“PANAY-PANAY ang tingin mo diyan sa cell phone mo, Penny.” Napabuntong-hininga si Penelope sa pamumuna ng kanyang ina. Inilagay niya ang tahimik na cell phone sa bulsa ng suot na apron. Marami-rami na ang customer nila sa karinderya. Tila tinamad nang magluto ang karamihan dahil sa panahon. Kanina pa siya nag-aalala dahil hindi pa tumatawag sa kanya si Joaquin. Kahit na text ay wala siyang natatanggap mula sa nobyo. Nang subukan niya itong tawagan kanina ay hindi siya makakontak. Nakapatay yata ang cell phone ni Joaquin. Nag-alala siya na baka may nangyaring hindi maganda kay Joaquin. Kapag sinasabi niya na tawagan siya ng nobyo kapag nakauwi na ay palagi nitong ginagawa. Hindi ito nakakalimot. Baka wala pa rin ito sa bahay hanggang sa mga oras na iyon. Baka stranded ito sa kung saan.

