“Gracias.” saad ni Andres pagkatapos nilang mag-usap ng land lady.
Nagkamay pa ang dalawa bago sila naglakad pabalik sa kinatatayuan ko.
“Baka gusto mo munang i-check. Nakakahiya naman baka hindi mo magustuhan. Alam mo na. Artista ka.” halos pabulong kong sambit. Ayoko namang mapahiya sa kaniya ‘no. At isa pa, babayaran niya ako. Mas mabuting alam ko kung anong gusto niya para matulungan ko siyang maghanap ng mas maayos na lugar na titirahan niya habang nandito siya sa Barcelona. Ayokong sisihin niya ako sa bandang huli at sabihing sayang lang yung ibinayad niya sa akin.
Nag-angat ako ng tingin para tingnan ang reaksiyon niya. Kunot-noo niya akong pinagmasdan. Mukhang hindi siya makapaniwala sa sinabi ko.
“Artista nga ako pero tao pa rin ako na kagaya mo. Hindi naman ako maarte, Lyanna.”
Pasimple akong tumango. Sana nga. Kasi sa pagkakaalam ko, mas gusto ng mga artista na maganda yung tutuluyan nila. Siyempre darating yung panahon na hihingi ng update sa kanila yung management na may hawak sa kanila. Kailangan din nilang i-update ang mga fans nila para hindi sila makalimutan ng mga ito.
Tumingin ako sandali sa suot kong relo. Alas tres na pala. Maya-maya tutunog na naman ang alarm ko para gumawa na ng plates. At isa lang ang ibig sabihin no’n, kailangan ko nang umakyat pabalik sa unit ko.
“So, kailan ka lilipat?” tanong ko nang makalabas na kami sa gate.
Kasalukuyan kaming naglalakad pabalik sa parking kung saan naroon ang kaniyang sasakyan. Kailangan ko siyang ihatid. Nakakahiya naman kasi kung hindi ko siya sasamahan pabalik ng parking.
“Siguro bukas.”
Napatingin ako sa kaniya. Tinatantiya ko kung nagbibiro ba siya o hindi. Pero mukha namang hindi kaya tumahimik na lang ako.
“Siya nga pala, naghahanap ako ng makakatulong sa pag-aayos ng mga gamit ko. Puwede ka ba?”
Linggo bukas, wala naman akong gagawin dahil rest day ko ‘yon. Usually hihilata lang ako maghapon sa kama o hindi kaya ay maghapong matutulog.
“H’wag kang mag-aalala. Babayaran kita.”
Napahawak ako sa batok at marahang tumango. Pag usapang pera talaga ang hirap tumanggi.
Ngumiti siya sa akin bago pumasok sa loob ng kaniyang sasakyan. Bumusina pa siya bago tuluyang umalis. Kumaway pa ako sa kaniya at nakangiting pinagmasdan ang papalayong sasakyan. Nang mawala ito sa paningin ko ay saka ako napaupo sa kalsada. Saka ko lang na-realize kung ano ang ginawa ko.
Napasabunot ako sa buhok ko at paulit-ulit na sinampal ang pisngi ko. Ano ba ‘tong nangyayari sa akin? Bakit ako kumaway? Bakit ko siya tinulungang maghanap ng tirahan? Alam kong pera-pera lang ang usapan pero bakit kapag nandiyan siya lagi akong nakangiti? Nababaliw na ba ako?
Tumayo ako at nagsimula nang maglakad pabalik sa apartment.
“Hindi ko siya crush.” paulit-ulit kong paalala sa sarili ko.
Hanggang makapasok ako sa kwarto ko ay binabanggit ko pa rin iyon. Hanggang sa pagligo at pagtulog.
Hindi pwede. Hindi ka pwedeng magka-crush sa kaniya, Lyanna.
SUNOD-sunod na katok sa pinto ng apartment ko ang gumising sa akin. Napatingin ako sa digital clock na nasa bedside table ko. Nakita kong alas singko pa lang ng umaga.
Sinong siraulo naman ang kakatok sa pinto ko ng ganito kaaga?
Pupungas-pungas na naglakad ako patungo roon upang pagbuksan ang taong nasa labas.
“Buenas dias.” bati sa akin ni Andres.
Pinagmasdan ko ang kaniyang hitsura. Bihis na bihis ito. Dinaig pang a-attend ng interview ang hitsura niya ngayon.
“Aga mo ah. Partida galing ka pang Madrid niyan.” sarkastiko kong sambit bago sumandal sa hamba ng pintuan. Hindi siya sumagot bagkus ay dire-diretso siyang pumasok sa loob ng unit ko at agad na umupo sa sofa.
“Hoy! trespassing ka!” bahagyang tumaas ang boses ko dahil sa ginawa niya.
Ilang beses pa lang kaming nagkita at nagkausap, pero pakiramdam yata niya close na kaming dalawa. Si Kuya Leo nga hindi pa nakakapasok sa apartment ko tapos siya ganun-gano’n lang.
Tahimik siyang umupo sa sofa at panay ang pagbuntong-hininga. Bahagya siyang nakayuko habang magkadikit ang kaniyang dalawang palad, malalim ang iniisip.
“I need your help.” may bahid ng kaba ang tono ng kaniyang pananalita.
“Bakit? para saan? kailangan ba talaga ganito kaaga? tulog pa ang diwa ko.” reklamo ko sa kaniya. Kulang na lang ay magpapadyak ako sa harapan niya para ipakita ang pagkadismaya ko sa pambubulabog niya sa akin ngayon.
“I need to practice my lines.” saad niya.
“Ha? lines? lines ng ano?”
Imbes na sagutin ang tanong ko ay lumabas siya sandali. Maya-maya may hila-hila na siyang maliit na maleta. Nasapo ko ang aking noo nang makita iyon. Utang na loob naman. Gusto ko pang magpahinga.
“Please help me. Help me memorize my lines.” pakiusap niya sa akin sabay lahad ng ilang pirasong papel.
Marahas kong hinablot iyon sa kamay niya at tiningnan ang nilalaman ng script. Agad nagsalubong ang kilay ko nang makita kung gaano kahaba ang linya niya. Mabilis kong ibinalik ang papel sa kaniya at paulit-ulit na umiling. Nope. No way. Hindi ko kaya ‘yon.
“Mag-aayos lang ng gamit ang usapan natin. Tapos ngayon gagawin mo pa akong kabatuhan ng linya. Ang aga mo pang mambulabog. Hindi mo man lang ba naisip na natutulog pa ako at—“
“Babayaran kita.”
And when he said the magic words, awtomatikong tumigil ang bibig ko sa pagsasalita. Humarap ako sa kaniya at marahang tumango. Mabilis akong nagtungo sa banyo para maligo at magtoothbrush. Nang makapagbihis na ako ng t-shirt at jeans ay bumalik agad ako sa sala kung saan naroon siya at nagbabasa ng script.
“Bakit ba dito ka dumiretso? Wala ka bang kaibigan na taga rito sa Barcelona?”
Marahan siyang umiling.
“Lahat ng kaibigan ko nasa Madrid. Ikaw lang ang kilala ko rito. Pasensiya na. Hindi ko naman ini-expect na kukunin ako ng director para mag-cameo sa movie na kasalukuyang sino-shoot dito sa Barcelona.”
“Ngayong araw ang shoot?” paninigurado ko.
Tumango naman siya.
“Paano yung paglilipat mo ng gamit?”
“May delivery truck naman na maghahatid ng gamit ko. Nasa land lady naman ang susi kaya puwede nilang ipasok lahat ng ‘yon sa loob ng unit ko kahit wala ako rito.”
“Nandito naman ako.”
Hindi naman ako aalis ng kwarto ko sa maghapon kaya baka makapagsimula na rin ako ng pag-aayos ng mga gamit niya.
“Sasama ka sa akin sa location.”
Nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi niya. Nasisiraan na yata siya ng bait. Para namang ginawa niya na akong on-call yaya.
“No. Ayoko.”
Mabilis akong tumayo.
“Sige na, Lyanna. Ako lang mag-isa sa set kapag hindi mo ako sinamahan. Lahat ng mga kapwa ko artista roon may mga kasama.”
Nagsalubong ang kilay ko. Bakit parang kasalanan kong mag-isa siya? Ang tanda-tanda niya na eh. Ang sabihin niya, hindi niya kaya ng walang katulong na kasama. Ipinagdikit niya ang dalawang palad bago tumingin sa akin, halatang nagpapaawa. Napairap naman ako sa ginawa niya.
“Ilang oras ba ‘yan?”
Ngumiti naman siya sa akin at umayos na sa pagkakaupo.
“Kapag naging maayos ang flow ng shoot, baka isang oras lang. Uunahin naman nila yung eksena ko.”
Tinaasan ko siya ng kilay.
“Isang oras lang ah.”
Kinuha ko sa kaniya ang hawak na script at sinimulan na namin ang pagpapraktis. Ang galing niya. Hindi ko nga alam kung bakit pa siya kinakabahan samantalang sanay na sanay naman siya sa ginagawa niya. Muntik na nga akong madala sa pag-arte niya eh.
Panay ang hikab ko habang nasa byahe kami papuntang Sagrada. Doon lang pala gaganapin ang eksena akala ko naman kung saang lupalop ng Barcelona kami pupunta.
“Matulog ka muna.” saad niya nang makitang humikab akong muli.
“Hindi na. Malapit na rin naman tayo.”
Inabala ko na lang ang sarili ko sa pagbabasa ng script. Sa buong buhay ko ngayon lang ako nakahawak ng script na ginagamit sa mga pelikula. Ganito pala ‘yon. Pati emotional requirement na dapat i-portray ng artista sa camera nakasulat din doon. Pagdating namin sa set ay agad siyang sinalubong ng director at mga co-actor niya. Nasa likuran niya lang ako at tahimik na nakatayo roon. Bitbit ko ang isang malaking bag na naglalalaman ng mga gamit niya.
“Sino itong magandang kasama mo, Andres? girlfriend mo?” tanong sa kaniya ng isa niyang co-actor.
Umiling siya at may sinabi roon. Masyadong mahina kaya hindi ko narinig. Hindi ko naman maiwasang mapairap. Hindi naman nakakapagod yung shoot dahil wala akong ibang ginawa kundi tumunganga at paminsan-minsan siyang punasan ng pawis at abutan ng tubig.
Natapos ang shoot bandang alas nuebe. Tumagal ng dalawang oras ang pagkuha sa eksena nila ng bidang babae dahil mukhang distracted ito sa appearance ni Andres. Napapangiwi ako sa tuwing sisigaw ng “cut” ang director dahil sa mali nitong bitaw ng linya. Minsan pa ay nauutal ito. Hindi ko maiwasang mapakamot ng ulo dahil sa bahagyang pagkairita.
Nang makapag-pack up na kami ay mabilis na lumapit ang director kay Andres para magpasalamat. Kanina ay nagkaroon din siya ng mini-interview para yata sa fans niya sa Pilipinas. Sinabi niya lang naman na maayos ang kalagayan niya rito sa Espanya at walang dapat ipag-alala ang mga ito.
Papasok na sana ako sa loob ng sasakyan nang biglang lumapit sa akin ang isang artista.
“Hi, I’m Enzo. May I know your name?”
Napatingin ako sa lalaki bago dahan-dahang bumaba ang paningin ko sa kaniyang kamay na nakalahad sa harapan ko. Ngumiti ako ng pilit at walang ganang tinanggap ‘yon.
“Lyanna.”
Tumango lang siya bago lumapit kay Andres at may ibinulong. Nakita kong napatingin sa gawi ko si Andres.
“Bro, you know the drill.” sabi pa sa kaniya bago tumakbo pabalik sa van na sasakyan ng mga artista.
Pumasok na ako sa loob ng sasakyan at agad akong humilata roon. Sumandal ako sa backrest at saka muling humikab. Nang maramdaman kong umandar na ang sasakyan namin ay nagmulat ako. Sa wakas makakauwi na rin. Saglit akong umayos ng pagkakaupo at bumaling sa labas. Naroon pa rin ang van ng mga artista. Naroon din si Enzo at matamang nakatitig sa akin. Sa akin nga ba? Nang kumaway ito sa akin ay saka ko narealize na ako nga ang tinitingnan niya. I nodded a bit as my respond. Pagkatapos ay muli akong pumikit at hinila pababa sa mata ko ang eye mask na kanina’y nasa ulo ko.
Pagdating namin sa parking ay mabilis akong bumaba ng kotse. Dali-dali akong tumakbo patungong apartment para makapagpahinga. Ngunit bahagya akong natigilan nang makitang may nakaparadang mini truck sa labas ng gate. Nagtataka ako dahil halos limang tao ang naglalakad papasok ng gate at may bitbit na mga karton.
Tumakbo ako patungo sa floor namin. Halos mapanganga ako nang makitang lahat ng gamit na iyon ay ipinapasok ng mga lalaki sa kwarto ni Andres.
“Ito lang lahat ang gamit ko.” aniya sabay turo sa napakaraming kahon na nakatambak sa kwarto niya. I laughed sarcastically.
“Lang? Eh parang dinala mo na lahat ng gamit mo papunta rito sa Barcelona. Wala ka na bang planong umuwi ng Pilipinas?”
Nagkibit-balikat lang siya bago nagsimula nang mag-ayos. Huminga ako ng malalim at pinakalma ang sarili.
Kaya mo ‘to Lyanna. Sayang kung tatanggihan mo ‘to.
Bumalik muna ako sandali sa unit ko para iiwan doon ang gamit ko. Nagpalit na rin ako ng damit na pambahay at kumuha ng facemask sa drawer.
Naabutan ko siyang nagse-set up ng kaniyang TV sa lamesa sa kaniyang receiving area. Napadaan ang tingin ko sa mga nagkalat na kahon. Hindi ko alam kung alin ang uunahin ko sa mga iyon. Tatanungin ko sana siya kaya lang busy siya sa pag-aasikaso ng mga appliances niya.
Kinuha ko ang isang kahon na may nakalagay na pangalang Antonio. Binuksan ko iyon at agad na tumambad sa harapan ko ang mga picture frames. Kinuha ko ang isa sa mga iyon at pinagmasdang mabuti. Larawan niya iyon kasama ang kaniyang mga magulang at kapatid na si Atasha. Ngayon alam ko na kung bakit guwapo siya at maganda si Atasha.
“Okay ka lang diyan?” tanong niya.
Muntik ko pang mabitawan ang hawak kong picture frame dahil sa pagkabigla.
“O-oo.” sagot ko naman saka mabilis na inilabas ang mga frames. Maayos ko iyong sinalansan sa cabinet sa living room. Sumunod naman ay inilabas ko ang mga unan, bed sheet at mga kumot. Pinagpag ko pa iyon bago maayos na inilagay sa loob ng cabinet.
Ang bango. Amoy artista. Napangiti ako nang makita ang resulta ng ginawa kong pag-aayos.
“Ayan, mukhang kwarto na.”
Lumabas ako sa living room para tingnan kung alin pa ang hindi naaayos. Umupo muna ako sandali sa sofa para magpahinga. Hindi ko mapigilang mapatingin sa kaniya dahil hanggang ngayon hindi pa rin siya tapos sa pag-aayos ng CD at DVD player niya. Hindi naman ako aware na uso pa pala ‘yon ngayon. Napapailing na tumayo ako saka naglakad patungo sa pintuan.
“Saan ka pupunta?” tanong niya.
“Bibili lang ng pagkain sa labas. Hindi ko naman kasi alam na plano mo akong gutumin.”
“Teka, sasama ako.” nagmamadali siyang nagsuot ng sapatos at humabol sa akin.
Humarap ako sa kaniya at inilahad ang palad ko. Kumunot ang noo sa ginawa ko.
“Bakit?”
“Akin na yung pera mo. Ako na lang ang bibili. Mainit sa labas.”
Saglit siyang napatitig sa akin at maya-maya’y tinampal ang kamay ko na nakalahad.
“Sasama nga ako.”
I shrugged. Hinayaan ko na lang siya sa gusto niya. Nauna na siyang maglakad ngayon. Tahimik naman akong nakasunod habang pinagmamasdan ang mga babaeng nakakasalubong namin na walang tigil sa pagtingin kay Andres.
“Anong gusto mo?” tanong ko sa kaniya nang makarating kami sa fast food.
“Kahit ano.”
Kapag ito in-orderan ko ng manok na puro chili powder ewan ko na lang.
Naroon siya sa waiting area habang ako naman ang pumila sa order section. Naitakip ko ang aking palad sa aking bibig at saka humikab. Inaantok talaga ako. Pakiramdam ko mahihimatay ako sa pinaghalong pagod at antok.
Pagkatapos kong umorder ay nauna na akong lumabas.
“Akin na ‘yan, ako na ang magbubuhat.”
“Kaya ko na.”
Hindi siya umimik bagkus ay pilit na inagaw sa kamay ko ang paperbag.
“Inaantok ka na. Baka mabitawan mo. Sayang kung matatapon lang.”
Nang muli akong humikab ay iniabot ko na ito sa kaniya. Lakad-takbo akong bumalik sa apartment. Pagpasok ko sa loob ng unit niya ay humiga ako agad sa sofa. Hindi ko na inalintana ang init. Pagod at antok na talaga ako. Nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ay mas lalo akong nakampanteng matulog. Maya-maya ay naramdaman kong biglang lumamig na sa buong kwarto. Marahil ay binuksan niya na ang aircon.
“Lyanna.”
Isang mahinang tapik sa balikat ko ang nagpagising sa akin.
“Kumain ka na muna.”
Nanlaki ang mata ko nang makita kung gaano kalapit ang kaniyang mukha sa akin. Bahagya ko siyang naitulak kaya napaupo siya sa sahig.
“Sorry.” agap ko.
Umayos ako sa pagkakaupo at nagmadaling inayos ang hitsura ko.
“Kain ka na.” sabi niya habang pinapagpag ang khaki shorts na itim na ngayon na nagkulay puti dahil sa alikabok. Umiling ako saka tumayo.
“Sa unit ko na ako kakain.”
Pinagmasdan muna niya ako bago nagtungo sa kusina. Paglabas niya ay may dala na siyang paperbag. Iniabot niya ito sa akin.
“Eat that.”
Mabilis akong nagpasalamat sa kaniya. Paglabas ko ng unit niya ay saka ako nakahinga ng maluwag. Tinapik-tapik ko pa ang dibdib ko dahil ang lakas ng t***k nito. I shook my head rapidly.
Kalma, Lyanna.
Nang makapasok ako sa sariling unit ay mabilis akong kumain. Naligo na rin ako at nag-toothbrush bago tuluyang nag-dive sa kama. Napatitig ako sa kisame. Kumita nga ako ng malaki, para namang mamamatay ako sa sakit ng katawan ko. Napahawak ako sa balikat kong bahagyang kumikirot. Marahan kong minasahe iyon. Kung alam ko lang nasa sasakit ng ganito ang katawan ko dapat dumaan na ako sa drugstore para bumili ng relief patches.
Maya-maya ay nakarinig ako ng katok sa aking pinto. Bumangon ako at naglakad patungo roon. Pagbukas ko ay wala namang tao. Pero mayroong maliit na paperbag na nakalapag sa sahig. Pinulot ko ito at tiningnan ang laman. Relief patches. May maliit na papel doon. Mabilis ko itong kinuha at binasa ang nakasulat.
Thank you for today, Lyanna
Mabilis kong isinara ang pinto at napasandal doon. Muli kong naramdaman ang pagbilis ng t***k ng puso ko. Nalintikan na.