Chapter 17: A Magnificent Work Of Art

1098 Words
Papasok na si Lia sa kanilang opisina sa susunod na linggo. Pakiramdam niya ay overextended na ang bakasyon niya at nababagot na rin siya na walang ibang ginagawa kung hindi ang magpinta sa kuwarto niya. Nailigpit na rin niya ang mga gamit na bitbit. Ang mga paintings naman niya kay Carlo ay iniwan na muna niya sa condo unit niya. Mahirap bitbitin ang mga canvas. Isa pa, baka makita pa ang mga iyon. Nang magpunta nga siya sa ibang bansa ay hirap na hirap siyang dalhin ang mga iyon. Bitbit ang mga gamit sa pagpipinta ay bumaba na siya at inilagay ang mga iyon sa kotse. Pupunta siya sa malapit na beach. Pasado alas-singko ng umaga pa lamang iyon at hindi pa siya kumakain pero mas gusto niyang makarating agad doon para maabutan ang pagsikat ng araw doon. Nag-iwan na lang siya ng note sa kusina para sabihin kung saan siya pupunta. Nasanay na din kasi ang mga ito na siya ang nagluluto ng almusal nila habang nagbabakasyon siya. Pagkahimpil niya ng sasakyan ay mabilis siyang bumaba bitbit ang mga gamit. Inayos niya ang mga gamit at kumuha ng mauupuan. Nang magsisimula na siya ay natanaw niyang may lalaking nakatalikod sa kanya. Hubad baro ito at naka-board shorts lang. She could not stop herself from fancying the delectable man. Nice back. Napangiti siya dahil mas gumanda tuloy bigla ang view at nagkaroon siya ng instant subject. Masaya niyang sinimulan ang ginagawa. Bahagya pa siyang nagtaka nang manatili lang itong nakatalikod sa kanya. Nang ilapag niya muna ang palette para mag-unat ay bumagsak iyon sa buhanginan dahil biglang humarap ang macho niyang subject na walang iba kung hindi si Carlo. Nakakunot lang ang noo nito habang siya naman ay nanatiling nakaawang ang bibig. Nang makalapit ito ay pormal na tumango ito bago nagsalita. “Isara mo ang bibig mo baka pasukan ng lamok,” anito at biglang humalakhak. “Buwisit ka,” singhal niya at kinuha ang mga pangkulay na gusto niyang isaboy sana rito. "Magbihis ka nga," naiilang na sabi niya. “Ano ba kasing ginagawa mo nang ganito kaaga?” “Obvious ba? Eh nagpipinta, sir.” “Patingin nga,” anito at lumapit lalo sa kanya. “Teka! Hindi pwede,” aniya at mabilis na inilapag ang mga gamit sa upuan at itatalikod na sana ang canvas pero nakita na iyon ng lalaki. “Ako pala talaga ang subject mo. Sabi ko na nga ba,” nakangiting sabi nito. “Yabang! Malay ko bang ikaw iyon! Kung alam ko lang, sa iba na ako pumuwesto.” “What can I do? I’m built this way,” mayabang na sabi nito at pasimpleng ipina-flex ang braso habang iniinom ang bitbit pala nitong tubig. “Mabilaukan ka sana, Hudas!” Inis na iniligpit niya ang mga gamit. “Wait, ituloy mo na please. Sayang naman eh. Dali na. Babalik ako sa puwesto ko.” “Aba, masuwerte ka!” Hindi na niya ito naawat nang tumakbo ito pabalik sa puwesto nito at muling humarap sa kanya. “Ituloy mo na,” nakangiti nang sabi nito at tumalikod. “Bahala ka diyan, trip mo iyan,” aniya at itinuloy ang pagpipinta. Ang ganda talaga ng katawan kaya saksakan ng yabang. Well, factual lang na observation iyon. Hindi ko na talaga siya love promise! Bakit parang hindi na niya kilala ang sarili niya? Mula sa pagiging conservative at composed na si Magnolia Valderama ay parang bigla siyang nag-transform. Transform talaga? Hindi ako werewolf noh! I’m an artist kaya natural na mapansin at maappreciate ko ang magandang tanawin. Pagkalipas ng halos isang oras ay muling lumingon ito at nakangiti pa rin. “Pwede na ba akong umalis?” “Saglit na lang,” aniya at mabilis na tinapos iyon. Nang pwede na ay sinabihan niya itong makakaalis na. Ilang minuto pa muli ang lumipas nang matapos siya. Nasiyahan siya sa kinalabasan. “Perfect,” aniya at nilagyan ng maliit na pirma sa gilid ang gawa niya. “Talagang perfect iyan dahil perfect naman kasi ang subject mo.” “Nandiyan ka pa?” Gulat na gulat siya at huling-huli siyang pinagnanasaan ito sa painting. “Kain na muna tayo,” anito at hinila siya papunta sa isang cottage. “Hindi na-” “Huwag ka na ngang tumanggi. Nandiyan na iyung mga pagkain sayang naman. Bayad mo na sa akin ito dahil kinuha mo akong subject.” “Bakit sinabi ko bang-” “Noong una, ipininta mo ako nang walang permiso sa akin kaya sabay na tayong kakain,” anito at inilapit na sa kanya ang mga pagkain. Mabango ang mga iyon na mula sa isang sikat na restaurant kaya kumalam na rin ang sikmura niya. Nang matapos sila ay muling humirit ito. “Pwede bang bilhin ko na lang iyong painting mo sa akin?” “Hindi! Kapal mo-” “Please, Magnolia, para naman may remembrance ako sa ‘yo ang ganda eh.” “Pag-iisipan ko,” sabi niya sabay ininom ang hot chocolate na lumamig na. Biglang may kumislap kaya nainis siya nang makitang kinuhanan pala siya nito ng larawan. “Burahin mo iyan!” “Ayoko nga,” parang batang sabi nitong nakangiti lang habang nakatingin sa camera nito. “Hindi ko ibibigay sa ‘yo ang painting!” “Oo na, buburahin ko na. Pero akin na iyon ha.” “Sige na, basta burahin mo,” aniya at sinigurong binura nito ang larawan bago niya ibinigay rito ang painting. Nang mailigpit na ang pinagkainan nila at mga gamit ay inilagay na nito sa backseat ng kotse nito ang gawa niya. “Thank you, Magnolia,” nakangiting sabi nito kaya muling sumasal nang malakas ang kanyang dibdib. “Sige. Maraming salamat sa brunch,” aniya at papasok ng sasakyan nang muling tawagin nito. “Bakit?” Napasimangot siya nang kuhanan na naman siya nito sa camera nito. “Burahin mo na iyan!” Tumawa lang ito at muling tumingin sa camera. “Beautiful, really,” seryosong sabi nito at tumingin sa kanya. “Bahala ka sa buhay mo,” kinakabahang sabi niya at mabilis na pumasok sa kotse niya at pinasibad iyon. Nang lingunin niya ito sa side mirror ay nakita niyang nakatayo lang ito at nanatiling nakatitig sa papalayo niyang sasakyan. Ilayo Niyo po ako sa gwapong tuksong ito. Hindi ako pwedeng mahulog ulit sa kanya. Mas kailangan din tuloy niyang mag-ingat dahil may naramdaman siyang pamilyar na ayaw na niyang bigyan pa ng pagkakataong mapagnilayan at makaalpas. Mas kailangan niya muna talagang iwasan ang gwapong lalaki para din naman sa kanyang kapakanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD