SAMANTALA sa labas ng kagubatan............... Nangangatog sa takot ang mga naninirahan malapit sa gubat habang tinatanaw ito. Ang matatalim na kidlat ay naglipana sa maitim na ulap. Hindi na nila ipinagtataka ang nasasaksihan. Ang maiitim na ulap ay nagkakatipon sa tuktok ng mga puno doon mismo sa gubat na animo kinuyog. At tila ba ang mga ulap na iyon ay nagduduwal ng matatalas na kidlat na nagbabanta sa sinumang manghihimasok sa nakatalagang magaganap sa loob. Napaantanda ang isang matandang babae nang muli na namang gumuhit ang galit na galit na kidlat. "Malapit na..., malapit na.", nanginginig ang mga kamay nitong may hawak na rosaryo. Pumapatak ang luha sa magkabilang pisngi. "Lola, tayo na po sa loob. Makakasama po sa inyo ang lamig ng hangin.", aya ng isang dalagita sa matanda.

