AUGUST 21, 2003, Saturday
Birthday ko kahapon. Dahil nga birthday ko, tumawag ako sa Pinas bago ako mag out sa office. Binati ako ng happy birthday ni Dexter at ng dalawa kong anak na sina DJ at AJ. May text din akong nareceive galing kina Tita ko, mga pinsan ko at kay Tin. Miss ko na silang lahat. Nag check na din ako ng email ko para tignan yung mga greetings na sinend para sa akin. Sa office lang kasi may internet. Dito sa apartment eh wala. Ok na din yun atleast hindi ako napupuyat kakabrowse at sa pakikipagchat sa Yahoo Messenger.
Walang nakakaalam dito sa isla na birthday ko. Maski si Bestfriend John ay hindi alam na birthday ko kaya tanggap ko na sa sarili ko na lilipas na lang ito ng walang kaganapan at parang ordinaryong araw lang. Magsintimyento man ako ay balewala din dahil hindi ko din naman kasi sinabi sa mga kasamahan ko na birthday ko. Hindi din naman ako nagprepare ng kahit anong pagkain para icelebrate ang araw ng pagsilang ko dito sa mundo. Kahit nga Lucky Me pansit canton e hindi ako nagluto.
Paglabas ko ng 5pm ay naglakad lakad muna ako sa beach malapit sa apartment. Ako lang ang tao doon nung oras na yon kaya umupo ako sa dalampasigan at nagpalipas ng oras. Nag iisip isip habang tinitignan ang paglubog ng araw. Namiss ko lalo si Nanay, si Tatay at ang mga anak ko. Siguro kung buhay pa sina Nanay at Tatay, iba sana ang magiging takbo ng kwento ng buhay ko. Hindi sana ako andito ngayon sa abroad. Hindi rin sana si Dexter ang asawa ko. Hindi sana ako ang nagtataguyod sa pamilya ko. Pero ang hindi ko pinagsisihan ay ang pagkakaroon ko ng DJ at AJ. Nawala man ang mga magulang ko, I have my sons dahil sila ang ipinagpapasalamat ko na natanggap kong blessings sa pagsasama namin ni Dexter pati yung natuto akong tumayo sa sarili kong mga paa. Aminado ako na pampered at sheltered kasi ako nina Nanay at Tatay noong nabubuhay pa sila.
Hay ang daming sana sa isip ko. Ang daming sana na hinihiling ng puso ko. At may isa pang sana na ilang araw ng gumugulo sa isip ko at mas lalo sa puso ko. Yung sana dalaga pa din ako para pwedeng maging tama tong nararamdan kong pagmamahal para kay John. Hay puso. Bakit nga ba hindi mo napigilan yan? Bakit hindi mo naiwasang mahulog sa kanya? Hindi naman kasi mahirap mahalin si John. Kahit na kaibigan lang ang turing niya sa akin ay sa kanya ko naranasan ang may nag aalala para sa akin. Yung may mga gumagawa para sa akin kahit na simple things lang na mas nakapagpapasaya sa akin. Yung ngiti niya sa tuwing kasama ko siya at kakwentuhan. It makes me believe na masaya siya pag kasama niya ako. Iba din ang ngiti ko pag kasama ko siya. Does he love me too? Hay, am I just ovérreacting or just misinterpreting yung kabaitan niya sa akin? Naku puso, wag kang asyumera. Masasaktan ka lang. Masasaktan lang kayo pareho ni John.
6:30 na ng mapagpasyahan kong umuwi na ng apartment. Tahimik pa dahil ako pa lang naman ang tao doon kaya umakyat na lang ako sa unit ko. Naupo ako sa sofa at wala sa loob na nanood ng TV. Balak kong hindi na magdinner at magtulog tulugan na bago pa mag 7:30pm para hindi na ako katukin ni John paguwi niya sa unit niya pag nakita niyang naka-OFF na ang ilaw sa unit ko. Magdadahilan na lang ako kinabukasan kung sakaling tanungin niya ako kung bakit maaga akong natulog.
Nagulat pa ako ng saktong 7pm ay may kumatok sa pinto ng unit ko. Kasalukuyang patayo na ako upang i-OFF ang TV para maglinis na ng sarili ko at magtulog-tulugan na after. Nang buksan ko ang pinto ay si Kuya Rudy pala.
"Ay Kuya, bakit po?" Tanong ko kay Kuya Rudy
"Cel, pinatatawag ka nina Sir at Ma'am sa store. Pakibilisan mo daw dahil aalis yata sila." Ani ni Kuya Rudy na nakangiti sa akin.
"Sige po, Kuya, i-OFF ko lang po yung TV." Tugon ko kay Kuya Rudy na nakatayo sa labas ng unit ko.
"Sumunod ka na agad, Cel. Sa backdoor ka dumaan. Sarado na kasi yung store sa harap." Bilin sa akin ni Kuya Rudy.
"Sige po, Kuya. Susunod po ako agad." Agad agad umalis si Kuya Rudy pagkatapos marinig ang sagot ko.
Agad kong ini-OFF ang TV. Kinuha ko ang susi ng unit ko na nasa center table sa sala saka ko ito ibinulsa sa side pocket ng pantalon ko. Ang cellphone ko naman ay isinuksok ko sa likod na bulsa. Buti na lang pala hindi pa ako nagpapalit ng pantulog ko. Suot ko pa din ang pinangpasok ko kanina sa office dahil sa tinatamad nga akong kumilos pa. Ni luto nga ng dinner ay hindi ko ginawa dahil nga balak kong itulog na lang ang lungkot na nararamdaman ko ng hindi kumakain.
Pagbaba ko sa 1st floor ng apartment namin ay madilim pa ang harapan ng unit nina Ate. Wala pang naka-ON na ilaw sa mga unit nina Ate Amy at Ate Susan. Nakakapagtaka naman. Dati rati ganitong oras may nakasinding ilaw na kina Ate Susan dahil nauunang umuwi si Kuya Nilo na asawa ni Ate Susan. Saka nasaan si Kuya Rudy? Galing na siya dito, hindi pa siya nagsindi ng ilaw. Hay naku, Aicel, wag ka na mag urirat. Baka mainip sina Sir at Ma'am, paalala ng isip ko.
Patakbo akong tumawid ng kalsada para magtungo sa store. Nang dumating ako sa likod ng store ay sobrang dilim. Wala akong maaninag. Potek baka matalisod ako nito. Pero kabisado ko naman ang dadaanan ko kaya alam ko na may tatlong baitang na hagdan papunta sa back door na kailangan kong daanan. Pababa na ako sa konkretong hagdan ng biglang magsindi ang mga ilaw. Agad nagliwanag ang paligid at may mga kumanta ng "Happy Birthday."
Dahil sa nanibago ang mata ko sa liwanag ay kumurap kurap pa ako para aninagin kung sino ang mga kumakanta. Ang mga kasamahan ko na sina Ate Susan, Ate Amy, Kuya Rudy at Kuya Nilo, sina Sir James at Ma'am Rachel ay nakatayo ilang dipa ang layo sa harap ko samantalang si John ay nasa gitna nila na may hawak na cake na may nakasulat na "Happy Birthday, Aicel" habang kumakanta. Naramdaman ko ang pagpatak ng mga luha ko dahil sa surprise nila. Para akong baliw na umiiyak na nakangiti habang nakatingin sa mga taong andoon. Nang matapos ang pagkanta nila ay sabay sabay silang nagsalita. "Happy Birthday, Cel." Naunang lumapit sa akin si Bestfriend John. Hawak pa din niya ang cake. "Happy birthday, Ice." Bulong niya sa akin na nakangiti. "Make a wish muna then blow your candle na." Dagdag pa niya sa mas malakas na boses na narinig ng lahat. Pumikit muna ako at nagwish then saka ko hinipan ang kandila na nasa ibabaw ng cake. Ano nga ba winish ko? Isa sa mga sana na nasa puso ko. Nagpalakpakan silang lahat. "Thank you everyone." Ani ko sa kanila na naluluha pa din na nakangiti sa kanilang lahat.
Nilapitan ako nina Ate Susan saka niyakap ako. "All the while, you thought we didn't know it's your birthday." Saad ni Ate Amy. Nag-English siya dahil andoon sina Ma'am at Sir. Ganoon kasi kami. Pag kasama namin sina Sir at Ma'am as much as possible nag-English kami.
Tumango ako.
"I have a record of everyone's birthday so that we can celebrate even in a simple way. I and Sir know how hard it is for you guys to be away from your family. Having a simple celebration of your birthdays and other occasions is the least that we could do for you guys while you are here on the island working for us." Ani ni Ma'am Rachel.
"We all agreed not to tell you about it to surprise you, Cel." Saad naman ni Sir James.
"I am speechless. I really didn't expect this. I am really overwhelmed and thankful not just for this surprise celebration but also for the chance to be working for you Sir and Ma'am and to be working with all of you. Thank you so much." Naiiyak na naman ako.
"Ay, Cel. Enough with the crying. Let's eat. We are all starving." Anyaya ni Ma'am.
"And we will all be drinking. No one is exempted." Dagdag pa ni Sir at itinaas pa ang hawak niyang beer in can.
Naging masaya ang gabi. Masasarap ang mga pagkain na inihanda nina Ma'am at Sir para sa aming salo-salo na inorder nila sa isang restaurant malapit sa grocery. Habang kumakain kami ay agad kaming binigyan ng tig-iisang beer in can ni Sir. Marami pa daw sa cooler kaya wag daw kaming mahihiyang kumuha doon kung gusto pa naming uminom ng beer. May softdrinks at bottled water din daw dun.
Magkakaharap kami sa dalawang picnic table na pinagdugtong. Magkatabi sina Ate Susan, Kuya Nilo, Ate Amy at Kuya Rudy sa kabilang side. Si Sir at Ma'am, ako at si Bestfriend John naman ang nakaupo sa kabilang side. Kahit magkatabi kami ni Best ay hindi din kami masyadong nakapag usap dahil na din sa mga kaharap namin. Pero inaalok pa din niya ako ng mga pagkain na nasa harap namin at kung gusto ko daw ba ng tubig or drinks. Very maasikaso sa akin ang Bestfriend John ko. Madalas ko din siyang nahuhuli na nakatingin sa akin na parang may gusto siyang sabihin sa akin.
Sinabihan ako ni Ma'am na i-slice ko na ang birthday cake ko at bigyan ang mga kasamahan ko. I did what Ma'am told me to do. Binigyan ko silang lahat ng tig-isang slice muna then sinabihan ko sila na if gusto pa nila e pwede naman silang kumuha ulit. Sinadya kong huling abutan ng cake si John coz a naughty thought came into my mind. Nang ibibigay ko na kay John ang slice ng cake na para sa kaniya ay bigla ko siyang pinahiran ng icing sa pisngi niya saka ako tumatawang lumayo sa kanya. Nagulat man siya ay agad din siyang kumuha ng icing sa cake na binigay ko sa kanya at hinabol ako para pahiran din ako ng icing. Nagtatakbo ako para hindi niya ako mapahiran. Para kaming mga batang naghahabulan habang tuwang tuwa kaming pinanonood ng mga kasamahan namin. Nang masukol niya ako ay agad niya akong hinawakan sa kamay ko at ipinunas sa pisngi ko ang icing saka niya ako pinagmasdan.
"Ang ganda mo pa din, Ice, kahit may icing ka sa pisngi." Natatawa niyang sabi sa akin habang nakahawak pa din siya sa wrist ko.
Naramdaman kong namula ang pisngi ko na sana hindi niya nakita. "Ewan ko sayo. Kung ano na naman yang sinasabi mo." Iyon na lang ang nasabi ko kay John dahil feel ko pa din ang pamumula ng pisngi ko.
"Tara na, Ice. Upo na ulit tayo. Napagod ako sa paghabol sayo." Aya niya sa akin na tinugunan ko sa pamamagitan ng pagtango. Naglakad kami pabalik sa picnic table habang nakahawak pa din siya sa wrist ko. Nang makaupo kami ay agad niyang inabot ang paper towel. Kukuha din sana ako ng paper towel pero sinaway agad ako ni John. "Ako muna." Sabi niya. Pinunasan muna nya yung icing na nasa kamay at pisngi niya. "Wala na?" Tanong niya sa akin.
"Malinis na po." Pagsangayon ko naman sa kanya.
"Gwapo na ulit?" Nakangising tanong niya.
"Opo." Nakataas man ang isang kilay ko pero masaya ko pa din na sagot sa kaniya. "Penge na ako ng paper towel." Ani ko pa sa kanya sabay taas ng kamay ko para ipakita ang bakas ng icing na nasa mga daliri ko.
Kumuha siya ng paper towel. Akala ko iaabot niya sa akin. Nagulat ako ng punasan niya ang icing na nasa pisngi ko. Pagkatapos ay hinawakan niya ulit ang wrist ko at pinunasan ang icing na nasa daliri ko.
"Ayan malinis ka na. Huwag ka na ulit magdudumi." Ani niya sa akin na nakangiti.
"Salamat po." Tugon ko naman na nakangiti din sa kanya. Nakahawak pa din siya sa wrist ko.
"How sweet." Narinig kong biro sa amin ni Ate Amy na pareho naming ikinagulat at parang ikinabalik namin sa realidad ni John. Agad napabitaw si John sa pagkakahawak sa akin.
Potek. Anyare nga ba? Parang nawala kami sa mga sarili namin pareho doon ni John. Pakiramdam ko parang naging kami lang dalawa kanina nung bumalik kami sa harapan sa picnic table at habang pinupunasan niya ang icing sa pisngi ko pati na ang kamay ko. Parang nawala ang ibang mga tao sa paligid namin kanina. Pareho kaya kami ng naramdaman ni John?
Napayuko na lang ako. Nakita ko namang umiwas ng tingin si John kay Ate Amy. Buti na lang din hindi napansin nina Ate Susan yung kantyaw sa amin ni Ate Amy. Kung nagkataon, naku, asar talo kami ni John.