"HINDI ka dapat umalis sa inyo, Geralde, huwebes santo ngayon! Kapag ganitong santo-santo ay maglalakasan ang mga nagtataglay ng kapangyarihang itim. Ang dinadaanan mo ay masukal na gubat. At kahit pa kabisado mo ang lugar na tataluntunin ay maaari ka pa ring mapahamak!", nag aalalang sermon ng ama ni Irenea sa lalaking may dala na namang mga pagkain para sa kanila. Napangiti naman si Geralde sa sinabi ng matanda sabay upo sa baitang ng hagdanan. Nakita ng ama ni Irenea ang pagkibit-balikat ng lalaki. "Huwag mong ipagwawalang bahala ang aking babala, anak. Pag-ingatan mo ang iyong sarili. Hindi mapaghihilom ng anumang gamot ang sugat na iyong tatamuhin kapag nakuha mo ito sa santong araw, lalo't higit bukas. Biyernes santo at pinaniniwalaan ng matatanda noong sinauna pa mang panahon na p

