SYRELLE KEYZA ALTAIR POV
Alas-sais pa lang ng umaga, gising na ako. Maaga akong naligo, inayos ang buhok sa ponytail, at nag-light makeup lang para hindi magmukhang haggard. Kahit kinakabahan, sinigurado kong presentable ako sa unang araw ko bilang OJT. Pagkatapos mag-agahan ng tinapay at kape, kinuha ko ang brown leather bag na binigay ni Mama noong huli niyang bakasyon. “Para sa graduation mo,” sabi niya noon, pero ngayong araw, ito ang magsasama sa akin sa bagong yugto ng buhay ko.
Paglabas ko ng bahay, mainit-init pa ang simoy ng hangin, pero may halo na ring bigat ng trapiko sa kalsada. Sumakay agad ako ng jeep papuntang EDSA. Akala ko makakarating ako nang maaga… pero mali pala ako. Parang ayaw umusad ng jeep. Ang driver, panay ang hintuan kahit wala namang sumasakay o bumababa. Ramdam ko ang inis na unti-unting sumisingaw sa dibdib ko habang tumitingin sa relo—7:20 AM na, at 8:00 AM ang call time namin sa Lee Global Enterprises.
Para akong sinasakal sa kaba habang nakatingin sa mabagal na usad ng trapiko. Napapadyak ako nang marahan sa sahig ng jeep, parang makakatulong para bumilis kami. Ilang beses kong naisip na bumaba at mag-taxi, pero bawat kanto, mas lalo lang tumitindi ang trapik. Habang papalapit kami sa MRT station, nagdesisyon akong bumaba at magmadaling sumakay ng tren kahit alam kong siksikan. Mas okay na yun kaysa ma-late sa unang araw.
Pagdating ko sa BGC, halos tumakbo ako papunta sa building. Nanginginig pa ang tuhod ko sa pagod at bilis ng lakad, pero nang makita ko ang Lee Global Enterprises, napalunok ako. Ang taas. Ang kintab ng salamin. Halos magmukha akong butiki sa gilid ng pader kumpara sa napakagarang gusaling ito.
Pagpasok ko sa lobby, sinalubong ako ng malamig na hangin mula sa aircon at amoy ng mamahaling pabango na halatang galing sa mga taong naka-corporate attire. Ang reception area ay moderno at elegante, parang hotel—marble floor, chandelier sa gitna, at mga upuang parang galing sa mamahaling showroom.
“Good morning, Ma’am. For OJT?” bati ng receptionist na may propesyonal na ngiti.
“Yes po. Altair, Syrelle,” sagot ko, pilit pinapakalma ang boses ko kahit hinihingal pa.
Itinuro niya ako papunta sa conference room. Huminga muna ako nang malalim bago buksan ang pinto, pero hindi pa man ako nakakapag-relax, ayun na siya—si Reevana. Nakataas na naman ang kilay habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa.
“Well, well, well… look who almost didn’t make it,” sarkastikong sabi ni Reevana na nakatayo malapit sa entrance. Naka-cross arms siya, naka-smirk, at parang nanlilisik ang mata. “First day mo pa lang, muntik ka nang ma-late. Baka naman gusto mong gumawa agad ng masamang record?”
Pinigil ko ang sarili kong mag-roll ng eyes. “Traffic,” sagot ko, diretso lang at walang emosyon, sabay dumiretso sa loob.
“Oh, traffic daw,” pahabol pa niya, halatang nanunukso. “Excuses on day one? Good luck, girl.”
Binalewala ko na lang siya, kahit ramdam ko ang pamumuo ng inis sa dibdib
Umupo ako sa isang bakanteng upuan, pilit na hindi pinapansin ang maanghang niyang mga tingin. Ramdam ko pa rin ang bigat ng bawat salitang binitawan niya, pero hindi ko hahayaang masira ang araw ko.
Hindi ko alam… pero habang nasa loob ako ng kumpanyang iyon, parang may bigat sa hangin na hindi ko maipaliwanag. At sa pinaka-taas na palapag ng gusaling ito… may isang taong hindi ko pa nakikilala, pero magiging dahilan ng isang kwento na magpapabago sa buhay ko.
Pagkapasok ng supervisor namin sa OJT, agad na natahimik ang conference room. Isang babaeng naka-corporate attire, seryoso ang mukha, at halatang sanay magdala ng authority.
“Good morning, trainees. I’m Ms. Clarisse Tan, HR Training and Development Officer,” panimula niya, habang tinitingnan kaming lahat mula ulo hanggang paa. “Today, we will start your orientation for the next three months of your OJT here at Lee Global Enterprises.”
Tahimik lang ako, sinusulat ko sa notebook ang bawat mahalagang sinabi niya. Ayokong magkamali o magmukhang hindi handa—lalo na’t first day namin ngayon. Pero habang nagsusulat ako, naramdaman ko ang titig ni Reevana mula sa gilid. Hindi ko siya pinansin, pero ramdam ko ang bahagyang pagngisi niya.
May mahina akong narinig na tawa mula sa kanya at sa dalawa pa naming kaklase. Nagsalita bigla si Ma’am Clarisse, “May problema ba, Ms. Villanueva?”
“Ah, wala po, Ma’am,” sagot ni Reevana, na may halong pino pero malisyosong tono. “May nakita lang po akong… interesting.”
Sinamaan niya ako ng tingin bago sumunod na sinabi, “Hindi ko po kasi akalain na may trainees na mag-e-effort mag-light makeup para lang magmukhang presentable.”
Parang may kumurot sa pride ko. Gusto ko siyang sagutin, pero natigilan ako. Ramdam ko ang ilang pares ng mata na nakatingin sa akin, at halos marinig ko ang pagpipigil ng tawa ng iba.
Anong problema niya sa akin? First day pa lang, may pasaring na agad?
“Ms. Villanueva,” malamig ang boses ni Ma’am Clarisse, “this is a professional setting. We value respect here. Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo sa akin directly at hindi sa pamamagitan ng panlalait.”
Nag-pilit ng ngiti si Reevana. “Sorry po, Ma’am. Wala pong malisya.”
Wala na akong sinabi. Alam kong kung sasagot ako, baka mas lumaki lang ang gulo. Pero sa loob-loob ko, nanggigigil ako. Kung akala niya matatakot ako, nagkakamali siya.
Pagkatapos ng orientation, sinabi ni Ma’am Clarisse ang magiging schedule at department assignment namin. Laking inis ko nang malaman kong magkasama kami ni Reevana sa iisang floor.
Napakagat-labi ako. Mukhang magiging mahaba-haba ang tatlong buwang OJT na ‘to.
Paglabas namin ng conference room, nakasunod si Reevana sa likod ko. Ramdam ko ang tingin niyang parang gusto akong busisiin mula ulo hanggang paa.
“Uy, Syrelle,” mahina pero malinaw niyang bulong, “sana kayanin mo dito. Baka kasi… ma-overwhelm ka.”
Hindi ako lumingon. “Salamat sa concern,” sagot ko, malamig ang boses.
Narinig ko ang mahinang tawa niya, pero ramdam kong may halong hamon. Sige lang, Reevana. Kung gusto mo ng laro, pagbibigyan kita.
Sa isip ko, malinaw na: unang araw pa lang, nagsimula na ang tahimik na digmaan namin.