Kapag ganoong humahapon ay nag-uutay na silang maglinis. Madalang ang bumibili pa ng ulam kaya naman isa o dalawang putahe na lang ang meron. Pagpatak kasi ng eight at nagsasara na sila.
Nang sumapit ang alas-syete ay inutay na rin nilang patasin ang mga silya at mesa. Loaded sila maghapon kaya tiyak na maaga silang makakapagsara ngayong araw. May natira mang ulam ay kokonti na at kadalasan ay iyon na lang ang pagsasaluhan nila. O kung minsan pa ay ipinapadala sa mga tagaluto at serbidora ang iba para hindi naman masayang.
Pagpatak ng alas-syete y media ay sinabihan niya na sina Rosa, Ging-ging, at Jena na umuna nang kumain.
“Hindi ka ba sasabay?” tanong ni Rosa.
“Mamaya na ako,” tugon niya at siya na ang nagpatas ng iba pang silya at mesa.
“Wala ka pang kain kanina. Hindi ka rin nagmeryenda. Hindi ba nagugutom?” usisa naman ni Ging-ging.
“Medyo busog pa.”
“Busog pa daw,” dudang turan ni Jena.
“Kumain na nga lang kayo diyan at nang maaga tayong makapahinga ngayon.” Itinaas niya na ang huling silya nang—
“Tumatanggap pa ba kayo ng customer?”
Napalingon silang lahat sa nagsalita.
“Leo?” gulat na usal niya, hawak pa rin niya ang isang silya na itataob sana sa ibabaw ng mesa.
“Sorry at ginabi na ako,” nahihiyang anito. “Pwede pa bang makikain? Medyo nagugutom na ako,” pagpapatuloy nito nang wala man lang naingli sa kanila.
“Ah… Oo,” aniya ng makabawi sa pagkabigla. Mabilis niyang ibinaba ang isang silya. “Ihahanda ko lang ang mesa. Ano bang gusto mong kainin? Tortang talong at adobo na lang ang ulam namin.” Sunod-sunod niyang wika. Tila ba nawala lahat ng inis at paghuhurumentado niya kanina nang makita ang lalaki.
“Kung anong nandiyan ay iyon na lang,” wika nito at inukopa na ang mesang inihanda niya.
Tumango siya at akmang tatalikuran na ito nang bigla siyang tawagin nito. “Lisandra?”
“Bakit?” tanong niya sabay lingon dito.
“May ginataang halo-halo pa?” Umaasa ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. Halatang pagod na pagod ito. Medyo g**o pa nga ang buhok nito kaya alam niyang sobrang abala nito kanina.
“Meron pa. Iinit ko lang.” Tumalikod na siya at inihanda ang pagkain nito. Hindi niya sinabing ipinagtira niya sadya ito.
“HETO, kumain ka na,” alok ni Lisandra sabay baba ng kanin at mga ulam. “Kukuha lang ako ng maiinom. Tubig ba o softdrinks?”
“Tubig na lang.”
Tumango siya.
“Kumain ka na ba, Lisandra?” tanong ni Leo. Sumulyap ito sa kaniya bago sa mga serbidora na katatapos lang kumain.
“Mamaya na lang.”
“Bakit hindi ka pa sumabay sa akin? Ang lungkot naman kung ako lang kakain ditong mag-isa.”
“H-hind—“
“Kami na ang magdadala ng pagkain mo diyan. Maupo ka na,” sabat ni Rosa na maagap kinuha ang tray sa kaniya.
Aangal pa sana siya nang lumapit si Ging-ging na may dalang isang pitsel ng malamig na tubig. “Kami na ang bahala. Umupo ka na at kumain bago pa bumaba si Aling Maring,” bulong naman ni Ging-ging.
“Eh, bus—“
“Hindi siya busog. Kanina pa iyan walang ganang kumain,” si Jena na may dalang panibagong plato ng kanin at mga pang-ulam.
“Busog talaga ako—“
“Kumain ka na lang diyan. Kami na ang bahalang maglinis ng iba pa.” Itinulak siya ni Rosa paupo. Nang makaupo siya ay nagkaniya-kaniyang pulasan ang tatlo. Naiwan silang dalawa ni Leo.
“Kain na tayo?” pag-aaya ni Leo na malapad ang ngiti. Kapansin-pansin pa rin ang pagod nito pero may kakaibang sigla sa mga mata nito.
“Sige.”
Noong una ay tahimik lang silang kumain. Pinakikiramdaman ang isa’t isa. Alam ni Lisandra na napakaaga pang sabihing gusto niya si Leo pero siguro totoong nangyayari iyong crush in first sight. Gayunman, isa siyang dalagang Pilipina kaya kailangang kalmahan niya lang. Wag masiyadong halata.
“Pasensiya ka na nga pala at hindi ako nakadating kanina,” simula ni Leo na ikinatunghay niya. Nang sulyapan niya ito ay apologetic ang gwapo nitong mukha.
Ibinalik niya ang tingin sa pagkain. Aminado siyang umasa siyang pupunta ito. Pero wala siyang karapatang magtampo o mainis. “Okay lang iyon.”
“Pinatawag kasi ako kanina. Biglaan lang na meeting,” paliwanag nito.
“Hindi mo naman kailangang magpaliwanag,” kimi niyang tugon bago sumubo. Medyo naiilang siya na makasabay itong kumain. Ilang araw pa lang silang magkakilala tapos ganito na kaagad.
“Pakiramdam ko lang ay kailangan ko.”
“Hayaan mo na. May natira namang ginataang halo-halo. Naubos nga lang ang banana cue at camote cue.”
Ngumiti si Leo. “Buti naman at kahit papano ay may matitikman ako.” Tinitigan siya nito. “Sulit na sulit ang pagpunta ko dito,” makahulugang saad nito habang hindi inaalis ang tingin sa kaniya.
Nag-iwas siya ng tingin at piniling kumain ng tahimik kahit na ang totoo ay kumakabog ang dibdib niya sa sobrang bilis.
LUMIPAS ang maraming araw, linggo hanggang sa naging buwan. Naging mas malapit sina Lisandra at Leo. Aminado na ang dalaga na crush niya ang inhinyero pero dahil walang kasiguruhan kung anong nararamdaman ng lalaki para sa kaniya ay pinili niyang itago ang nararamdaman sa sarili. Nasisiyahan na siya sa madalas nitong pagkain sa kanilang karinderya o ang pagsabay nito sa kanila sa gabi. Noong una kasi ay halos siya lang ang nakakasabay nito pero nang malaman ng kaniyang ina na dumarating ito, nagsasabay-sabay na silang kumain. At gaya ng dapat asahan, kung matabil ang anak, kayo na ang bahalang humusga sa ina.
“Maitanong ko lang, Leo. Ilang taon ka na pala?” tanong iyan ni inay habang minsan ay kumakain sila. Leo na lang din ang tawag nito dahil sa pagpupumilit na rin ng lalaki. Ika nito ay masiyadong pormal at magalang ang Engr. Leo.
“Twenty-six po,” magalang na tugon ng binata.
“Wala ka pa bang balak mag-asawa?” usisa ng kaniyang ina habang naghihiwa ng karne sa pinggan. Lihim niyang pinanlakihan ito ng mata pero hindi siya pinansin nito.
“Wala pa pong napupusuan eh.”
“Girlfriend, meron ka?” daig pa ng inay niya ang pulis na nag-iinterogate sa isang suspek.
“Wala din po.”
Tumango ang kaniyang ina at nagpatuloy kumain. Nang makapaghapunan sila ay inutusan nitong maglabas ng minatamis si Ging-ging. Kinuha nito ang ice cream cupcakes na ginawa niya kanina. Kakapanood niya ng kung ano-anong video ay kung ano-ano ding recipe ang natututunan niya.
“Gawa ninyo din po ba ito?” tanong ni Leo nang matikman ang ice cream cupcake. Chocolate flavor ang icre cream na may white chocolate flavored na cupcake.
“Si Lisandra ang gumawa niyan,” nguso ng nanay niya sa kaniya habang sinasaid ang cupcake nito.
“Talaga po?”
“Magaling iyang batang iyan magagawa ng kung ano-anong pagkain. Sabi ko nga’y ayos na din na nag-Culinary at hindi nag-engineer,” pahayag ng kaniyang ina habang inuubos ang minatamis. “Meron pa ba?” tanong nito nang maubos ang kaniya.
“Tama na, inay at mamaya ang sugar mo,” paalala niya sa ina.
Inilingan lang siya ng ina. Akmang tatayo na ito pero sandaling tumigil at sumulyap sa kaniya bag okay Leo. “Oo nga pala. Maitanong ka lang sa’yo, Leo,” simula nito habang matiim na nakatingin kay Leo.
Naging attentive si Leo na ibinaba pa ang kinakain at tumingin sa ina niya. Medyo kinakabahan siya sa itatanong ng ina pero sa mukha nito ay malabo niyang mapigilan ito. Ibinaba niya rin ang pagkain at tinitigan ito.
“Ano po iyon?”
Huminga ng malalim ang kaniyang ina. “Ikaw ba ay nanliligaw dito kay Lisandra?”
Literal na namilog ang mga mata niya dahil sa tanong ng ina. “Inay!” bulalas niya dala ng pagkapahiya.
“Magtigil ka at nagtatanong lang naman ako.”
“Ano po bang klaseng tanong iyan? Nakakahiya,” naghuhurumentadong anas niya.
“Aba at masama na bang magtanong ngayon? Nagtatanong lang ako at kayong dalawa ay daig pa ang itinaling pusa sa isa’t isa.” Pinanlakihan din siya ng kaniyang ina ng mata pero hindi niya alintana iyon. “Tsaka hindi naman ikaw ang tinatanong ko, ah bakit ikaw ang nagre-react?”
Naghagikhikan sina Ging-ging, Jena, at Rosa. Ito talagang nanay niya, mana talaga siya dito kung magsalita. Napakatalino. With matching roll eyes pa.
“Oh ano Leo?”
Ngumiti si Leo. Natatawa ito sa kanila kanina pero chill na chill lang ang mukha. Hindi man lang ito kababakasan ng pag-aalala. “Magiging tapat po ako sa inyo,” simula nito na bahagyang nagpakabog sa dibdib niya. Sa ilang buwan simula noong sabay na kumain sila, mas naging close sila. Walang araw na hindi ito dadaan sa karinderya nila. Kung hindi man kakain ay dadaan lang iyon para makipag-usap sa kaniya. Minsan pa nga ay binigyan siya nito ng cooking book. Nakita daw nito nang minsang may pinuntahan ito. Inisip niya na lang na token of friendship iyon dahil sa totoo naman ay wala silang label. Pero ngayong diretsa itong tinatanong ng ina ay hindi niya mapigilang kabahan. Ano nga bang posisyon niya sa buhay nito?
“Hindi po ako nanliligaw kay Lisandra,” diretsang tugon ni Leo. Malumanay ang pagkakasabi nito pero pakiramdam niya ay isinigaw nito nang isinigaw sa kaniya. Totoo naman ang sinabi nito pero andoon ang matinding sakit sa dibdib niya. Pinilit niyang ngumiti kahit na ang totoo ay gusto niya nang umiyak.
“Ganoon ba?” balewalang tugon ng ina niya. Parang wala lang eh. Ito kasing nanay niyang mausisa at ala-Marites, dami-daming tanong eh.
“Opo. Magkaibigan po kami,” nakangiti pang pagsang-ayon ni Leo na lalong dumadagdag sa bigat na nararamdaman niya. Bakit parang masaya pa siya?
Tuluyan na siyang natahimik at ibinalik na lang ang tingin sa ice cream cupcake. Kahit sarap na sarap siya doon kanina ay para bang naglaho lahat ng tamis nito ngayon. Totoo nga pala. Love hurts. The truth hurts. Pati iyong pain makes you bitter. At iyong sabihing mas matindi ang lagapak ng mga taong assumera.
Charrr lang. Hindi naman sa nag-assume siya. Pero sa kabilang banda, umasa din siya na sana kahit konti ay magustuhan din siya ni Leo. Heller, lagi kaya silang magkasama. Inihahatid siya kapag mamamalengke. Tinutulungan siya sa mga buhatin. Noong nagkasakit siya, dinalaw siya nito at dinalahan ng mga prutas. Nang magsimula ang pasukan ay sinusundo pa siya nito minsan.
Pero wala eh, friends lang talaga…
“Pwede din po ba akong magtanong?” Pagkaraan ng ilang sandali ay tanong naman ni Leo habang nakatingin sa kaniyang ina. Seryoso ang mukha nito kumpara kanina.
Tumango ang kaniyang ina.
“Mas gusto ninyo po ba talagang maging chef si Lisandra kesa ang mag-engineer?”
“Bilang ina, pinili lang namin kung anong sa palagay namin ay makabubuti sa kaniya,” seryosong tugon ng kaniyang ina. Nilingon siya nito. “Gusto mo pa rin ba talagang mag-engineer, Lisandra?”
Bahagyang kumunot ang noo niya. Gusto niya pero dati pa iyon. Gaya ng minsang sinabi niya kay Leo, minahal niya na ang kursong kinuha. “Okay na ako, inay sa ganito. Masaya na ako sa ginagawa ko.”
Binalingan ng kaniyang ina si Leo. “Dinig mo siya pero kung gusto pa rin ni Lisandra, hindi ko na siya pipigilan.”
Tumango-tango si Leo. Sa pagkakataong ito at malapad ang ngiti nito na nagpalitaw lalo ng biloy nito. “Pero tatanggapin ninyo din po ba kung liligawan ng engineer na ito ang anak ninyo?”
Mabilis na napalingon siya dito. Seryoso ang mga mata nito. Hindi niya inaasahan ang itinanong nito. Sandali ding natahimik ang paligid hanggang sa malakas na iritan, palakpakan, at halakhakan ang pinakawalan ng tatlo nilang serbidora.
“Yeheey! This is it pansit!” bulalas ni Rosa.
“Papa-burger na ako!” masayang ani naman ni Ging-ging.
“Basta, support na lang kami,” wika naman ni Jena.
“Ikaw bang bata ka ay nagsasabi sa aking liligawan mo itong matabil kong anak?” paninigurado ng kaniyang ina pero sana naman ay hindi na isinama iyong matabil. Ito talagang nanay niyang napaka eh, mana-mana lang naman.
Bumungisngis si Leo. “Kung papayag po kayo at si Lisandra, balak ko po siyang ligawan.” Binalingan siya nito at wala siyang ibang makita sa mukha nito kundi determinasyon. Ang kaninang pag-asa niyang naglaho nang sabihin nitong magkaibigan lang sila ay tila apoy na naglalagablab. Kumakabog ang dibdib niya ng sobrang bilis at namamawis ang mga palad niya. Ito na ba iyong sinasabing saya na noong na-fall ka na tapos sinalo ka?
“Tutal natanong ninyo na din naman po. Matagal ko na pong gustong ligawan ang inyong dalaga. Pero bilang paggalang at pagrespeto po, hihintayin ko kung kailan handa na rin siya.”
Ibinuka niya ang bibig niya para magsalita. Gusto niyang sabihin na sinasagot niya na kaagad ito. Pero joke lang. Dalagang Pilipina kaya siya. Pakipot muna kaya tikom muna ulit.
“Sigurado ka ba diyan, Leo? Baka hindi mo alam na mas madalas lipad ang utak niyan kaya nga sabi ko’y doon sa kusina maglagi para may ginagawa naman.”
“Inay, grabe naman kayo! Hindi naman lagi!”
“Aba’y mabuti ng alam niyang si Leo at ng hindi na siya nagugulat pa.”
Napakamot siya sa batok. Nagtatawanan naman ang tatlong kasama pa nila.
“Malakas din iyang alaskador.”
“Alam ko naman po,” nangingiting saad ni Leo.
“Kung ganoon ay hahayaan ko na muna kayong mag-usap. Kung anong desisyon ni Lisandra ay nandoon ako.” Tumayo na ang ina niya, binalingan siya sabay wikang, “may tiwala ako palagi sa’yo anak.”
“Inay…” Pakiramdam niya’y may humaplos sa dibdib niya dahil sa sinabi ng ina.
“Simula nang turuan kitang humawak ng kutsilyo noong pitong taong gulang ka pa lang para makapaghiwa ng bawang at sibuyas, may tiwala na ako sa’yo.” Magdadrama na sana siya kung hindi lang pati naman iyong pag-aaral niyang maghiwa ng bawang at sibuyas ay inungkat pa nito. Grabe talaga.
Naglakad na ito palabas pagkaraang senyasan silang dalawa ni Leo na mag-usap.
Malamig ang simoy ng hangin sa labas pero pinapawisan ang mga palad ni Lisandra. Madalas na silang magkasama ni Leo pero iba ngayon lalo na at nagsabi na ito sa kaniyang ina nang panliligaw.
Tumikhim si Leo. Nakapamulsa ito habang nakatingin sa kawalan. Hindi naman siya mapakali sa kinatatayuan.
“Lisandra?”
“Huh?” maagap niyang baling. Nate-tense talaga siya.
“Relax ka lang. Hindi kita kakagatin,” may himig pagbibiro ni Leo.
Actually, gusto ko nga eh. Pero siyempre, hindi muna ngayon. Napapailing na lang si Lisandra sa mga naiisip niya.
“Iyong sinabi m okay inay kanina…”
“Seryoso ako Lisandra. Gusto talaga kitang ligawan.” Dama niya ang matinding kagustuhan nito.
“Pero bakit?”
“Kailangan bang may dahilan para magustuhan kita?” Hindi siya nakapagsalita dahil sa tanong ni Leo. Kahit sa tuwing tinatanong niya ang sarili, ano nga bang nagustuhan niya kay Leo? Dahil ba gwapo ito? Masipag? Lahat ng iyon makikita niya sa ibang lalaki pero hindi niya naramdaman sa kanila ang naramdaman niya kay Leo.
“Pero kung kailangan talaga na may rason, mahihirapan akong isa-isahin sa’yo. Masiyadong mahabang listahan,” may ngiting saad ni Leo bago humarap sa kaniya.
“Leo…” usal niya nang haplusin nito ang buhok niya.
“Minsan iniisip kong siguro may gayuma ang Kaldorobo na ginawa mo noon at hinding-hindi ka mawaglit sa isip ko. Lagi kang laman nito na kapag hindi kita nakita sa buong maghapon ay parang kulang ang araw ko.”
“Grabe ka,” ingos niya dito, “ginawa mo pa akong mangkukulam. Masarap lang talaga akong magluto.”
“Alam ko. Kaya sigurado akong mas masarap kang magmahal.”
Ayyy! Talaga! Gusto niya nang umirit at magtatalon dahil sa sinasabi ni Leo pero pigil self. Huwag munang bibigay kaagad. “Hindi ka sure,” biro niya.
“Kung hindi man. It’s my job to show my love. Hindi pa ako hihingi ng sagot sa’yo. Hayaan mong ipakita ko muna sa’yo…”
At nang gabing iyon, pumayag siyang manligaw ito. Aminado na siya sa nararamdaman para kay Leo pero wala naman sigurong masamang magpabebe este manigurado muna siya. Sabi nga ng matatanda, ang nagmamadali, madapa ma’y malalim.
Pinaghintay muna ni Lisandra si Leo ng isang buwan, isang linggo, at tatlong oras bago niya sinagot. Hindi sapat ang tagal ng panliligaw para masabing kilala mo na ang isang tao. It takes your whole life para masabing kilala mo na siya. Minsan nga kahit matagal mo ng kasama, magugulat ka pang may ganito o ganiyang ugali sila.
Gayunman, gaya sa pagluluto, ayaw ni Lisandra na madaliin kung anong meron sila ni Leo. Iyong tipong hindi sobrang tamis, hindi naman sobrang alat, o kaya ay hindi maanghang. Iyong tama lang ba. Hindi rin overcooked o kaya ay raw pa. Hindi ba at ganoon ang pag-ibig. Mas masarap kapag balanse lang.
“Love, heto na!” masiglang anunsyo ni Lisandra habang dala ang tray ng kanin at ng paboritong Kaldorobo ng kaniyang fiancé.
“Amoy ko na nga,” excited na saad ni Leo. “Mukhang mapapadami na naman ang kain ko.”
“Dapat lang at palagi kang pagod.” Naupo siya sa tapat nito.
“Hindi ka ba kakain, love?” tanong ni Leo habang sumasandok ng ulam.
“Busog na ako kapag nakita kang busog,” magiliw niyang turan.
“Ayy, hindi pwede iyan. Kailangan mong kumain. Sigurado akong napagod ka sa dami mong niluto.” Hindi na siya nakatanggi ng sinubuan siya nito.
Pagka-anniversary nila nitong nakaraang buwan ay niyaya na siya nitong magpakasal. Naghihintay na lang sila ng graduation at matapos ang building na ginagawa nito. Nalaman niya noon na tito pala nito ang nagpapagawa noon. Nang maloko ng ibang engineer ay hindi na nagtiwala pa sa iba. Nang magkaroon ng pagkakataon, pinahawak na ito kay Leo. Magiging malaking commercial building iyon at kapag natapos ay may stall ng nakalaan para sa kaniya. Nagbabalak na rin sila ng ina niya na palakihin ang kanilang karinderya at bilang regalo sa kaniyang graduation, pinasadya nito ang stall na ookupahan nila.
Hindi man natupad ang unang pangarap niya, meron namang ibinigay na mas na better pa. Hindi niya masasabing smooth lagi ang relasyon nila ni Leo pero kapag mahal mo pala ang isang tao, matututo ang pusong umunawa, umintindi, at magmalasakit. Kung ang nagpapalakas, tumutulong magpagaling, at nagpapatalas ng isip ng tao ay pagkain, pag-ibig naman ang sa puso.
“Love, ilang anak ang gusto mo?” tanong ni Lisandra habang naglalakad sila ni Leo.
“Ilan ba ang kaya mo?”
“Bakit? Ako lang ba ang gagawa at ako lang tinatanong mo?” mulagat niya sa fiancé.
“Love naman,” kakamot-kamot sa ulo na anas ni Leo.
“Basta wag sobrang dami. Mahirap umire.”
“Oo naman. Iyong keri mo lang,” bungisngis nito sabay g**o ng buhok niya. Yumakap naman siya sa bewang nito sabay siksik ng mukha sa leeg. Doon niya pinakawalan ang halakhak dahil sa paraan nang pagsasalita nito. Mukhang ilang dekada pa at makukuha na nito ang katabilan niya.
At kahit iyon, mamahalin niya dito.
“I love you, Leo.”
“I love you, Lisandra.”
The End