“Magandang umaga,” bati ni Gloria sa akin.
“Umaga lang,” tugon ko at inabutan ito ng kape. “Mauuna na ako sa Treidon.”
“Sige,” natatawang sabi nito, halos di na makainom ng kape.
Tumigil ako sa paglakad at tumingin dito, “Sige na itawa mo na.”
“Bakit naman ako tatawa?”
“Dahil nasapak ako ng apo mo,”
Napapusngat ang iniinom nitong kape at tumayo.
Naglakad ito papunta sa island bar ng kusina at may kinuhang gamot sa isang drawer bago naglakad pabalik sa akin.
“Sabi ko lamang sayo ay planuhin mo ang gagawin mo para sa usapan natin, bakit nakipag-away ka?” diretsong sabi nito habang nilalagyan ng gamot ang mata ko.
“Sa totoo lang, nagsimula na ako,” sabi ko at pinigilan ito sa ginagawa. “Sige na, pupunta na ako sa Treidon.”
Nangunot ang noo nito at hinablot ang braso ko para pigilan. “Anong ibig mong sabihin na sinimulan mo na?”
“Kaya ako nagka black-eye ay dahil hinalikan ko si William,”
Namilog ang mga mata nito at nalaglag ang panga sa gulat.
“Wag kang magbiro, Annie!”
“At bakit naman ako magbibiro?” tanong ko nang bawiin ko ang braso mula rito. “Ipapaalala ko sa kaniya kung paano niya ako minahal noon. Wag kang mag-alala, yon ang pinakamadaling paraan. Pagkatapos, aalis na agad ako. Kung hindi man maalala ng utak niya, maalala ng ibang parte ng katawan niya.”
“Annie!”
“Kung nag-aalala ka na magkakagusto ako sa apo mo, malabo. Ikaw na rin ang nagsabi na hindi ko kaya magmahal. At mapapanghawakan mo iyon. Napag-isip-isip ko na, baka nga, hindi ko talaga kayang magmahal dahil hindi ko naman naranasan. Pangako, na hindi na muli ako makakapanakit ulit,”
Hindi na ito nakapagsalita nang dumaan si William.
“Let’s go, Model 43,” sabi nito at sumunod na ako.
Habang nasa pila ay hindi kami sa Treidon nagtungo kundi sa isang kakahuyan.
“Ngayong araw ay magkakaroon tayo ng ibang pagsubok. Igugrupo kayong lahat sa dalawa at sa loob ng walong oras, maglalaban ang dalawang grupo. Ang bilang ng mga mawawala ngayon ay walang limitasyon,” masayang sabi ni Zenith habang nagsasalita sa harapan naming lahat. “Sikapin niyong mapabilang sa mga makakaligtas.”
Tumingin pa ito sa akina at alam kong kating-kati na akong dispatsahin nito.
“Nakakalat sa bahagi ng kakahuyan ang ilan na pwede niyong magamit na panlaban. May mga baril, palaso, at sibat. Ngayon, kung saan kayong grupo, malalaman ninyo sa makukuha ninyong bag ng mga gamit. Magsimula na kayo!”
Isa-isang nagsitakbuha na ngmga kasama ko.
Hindi ako agad tumakbo at inobserbahan kung saan nagpunta ang mga ito.
Nang makita ko kung saan nagtungo ang mga ito ay sa kasalungat na direksiyon ako nagpunta.
Ang kailangan ko lamang ay mabuhay at makaligtas sa laban ngayon.
Kung may baril at palaso, malaki ang tsansa na mamatay ako nang walang kalaban-laban kaya mas mabuti pang lumayo sa gulo.
Kailangan ko ring makahanap ng mapapagtaguan.
Ilang oras rin akong nagpalakad-lakad sa kawalan bago tuluyang nakakita ng bag at mga gamit sa ilalim ng malaking puno.
Gusto kong magtatalon sa tuwa pero wala .
Kinuha ko na lamang ang mga ito at saglit na natigilan nang makarinig ng tunog ng umaagos na tubig.
Hinanap ko kung saan nanggagaling ang tunog at hindi ko napigilang mamangha nang marating ko ang dulo ng kakahuyan.
Tumambad sa akin ang isang falls na bagamat mababa lamang ay malakas ang agos ang tubig.
“Ayos,” bulong ko at mabilis na tumakbo papunta sa pinakang pinagbabagsakan ng tubig.
Kadalasan, sa napapanood naming drama ni Sydney noon, may mga espasyo sa likuran ng falls kung saan nagaana-ana ang mga bida.
Magandang taguan ito hanggang lumipas lamang ang walong oras tapos ayos na. May gamit naman na ako kaya kung sakaling kailanganin, maliligtas ko pa rin ang sarili ko.
Sininulan kong akyatin ang madudulas at malalaking bato. Napakahirap dahil mamali lamang ng apak o kaya ay kapit, maaaring madulas ako at mahulog sa tubig.
Hindi ako pwedeng mag-aksaya ng oras.
Mahigit kalahating oras rin ang naubos sa akin bago napangiti nang makitang meron ngang tila kweba sa likod ng lumalaglag na tubig.
“Kabuhayan,” bulong ko pa nang sa wakas ay makakapit ako sa b****a ng maliit na kweba.
Kagat-labi akong pilit na umakyat, di alintana ang buhos ng tubig sa akin.
At nang sa wakas ay makapasok, pahiga akong nagpugay.
Sa tanang buhay ko ay hindi ko pa nagawa ang ganito.
Hindi ko akalaing masarap pala sa pakiramdam ang makaachieve ng ganito. Isang bagay na naabot hindi para iimpress ang ibang tao.
Napapikit pa ako at inasam na ang saya kung maiikwento ko kay Leo, kay Charlie, at kay Sydney.
“Anong grupo mo?”
Napamulat ako at ganon na lamang ang gulat nang makita ang nakatambad na baril sa aking mukha.
“W-Will...Model 3,” sabi ko at itinaas ang dalawang mga kamay bilang pagsuko.
Pinadapa ako nito at binulatlat ang bag na sakitbit ko at doon lang naalala na may grupo-grupo nga pala.
“Blue,” sabi nito at ibinato ang panyo na kulay asul sa aking mukha.
Matindi ang kabog ng dibidib ko nang humarap ako at tumitig sa baril.
Hindi ko alam kung anong iniisip ni William, mamaya ay tuluyan na ako nito.
“M-Magkakampi tayo,” sabi ko pa.
Buti na lamang at ibinaba nito ang baril saka naglakad palayo sa akin.
Kita kong may asul itong panyo na nakatali sa braso.
Pagkakataon ko na ito para dumiskarte, pero hindi ko alam kung ano ang gagawin.
Ano pa ba mula sa mga dramang napanood ko ang pwedeng gawin?
“Pagkatapos nitong ensayo, pumunta ka sa kwarto ko, aayusin ko ang mga mata mo,” sabi bigla ni William na kinagulat ko.
Natigilan ako sa ginagawa ko at napatingin rito.
“Ayos lang ako,” sabi ko.
“May ituturok lang ako para humupa ang pamamasa,”
“Ah hindi na, ayos lang talaga ako,”
“Wag ka na magmatigas,”
“Hindi naman sa nagmamatigas. Baka hindi na rin naman ako makabalik,”
Natigilan ito sa pag-assemble ng baril at tumingin sa akin, “Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi naman ako sigurado kung buhay pa akong makakabalik,”
“Hindi ko hahayaang may mangyari sayo kaya sabay tayong babalik,”
Sa pagkakataong iyon, hindi ko alam pero may kung anong kirot sa dibdib ang naramdaman ko.
Naririnig ko ang dating William mula sa kaniya.
Nagustuhan ko pala ang mga pinakita ko sakaniya.
“Sige,” maiksi kong sagot.
Nagpatuloy ito sa paggawa at nang matapos ay naglakad ito palapit sa akin.
Kinuha nito ang mga hindi pa naka-assemble na mga baril. “Sa sunod, pagbaril naman ang ituturo ko sa’yo.”
“Sige,” sang-ayon ko at pinanooran na lamang ang ginagawa nito.
Maya-maya pa ay napaupo ako nang may natanggap akong alert message at nagplay sa utak ko ang isang mensahe mula kay Gloria.
“Nakuha ko na ang full control ni William mula kay Zenith, malaya ka nang gawin kung anong pinaplano mo.”
Nangisi ako sa aking isipan at wala akong sinayang na segundo.
“Turuan mo ako ng basic na paggamit ng baril, kung sakaling matunton tayo,” sabi ko nang matapos niyang iassemble ang baril na hawak-hawak.
“Sige, tumayo ka,”
Agad akong sumunod at tumalikod sa harapan nito. “Gabayan mo ako.”
Hinawakan nito ang kamay ko at ipwinesto ang baril sa aking kamay habang nakatayo sa aking likuran.
“Simple lamang ang pagbaril. Alam kong mabigat sa una pero kung iisipin mong –”
“Eh para saan ito?” putol ko rito dahil wala naman akong balak makinig at patuwad akong yumuko para kunin ang telescope.
Sinadyan ko pang magpasexy kahit ni minsan ay hindi ko nagawa ang ganito.
Natatanga ako sa aking sarili pero buti na lamang at may chip ako sa utak, hindi makikita sa mukha ko kung gaano ako nadidismaya sa ginagawa ko.
Pero ang hindi ko inaasahan at nagpalaki talaga sa mga mata ko ay nang hawakan nito ang magkabilang baywang ko.
“A-Anong gagawin mo?” tanong ko rito.
“Inaalalayan ko ang baywang mo, namamaluktot, baka kung napapano ka na,”
Bumuntong-hininga ako at tumayo na ng tuwid.
Nagpapasexy ako pero mukha lamang akong namamaluktot.
Jusko!
Paano ako nagustuhan kamo ni Isaac? Eh wala ngang kalambingan sa katawan ko.
“Ayos lang ako, nag-iistretch lang ako ng likod. Gawa pa rin sa ensayo natin kahapon,” sabi ko at humarap rito nang sobrang lapit. Kulang na lamang ay ipagduldulan ang mukha dito. “Ang tanong ko ay ano ito? Saan ito ginagamit?”
Nakatingin pababa si William sa akin at naghihintay ako na baka kahit paano ay mag-uudyok sa kaniya na maalala ang mukha ko.
Nagpapaganda pa ako ng mata nang sakmalin ang mukha ko, “Anong nangyari sa mata mo? Mukhang naapektuhan gawa ng pagsuntok ko. Kumukurap ka ng hindi normal.”
Ay bwisit!
Iba rin.
“Hndi, ayos lang ako,” sabi ko at binulsa na lamang ang telescope at baka mamaya isipin nito ay may sakit pa ako.
Mapaaga pa ang pagdisptsa sa akin.
Umalis ako sa harapan nito at ganon na lamang ang gulat ko nang may marinig akong matinis na tunog na katunog na katunong ng huling ingay na narinig ko bago kami mabangga ni Charlie sa puno.
Hinila ko si William padapa at saktong-sakto na may tumama na bala sa lupang pader ng kweba.
“Humanda ka,” sabi ni William at agad na umalis sa ibabaw ko.
Gumapang ito papunta sa mga armas niya at di naglaon ay nakipagpalitan na ng pagbaril.
“Mag-ingat ka,” sabi ko at nanatili lamang nakadapa dahil kahit paano ay nakatago ako sa ilang mga bato.
Habang abala sa pakikipagbarilan si William ay nakita ko ang ilang mga papalapit sa amin.
“Wil...Model 3, may paparating,”
“Gamitin mo ang mga palaso at ilang patalim diyan kung hindi mo kaya bumaril. Sa tingin ko ay walang baril na nakuha ang mga papalapit dahil kung meron ay binaril na nila tayo.”
Tumango ako at sinunod ang utos nito.
Pagapang akong kumuha ng mga patalim na siniksik ko sa aking likurang bulsa ng pantalon.
Pagkatapos ay kinuha ko ang bala ng palaso at inintay ang pagpasok ng mga kalaban sa bungad ng kweba.
“Tapos na ang taguan,” sabi pa ng isa na tuwang-tuwa pero agad ko itong sinaksak sa binti at hinigit padapa.
Pagkadapa ay sinubukan pa nitong umalma nang barilin ko na ito sa dibdib.
Tumingin ako kay William na diretso ang pakikipagpalitan ng baril, kita ko pang tumango ito bilang pagsang-ayon sa ginawa ko.
At ganoon ang ginawa namin, hanggang sa sumapit ang salimsim, tumunog na ang malakas na alingawngaw na tapos na ang pagsubok ng araw na iyon.
“Nagawa natin,” sabi ko pa at walang pasabing niyakap si William.
Sa pagkakataong iyon ay masaya lamang ako na nakaligtas kami at hindi dahil sa kailangan ko siyang mainlove ulit sa akin.
Magsasalita pa sana ito pero agad akong bumitaw. “Oh baka doblehan mo pa ang kabila kong mata. Masaya lamang akong ligtas tayo,” sabi ko habang nakataas pa ang dalawang mga kamay bilang pagsuko.
“Masaya?” kunot-noong sabi ni William habang iniimpake ang mga gamit at isa-isang sinalsan ang mga katawan ng mga napatay namin.
Nilapita ko ito at hinawakan ko sa mukha para itaas ang pisngi para gumawa ng ngiti sa kaniyang mukha. “Masaya ito. Nakangiti,”
“Ngiti?”
“Basta. Hayaan mo, tuturuan din kita ng maraming mga bagay, kapalit na lamang nang pagtuturo mo sa akin. Halika na, bumalik na tayo at gusto ko nang maligo. Ayaw ko ng amoy ng dugo,”
Tumango naman ito at tumalikod na ako. Kinuha ko na rin ang bag ko at sinakbit ito habang sinisipat kung paano bababa sa mga batong ito o magpapatihulog na lamang ako sa tubig para mabilis.
Iyon lamang ay hindi ko inaasahan na mahigit sampong minuto na rin simula nang tumunog ang hudyat nang pagtatapos ng pagsubok pero may nagpaputok pa rin ng baril mula sa malayo at tinamaan ako sa balikat.
Sa kauna-unahang pagkakataon, maski ang chip ay walang nagawa sa matinding sakit na dumaloy sa katawan ko.
Sa sobrang sakit ay parang sasabog ang utak ko.
Nahulog na lamang ako pero bago tuluyang mahulog sa tubig, nakita ko pa ang pagtakbo ni William para saluhin ako.