Keiver Pov
Kakagaling ko pa lamang sa bahay ng isa sa pinagkakatiwalaan kong tauhan dahil pinag-usapan namin kung paano namin masisira ang pangalan ni Alpha Hunter. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na siya ang naging alpha sa halip na ako. Hindi ko matanggap na nasa ilalim ako ng pamamahala ng isang teenager.
Malaki ang naging ambag ko kung bakit ang ama ni Alpha Hunter ang naging alpha noon. Ginawa ko ang lahat para maging matatag siya sa kanyang posisyon bilang alpha. Sinunod ang lahat ng mga ipinag-utos niya sa akin at nagpaalipin ako sa kanya dahil umasa ako na kapag namatay siya ay ako ang ipapalit niya sa kanya bilang bagong alpha ng Golden Wolf Pack. Ngunit sa aking malaking pagkadismaya ay ipinamana niya ang titulo sa kanyang legitimate na anak na noon ay maglalabinwalong taong gulang pa lamang. Bagama't malakas at matapang si Hunter ay hindi ko pa rin siya gusto na siyang papalit na maging alpha ng aming pack. Maliban sa masyado siyang bata pa ay sobrang malaki na ang ipinuhunan ko para lamang sa akin ibigay ni Alpha Gancho ang pagiging alpha kapag wala na siya. Ngunit hindi niya ako pinili para maging susunod na alpha ng aming pack. Dahil mas matimbang pa rin sa kanyang puso ang kanyang anak kaysa sa akin na maraming nagawa para sa kanya.
Kanina ay napag-usapan namin kung ano ang magiging hakbang namin para mabawi ko ang dapat na para sa akin na inagaw ni Hunter. At naisip naming paraan ay gamitin ang aking anak na si Hillary. Kailangan ang anak ko ang maging Luna ni Alpha Hunter. Iyon ang aming unang hakbang para matupad ang aming mga plano.
Hindi lingid sa kaalaman ko na malaki ang pagkakagusto ng anak ko kay Alpha Hunter at inaasahan din ng marami na sila ang magkakatuluyan balang araw. Ang problema ko ay ang tungkol sa prophecy na nakasulat sa matandang aklat na ang magiging Luna ng alpha ng Golden Wolf Pack ay isang babaeng nagtataglay ng moon tattoo sa kanyang katawan. Hindi ko alam kung magkakatotoo ang prophecy na iyon ngunit saan ko naman hahanapin ang babaeng iyon sakaling totoo siya? Hindi dapat makita ng mga tao ang kanyang tattoo dahil makakasira iyon sa unang hakbang ng aming mga plano. Kaya totoo man o hindi ang prophecy na iyon ay kailangan ko siyang hanapin at patayin.
Alam ko na hindi naniniwala si Alpha Hunter sa nakasulat sa loob ng matandang aklat at gagawa siya ng paraan para salungatin ang propesiya. Makakatulong sa amin ng malaki ang hindi niya paniniwala sa prophecy. Magkakaroon pa kami ng pagkakataon na hanapin kjng sino man ang babaeng iyon.
Pagkapasok ko sa loob ng bahay ay dederetso na sana ako papunta sa aking silid nang makita kong nakabukas pa ang ilaw sa loob ng kuwarto ng aming alipin na si Zeph. Si Zeph ay ang sanggol na ibinigay sa akin ni Alpha Gancho. Ang sabi niya ay anak ng mag-asawang omega ang sanggol at hindi nito kayang patayin iyon kaya ibinigay niya sa akin para ako ang magpalaki. Buntis noon ang aking asawa kaya naisip kong tanggapin ang sanggol at palakihin bilang tagasilbi ng magiging anak ko. Ngunit ang mas matinding dahilan kung bakit ko tinanggap si Zeph ay dahil gusto kong makuha ang loob ni Alpha Gancho. Nakuha ko nga ang loob niya kaya ginawa niya akong Beta.
Pinalaki ko sina Zeph at Hillary na magkasabay dahil namatay ang aking asawa sa panganganak kay Hillary. Akala ko ay magiging malapit ang anak ko kay Zeph dahil sila ang magkasama at magkalaro palagi ngunit nagkamali ako. Dahil habang lumalaki si Hillary ay tila bumibigat ang loob niya kay Zeph hanggang sa tuluyan na ngang naging malupit ang aking anak sa aking ampon. Ngunit hinahayaan ko lamang siyang pagmalupitan si Zeph dahil isa lang naman siyang omega. Dapat pa nga siyang magpasalamat sa akin dahil pinalaki ko siya at hindi pinatay kahit na isa siyang omega. Katulad sa anak ko ay mabigat din ang loob ko kay Zeph na ewan kung bakit. Kaya konting pagkakamali lamang siya ay pinarurusahan ko agad siya at nilalatigo.
Sa halip na dumiretso ako sa aking silid ay naglakad ako palapit sa kuwarto ni Zeph. Tila may malakas na puwersa ang humihila sa akin patungo sa kanyang silid. Bahagyang nakabukas ang pintuan ng kuwarto ni Zeph kaya nakakalabas ang liwanag ng ilaw na nagmumula sa loob. Mahinang itinulak ko pabukas ang pintuan ngunit agad ko ring nahila pasara ng bahagya nang makita ko ang lumabas na drawing mula sa kanyang noo habang nakatayo siya sa harapan ng salamin. Nang makita kong hinimatay siya ay agad akong pumasok sa loob ng kuwarto niya at hindi makapaniwalang tinitigan ang hugis-buwan na tila tattoo na nasa gitna ng kanyang noo.
"Si Zeph ang babaeng tinutukoy sa prophecy na nagtataglay ng tattoo na hugis ng buwan? Paano nangyari iyon? Paano nangyaring ang isang omegang alipin ang nakatakdang maging Luna ni Alpha Hunter at hindi ang anak ko?" galit na kausap ko sa aking sarili habang hindi ko inaalis ang aking mga mata sa pagkakatitig sa drawing na nasa noo ni Zeph.
Dali-daling binuhat ko siya at inihiga sa ibabaw ng kanyang kama. Hindi maaaring siya ang maging Luna ni Alpha Hunter. Masisira ang lahat ng aking mga plano. Kailangang walang makaalam na siya ang babaeng tinutukoy sa propesiya lalong-lalo na si Alpha Hunter. Ngunit paano ko naman gagawin iyon kung kitang-kita ang tattoo sa noo ni Zeph? Kailangan niyang mamatay. Bigla kong sinakal ng mahigpit ang wala pa ring malay na si Zeph. Hindi ako papayag na siya ang makakasira sa lahat ng aking mga plano. Bakit ba kasi sa dinami-rami ng mga babae sa mundo ay sa kanya pa lumabas ang moon tattoo?
Ang mahigpit na pagkakasakal ko sa leeg ni Zeph ay biglang lumuwag nang may pumasok sa aking isip na magandang ideya. Sa naisip ko ay tiyak na ang aking anak ang magiging Luna ni Alpha Hunter. At kapag asawa na ni Hunter ang anak ko ay uutusan ko siya na paibigin ng husto ang lalaking iyon para makontrol ko siya at mas mapadali ang pagbawi ko sa kanya ng aking titulo. Dahil ako lamang ang nararapat na maging alpha ng Golden Wolf Pack at wala nang iba pa.