KALMADO ang hitsura ni Glanys habang nakaharap sa Lolo Aurelio niya, ngunit ang totoo ay kabadong-kabado siya. Hindi kailanman naging tipikal na magiliw ang abuelo niya sa ama kagaya ni Lola Ancia. Sa nakikita niyang ekspresyon nito, tila sinasabi nito sa kanya na hindi pa ito nakakalimot sa lahat ng nangyari, sa lahat ng ginawa niya.
Kung may ibang taong makakakita sa kanila, hindi iisipin ng mga ito na maglolo sila. Pormal na pormal ito na tila isa siyang empleyado.
“K-kumusta na po kayo?” nag-aalangang tanong niya. Matagal din niyang hindi ito nakita. Puti na ang lahat ng buhok nito. Wala na ang dating sigla sa kilos nito, ngunit mabalasik pa rin ang anyo nito. He looked so old.
“I’m not really okay, Glanys,” pormal na tugon nito. “Bagsak ang ekonomiya at apektado ang mga negosyo natin.”
“I’m sure Kuya Phillip is doing great.” Ang Kuya Phillip niya ang panganay at nag-iisang apo nitong lalaki. Tatlo ang anak nito na pulos mga lalaki. May tig-dalawang anak ang tatlong magkakapatid. Lahat ng mga pinsan niya sa ama ay pulos mga babae. Dahil nag-iisang lalaki ang kapatid niya, dito ipinagkatiwala ng lolo niya ang halos lahat ng negosyo ng pamilya. Dahilan upang hindi makatulong ang kapatid niya sa mga negosyo ng mga Castañeda.
Naiintindihan naman iyon ng Lola Ancia niya. Halos lahat ng mga pinsan niya sa ina ay mga lalaki. Dalawa lang sila ni Kiyora na babae.
“Your brother is doing a great job.”
Tumikhim siya. “Bakit n’yo po ako gustong makausap?” tanong niya. Nais na niyang malaman kung bakit ipinatawag siya nito. Hindi sa hindi niya ito nais na makasama o makausap nang matagal, sadyang kinakabahan siya at nais na niyang matapos ang lahat.
“I need you to do something for me,” mas naging malumanay ang tinig nito. May binuksan itong drawer sa desk nito. Isang larawan ang inilabas nito mula roon at iniabot sa kanya.
Nag-aatubiling tinanggap niya iyon. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita ang larawan ng isang lalaki. Hindi niya maisip kung ano ang maaari niyang gawin para dito na may kinalaman ang lalaking ito.
Hindi niya kilala ang lalaki. Tipid ang ngiti nito sa larawan. He was wearing a business suit. His hair was neatly combed in place. He was handsome. Bahagyang pamilyar sa kanya ang mga mata nito. They were pale brown.
“He’s Adler Perez. Siya ang kasalukuyang namamahala ng mga negosyo ni Keith Castronuevo. I don’t know if you’ve heard of him, but he owns a huge textile company. His company is doing very well. Mula nang si Adler ang mamahala ay nadomina na nila ang Asya at maganda ang simula ng export business nila sa Amerika at Europa. Adler is Keith’s stepson. Hindi niya legal na inampon ang dalawang anak na lalaki ng pangalawa niyang asawa. Namatay sa isang aksidente ang nag-iisa niyang anak na babae. Tatlong taon pa lang na nahahawakan ni Adler ang kompanya, ngunit napakalaki na ng iniunlad niyon. I was good friends with Keith’s father when he was still alive. Hindi ambisyoso si Keith. Kontento na siya na maayos ang kompanya. Hindi siya marunong mangarap nang matayog. Subalit iba ang stepson niya sa nakikita ko. Wala nang ibang magmamana ng kayamanan ng mga Castronuevo kundi si Adler. I met him once. He oozed with confidence. I immediately liked him. Gusto kong maging parte siya ng pamilya natin.”
Literal na natigil siya sa paghinga. Nahulog mula sa kamay niya ang larawang hawak niya. Hindi pa man direktang sinasabi sa kanya ng lolo niya ang dapat niyang gawin ay nahuhulaan na niya.
Hindi niya inakala na magagawa iyon ng lolo niya sa kanya. Naguguluhan din siya kung bakit siya ang napili nito. Bakit hindi ang ibang pinsan niya? Bakit kailangang siya?
Mataman siyang tinitigan nito bago ito nagpatuloy. “Kinausap ko si Keith tungkol sa gusto ko. Hindi naman ako umaasa noon na papayag kaagad siya. I knew he could be very stubborn and idealistic. Love and romance matter to him so much. Inasahan ko na mahihirapan akong kumbinsihin siya, ngunit hindi iyon ang nangyari. Well, hindi pa siya talaga pumapayag. Ang pinayagan lang niya ay sumubok kayo ni Adler na kilalanin ang isa’t isa.”
Sunod-sunod siyang napalunok. Nakumpirma na niya ang nais na mangyari ng lolo niya. “You want me to marry that man,” she stated.
Nanikip ang dibdib niya. Marami siyang naisip na maaaring kailanganin ng lolo niya sa kanya, ngunit hindi man lang sumagi sa isip niya ang bagay na iyon. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Magagalit ba siya dahil pinangungunahan siya ng lolo niya at tila suportado ito ng ama niya? Iisipin ba niya na kahit paano pala ay may pakialam ang lolo niya sa kanya dahil siya ang napili nito sa mga apo nito?
Iisipin ba niya na hindi na siya nito ikinakahiya dahil nagawa nitong ipagkasundo siya sa stepson ng anak ng kaibigan nito?
Nais sana niyang itanong kung iyon ang paraan ng pagbabayad niya sa lahat ng kasalanang nagawa niya, sa lahat ng kahihiyang idinulot niya noon. Ngunit hindi niya magawa.
Kung tatanggi siya, ano ang gagawin nito? Kung papayag siya, ano ang magiging buhay niya? Magiging mabuting asawa ba siya sa isang lalaking hindi pa niya nakikilala?
“I want you to marry Adler. Kailangan ko ng ganoong klase ng apo. He’s responsible and brilliant. He’s a good man. You need someone like him.”
Tinitigan niya ito. For a short while, she read concern in her grandfather’s eyes. Tila may kumurot sa puso niya. Namasa ang kanyang mga mata.
“Keith thinks his stepson needs someone, too,” pagpapatuloy nito.
Bago pa man siya makatugon ay bigla na lang bumukas ang pinto ng study room kung saan sila nag-uusap. Marahas na pumasok sa loob ang Kuya Phillip niya. Nanlamig siya sa nakita niyang ekspresyon nito. Her brother was furious. Noon lang niya ito nakita na nagalit nang ganoon.
Marahas na hinawakan nito ang braso niya at itinayo siya mula sa kinauupuan niya. Galit na galit ito habang nakatingin sa lolo nila.
“Hindi gagawin ni Glanys ang gusto mo, Lolo!” galit na sabi nito. “You can’t do this to her. Isipin n’yo naman po ang mga pinagdaanan niya!”
Huminga nang malalim ang lolo nila. Tila hindi ito apektado sa galit ng kapatid niya. “Magiging maayos ang lahat, Phillip. Trust me. Panahon na upang tuluyang makawala sa nakaraan si Glanys.”
“No!” mariing sabi ng kapatid niya. “You will not manipulate my sister into agreeing to this. Hindi po kayo ang magsasabi kung kailan ang tamang panahon para sa kanya. Hindi po kayo ang pipili ng lalaking makakasama niya habang-buhay.” Bahagya nang bumaba ang tinig nito ngunit naroon pa rin ang galit.
“Adler is a good man, Phillip, and you know it. You two are friends.”
“Alam ko pong mabuti siyang lalaki. Opo, magkaibigan po kami. That’s exactly why I refuse to let them marry each other.” Hinila ng kapatid niya ang braso niya. “Let’s go, Glanys. Walang kasalang magaganap.”
Wala na siyang nagawa kundi ang magpahila rito.