Chapter 2

1479 Words
Point of View   - Emma Blair –   Lumipas ang ilang linggo, muling naayos ang aming pamumuhay. Ang nangyari sa akin no’ng mga nakalipas na araw ay sad’ya kong kinalimutan. Maraming beses na ring nagtanong si Lance at sila nanay kung saan ko nakuha ang perang pinang-opera, ang sabi ko lang, galing sa iba pa naming kamag-anak.   Nais ko sanang ibaon sa limot ang bagay na iyon, dahil ang mahalaga. Ligtas na ang aking ama. Akala ko ang mga lihim na aking tinatago ay hindi na matutuklasan, ngunit nagkamali ako.   Habang ako ay naglalakad patungo sa gusaling pinagtatrabahuhan ni Lance, bigla na lang nanlabo ang aking paningin, isang hakbang pa sana ang aking gagawin ngunit nawalan na ako ng malay.   ***   Isang puting kisame ang aking Nakita nang imulat ko ang aking mga mata. Marahan kong itinayo ang sarili at saka napagtanto na nasa loob ako ng isang ospital.   "Anong ginagawa ko rito?" sambit ko.   "Mabuti naman, gising ka na." Isang tinig ang aking narinig, dahilan upang mailingon ko ang aking ulo sa pinanggalingan nito.   "S-Sino ka?" saad ko sa isang lalaki na nakaupo hindi kalayuan sa aking hinihigaan. Nakita ko ang kaniyang pagtayo at paglapit sa akin.   "Sabihin mo, sa akin ba ang batang dinadala mo?"   "Bata? Anong ba-" Nanlaki ang aking mata nang mapagtanto ko na ilang linggo na rin akong hindi dinadatnan. Akala ko ay normal lamang iyon dahil sa sakit ko, ngunit ang sintomas na ipinapakita ng aking katawan nitong mga nakaraang araw ay tila nagpapatunay sa sinasabi ng lalaking ito.   "Buntis ako?" tanong ko sa kaniya.   "Oo, buntis ka. Ako ba ang ama?" Tinitigan ko ang kaniyang hitsura. Naitakip ko ang aking kamay sa aking labi nang maisip ko na hawig niya ang lalaking nakasama ko no'ng gabing iyon.   Mabilis na dumaloy ang luha sa aking pisngi, pagsisisi, pandidiri at pagkasuklam ang naramdaman ko sa aking sarili.   Paano? Paano ko haharapin ang aking asawa? Paano ko sasabihin ang lihim na pilit kong itinago sa kaniya?   Nanginginig ang aking katawan, ngunit kahit gano'n pinilit kong itayo ang aking binti at mabilis na ihakbang patungo sa kinaroroonan ng lalaking kausap ko. Lumuhod ako sa kanyang harapan at hinawakan ang mga binti niya, sabay sa sunod-sunod ang pagdaloy ng aking luha.   "Pakiusap, ilihim na lang natin ang bagay na 'to, hindi ko kaya. Hindi ko kayang kamuhian ako ng aking asawa," sunod-sunod kong saad sa kaniya.   Nababakas ang gulat sa mukha ng binata na nasa aking harapan, ngunit panandalian lamang ito.   Kumunot ang kanyang noo, saka hinawakan ang aking braso at marahang iniangat ang aking katawan upang ako ay makatayo.   "Kung gano'n, sa akin nga ang batang 'yan," saad niya na ikinalaki ng aking mga mata.   Binitiwan niya ang aking balikat saka marahang tumalikod at lumakad palayo sa aking kinaroroonan. Naiwan akong mag-isa rito sa loob ng silid, habang halo-halong katanungan ang tumatakbo sa aking isipan. Dumating na, dumating na ang araw na kinatatakutan ko.   ***   Pinilit kong palakasin ang aking sarili at umuwi sa bahay. Hindi ko na rin namalayan kung anong oras ako nakauwi, dahil pagdating ko sa aming bahay, nando'n na si Lance.   "Mahal, sa'n ka galing? Halika, naghanda na ako ng hapunan," saad niya habang inaayos ang hapagkainan.   Nanginginig ang aking mata na tila nais lumuha. Marahan akong naglakad palapit sa kaniya, saka niyakap siya mula sa likuran.   "Mahal na mahal kita, Lance," saad ko sa aking asawa.   Naramdaman ko ang paghawak niya sa aking kamay at ang dahan-dahan niyang pagharap sa akin.   "May problema ba, Mahal?" aniya.   Umiling ako bilang tugon at saka ngumiti.   "Wala, Mahal. kumain na tayo."   Kinaumagahan, iminulat ko ang aking mga mata ngunit naramdaman ko nanaman ang pagkahilo. Tumingin ako sa ‘lapit ko, ngunit wala ang aking asawa. Bahagya akong umupo at nakita ko ang pagbukas ng pinto ng aming silid.   "Mahal, gusto tayong makausap ng CEO ng aming kompanya."   Mukhang masaya ang kaniyang mukha sa pagbigkas ng bagay na iyon.   "Bakit daw, Mahal?"   "Hindi ko rin alam, pero sana promotion ito." Napangiti ako sa kaniyang sinabi at masaya ako para sa kaniya.   "Ngayon pa lang, binabati na kita," saad ko.   "Ngunit ang ipinagtataka ko, bakit kailangan kasama pa kita?"   Bigla akong kinutuban sa kaniyang sinabi, nabalot ng kaba ang aking puso.   "P-Puwede bang, hindi ako kasama?"   Umiling siya sa akin bago tumugon.   "Ayos na rin na kasama kita, Emma," saad niya habang nakangiti.   Ayoko sanang sumama sa kaniya, ngunit ayokong masira ang maganda niyang umaga. Nag-ayos na kami at mabilis na nagtungo sa kanilang opisina.   ***   Nabalot ng matinding takot at kaba ang aking puso. Nais na namang lumuha ng aking mga mata habang tinitingnan ko ang lalaki na nasa aming harapan. Nakaupo siya sa swivel chair habang naka-cross ang kaniyang mga binti. Malalim ang tingin niya sa amin. Ngayon ko lang napagtanto, ang lalaking ito ay si Joseph Lee, isang mayamang negosiyante na nagmamay-ari ng Lee Global Corporation at ang pamilya nila ay may iba’t ibang ari-arian.   "Sinabi na ba sa'yo ng iyong asawa ang nangyari sa aming dalawa?"   Halos lumabas sa ribcage ang aking puso nang magsalita si Joseph.   "Ano po ang ibig n'yong sabihin, Sir?" saad ng aking asawa.   Mabilis kong hinawakan ang kamay ni Lance.   "M-Mahal, uma-."   Naputol ang aking sasabihin nang muling magsalita si Joseph.   "Dinadala ng iyong asawa ang aking anak."   Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang mga sinabi ni Joseph. Mabilis akong tumingin sa kanya.   "Ano po? H-Hindi ko maintindihan," tugon ni Lance.   Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ni Joseph at nagsimulang ipaliwanag ang lahat ng nangyari. Tila napako ako sa aking kinatatayuan at nabuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan dahil sa halohalong emosyon. Ang lahat ng sinasabi ni Joseph ay hindi pumapasok sa aking isipan, hanggang sa magsimulang dumaloy ang luha sa aking mga mata. Lumuhod ako sa aking asawa at walang alinlangang nakiusap sa kanya.   "Patawarin mo 'ko, Lance. Ginawa ko lang ang bagay na 'yon, dahil wala na akong maisip na ibang paraan," sunod-sunod kong paliwanag sa kanya, ngunit tulala lamang ang aking asawa.   Tila nakatitig lamang siya sa kawalan at parang wala ito sa sarili.   "Emma, tuparin mo ang ating napagkasunduan."   Napalingon ako sa kinaroroonan ni Joseph nang siya ay magsalita." Lance, kung iyong mamarapatin. Nais kong kunin ang pangangalaga sa iyong asawa at sa batang dinadala niya," dugtong niya sa mga sinabi.   Dahil hindi umimik ang aking asawa at tila wala na rin siya sa sarili, ako ang tumugon sa kagustuhan ni Joseph.   "Ibibigay ko sa'yo ang bata, pero hindi ako sasama sa'yo!" saad ko.   Kumunot ang noo ni Joseph dahil sa aking sinabi at malalim na bumuntong hininga.   "Sige, kung iyan ang gusto niyo." Iyon lamang ang kaniyang sinabi.   Iniabot niya ang kaniyang calling card sa akin at hindi ko alam kung para saan ang bagay na iyon.   ***   Maraming araw ang lumipas, ang mainit na pagmamahal sa pagitan namin mag-asawa ay tila nanlamig, halos hindi na niya ako kinakausap. Gabing-gabi na siya kung umuwi at hindi na rin siya rito kumakain ng umagahan.   "Lance, kausapin mo naman ako," saad ko sa kaniya nang siya ay umuwi rito sa aming bahay.   Isinabit niya ang kaniyang coat sa likod ng pintuan at tahimik na lumakad palayo sa akin.   "Lance, sandali!"   Mabilis akong lumapit sa kaniya at hinawakan ang kanyang braso. Nais ko lang naman ang makausap siya at hayaan akong magpaliwanag ngunit. Marahas niyang iniangat ang kanyang kamay dahilan upang matamaan ang aking mukha at bumagsak ang aking katawan sa sahig.   Nagulat ako habang nakatingin sa kanya, nababakas sa mukha nito ang gulat sa kaniyang nagawa, ngunit hindi rin nagtagal ang bagay na iyon. Tumalikod siya sa akin at nagsimulang maglakad, habang ako naman ay naiwang nakaupo sa sahig at nakahawak sa aking pisngi. Ang mabigat na bagay sa aking puso ay hindi ko na mapigilan, sunod-sunod ang luha na lumagaslas sa aking mga mata. Napakasakit, napakasakit na makita ang lalaking minahal mo at pinangakuan mo ng habambuhay ay tila nandidiri sa iyo at halos hindi ka matingnan.   Napapadalas na rin ang pananakit niya sa akin. Bilang isang ina na nag-aalala sa kaligtasan ng aking anak, nagdesisyon akong sumama kay Joseph. Nais ko sanang pumunta sa aking mga magulang ngunit natatakot ako na baka sisihin ni Tatay ang kanyang sarili kung bakit ito nangyari sa amin mag-asawa at natatakot din ako na baka makasama sa kanyang kalusugan.   Isang maulang gabi, inayos ko ang aking mga gamit habang wala ang aking asawa. Lumabas ako ng aming bahay at mayamaya pa, dumating ang isang limousine sa aking harapan. Sa pagbukas ng pintuan nito. Nakita kong nakaupo si Joseph Lee sa loob ng sasakyan.   Wala na akong ibang maisip na paraan upang takasan ang bagay na ito. Nais ko na lang mailabas ang bata at magsimula ng bago kong buhay. Isinampa ko ang aking paa sa kotse at tuluyang sumama sa ama ng batang dinadala ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD