PART 4

1580 Words
Ilang sandaling katahimikan ang dumaan. Dahil hindi ugali ni Lisandra ang matahimik. Iginala niya ang tingin sa loob ng sasakyan. Pangarap niya ring magkaroon ng ganito. Pangarap niyang mas mapaayos ang bahay nila at mapalaki ang karinderya nila. Tapos bibili siya ng ganitong sasakyan para sa kanila ng inay niya. Pero sana that time marunong na siyang mag-seatbelt at magmaneho. Nagusot ang mukha niya sa naisip. Paano nga ba siya magkakaganito kung hindi siya marunong magmaneho. Bike nga hindi siya marunong, ganito pa kaya? “Anong iniisip mo?” Napapitlag si Lisandra nang biglang magtanong si Leo. “Huh?” lingon niya dito. Abala pa rin ito sa pagmamaneho. “Sabi ko kung anong iniisip mo?” “Ah… Wala naman… Bakit mo naitanong?” “Kanina kasi nakangiti ka tapos biglang sibangot mo. Napaisip lang ako bigla,” tugon nito sabay sulyap sa kaniya. “Huwag kang mag-alala, makakauwi ka ng maayos.” Napangiwi siya. “Hindi naman iyon ang iniisip ko.” “Well, mahirap namang malaman kung anong iniisip mo.” Ibinalik nito ang tingin sa unahan. “Oo nga pala, bakit ka nga pala nasa palengke?” pag-iiba niya ng usapan. “Ah. May malapit kasi doon na hardware. May itinanong lang ako. Tsaka may hinanap na ring gamit.” Tumango-tango siya habang pinag-aaralan ang binata. Simula pa lang nang makilala niya ito ay alam niyang hindi basta-basta ang lalaki. Mukhang magandang klase ang mga suot nito. Maliban na lang siguro kung nag-oonline shop ito tapos abang sa sale. Charot lang! Maporma siyang manamit. May magandang sasakyan. Mukhang mamahalin din ang relo nito sa bisig. Dumako ang tingin niya sa kamay nitong abala sa manibela. Lalaking-lalaki ang kamay nito. Halatang sanay na sanay sa mabibigat na gawain. Napatitig siya sa mga daliri nito. Walang singsing. So, ibig sabihin ay binata pa siya. Wala pang asawa. Isa lang ibig sabihin nito! May pag-asa pa siya! Charrr lang! Hindi siya interesado sa lalaki kahit pa gwapo ito. Lumipat ang mata niya sa mukha nito. “Baka naman matunaw na ako niyan,” natatawang wika ni Leo na pumutol sa pag-aanalisa niya sa lalaki. Ganoon na lang din ang gulat niya nang mapagtantong nakatingin pala sa kaniya ang binata. “Oppss, sorry,” nahihiyang aniya sabay tuwid ng pagkakaupo at tingin sa unahan. “You can ask me questions kung hindi ka mapalagay,” simula nito nang mapansin ang discomfort niya. “Hmmm… Hindi na kailangan,” tahimik niyang saad. Bakit kasi masiyado siyang halata? Pwede namang palihim tumingin. Tsaka kung magtatanong siya, napakamahadera niya, Baka kung ano pang maitanong at masabi niya. “Sa tingin mo kasi ay parang kaduda-dudang tao ako.” “Opps, sorry. Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin,” maagap niyang katwiran. “Hindi ako masamang tao, Lisandra. Stable ang trabaho ko. Binili ko ang sasakyang ito gamit ang pinagtrabahuhan ko. May lisensiya din ako baka gusto mong makita.” “Wala naman akong ibang ibig sabihin,” kumikibot ang labi na anas niya. “Just saying para naman hindi ka kabahan diyan.” “Hindi naman ako kinakabahan.” Pinagsalikop niya ang dalawang kamay sa ibabaw ng kandungan. “Iba ang sinasabi ng mukha mo.” Nagkibit-balikat na lang siya. Madalas niya ring marinig iyon sa ina at sa mga kasamahan. Dahil kung saan-saan nakakarating ang utak niya, kung ano-ano din ang naiisip niya. “Kung ayaw mong magtanong. Can I?” Nilingon niya ang lalaki bago tumango. “Sige. Pero masabi ko lang boring buhay ko kaya wala ka ring masiyadong malalaman.” Nagpakawala ng mahinang tawa ang lalaki. “Wala pa tayong isang linggong magkakilala, but I don’t think na may boring days kapag nasa paligid ka.” Napatitig siya dito. Hindi siya sigurado kung compliment ba ang sinasabi nito o hindi, pero may kung anong kiliti sa dibdib niya ang sinabi nito. “I can also say kung bakit mas gusto ng mga worker na sa karinderya ninyo kumain. Busog na sila sa pagkain, busog pa sa tawanan.” Napakagat-labi siya nang maalala ang unang beses na magkakilala sila. Nahihiya talaga siya. Nagbibiro lang naman siya that time. “Bakit mo pala hinihintay ang engineer na magagawa ng abandonadong building?” “Nagbibiro lang ako ng mga panahong iyon. Kapag kasi nasimulan ulit iyon, lalakas ang kainan namin dahil ng mga manggagawa. Gusto ko kasing makaipon bago magpasukan ulit,” paliwanag niya. “College ka na?” “Yep. Fourth year na ako next sem,” malapad ang ngiting saad niya. “Anong course mo?” “Culinary Arts. Iyon kasi gusto ni inay at itay lalo na’t nasa linya ng negosyo namin.” Sandaling tumahimik si Leo. Nang tumingin siya sa labas ay napagtanto niyang malapit na sila. “Gusto ng mga magulang mo pero ikaw?” “Minahal ko na lang. Nae-enjoy ko rin namang magluto.” “Ano bang gusto mo?” Ngumiti siya na para bang nangangarap. “Maging gaya mo.” “Huh?” “Gusto ko ring maging engineer sana.” Sinulyapan siya nito. “Talaga?” “Oo,” tumango-tangong pagsang-ayon niya. “Pero okay lang kahit hindi ko makuha ang course na gusto ko. Naniniwala akong kung para sa akin, para sa akin talaga. ‘Di ba? Sabi nga tayo ang inhinyero ng ating buhay.” Napatitig si Leo sa dalaga bago ibinalik ang tingin sa kalsada. Buhay na buhay ang dalaga. Iilang araw pa lang niya itong nakikilala pero palagay na ang loob niya at pakiramdam niya ay matagal na silang magkakilala. Kaya siguro hindi siya naiinis dito kahit minsan kakaiba ang mga banat nito. Sa halip, naeengganyo siyang kausap ito. “Andito na tayo!” masiglang anunsiyo ni Lisandra habang nagpaparada siya sa maluwang na espasyo sa harap ng kainan ng dalaga. “Salamat, boss!” masaya pa nitong dugtong at pabirong sumaludo sa kaniya. “Wala iyon,” natatawa niyang wika habang pinapanood ang dalaga na magtanggal ng seatbelt. Akmang bababa na sana ito nang tila kusang gumalaw ang kamay niya at pinigilan ito sa pulusuhan. Naramdaman niya ang paninigas nito dala ng gulat. “B-bakit?” nauutal nitong tanong habang titig na titig sa kaniya. “Ano…” Hindi niya rin alam kung bakit pinigilan ang dalaga. Wala siyang alam na itatanong kaya tinanong niya na lang kung anong unang pumasok sa isip niya. “Anong lutong meryenda ninyo mamaya?” Bahagyang kumiling ang ulo nito, tila tinatantiya kung nagsasabi ba siya ng totoo. “Hmmm… Magluluto si inay ng ginataang halo-halo. May banana at camote cue. Hindi ko sure kung ano pa.” Tumango-tango siya. “Sige. Pupunta na lang ako mamaya.” Ngumiti ito. “Sige ba.” “Palagi ka namang natao diyan, ano?” “Oo naman. Lagot ako kay inay kapag hindi ako tumulong. Tsaka baka hilahin ako sa paa ni itay kapag hindi ko tinulungan si inay,” pabirong saad nito. Nakwento nga sa kaniya ni Ka Manuel na wala na ang ama ng dalaga. Pero kahit ganoon, masaya at masiglang babae pa rin ang nakikita niya. “Ahmmm. Baka pwede mo nang bitawan ang kamay ko,” anito na ikinagulat niya. Mabilis niyang binitawan ang kamay nitong hindi niya namalayang hawak pa rin pala niya. “Sorry,” kakamot-kamot sa ulong hingi niya ng despensa. “Wala iyon.” Bumaba na ang dalaga at sumunod naman siya para kunin ang pinamili nito. Pagpasok pa lang nila ng kainan ay napakarami ng lakong kwento ng dalaga. Bagay na nagpangiti sa kaniya. NAKAHANDA na ang mga mangkok at plato. Malinis at nalagay na din sa maligamgam na tubig ang mga kutsara at tinidor. Nakasalansan na rin ng maayos ang mga baso. “Ano pa bang kulang?” bulong ni Lisandra sa sarili. Binuklat niya ang malaking kaserola ng umuusok na ginataang halo-halo. Napangiti siya nang malanghap ang amoy ng pagkain. Katabi ng malaking kaserola ay ang tray ng banana cue, camote cue, at turon. May pinalalamig din siya sa ref na lechatin kung sakaling gusto ng mga mamimili ng something na malamig. “Ayos na iyan. Ano at hindi ka mapakali diyan?” puna ni Rosa. “Wala naman,” tugon niya at humila ng upuan. Palihim niyang sinulyapan ang relo. Malapit ng mag-alas tres kaya tiyak andiyan na ang mga manggagawa mamaya. “Kakain ba si Engr. Leo dito mamaya?” tanong ni Jena na kapapasok lang. Pinakuha niya ito kanina ng mga softdrinks in case na maubusan sila ay makapaglagay kaagad. “Siguro,” malamig na tugon niya. Ewan ba at hindi siya natutuwa sa isiping hayagang magpakita ng gusto itong si Jena. “Sana naman. Hindi ko man lang siya nabati kanina nang dumating siya,” kinikilig na namang sabi ni Jena. Palihim niyang inirapan ito. As if namang hinihintay niya ang bati mo! Gusto sana niyang sabihin pero magmumukha siyang selosang frog kaya tumahimik na lang siya. Ilang sandali pa at nagsidatingan na nga ang mga manggagawa. Dumami na ang tao at halos mapuno na ang kainan nila pero walang dumating na Leo. Panay ang tingin niya sa relo at baka abala lang ito kaya hindi dumating pero nakapag-alisan na ang mga manggagawa at sumapit na ang alas-singko ay walang kahit anino ni Engr. Leo siyang natanaw. Ayaw mang aminin ni Lisandra pero nakadama siya ng lungkot dahil hindi man lang nasilayan ang mukha ng binata. Umasa pa naman siyang pupunta ito lalo at nagsabi itong pupunta talaga. “Hayys, bahala siya,” hurumentado niya habang nagliligpit na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD