang nakalilipas dahil meron daw itong ipag-uutos. Hindi niya namalayang nakabalik na ang kaniyang PA.
“Sa ‘yo ba talaga ‘tong payong, Miss Maddie? Hindi kasi pamilyar sa akin, eh. Kahapon ko pa iniisip.”
Umiling siya. “Hiniram ko lang ‘yan sa naghatid sa ‘kin sa resto.”
“Sino ba kasi talaga ang tumulong sa ‘yo? Sinundan naman kita agad kahapon nung natakasan ko na ‘yung mga reporter, pero hindi na kita inabutan. ‘Yung text mo na lang ang natanggap ko.”
Lalong lumawak ang pagkakangiti niya. Habang nasa Eduard’s Chicks ay nag-text siya kay Steffi para sabihing wala na itong dapat ipag-alala dahil nasa ligtas na siyang lugar at para utusan na rin itong humingi ng saklolo kay Tita Cherie na masundo siya. Ang hindi lang niya idinetalye ay kung sino ang mga tumulong sa kaniyang makarating doon.
“Three Good Samaritans, Stef.”
Nilukot niya ang kaniyang mukha nang mabasa niya sa ekspresyon ni Steffi na balak pa nitong mangulit. Bago pa ito muling makapagtanong ay inunahan niya na.
“Umalis na ba si Tita Cherie?”
Nangingiting napailing na lang siya nang tumango ito.
“Hmm. May important meeting pa raw siyang pupuntahan.”
Si Tita Cherie talaga, darating at aalis na lang sa isang lugar kung kailan nito gusto nang hindi man lang nagpapaabiso sa kaniya. Kaninang umaga lang ay nagulat pa sila ni Steffi nang maratnan ito sa set dahil gusto raw nitong tiyaking wala nang sinumang makapanggugulo at makapang-aabala sa kaniya at sa mismong taping nila kagaya ng nangyari sa nagdaang araw, pagkatapos ngayon ay umalis na pala ito nang wala ni paalam o pasabi. Sa mahigit limang taon niya sa ACM Talent’s Nook ay nakasanayan na niya ang ugaling iyon ng ginang.
“Okay, sige.” Hinawakan niya at hinimas-himas niya si Steffi sa braso. “Pahingi naman ako ng warm water, oh. Lagyan mo ng honey, hmm? Meron d’yan sa bag ko.”
Natawa na lang ito sa parang batang paglalambing niya. Tiningnan pa nito ang loob ng sling bag niyang nakasukbit sa katawan nito para i-check ang honey bago umalis sa harapan niya para maibigay ang hinihingi niya.
Naiwan nito sa mesang pinagkakainan niya ang payong na pagmamay-ari ni Adrian. Saktong pagdating nila kahapon sa restaurant ni Eduard kung saan napagkasunduang ibababa siya ng lalaki at ng mga kasama nito ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Mabuti na lang at mayroon itong nakahandang dalawang malalaking payong sa sasakyan nito at isang mabuting puso, kaya napahiram siya ng panangga sa ulan.
Tumayo na siya at nagtangkang hanapin sa paligid si Adrian para maisauli na ang payong nito. Ngunit hindi na pala kailangang maghanap dahil hindi pa man siya nakahahakbang palayo sa kubol na kaniyang kinaroroonan ay nahagip na ng paningin niya ang paglabas nito sa pinagti-taping-ang bahay. Bahagya pa siyang nag-atubiling lumapit dahil mukhang bad trip ang hitsura nito, pero sa huli ay tumuloy na rin.
Tumikhim muna siya para iparamdam dito ang kaniyang presensiya. Saka lang siya nagsalita nang tingalain siya nito.
“Ibinabalik ko na ang payong mo. Salamat ulit.”
Sinenyasan lang nito ang assistant na si Belle na kunin sa kaniya ang payong. Agad namang tumalima ang babae at iniwan sila pagkatapos, marahil upang iligpit ang gamit na isinauli niya.
Iiwan na rin sana niya si Adrian sa puwesto nito, tutal ay nagawa na niya ang pakay, pero biglang pumasok sa isip niya ang naging pagtataray dito sa parehong araw na sinaklolohan siya nito.
“Ah... h-hindi pa nga pala ‘ko... nakahihingi ng tawad doon sa ginawa ko kahapon. Alam mo na. ‘Yung sa standby room.” Nilunok niya ang lahat ng hiyang nararamdaman. “Kung puwede, kalimutan mo na lang ‘yon. Mainit lang ang ulo ko.”
Ilang sandaling tiningnan lang siya nito, na para bang pinag-iisipang mabuti ang sinabi niya. Medyo nakasimangot pa nga, kaya hindi niya inasahan ang isinagot nito.
“Okay lang. I think I understand kung ba’t gano’n na lang kasama ang mood mo.”
Hindi namalayan ni Maddie ang pagguhit ng isang sinserong ngiti sa mga labi niya, gayundin ang paglabas ng mga salitang naglalaro lang sa kaniyang isipan.
“Hindi ka naman pala kasing-nega ng inakala ko.”
“Ikaw rin.” Sa pagkabigla niya, ginantihan ni Adrian ang kaniyang ngiti. "Mukhang nagkamali rin ako ng pagkakakilala sa ‘yo.”