Prologue
HINDI na napigilan ni Glanys ang kanyang sarili. Tinakpan niya ng mga kamay ang magkabilang tainga niya. Wala siyang pakialam kahit na siya lang ang gumawa ng ganoon sa mga naroroon. Napatingin siya sa mga kasama niya. They looked like they were really enjoying themselves. They were jumping up and down. Some were screaming their lungs out. She was at a rock show. There was a band playing onstage.
“Glanys!” saway sa kanya ng pinsan niyang si Wendy. Hinila nito ang mga kamay niyang nakatakip sa mga tainga niya.
Lalong nalukot ang mukha niya. Bakit ba naisip pa niya na sumama sa pinsan niya sa rock show nang gabing iyon? Napakaingay ng buong lugar. Maingay ang musikang nililikha ng bandang tumutugtog. Maingay at sumisigaw rin ang crowd. She knew it was supposed to be loud. Hindi lang niya hilig ang mga ganoong uri ng musika.
Malapit sa stage ang puwesto nilang magpinsan. Tiningala niya ang lead vocalist ng banda. He looked like he was having so much fun. He was all over the stage, singing his heart out and strumming his guitar. Hindi niya gaanong makita ang mukha nito dahil natatakpan iyon ng may-kahabaang buhok nito. Pawis na pawis na rin ito. He looked dirty.
Nang ituon uli ng pinsan niya ang atensiyon nito sa banda ay tinakpan uli niya ng mga kamay niya ang kanyang mga tainga. Pinsan niya si Wendy sa father side. Mas matanda ito sa kanya nang dalawang taon, ngunit malapit sila sa isa’t isa. Magkaiba rin sila ng personalidad at mga hilig, ngunit nagkakasundo pa rin silang dalawa.
Mahilig itong manood ng ganoong uri ng shows o concerts. Minsan ay tinutukso na itong groupie. Naisipan siyang isama nito sa show na iyon dahil mahusay raw ang mga bandang tutugtog lalo na ang kasalukuyang nasa stage. Hindi niya alam kung paano dumaan sa isip nito na isama siya samantalang alam nito na hindi siya mahilig sa musika. Kung si Kiyora—ang pinsan niya sa mother’s side—ang isinama nito ay maiintindihan pa niya. Kiyora was a music lover. Kahit na anong uri ng musika ay pinapakinggan nito.
Pagtingin uli niya sa stage ay hindi sinasadyang nagsalubong ang mga tingin nila ng bokalista. Ngumiti ito. Hindi niya masabi kung nginingitian siya nito dahil amused ito sa kanya o para sa lahat ang ngiting iyon. He kept on singing and smiling. Lumalim ang dimples nito sa magkabilang pisngi. Hindi niya ibinaba ang mga kamay niya. Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok nito na tumatabing sa mukha nito.
Nasilayan na niya ang buong mukha nito. He was actually good-looking. He looked like a boyish rockstar.
But still dirty, hindi napigilang dagdag ng isip niya.
He kept on looking at her and she kept on looking back at home. Hindi niya alam kung bakit hindi niya maiiwas ang kanyang mga mata rito. She smiled when he winked at her. He held her gaze. Hanggang sa matapos ang huling kanta nito ay hindi naghiwalay ang mga tingin nila. The amused expression turned into an admiring gaze.
Hindi niya tipo ang mga ganitong lalaki ngunit hindi niya maiwasang ma-flatter nang bahagya. Gayunman, hindi pa rin niya magustuhan ang musika ng mga ito.
Sa palagay nga niya ay hindi pa maghihiwalay ang mga tingin nila kung hindi natapos ang kanta. Nagpasalamat ito sa crowd at nagpaalam. Ibang banda naman ang sunod na tumugtog.
“Lalabas muna ako sandali,” sabi niya kay Wendy pagkatapos ng unang kanta ng bagong banda sa stage. Hindi na talaga niya matagalan ang lahat.
“Glanys,” angal nito.
“Babalik din ako,” pangako niya. Ang alam niya ay may dalawang banda pa na sasalang. Babalikan niya ito marahil kapag patapos na ang huling banda.
“Okay.”
Nakipagsiksikan siya sa mga tao upang makalabas. Paglabas niya ng venue ay nakahinga siya nang maluwag.
“Hey!”
Hindi sinasadyang napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig kahit na hindi siya sigurado kung para sa kanya ang “hey” na iyon. Tila pamilyar lang sa kanya ang tinig nito. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang lalaking nasa stage kanina. Prenteng nakasandal ito sa pader habang naninigarilyo. Ayaw niya sa mga lalaking naninigarilyo.
“`Nice to see you again,” anito habang nakangiti nang matamis. He looked so boyishly handsome. Mas guwapo pala ito sa malapitan. Ngunit hindi pa rin niya tipo ang kaguwapuhan nito. She liked clean and neat guys. He looked like a mess, dirty—a typical rockstar wannabe.
Lumingon siya sa kanyang likuran upang masiguro na siya nga ang kinakausap nito.
Banayad itong natawa sa ginawa niya. “I’m talking to you, Miss. I’m Adam, and you are?”
“Leaving,” tugon niya bago siya tumalikod.
Lalo itong natawa. “Hindi na bago `yan.”
Nagpatuloy siya sa paglalakad palayo kahit na hindi niya alam kung saan siya patungo. Naramdaman niyang sumusunod ito.
“You look young,” anito sa kaswal na tinig nang makaagapay ito sa kanya. “Sixteen ka lang siguro. `Buti pinayagan ka ng mga magulang mo na magpunta dito ngayon. `Buti pinapasok ka.”
She stopped. Marahas siyang nagbuga ng hangin. “Halata namang ayaw kitang kausap o kilalanin, `di ba?” mataray na sabi niya.
Nginisihan siya nito. “Ang taray naman nito,” sabi nito na tila hindi apektado sa pagtataray niya. “Gusto ko lang malaman ang pangalan mo.”
“Robin,” sabi na lang niya upang matapos na. “Glanys Robin Tiamson” ang buong pangalan niya. Sa mga importanteng dokumento lang niya ginagamit iyon dahil hindi niya gaanong gusto ang pangalawang pangalan na ibinigay sa kanya. She had always been “Glanys” to everyone. Ayon sa kanyang ina ay inasahan ng Kuya Ashton Phillip niya noon na magiging lalaki siya at nais daw nitong “Robin” ang maging pangalan niya. Hindi naman nadismaya ang kapatid niya na naging babae siya. Sa katunayan, ito lang ang madalas na tumawag sa kanya sa buong pangalan niya.
Nagsalubong ang mga kilay ng rockstar habang nakatingin sa kanya. “Masyado yatang masculine ang pangalan mo.”
“Dati akong lalaki. Would you please leave me alone now? Puwedeng puntahan mo na lang muna ang mga kabanda mo? O manigarilyo ka nang tahimik?”
Mataman siyang pinagmasdan nito. Nakaramdam siya ng pagkailang nang mabasa niyang mas sumidhi ang paghanga sa mga mata nito. Sanay na siya sa mga humahangang tingin ng mga lalaki sa kanya, ngunit iba ang tingin ng lalaking ito. Tila wala itong balak na itago ang paghangang iyon. Tila sinisiguro nitong mararamdaman o mababasa kaagad niya ang damdamin nito para sa kanya.
Sinalubong niya ang tingin nito. Kagaya kanina, hindi niya magawang ibaling ang tingin sa ibang direksiyon kahit na naiilang na siya sa uri ng tingin nito. Mas nakikita niya ngayon ang ganda ng mga mata nito. They were the palest brown eyes she had ever seen. His lashes were long. His brows were perfectly shaped. His dimples deepened as his smile widened. His cheeks were stubbly.
“Adam?”
Doon naputol ang pagtititigan nilang dalawa. He winced before reluctantly turning around. “What?” may bahid ng inis ang tinig na tanong nito sa sinumang tumawag dito. Hindi niya iyon nakikita dahil nahaharangan ito ni Adam.
“Someone important wants to meet you,” anang lalaki sa masiglang tinig. “Band promoter.”
“Susunod na ako, Adler,” tugon ni Adam. “Sandali lang ako.”
“Hurry up,” anang kausap nito.
Napapalatak na ibinalik nito ang tingin sa kanya. “I have to go.”
She rolled her eyes. “Finally. I don’t really like your music, but good luck.”
“We’ll meet again,” he promised. Pati yata ang mga mata nito ay nangangako dahil sa matinding determinasyon na nakabakas doon.
“Don’t count on it,” pangako rin niya. Hindi niya maisip kung paano sila muling magkikita kung hindi na siya muling manonood ng rock concert.
Hindi nawala ang ngisi sa mukha nito, bagkus ay tila lalo lang nadagdagan ang determinasyon sa mga mata nito. Tila sinasabi nitong mali siya. Tatalikuran na sana niya ito ngunit naagapan nito ang braso niya. Bago pa man niya ito matarayan ay nakababa na ang mukha nito sa mukha niya. At bago pa man niya mapagtanto ang plano nitong gawin ay nadampian na nito ng masuyong halik ang kanyang mga labi.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi niya mapaniwalaan ang nangyari. It was her first kiss! Ninakaw lang ng walanghiyang lalaking ito ang kanyang unang halik na para lang dapat sa lalaking unang magpapatibok ng puso niya. Isang lalaking makakapasa sa lahat ng standards niya. This guy was not even her type.
Nais niya itong sampalin at pagtatadyakan ngunit ayaw sumunod ng katawan niya. Tila itinulos siya sa kinatatayuan niya. Hindi niya maitaas ang kamay niya upang sampalin ito.
Bago pa man siya makagawa ng anuman ay nakatalikod na ito sa kanya. “That’s for good luck, baby,” anito nang maglakad palayo sa kanya. “Saka mo na ako sampalin sa muli nating pagkikita.”
Nakatayo lang siya roon hanggang sa mawala ito sa paningin niya. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatayo hanggang sa bigla na lang siyang tumakbo. Hindi niya alam kung saan siya patungo. Ang alam lang niya, nais niyang makalayo sa lugar na iyon.
Naiinis siya sa sitwasyon. Naiinis siya sa kanyang sarili. Wala man lang siyang ginawa. Hinayaan lang niya ito. Galit na galit siya sa lalaking iyon. Kinalimutan na niya ang pangako niyang hindi na sila magkikita dahil kapag nakita uli niya ito ay sasampalin agad niya ito. Nahiling niya na sana ay hindi ito maging mapalad. Sana ay hindi interesado ang band promoter sa banda nito.
“Oh, s**t!” bulalas niya nang may mabangga siya. Nawalan siya ng balanse at napaupo sa semento. Napangiwi siya sa sakit na inabot niya.
“I’m sorry,” anang tinig ng isang lalaki.
“No, I’m sorry,” aniya habang hindi tumitingin dito. Kasalanan niya dahil hindi niya tinitingnan ang dinaraanan niya dahil lumilipad ang isip niya.
Inilahad ng nakabangga niya ang kamay nito upang tulungan siyang makatayo. She took it. Napatingin siya rito. She froze. It was like time stood still as she looked at the stranger’s gorgeous face. Nalimot agad niya ang lahat, kasama na roon ang lalaking nagngangalang “Adam” na nagnakaw ng kanyang unang halik.
Nakatingin lang siya sa mukha nito kahit na nang hilahin siya nito patayo. This man was her soul mate, she was almost certain. Kakaiba ang kabog ng dibdib niya. He was her ideal man. Ito ang ini-imagine niyang lalaki na mamahalin niya.
He had the kindest looking eyes. Nakita niya iyon kahit na nakasuot ito ng salamin dahil maraming ilaw ang lugar na kinaroroonan nila. He appeared to be around twenty-four or twenty-five years old. Mula nang maintindihan niya ang salitang “crush,” palaging mas may-edad ang mga nagugustuhan niya. She had never liked careless, immature boys. She had always preferred men because they were mature and responsible.
Maamo ang mukha nito. He looked so neat and clean. Maayos ang buhok nito at bahagyang pormal ang pananamit nito. He looked so smart and gorgeous.
Nginitian siya nito kaya lalong nagwala ang puso niya. She felt like melting. He was the most gorgeous man she had ever laid eyes on.
“Are you okay?” masuyong tanong nito sa kanya. He even had the loveliest voice.
Tango lang ang naging tugon niya. She was in love.