JUSTEEN
KASINGLAKI siguro ng Mall Of Asia ang ngiti ko nang magising ako ng umagang iyon. Bukod kasi na I have my complete sleep at walang pasok ngayon ay napanaginipan ko pa si Josef. Totoong lalaki na daw siya at nagtapat siya ng pag-ibig sa akin. Siyempre, sinagot ko naman daw ito agad at naging kami na. Totoong kami at hindi na acting-an lang. Ang smile sa mukha ko ay biglang nawala nang maalala ko na ang panaginip daw ay kabaligtaran ng mangyayari sa reality. So, it means na hindi na magiging hundred percent na lalaki si Josef?
No, no, no!
Hmp! E, ano naman sa akin kung forever beki na siya? Kailangan ba na affected talaga ako?
Madrama akong bumangon sabay harap sa salamin. Pinagsasampal ko ang aking sarili. “Justeen! Ano ka ba naman?! Don’t tell me nagkakagusto ka na sa baklang iyon! Bakla siya, okay? Hanggang crush ka lang! Hanggang-”
Napatigil ako sa pakikipag-usap sa aking beautiful self nang biglang kumatok si Mama Jolina. May bisita daw ako kaya lumabas daw akong kwarto ko. Hindi naman niya sinabi dahil umalis siya agad.
Sino naman kaya ang bibisita sa akin ng ganito kaaga?
Unang pumasok sa isip ko ay si Mocha. Siya lang naman ang madalas na puntahan ako sa bahay kapag walang pasok sa school pero medyo nagtataka lang ako dahil ang agad niya yata. Hmm… Baka manghihiram ng notes. Ang baklang iyon talaga! Aga naman niyang mang-istorbo.
Dahil si Mocha lang naman ang bisita ko ay lumabas na rin agad ako ng kwarto. Pagdating ko sa salas ay nanlaki ang mga mata ko nang makita ko na si Josef pala ang sinasabi ni Mama Jolina na bisita ko. Nang makita niya ako ay nagtatakbo ako pabalik ng kwarto ko at nginangatngat ang kuko na tiningnan ko ang ayos ko sa salamin.
Magulo ang buhok ko tapos may muta pa. Iyong suot ko naman, manipis na pantulog na spaghetti strap. Medyo kita ang suot kong bra at panty. Shemay! Ibig sabihin ay nakita iyon ni Josef?! Malamang nakita niya. Hindi naman siya bulag at alam ko walang problema ang mata niya.
Nakakahiya! Nakakahiya!
Kulang na lang ay matunaw ako sa sobrang kahihiyan ng sandaling iyon.
Lesson learned. Siguraduhin muna kung sino ang bisita bago lumabas ng kwarto.
Nakakainis naman kasi si Mama Jolina, e. Hindi man lang ako in-inform na si Josef pala ang bisita ko. Huhu!
Muling kumatok si Mama Jolina. Ang tagal ko daw lumabas. Nakakahiya daw sa bisita ko.
“Lalabas na po!” sagot ko.
Mangiyak-ngiyak na nagpalit ako ng damit at saka nakayukong lumabas. Hiyang-hiya na umupo ako sa upuan na nasa harap ni Josef. “Sorry kung nakita mo ako sa ganoong ayos, ha…” Pa-demure kong sabi sa kanya.
“Alin? Iyong medyo kita ang panloob mo?”
“O-oo.”
“You don’t have to worry. Walang epekto sa akin iyon.”
Oo nga naman. May point. Paano nga naman magkakaroon sa kanya ng epekto ang nakita niya, e, bakla siya? Wala naman pala akong dapat ikahiya.
Umayos ako ng pagkakaupo. “Mabuti naman kung ganoon. Wait, bakit ka nga pala nandito?” tanong ko.
“Gusto ko lang sabihin sa’yo na next week na ang end ng contract natin. Sa Friday, magbi-break na tayo. Kailangang malaman ng lahat na break na tayo dahil ayoko nang magpanggap na jowa mo. I think nakaganti ka na sa ex mo, right?”
“O-oo naman…” Parang may nakabarang kung ano sa lalamunan ko nang magsalita ako. Nakakalungkot lang na ang bilis ng paglipas ng araw dahil matatapos na agad ang pagpapanggap namin.
“At sa tingin ko naman ay nawala na ang tingin ng mga students sa Benedictine na beki ako.”
“Yes. I think so… Ilang araw na rin na wala akong naririnig na kumu-kwestiyon sa sexuality mo. Mission accomplished!” Nag-thumbs up pa ako.
Nag-thumbs up din si Josef. “Mission accomplished!” aniya rin.
“BES, ano ito? Hindi ko naman maintindihan itong sulat mo!”
Hindi ko pinansin ang sinabing iyon ni Mocha. Nanatili lang akong parang baliw na nakatitig sa kawalan habang pumapapak ng isang garapon ng wafer stick.
After na umalis ni Josef, ilang oras lang ay dumating naman sa bahay si Mocha para kumopya ng notes sa akin. Nasa salas kami at nakasalampak sa sahig. Nagsusulat siya habang ako naman ay kumakain at nakatulala. Iniisip ko pa rin kasi iyong napag-usapan namin ni Josef.
“Bes!” sabay tulak ni Mocha sa likod ko.
“Ano ba, bes? Nakita mo nang nag-iisip ako, e!” Naiiritang sabi ko sabay kagat sa wafer stick.
“Ah, so, nag-iisip ka… Ng ano?”
Malungkot akong humarap sa kaibigan ko habang naka-pout. “Kasi naman matatapos na ang kontrata namin ni Josef this coming Friday. Magbe-break na kami sa kunwa-kunwarian naming relasyon. Bes, parang hindi ko yata kaya.”
“Anong hindi mo kaya? Sa simula pa lang alam mo naman na mag-i-end din iyang pagpapanggap niyo, `di ba? Bakit nagda-drama ka ngayon?”
“Hindi ko alam pero, alam mo iyon? Nasanay na ako na kapag nasa school kami ay feeling magjowa talaga kami. May care siya sa akin at proud siya na sabihin sa iba na girlfriend niya ako na hindi ginawa sa akin ng balasubas kong ex. Daig pa ng fake iyong totoo!”
“So, what you’re trying to say is mami-miss mo si Josef at ang pagiging “jowa” niya sa iyo?”
“Hmm!” sabay tango ko.
“Ay. Positive. Inlove ka, bes!”
“Ako? Inlove?”
“Ay, hindi! Ako ang inlove! Siyempre, ikaw!”
“Kanino?”
“Malamang… sa akin! Tinatanong pa ba? Kay Josef! Inlove ka kay Josef!”
Napahawak ako bigla sa tapat ng puso ko sa sinabi ni Mocha. Tama nga kaya siya na inlove na ako kay Josef? Nag-level up na ang pagka-crush ko sa kanya?
Mariin kong hinawakan ang magkabilang kamay ni Mocha. “Bes, hindi ako pwedeng ma-inlove kay Josef! Bakla siya at ayokong maging hopia sa kanya. You’re gay too and you know na kahit magta-tumbling ako sa harapan niya ay never siyang magkakagusto sa akin. Bes, anong gagawin ko? Ayokong ma-inlove sa kanya!” Himutok ko.
“Naku, bes, kung totoong inlove ka na talaga kay Josef, wala ka nang magagawa. Mahirap kalaban ang heart kapag tumibok na ito. What if… Ah! Nevermind!”
“What if ano?”
“Wala. Imposible kasi… naisip ko lang…”
“Na ano nga?” Pangungulit ko. “Sabihin mo na naisip mo. Bilis na, bes!”
Sumeryoso bigla si Mocha. “Bes, ano kaya kung… gawin mong tunay na lalaki si Josef!”