Hindi niya magawang magreklamo sa nangyari, tiyak magkakaroon ng imbestigasyon at sa huli ay mawawalan siya ng trabaho at mawawalan ng pag-asang makabalik uli ng barko.
Muli niyang naisip ang babaeng gumawa sa kanya ng kahalayan. Anong modus mayroon ang babaeng iyon at ang grupo ng transman? Paano kung magkasakit siya dahil sa nangyari? Pero sa kabila ng pag-aalala ay nagsasabi ang kabilang parte ng utak niya na nasiyahan siya sa ginawa sa kanya ng babae at parang kay sarap ulitin.
Napahilamos ang binata sa kanyang mukha at napamura sa sarili. Letseng utak niya. Kay rumi na talaga. Dapat siguro ay mag-asawa na siya para may katabi na siya sa pagtulog at may pupuno ng pangangailangan niya bilang lalake. Ang kaso ay fourth-year college pa lang si Pamela. Maghihintay pa siyang maka-graduate ito bago siya susubok na mag-propose ng kasal sa nobya.
Nasa gitna siya ng pagmumuni-muni ng mag-notif ang private message niya sa kanyang cellphone. Napangiti siya, ang kanyang bunsong kapatid na si Isay. Pinindot niya ang video call button. “Hello, Isay.”
Ngunit nawala ang kanyang mga ngiti. Nakarehistro sa mukha ni Isay ang pag-aalala. “Kuya, si Nanay. Isinugod sa Heart Center.”
Nagulat ang binata sa ibinalita ng kapatid. “Bakit? Anong nangyari kay Inay?”
“Sumakit bigla ang dibdib niya at hindi makahinga,” mangiyak-ngiyak na sagot ni Isay.
Napahilot sa noo si Evan. “Diyos ko. Ano daw ang sakit?”
“Hindi ko pa alam. Pero narinig ko sa doctor. Kailangan daw maoperahan agad si Nanay.”
Huminga ng malalim si Evan. Nangyari na ang kinakatakutan niya. Ang may dumating na mas malaki pang problema.
“Kuya, anong gagawin namin? Wala kaming pera dito.”
Malamig ang panahon pero pinagpawisan ang noo ni Evan. Tapos na ang kanyang kontrata sa katapusan ng buwan at uuwi na rin siya. Kung mayroon man siyang naipon ay ang savings niya para sa pangarap niyang kasal nila ni Pamela pero kaunti pa lang iyon.
“Isay, wag ka ng umiyak. Makakagawa tayo ng paraan,” sagot niya sa kapatid kahit hindi pa siya sigurado kung saan siya kukuha ng pera.
Nawalan nang gana sa mamasyal si Evan. Ibinalik na niya ang bike at naghanap ng taxi na maghahatid sa kanya pabalik sa harbor.
International Airport: Lumabas ng arrival area si Evan. Malungkot siya habang tulak-tulak ang trolley. Sabagay isang malaking tavelling bag at isang handcarry lang naman ang dala niya. Walang sumalubong sa kanya dahil nasa hospital ang kanyang ina. Hindi siya sumakay ng taxi, mas makakatipid kung magba-bus na lamang siya.
Medyo may tampo siya kay Pamela dahil hindi man lang nito binabasa ang kanyang mga messages. Two months na itong walang communication sa kanya at nakadagdag pa ito sa kanyang alalahanin.
Pagkababa niya ng bus ay sumakay siya ng tricycle at nagpahatid sa kanilang lugar. Wala naman ipinagbago ang eskwater na tinitirhan nila maliban sa mas dumami pa ang mga tao. Masikip na ang daan dahil sa mga tindahan sa gilid ng kalsada kaya hindi na pumasok ang tricycle na sinasakyan niya. Napilitan siyang lakarin ang kalye na patungo sa lugar nila.
Naisip niya agad si Pamela, pero uunahin muna niyang dalawin sa hospital ang kanyang ina. Magkalugar lang sila ni Pamela pero sa kabilang kalye ang bahay ng kanyang nobya.
Pinagtitinginan siya ng mga taong nadaanan niya na nag-uumpukan. Sabagay wala naman bago sa lugar nila, bukod sa mga manginginom at sugarol ay marami din mga miyembro ng marites gang, ang tawag niya sa mga tsismosang kapitbahay. Kumunot ang noo niya ng malapit na siya sa kanilang bahay.
Ang kanyang step-father ay nasa umpukan ng mga tomador sa gilid ng kalye. Hindi na rin bago ang ganoong tanawin sa lugar nila pero uminit ang ulo niya. Nasa hospital ang kanyang ina pero ang batugan niyang padrasto ay nakikipag-inuman lang.
“Hohoy! Ang seaman ng aming pamilya. Dumating na mga tropa,” malakas na sigaw ng padrasto ni Evan. Nakabuka pa ang dalawang kamay nito na animo ay yayakapin ang binata.
“Mano po, Tiyo Carding.” Nagbigay galang si Evan kahit nagngingitngit ang kalooban niya sa inis.
Agad na umakbay si Carding sa binata. “Evan, meron ka ba diyan? Nakakahiya naman sa mga tropa ko. Alam mo na?”
Nagtimpi ang binata na sagutin ng pabalang ang padrasto. Kinuha niya ang kanyang wallet at binigyan ito ng limang-daan. “Kumusta na po si Inay, Tiyo?” tanong niya.
“Nasa hospital,” wika ni Carding at sabay reklamo sa tinanggap nitong pera. “Gawin mo naman sanlibo. Mahal na ang alak ngayon.”
Nagtimpi pa rin si Evan. Dinagdagan ng limang-daan ang pera sa palad ni Carding. “Pupuntahan ko po si Inay ngayon.”
Subalit tumalikod lamang si Carding at walang reaksiyon sa sinabi ni Evan. “Mga tropa, may pambili pa tayo ng alak,” mayabang na wika nito sa kanyang mga kainuman.
Dumiretso na si Evan sa kanilang bahay. Naka-dagdag sa kanyang jetlag ang ginawa ng kanyang step-father. Ibinukas niya ang maliit na gate at pagkatapos ay binuksan ang main door. Walang tao sa bahay at mukhang hindi na nalilinis. Malamang nasa hospital sina Cholo at Isay at nagbabantay sa kanilang ina.
Ipinasok niya ang dalang bagahe sa kuwarto nila ni Cholo. Ang totoo ay pagod siya pero gusto niyang dalawin muna ang kanyang ina sa hospital bago siya magpahinga. Lumabas siya ng bahay at bumili ng pagkain sa katapat na karinderya.
“Hoy, Evan! Ikaw pala yan,” masayang bati ng tindera sa binata.
Ngumiti si Evan. Mas tumaba pa yata ang tindera, sa isip niya. “Opo, Aling Choleng.”
“Nasa hospital daw ang nanay mo,” wika pa nito.
“Oo nga po,” malungkot na sagot ng binata.
“Eh kasi naman, puro kunsumisyon na lang ang nakukuha ng nanay mo,” wika ni Choleng kasabay ng sulyap sa grupo ni Carding na nag-iinuman.
Malungkot na ngumiti ang binata pero hindi na siya nagkomento. Bumalik na siya sa bahay at tahimik na kumain. Pagkatapos niyang kumain ay naghilamos siya, nag-toothbrush at saka nagbihis. Lulubusin na lang niya ang pahinga sa gabi. Kailangan muna niyang puntahan ang kanyang ina.
Hindi na nagpakita si Evan sa kanyang padrasto. Sa kabila siya dumaan at para makita si Pamela kahit na saglit. Tinatanguan at nginingitian na lamang niya ang nakakasalubong na mga kakilala. Lumusot siya sa isang eskinita palabas sa isang kalye. Tumingala si Evan sa maliit na balkonahe at kumatok. “Tao po. Tao po.”
May lumabas na babae. “Sinong kailangan mo?”
Nagulat ang binata. Tiningnan pa niya uli ang bahay at baka nagkamali siya pero tama naman. “Si Pamela po.”
“Wala na sila rito,” sagot ng babae.
Nagulat si Evan sa sagot ng babae. “Ano po? Pero bahay po nila ito.”
“Ibinenta nila sa amin ito noong isang taon pa,” sagot uli ng babae.
“Eh, Ate. Saan na po sila lumipat?” Mas higit na naguluhan si Evan. Bakit hindi man lang nagsabi sa kanya si Pamela? At kahit ang nanay niya ay wala man lang binabanggit.
“Ay, hindi ko alam,” sagot ng babae kasabay ng isang kibit-balikat.
“Sige po. Salamat po,” wika ni Evan sa papatalikod na babae.
Habang naglalakad ay mapanglaw ang pakiramdam ni Evan. May sakit ang nanay niya at ngayon naman ay hindi niya alam kung nasaan si Pamela.
“Evan! Pards!”
Napalingon si Evan sa isang malakas na tawag mula sa tapat ng isang fast food restaurant. Tumatakbong palapit sa kanya ang isang kaibigan.
“Melchor. Kumusta ka na,” bati ng binata. Masaya siyang makita ang isang kababata at kaibigan sa kanilang lugar.
“Heto, food delivery rider ang racket ko. Buntis ang misis ko kaya kailangan mag-ipon ng pera para sa panganganak.”