PABILING-BILING sa higaan si Glanys. Napakaraming bagay ang tumatakbo sa isip niya. Pilit niyang pinipigil ang kanyang sarili na mag-isip nang husto, ngunit hindi talaga niya maiwasan. Nais niyang payapain ang kanyang isip at matulog na lang ngunit hindi niya magawa. Iniisip niya kung ano ang mga maaaring mangyari sa kanya sa hinaharap. Iniisip niya kung tama ba ang ginagawa niya. She asked herself if it was worth trying.
Iniisip din niya si Adam.
Napabuntong-hininga siya habang nakatitig sa kisame ng silid niya. Hindi niya maintindihan kung bakit mas ito ang iniisip niya kaysa kay Adler. Hindi mawala sa kanya ang pakiramdam na nakita na niya ito sa kung saan. Habang tumatagal ay lalo itong nagiging pamilyar sa kanya.
Noong una, naisip niya na kaya ito pamilyar sa kanya ay dahil sa pagiging international celebrity nito. Baka nakita na niya ito sa telebisyon dati. Ngunit mula’t sapol naman ay hindi siya nahilig sa uri ng musika nito. Hindi nga niya alam na may bandang Merry Men kung hindi pa ito nakilala ni Hunter.
Sumusukong bumangon siya sa higaan. Lalabas muna siya para kumuha ng makakain sa kusina. Baka sakaling makatulog na siya pagkatapos niyang kumain.
Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapansing nakabukas ang ilaw ng kusina. May gising pa ba na kawaksi? Masyado nang malalim ang gabi. Dapat ay nagpapahinga na ang mga ito.
Bigla siyang napatili pagpasok na pagpasok niya sa loob ng kusina. Kaagad niyang tinakpan ang kanyang bibig. Hindi naman siguro niya nabulabog ang mga kasama nila sa villa. Hindi kawaksi ang tao sa kusina kundi si Adam na halos mapatalon sa tili niya. When he saw her, relief flooded his face. Nginitian siya nito nang matamis.
“Hi,” bati pa ng hudyo sa kanya. “`Can’t sleep either?”
Nais sana niya itong sitahin at pagsabihan, ngunit distracted siya. Tinalikuran niya ito. He was wearing nothing but his bright yellow briefs. Bright yellow! It was making her eyes hurt. Geez, this man was driving her crazy already! Sinong matinong lalaki ang magsusuot ng bright yellow na briefs at maglalakad-lakad sa kung saan-saan? Glow in the dark pa yata ang briefs nito.
Lalo yata siyang hindi makakatulog sa nasaksihan niya. She took a deep breath. “What are you doing here?” tanong niya habang nakatalikod pa rin dito.
“I’m trying to find something to eat. I hope you don’t mind. Hindi ako makatulog, eh. Turn around. I hate talking to your backside.”
Imbes na sagutin ito ay naglakad siya patungo sa banyo sa kusina. Marahas niyang hinablot mula sa rack ang isang towel. Pagbalik niya ay nadatnan niyang prenteng nakaupo sa kitchen counter si Adam habang ngumunguya ng hilaw na mangga.
Tila komportableng-komportable ito at hindi nito alam na wala itong suot kundi briefs. Hindi niya napigilang mapatingin sa ibabang bahagi ng katawan nito. His bulge was so obvious. Damn this man for being so insensitive. Ni hindi man lang nito naisip na babae siya!
“Welcome back,” tila nang-iinis pa na sabi nito sa kanya. Inalok siya nito ng manggang hawak nito. “`Want some?”
Ibinato niya rito ang hawak niyang towel. “Make yourself decent,” pormal na sabi niya.
Tumawa ito nang malakas nang saluhin ang towel. “You are such a prude. Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking naka-briefs?”
“Will you just wrap the towel around you?” naiinis na sabi niya. “The color is burning my eyes.”
Lalo itong tumawa sa sinabi niya. Tumalon ito pababa ng kitchen counter at itinapi nito ang tuwalya. Pinanood niya ito. Ngayon niya nakikita ang ganda ng katawan nito. Hindi kasingganda o kasingmaskulado ng katawan ng Kuya Eduardo niya, ngunit maganda pa rin ang pagkakalilok ng katawan nito. Hindi exaggerated ang muscles nito. Bakit kailangan nitong sirain ang ganda niyon sa pagsusuot ng dilaw na panloob?
May tattoo rin ito sa dibdib. It was a bow and arrow. Isa na namang bagay na hindi niya gusto sa isang lalaki. Dumi ang tingin niya sa tattoo at hindi art. But it looked good on him.
“`Satisfied now?” anito nang matapos ito.
Tiningnan niya ito sa mukha. Ngayong wala na sa paningin niya ang nakakairitang dilaw na panloob nito, makisig na ito sa paningin niya. He didn’t look ridiculous now. His hair was a mess but it looked stylish on him. Nagsasayaw sa kaaliwan ang mga mata nito.
Tinungo niya ang refrigerator at naglabas ng maiinom. Kailangan niyang payapain ang damdamin niya. Lumalago ang hindi komportableng pakiramdam niya.
Mabilis na sinaid niya ang isang baso ng malamig na tubig. Umupo siya sa isang stool. Tinanong niya ang kanyang sarili kung bakit hindi pa siya umaalis doon. “Hindi ka ba komportable sa silid na ibinigay ko sa `yo?”
“No, the room is great. Komportableng-komportable nga ako. Mas maganda nang ilang ulit ang silid na `yon kompara sa ibang silid na tinuluyan ko sa ibang bansa. Sanay lang ako na gising sa gabi at tulog sa umaga. I’m a vampire, you know.” He bared his teeth playfully.
Hindi niya naiwasang matawa. Tinakpan niya ang kanyang bibig upang masupil iyon. “Marahil ay namamahay ka,” aniya.
“Siguro. Masyado kasing tahimik dito. Well, hindi gaanong tahimik. I hear weird sounds from outside. Gusto ko sanang tumugtog pero hindi soundproof ang kuwarto. Ayokong makaabala sa ibang tao. Kaya nagpunta na lang ako rito para maghanap ng makakain. Ikaw, bakit gising ka pa?”
“Tunog ng mga insekto ang naririnig mo. Masasanay ka rin sa kanila. Kung hindi ka pa rin makatulog at gusto mong tumugtog, I suggest you put on some clothing,” aniya imbes na sagutin ang tanong nito.
He pouted. Muntik na naman siyang matawa. He looked like an adorable boy, except that he was no longer a boy. “What’s wrong with me? God gave me a beautiful body and you should appreciate it. Your lola says you’re a painter.”
Hindi niya ma-imagine ang kanyang sarili na ipinipinta ang isang makisig na lalaki na ang tanging saplot sa katawan ay dilaw na briefs. Umiling-iling siya.
“I appreciate it. Masakit lang talaga sa mata ang yellow,” aniya sa magaan na tinig. Hindi niya masabi kung naging tapat lang siya o sinubukan niyang magbiro.
He softly chuckled. “Next time, remind me to put on hot pink briefs instead of yellow. I also have neon green and—”
“Don’t you own any white undergarments?” nababaghang tanong niya. Was he serious? Wala siyang pakialam sa undergarment nito, ngunit noon lang yata siya nakakilala ng lalaking bright colors ang mga panloob. Kahit ang mga pinsan niyang lalaki ay pulos puti o itim ang mga panloob. Kahit si Hunter ay hindi gumagamit ng dilaw o pink na panloob mula nang isilang ito.
Umiling ito. Mas nadaragdagan ang kaaliwan sa mga mata nito sa paglipas ng bawat sandali. “Madaling mahalata na marumi na kapag white.”
“Eeww!”
Bumunghalit ito ng tawa. Masarap sa tainga ang malutong at puno ng buhay na tawa nito. “Wala ka bang sense of humor man lang?” natatawang tanong nito. “Loosen up a bit, Glanys. You’re so uptight and formal. How can we become close friends if you’re like that?”
Inirapan niya ito. “Just put some clothes on and I’ll show you the music room. Makakatugtog ka roon hanggang gusto mo.”
“Okay, friend. Thanks.”