Zeph Pov
Pagdating ko sa bahay nina Hillary ay bigla siyang napasimangot nang makita niya ako.
"Bakit buhay ka pa?" matalim ang tingin na sita niya sa akin. "Ang ibig kong sabihin ay mabuti at walang nangyari sa'yo sa daan. Pasusundan na sana kita kay Melong ngunit naisip ko na baka magkaiba kayo ng dadaanan magkasalungat pa kayo kaya hindi ko na lamang siya pinasunod sa'yo," biglang bawi ni Hillary. Mabilis ding nawala ang talim sa kanyang tingin ngunit makikita pa rin ang disappointment sa kanyang mukha. Iniisip siguro niya na uuwi ako sa bahay nila na punit-punit ang damit at bugbog-sarado. O baka iniisip niya na hindi na ako makakauwi pa sa bahay nila.
"Siyempre buhay pa ako. Ngunit muntik na akong mapahamak dahil sa isang Dust Wolf na nagtangka ng masama laban sa akin. Nguniy hindi siya nagtagumpay dahil dumating si Alpha Hunter at iniligtas niya ako," pagbabalita ko sa kanya. Biglang namutla ang mukha ni Hillary nang marinig ang pangalan ni Alpha Hunter. Alam kong natatakot at nag-aalala siya na baka alam ni Alpha Hunter ang ginawa niya.
"A-Anong ginawa ni Alpha Hunter sa taong-lobo na mula sa Dust Wolf Pack?" tanong niya sa akin. "Pinatay ba niya?"
"Yes. He killed him. At sabi ni Alpha Hunter na sabihin ko raw sa kanya kapag inulit daw ng taong nag-utos sa taong-lobo na iyon para gawan ako ng masama. Parurusahan daw niya ng malupit ang taong iyon kapag inulit pa raw niya ang ginawa niya sa akin. Dahil walang sinuman ang maaaring lumabag sa kanyang batas," sagot ko kay Hillary habang nakangiti ng bahagya. Alam ko na kinakabahan na siya ngayon. Mabuti nga iyon nang hindi na niya ulitin pa ang ginawa niya.
"Bakit sinabi ba ng lalaking iyon kung sino ang nag-utos sa kanya na abangan ka sa bahaging iyon para turuan ng leksiyon?" nanlalaki ang mga matang tanong pa niya sa akin.
"Ang galing mo naman, Hillary. Kung magsalita ka ay parang alam na alam mo ang mangyayari. Parang ikaw ang nag-utos sa lalaking iyon na gawan ako ng masama," sabi ko sa kanya habang pigil ko ang aking sarili na sabunutan siya. Hindi ba niya alam na sinabi niyang iyon ay napaghahalata nang siya ang nasa likod ng pagtatangka sa buhay ko? Lihim na lamang akong napailing. Matalino si Hillary ngunit minsan ay nagiging bobo pala siya kapag natatakot at kinakabahan.
"So hindi niyo nalaman kung sino ang nag-utos sa lalaking iyon na gawan ka ng masama? Baka naman isa ang lalaking iyon sa mga nilalandi mo kaya hindi nakatiis at inabangan ka niya sa daan," nakangising wika ni Hillary sa akin. Ngayon ay wala na ang takot sa kanyang mukha. Siguro ay iniisip niya na hindi ko alam na siya ang nag-utos sa taong iyon na harangin ako sa daan.
Napakuyom ang aking mga kamao nang tumatawang tinalikuran ako ni Hillary. Kung hindi lamang ama niya si Sir Keiver ay baka matagal ko nang nagupit ang mahaba at iniingatan niyang buhok sa galit ko sa kanya.
Mabigat ang loob na pumasok na lamang ako sa aking silid. Mahirap talaga kapag wala kang kakayahan na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa'yo. Wala kang choice kundi ang palampasin na lamang ang nangyari. Pagkapasok ko sa loob ng aking silid ay naupo ako sa gilid ng aking kama. Kung nagkataong hindi dumating si Alpha Hunter ay baka kung ano na ang nangyari sa akin.
Kung si Alpha Hunter ang naghatid sa akin papunta sa bahay nina Amy ay ang kanang kamay naman niyang si Algo ang naghatid sa akin pabalik sa bahay nina Sir Keiver. Napahugot ako ng malalim na buntong-hininga. Ang hirap talaga kapag wala kang mga magulang. Walang nagtatanggol sa'yo kapag inaapi ka. Walang dumadamay sa'yo kapag malungkot ka. Hindi ko napigilan ang mapaiyak nang maalala ko ang mga magulang ko. Kung nabubuhay lamang sila ay natitiyak ko na hindi nila hahayaan na bully-hin ako ng iba kahit pa alam nila na sila pa rin ang matatalo.
Sa susunod na araw ay 18th birthday ko na. Eighteen years na palagi kong mag-isang ipinagdiriwang ang aking kaarawan. Ngunit para sa akin ang birthday ko ay katulad lamang ng mga ordinaryong araw. Wala naman akong handa at walang bumabati sa akin ng happy birthday. Wala naman kasi akong kaibigan kahit na isa man lang dahil lahat sila ay natatakot na madamay sa pambubully sa akin ng ibang mga kauri namin kapag naging kaibigan ko sila. Iyong iba naman ay talagang ayaw nilang makipagkaibigan sa akin dahil isa lamang akong omega.
Pinahid ko ang aking mga luha at nahiga ng patagilid sa aking maliit na kama. Hindi ako maaaring humilata ng higa dahil masakit ang mga latay na gawa ng paglatigo ni Sir Keiver. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at pinilit ang sarili ko na makatulog para hindi ko na maramdaman ang hapdi ng aking likuran.
Mabilis na lumipas ang araw hanggang sa dumating ang aking kaarawan. At ang regalo sa akin ni Hillary sa birthday ko ay ang tambak na mga labahin. Maghapon akong naglaba kaya naman masakit ang aking buong katawan. Pagkatapos kong maglaba ay pumasok ako sa aking silid at nagpahinga. Sa sobrang pagod ko ay hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Gabi na nang magising ako. Bigla akong nag-alala nang maisip ko na tiyak pagagalitan ako ni Sir Keiver dahil nakatulog ako at hindi tumulong kay Dalia sa paghahanda ng pagkain sa kusina. Ngunit hindi na ako lumabas ng aking silid dahil anong oras na. Natitiyak kong tulog na sila sa ganitong oras. Nagpasya akong maligo muna hindi pa pala ako nakaligo ngayong araw. Nakalimutan kong maligo dahil sa dami ng aking nilabhan.
I just did a quick shower. Medyo malamig kasi ang tubig kaya hindi na ako nagtagal pa. Habang nagsusuklay ako ng aking buhok ay bigla akong nakaramdam ng kakaibang init na nagmumula sa aking noo. Hinipo ko ang aking noo at natuklasan kong sobrang init ko.
"May lagnat ba ako?" kausap ko sa aking sarili. Ngunit nang hawakan ko ang aking mga braso ay hindi naman mainit kundi malamig dahil bagong paligo pa nga lang ako. Pero bakit ang init ng aking noo? Naglakad ako papunta sa harapan ng maliit na salamin na nakasabit sa lumang aparador para tingnan ang bahagi ng aking noo na sobrang init. Nanlaki ang aking mga mata nang biglang lumitaw sa aking noo ang isang hugis buwan na drawing na umiilaw pa ng pinaghalong puti at blue. Ngunit ilang segundo ko lamang nakita ang kakaibang drawing sa aking noo dahil napapikit ako nang maramdaman ko na tila umiikot ang aking paligid. Maglalakad sana ako papunta sa aking kama ngunit tila biglang hinugot ang aking lakas na bigla na lamang akong natumba sa sahig at nawalan ng malay.