CHAPTER 2

2549 Words
Kanina pa nakaalis si Ice pero hindi pa din ako nakakarecover sa pagkabigla sa nalamang sakit ng kaibigan ko. Oh, God, kayo na po ang bahala kay Ice. Hindi po niya deserve ito. Mayamaya ay kinuha ko ang paper box na iniwan ni Ice. Binuksan ko ito para tignan ang laman nito. May notebook, USB flash drive, litrato ni Ice kasama ang isang lalakeng hindi ko kilala na may nakasulat sa likod ng picture na John and I, 08.21.2003. May isa ding sobre na may lamang ATM na nakapangalan kay Ice saka maliit na papel na may nakasulat na cellphone number, address sa Benguet at pangalan na JOHN MAR LAURO. Hindi naman international number ang nakasulat. Pang Pinas na number. Sino si John Mar? Wala naman akong natatandaan na naikwento si Ice sa akin na may kakilala siyang ganoon ang pangalan. Dahil naiintriga ako ay kinuha ko agad ang cellphone ko. Sinubukan kong tawagan ang cellphone number na nakasulat. Ilang saglit pa ay nag ring ito. Ni-loud speaker ko ang cellphone ko. Nang makatatlong ring ay may sumagot. "Hello." Ani ng lalake sa kabilang linya. "Ah eh." Medyo nataranta ako. Ilang sandali akong hindi nakapagsalita. "Hello." Ani ulit ng lalake. Bumuntong hininga muna ako bago sumagot. "Ah hello, is this John Mar?" Tanong ko sa kausap ko. "Yes, I am John Mar. Who is this?" Tanong ng lalake. Agad kong pinindot ang end call ng cellphone ko. Hindi ko kasi alam kung ano ang sasabihin ko sa lalakeng yon dahil hindi ko naman alam kung ano ang koneksyon nila ni Ice sa isa't isa. Hindi pa. Hay sino ka ba John Mar sa buhay ng kaibigan ko? Bakit may picture kayo na magkasama ni Ice? Napatingin ako sa notebook na nasa kahon. Mukhang doon ko matutuklasan ang mga sagot sa mga tanong ko. Agad kong kinuha ang notebook saka umupo sa kama ko at sinimulang basahin ang journal ni Ice. June 1, 2003, Tuesday Andito na ako sa isa sa mga islang nasasakupan ng Papua New Guinea. 8am nang sinundo ako ng amo ko at ng asawa niya sa airport. Both are Americans. Pareho ding medyo madaldal at hopefully yung kabaitang ipinakita nila kanina sa akin ay yun na ang tunay nilang ugali. Dumiretso muna kami sa grocery store nila na pagtratrabahuhan ko bilang bookkeeper at substitute cashier. Katabi ng grocery store ang bahay nina Ma'am Rachel at Sir James. Ipinakilala nila ako sa mga magiging kasamahan ko na mga Pilipino din. May 2 babae na cashier. Sina Ate Susan at Ate Amy. 2 lalakeng stock clerk. Sina John Mar at Kuya Rudy. Mag-asawa sina Ate Amy at Kuya Rudy. Ang asawa naman ni Ate Susan na si Kuya Nilo ay sa kapatid naman ni Mam Rachel nagtratrabaho na may car repair shop. Si John Mar naman ay binata pa daw sabi ni Ate Susan kanina. May mga locals din kaming katrabaho pero part-timer lang. Pumapasok lang sila pag may nakarestday na cashier at stock clerk. After sa grocery ay pinasamahan ako ng mga amo ko kina Ate Susan at John Mar sa katapat na apartment ng grocery na pagmamay ari ng mga amo namin. Ito ang magiging tirahan ko habang andito ako sa isla. 2 storey apartment ito na may tig-2 unit kada floor. Kina Ate Susan at Ate Amy ang tig 1 unit sa 1st floor. Ako naman at si John Mar ang magiging magkatabing unit sa 2nd floor. Nang mabuksan na ni Ate Susan ang unit ko ay nagpaalam na siya para bumalik sa grocery dahil nakaduty pa siya. "Aicel, babalik na ako sa grocery. Si John Mar na ang bahalang mag akyat dito ng mga gamit mo. Pag nainip ka dito, pwede kang pumunta sa grocery para tumambay ka muna doon. Allowed naman tayo. O kaya pumunta ka sa common area natin sa ibaba kaso mamayang 7pm pa ang out namin sa store. Aalis na ako." Ani ni Ate Susan sabay abot sa akin ng susi ng unit ko. "Sige po, Ate Susan. Maraming salamat po." Tugon ko naman sa kanya. Nang makalabas si Ate Susan ay si John Mar naman mayamaya ang pumasok sa unit ko dala ang natitirang bagahe ko na nasa kotse nina Sir. Naiakyat na niya sa may pinto kanina yung isang bagahe ko. "Aicel, saan ko ilalagay yung mga to?" Tanong niya sa akin. Nakangiti siya kaya kita ang dimple niya sa magkabilang pisngi. Moreno siya at medyo kahawig niya si Piolo Pascual. Pareho silang may nunal sa sintido pero syempre mas gwapo at yummier pa din si Papa P. Yummier talaga, tanong ng utak ko. Ibig sabihin yummy si John Mar? Sort of, sagot din ng utak ko. Haist. Magtigil at mali. Malaswa, Aicel. Panenermon ko sa sarili ko. "Maski diyan na lang, John Mar. Ako na bahalang magpasok sa kwarto. Nakakahiya sayo medyo mabigat din yang mga dala ko." Tugon ko sa kaniya. "Hindi, Aicel. Ok lang. Idiretso ko na sa kwarto mo para di ka na mahirapan." Giit ni John Mar. "Sigurado ka?" Nahihiyang tanong ko. "Oo naman. Pakibuksan mo na lang yung pinto." Nakangiti niyang tugon. "Ay sige. Teka buksan ko lang." Agad kong binuksan ang pinto ng kwarto ko at hinawakan para hindi ito sumara habang pinapasok ni John Mar ang mga gamit ko. "Maraming salamat, John Mar." Ani ko sa kanya ng maipasok na niya ang huling bag ko. "Sus, wala yon. Sino pa ba magtutulungan kundi tayo tayo lang din. Sige, Aicel, alis na ako ng makapagpahinga ka na din. Bukas yata e umpisa na ng pasok mo sa grocery." Tugon ni John Mar habang naglalakad siya papunta sa pinto ng unit ko. "Ah, oo nga daw sabi sa akin kanina nina Sir." Sagot ko naman habang nakasunod ako sa kaniya. "Kunsabagay, sa office ka naman magstay. Hindi masyadong mabigat ang work doon. Pero madalas kasama mo sina Sir at Ma'am doon." Huminto muna siya nang malapit na siya sa pintuan. "Ok lang. Ang mahalaga may trabaho ako." Sagot ko kay John Mar. "Kunsabagay, kaya naman talaga tayo andito dahil sa trabaho saka mababait naman ang mga amo natin kaya hindi ka masyadong mahihirapang magadjust dito." Ani ni John Mar. "O, sige, Aicel. Babalik na ako sa grocery." Pagpapaalam niya. "Maraming salamat ha. Sa uulitin." Nakangiti kong saad kay John Mar. Nginitian pa niya ako bago siya tuluyang lumabas ng pinto. Pagkalabas ni John Mar ay agad kong sinara ang pinto at nilock ito. Nilibot ko muna ang loob ng unit. Inuna ko ang kwarto. May double size bed na may bedsheet na saka may kumot at 2 unan. May cabinet, study table, aircon at electric fan din. Sa labas naman ng kwarto ay katabi nito ang CR. May mini sala na may isang sofa at maliit na tv. May dining table at 4 na upuan. Sa ibabaw ng table ay may ibat ibang canned goods at 10 kilos na bigas. Nabanggit ni Ate Susan kanina na ganoon daw talaga pag bagong dating ka. Nagproprovide muna ng food supplies sina Sir. Pag naubos, on our own na. Kumpleto naman ang mga gamit sa kusina at may maliit na ref na may lamang gulay, chicken at pork packs. Sa tabi nito ang lutuan at lababo. May pinto na papunta sa likod na laundry area slashed terrace. May washing machine na nasa gitna ng unit namin ni John Mar nakalagay. At mula sa kinatatayuan ko, tanaw ang white sand beach. Wow, relaxing. Anytime na gustuhin kong mag swimming at maglakad lakad sa beach, pwede. Pagkatapos kong maiayos ang mga gamit ko at makakain ay napagpasyahan kong matulog na muna. Hindi naman kasi ako nakatulog sa flight kanina dahil nga first time kong sumakay sa eroplano kaya magkahalong kaba at excitement ang naramdaman ko kaya ayun hindi ako nakatulog. Pasado 5pm na ako nagising. Naligo agad ako at nagluto ng hapunan ko. Matapos kong maghapunan ay naisipan kong tumambay muna sa harap ng unit ko. Tumayo ako habang nakapatong ang dalawang braso ko sa concrete railing ng hallway. 8pm na. Natanaw kong sarado na ang grocery. 7pm kasi ay nagcloclose na ito. Mayamaya ay lumabas si John Mar sa unit niya. "Hi, Aicel." Halatang nahihiya pa na bati sa akin ni John Mar. "Pwede bang makipagkwentuhan sayo?" Nakangiti niyang tanong sa akin. "Hi, John Mar. Oo naman pwede." Tugon ko kay John Mar. Tumayo naman siya habang nakasandal sa concrete railing malapit sa kinatatayuan ko. "Nakapagpahinga ka ba kanina?" Bungad nyang tanong sa akin. "Oo. Pasado alas singko na nga ako nagising nung matulog ako ng 11am kanina." Ani ko. "Ilang taon ka na, Aicel?" Nakatingin siya sa akin. "Mag 26 ako this year. Ikaw?" "Magka-edad pala tayo. Nag 26 ako nung January." "Single ka pa?" Ewan ko ba kung bakit iyon agad ang naitanong ko kay John Mar. "Oo." Ani ni John Mar. "Eh GF?" Tanong ko ulit sa kanya. "Wala." Casual na tugon niya. Mukhang hindi na siya nahihiya na kausap ako. "Weh, maniwala ako sayo, John Mar. Ako nga 2 na ang anak ko sa edad na 26. Ikaw naman walang lovelife e gwapo ka naman ah." s**t. Huli na ng maisip ko na bat ko ba sinabi pa yun, sa loob loob ko. Feeling close lang, Aicel, ani ng utak ko. Pero parang balewala naman kay John Mar. Oh well, sabi nga ni Tin, madali daw para sa akin ang makipag usap kahit na sa hindi ko kilala. Wala daw akong kyeme, sabi nga niya, basta daw wala akong topak. Kahit daw sa lalake or tambay sa kanto e hindi ako hirap makipagclose agad. Madali naman kasi akong makibagay kahit kanino basta mabait sa akin. "Walang magkamali sa akin." Nakangising sagot sa akin ni John Mar. "Baka naman masyadong mataas ang standards mo sa babae." Tugon ko sa kanya. Naglakad ako papunta sa may pinto ng unit ko at sumalampak sa sahig ng hallway. Naka-tokong naman ako kaya hindi ako asiwa na umupo. "Hindi naman. Hindi pa lang siguro panahon na magkaroon ako ng GF. Saka karamihan ng mga Pinay dito sa isla, puro taken na. Ayoko naman ng foreigner. Iba pa din magmahal at magalaga ang Pinay." Tugon ni John Mar habang sumasalampak na din sa sahig sa tapat ng inuupuan ko. "Dito sa isla, walang kang GF pero sa Pinas, tiyak akong meron." Giit ko. "Wala din, Aicel." "Talaga lang. Hindi naman yata kapanipaniwala yon." Nakakunot ang noo kong saad. "Wala nga." Giit niya. "OK sabi mo eh." Pagsangayon ko. "Baka may mairereto ka sa akin?" Pabirong saad ni John Mar. "Sige hanapan kita." Nakangiti kong tugon kay John Mar. "Asahan ko yan." Natatawa pang tugon sa akin ni John Mar. "Oo, hahanapan kita. Matagal ka na kina Sir?" Saad ko. "Mag 2 years pa lang ako dito sa isla at kina Sir." Tugon naman niya. "Ah. First job mo dito?" "Hindi. Naging nursing assistant ako ng dalawang taon sa isang hospital sa Pilipinas pagkagraduate ko ng college." "Nursing grad ka pala e bakit ka nagstock clerk dito sa isla?" Nagtataka kong tanong sa kanya. "Gusto ko kasing magabroad. Ito ang may hiring kaya nag apply na ako. Maganda naman ang sahod. Saka hindi naman ako nagtake ng Nursing board exam dahil hindi ko naman talaga choice na mag-nursing. Sina Papa lang ang may gusto na yun ang kunin ko. Ikaw?" "Accounting grad ako pero hindi na din ako nakapagtake ng CPA board exam. Need ko na kasi magwork agad dahil namatay si Nanay ko na nagpapaaral sa akin. Ulilang lubos na ako kaya kailangan ko ng magtrabaho para sa sarili ko." "Mga kapatid mo?" Ani ni John Mar. "Wala. Only child lang ako." Ani ko. "Taga saan ka nga pala sa Pinas, John Mar?" "John na lang itawag mo sa akin. Yun naman ang tawag nila sa akin dito. Nahahabaan sila sa John Mar. Taga Tublay, Benguet ako. One hour away pa from Baguio. Ikaw? Saka wala ka bang nickname. Tiyak tatanungin ka nina Sir dahil mahahabaan sila ni Ma'am sa Aicel. Usually, preferred nila yung 1 syllable name lang." "Taga Bulacan ako, sa Malolos. Yung nickname ko depende sa pagkakakilala namin ng tao." Tugon ko. "Paanong depende sa pagkakakilala nyo ng tao?" Nakakunot ang noo ni John Mar na tanong sa akin. "Kung hindi pa ako gaanong kilala ng isang tao, Cel agad ang itinatawag nila sa akin. Pero eventually kapag nakaclose ko na, Ice na ang nagiging tawag nila sa akin. Yun ang nickname kong itinatawag sa akin ng pamilya ko at mga close friends ko." Pagpapaliwanag ko. "Ice as in malamig na yelo?" Tanong niya habang diretsong nakatingin sa akin. "Yup. Ice as in yelo and Ice as in ice cream. " Nakangiti kong saad. "Naku, baka lamigin ako pag kasama kita." Biro niya. "Depende." Ani ko. "Paanong depende na naman?" Napakunot na naman ang noong tanong sa akin ni John Mar. "Depende kung paano mo ako pakikitunguhan. If you will treat me badly, I will tend to be cold as ice and distant. Pero kung mabait ka at totoo ang ipapakita mo sa akin saka makakasundo kita, doble pa ang kabaitan na ipapakita ko sayo. Katulad ng ice cream na napapagaan ang pakiramdam natin pag kumakain tayo nito. I could be a friend who would brighten your gloomy day. Ganun kasimple." Medyo mahaba kong tugon sa kanya habang nakatingin ako sa kulay itim na kalangitang may mangilan ngilan na bituin na nasa harap ko. Yun na kasi ang nakasanayan kong isagot pag may nagtatanong sa akin kung ano ang nickname ko. "Ah ok. Kunsabagay lahat naman tayo nakadepende sa magiging treatment sa atin ng ibang tao ang magiging connection at ugali natin sa kanila." Pagsang ayon ni John Mar sa akin. "Dapat pala makasundo kita at maging mabait ako sayo para hindi ako lamigin." "Mukha namang mabait ka. We'll see kung magkakasundo tayo. Saka kung magiging Ice ba ang itatawag mo sa akin o hanggang Cel ka lang." Nakangiti kong tugon sa kanya habang nakatingin sa kanya. "Ice na ang itatawag ko sayo. Hindi na ako dadaan sa Cel. Dahil tinitiyak ko sayo ngayon pa lang na magkakasundo tayo saka hindi ka magiging cold at distant sa akin." Confident na tugon sa akin ni John Mar. Nakangiti siya sa akin. "Ok sabi mo eh." Iyon na lang ang nasabi ko sa lalaking kaharap ko dahil sa ngiti niyang kakaiba at sa mga mata niyang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero may iba akong naramdaman. Kaya kahit hindi pa man ako inaantok ay nagpaalam na ako sa kanya. "O, paano, dyan ka na muna. Inaantok na ako. Nice talking to you, John Mar." Pagpapaalam ko sa kanya at tumayo na sa kinauupuan ko. "Ice, just call me John. Ok? Thank you dahil nakipagkwentuhan ka sa akin. See you bukas." Tumayo na din siya. "Good night, John." Ani ko kay John Mar. "Sweet dreams, Ice." Tugon naman niya sa akin habang nakangiti pa din. Nakatayo pa din siya sa tapat ng unit ko. Andun pa din siya sa kinatatayuan niya ng makapasok ako sa unit ko. Ramdam ko na nakatingin pa din siya sa akin at nang isasara ko na ang pinto ko ay saka lang siya naglakad papunta sa unit niya. Napasandal pa ako sandali sa pinto ng unit ko. Tignan nga natin kung makakasundo kita John Mar, bulong ko sa sarili ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD