ABALA si Sahara sa pag-aayos ng mga readings niya sa loob ng bag nang bigla siyang mabangga. Nagliparan ang lahat ng papel na hawak niya, maging ang laman ng kanyang malaking bag ay nagkalat rin.
“s**t!” mahina niyang sabi habang pinupulot ang mga gamit. “Kung kailan naman nagmamadali, tsaka pa-“
“Sahara.”
Napaangat siya ng tingin. Kahit hindi pa nga niya tingnan iyon ay alam niya kung kanino galing ang boses na iyon. Kay Baste. Tinulungan siya nitong pulutin ang mga gamit at halos magkauntugan pa sila nang sabay silang tumayo.
“Sahara, sorry na.”
“Okay na ‘yon,” simple’ng sabi niya kahit pa hindi naman talaga. Mabilis siyang naupo sa gutter para maiayos nang maigi ang laman ng kanyang bag. Agad naman siya nitong tinabihan doon sa gutter kahit pa mukha na silang tanga doon na dinadaan-daanan ng mga tao.
“Pero-“
“Please. Marami akong iniisip ngayon. Male-late na ako sa susunod kong klase, kailangan ko pang pumunta kay Del Mundo para- basta, Baste, tsaka na tayo mag-usap.” Tumayo na siya at lumakad palayo pero alam niya na nakasunod pa rin si Baste sa kanya.
“Teka, pupunta ka kay Del Mundo? Bakit? Para saan? Akala ko ba tatanggapin mo na ‘yung offer ko para sa summer class mo?” pagkadaka’y narinig niya sa kanyang likuran. Pero tuloy lang siya sa paglakad hanggang sa makarating sila sa hagdan. “Sahara!”
Nagulat siya nang biglang humarang si Baste sa harapan niya, dahilan para hindi siya makaakyat. At dahilan para mabangga sila ng mga taong umaakyat-panaog sa hagdan.
Hinila siya ni Baste sa gilid. “Uy, alam ko may problema. Sabihin mo sa akin kung ano ‘yon.”
“Wala nga.” Dahil wala naman talaga. Kung tatanungin kung sino ang may problema sa kanilang dalawa, si Baste iyon at hindi siya. Pagkatapos ng nangyaring ‘kiss in public’ at ang komprontasyon nila tungkol doon, nag-iba na ng pakikitungo si Baste sa kanya. Hindi na ito ang dating Baste na makulit, masayahin at parating handang magpatawa sa kanya.
Kaya naisip niyang ituring na lang na isang parte ng nakaraan niya si Baste. Mananatili pa rin ang pagkakaibigan nila pero hindi na niya kayang maging masyadong malapit rito. Lalo na ngayon na kailan gusto lang niya ng katahimikan at alam niyang hindi siya matatahimik kung kasa-kasama niya si Baste.
At lalo na ngayon na ang dami-dami niyang iniisip. Ang tungkol kay Max na ayaw siyang tantanan, kay Prof. Del Mundo na naka-ilang tawag at text message na kanya dahil gusto siyang muling makita, tungkol sa iba pa niyang klase na kailangan niyang maipasa. At tungkol kay Baste, na nasa harap niya ngayon.
“Sasamahan kita kay Del Mundo.”
“H-hindi na,” mabilis niyang sabi. Muli siyang umakyat ng hagdan, na kasunod pa rin si Baste.
“Sahara, kausapin mo naman ako.”
“Ano ba ang gusto mong pag-usapan natin?”
“’Yung tungkol sa…atin.”
Huminto si Sahara sa paglalakad at sumandal sa balustrade. Ipinatong niya roon ang dalawang siko at tumanaw sa malawak na campus ground. Sa totoo lang, nakalimutan na niya ang tungkol roon dahil may iba pang mas mahahalagang bagay siyang iniisip. And that thing about Baste is just the least of her worries right now.
“I’m sorry…sorry kung na-offend kita sa mga nasabi ko.”
“P’wede bang kalimutan na lang natin?”
“Pero hindi ko makalimutan eh. Tapos, ngayon, iniiwasan mo pa ako.”
“Hindi kita iniiwasan, Baste.”
“Eh bakit hindi mo ako pinapansin?”
“Wow, sino kaya ang hindi namamansin sa ating dalawa?” inis niyang tanong.
“Sorry na.”
“Okay na nga diba?” She has never been frustrated all her life. Kahit pa sa mga pagkakataong hindi na niya alam kung saan kukuha ng pera para sa eskuwela ay hindi siya nagiging ganito ka-stressed.
“Bakit ayaw mo pa ring tanggapin ang tulong ko?”
Tiningnan ni Sahara ang kaharap. “Dahil hindi naman kailangan. Sinabi ko naman sa’yo, diba, magagawan ko ng paraan na maka-graduate? Nagawan ko na ng paraan kaya okay na, okay?” At muli, lumakad na siya papunta sa susunod niyang klase.
“Teka, Sahara!”
Hindi niya iyon pinansin at nagtuluy-tuloy lang sa paglalakad. Tumunog na ang bell, hudyat na simula na ng klase nila. At muli, mabilis na humabol sa kanya si Baste at bago pa man siya makarating sa silid ay naabutan na siya nito.
Hinatak nito ang kanan niyang kamay para pigilan. Mariin nitong ipinikit ang dalawang mata. “Tinanong mo ako noon kung mahal ba kita, diba?” Mabilis nitong tanong at saka muling dumilat bago ituloy ang sasabihin. “Oo ang sagot ko.”
Walang nasabi si Sahara, nanatili lang siyang nakatitig sa kaharap.
“Sorry kung hindi ko sinabi agad sa iyo. H-hindi ko kasi alam kung paano, eh. Tsaka, alam mo na, best friends tayo pagkatapos ang dami pang umaaligid sa iyo na mas pogi, mas mayaman…baka –“
“Akala ko galit ka sa akin dahil sa ginawa ko?”
“Hindi naman ako nagalit. Ano lang...nagulat lang talaga…hindi ko lang talaga alam kung paano mag-re-react sa gano’ng sitwasyon. Alam mo na, first time eh.”
“’Wag ka nga, Baste. First time mong mahalikan?” natatawang tanong ni Sahara.
“Hindi naman kaya lang…first time na babae ang nag-initiate. Tsaka first time na…kasing ganda mo ‘yung nag-initiate.”
Napangiti siya. Hay, lalo lang tuloy itong naging cute sa paningin niya. “Sorry, hindi ko lang napigilan. Ikaw kasi eh, ang bagal mo.” Kinurot ni Sahara ang ilong nito na madalas niyang gawin sa tuwing naaaliw siya rito. “So, mahal mo talaga ako?”
Marahang tumango si Baste, pulang-pula ang mukha.
“Kahit ako ang nag-iinitiate ng kiss, in public?”
Muli itong tumango.
“Don’t worry, hindi ko na uulitin, promise.”
“Teka, hindi ko naman sinabing hindi mo puwedeng ulitin,” mahinang sabi ni Baste sabay kamot sa ulo. “Ano lang…ah-”
She didn’t give him the chance to finish whatever he has to say and she just kissed him on the lips. Hindi rin niya alam kung bakit niya iyon ginawa pero parang may nagsabi sa kanya na iyon ang tamang gawin. She didn’t care about the people around them or what they are going to say about her.
Nang tapusin niya ang maiksing halik ay nakita niyang nakapikit pa rin si Baste na para bang may hinihintay pa ng kung ano. She smiled at him. “Baste, ngayon pa lang, dapat malaman mo na hindi ako isang dalagang Pilipina gaya ng pagkakakilala mo sa akin. Baka ma-culture shock ka. Okay lang ba ‘yon? Dahil kung hindi…susubukan kong magbago para sa iyo. Kaya ko namang maging Maria Clara,” sabi ni Sahara at pagkatapos ay natawa. She can’t even imagine herself that way.
“Okay lang sa akin kahit na ano.”
“Promise?”
Tumango ito nang maraming tango. Maraming nakatingin sa kanila dahil nakapulupot pa rin ang dalawa niyang braso sa leeg ni Baste pero tila pareho silang walang pakialam.
“Sige na, umalis ka na, late ka na sa klase mo.”
Ngumiti ito ng pagkatamis-tamis. At nang tuluyan na itong makalayo ay tsaka siya parang binuhusan ng malamig na tubig. Bigla siyang nanlumo dahil sa reyalisasyong maaaring mahal talaga siya ng kaibigan, at hindi niya alam kung kaya niya iyong suklian.