Chapter 1 - Series of Misfortune

1094 Words
“HINDI! Hindi ako papayag na sa ganito lang mauuwi ang lahat nang pinaghirapan nina Mama at Papa.” Nanginginig ang mga kamay ni Lian habang binabasa ang foreclosure notice mula sa bangko. Pakiramdam niya ay papanawan siya ng ulirat sa napipintong pagsasara ng LG Creations, ang negosyo ng pamilya. Dugo at pawis ang naging puhunan ng kanilang mga magulang para lang mapaunlad ang negosyo. Ngunit sa isang iglap lang ay maaaring mawala sa mga kamay nila ang negosyo. Sunod-sunod ang mga hindi inaasahang pangyayari sa pamilya nila. Noong nakaraang buwan lang ay nagtapos si Lian bilang c*m Laude sa kursong Clothing Technology. Masayang-masaya siya dahil sa wakas magiging full time designer na siya ng LGC. Alam niyang malaki ang maiaambag niya sa paglago ng kanilang family business. Ang LGC ay isang clothing line na gumagawa ng damit para sa mga kababaihan. Ang pangalan nito ay nagmula sa pangalan ng mga magulang nila na sina Leonard at Grace. Ngunit sa kasamaang palad ay naaksidente ang mga magulang nila. Papunta sana sa Tagaytay ang mga magulang nila para sa isang business meeting kaya lang ay binangga ang sinasakyan nilang kotse ng isang delivery truck. Dead on the spot ang Mama nila samantalang ang Papa nila ay idineklara namang dead on arrival sa ospital kung saan ito dinala. Wala pang dalawang linggo mula nang magluksa silang magkakapatid ay heto na naman ang isang problema. Nakatanggap sila ng foreclosure notice mula sa bangko kung saan ang mismong properties ng LGC ay ginamit na collateral ng mga magulang nila. “Bunso wala na tayong magagawa. Masyadong malaki ang utang nina Papa sa bangko. Sa estado ng LGC, hindi natin kayang bayaran iyon,” paliwanag ni Lander. “Kung ganon’n, gusto mo bang mawala na lang sa atin ang pinaghirapang negosyo nina Mama at Papa?” himutok ni Lian. Alam niyang kahit kailan ay hindi naging interesado ang panganay nilang kapatid sa negosyo ng pamilya. Mas ginusto pa nitong pumasok sa PNP Academy kaysa sa kumuha ng business management. Panganay pa man din ito pero walang hilig sa negosyo. “Naintindihan ko ang nararamdaman mo. Pero anong magagawa natin? Matagal na palang nalulugi ang negosyo ng hindi natin nalalaman. Ngayong lumabas na ang totoong problema, sa palagay mo ba masasagip pa natin ang negosyo? Wala ng pag-asa. Mas malaki pa ang utang sa bangko kaysa sa assets ng negosyo. Kaya hayaan na lang natin na i-foreclose ng bangko,” malungkot na pahayag ni Lander. Marahas na napailing si Lian. Hindi siya makapaniwala sa desisyon ng panganay na kapatid. “Sa tingin mo ba, kuya, iyon ang pinakamagandang desisyon? Baka naman may iba pang paraan upang maisalba ang LGC. Nakapanghihinayang naman kung hahayaan na lang natin itong mawala,” sabad ni Luigi. “Kuya Lander, tama si Kuya Luigi. Baka may iba pang paraan upang hindi ma-foreclose ang LGC. Maghanap tayo ng paraan. Puwede sigurong ipunin natin ang natitirang pera sa bangko tapos idagdag natin sa kapital ng negosyo. Tapos humingi tayo ng grace period sa bangko,” pakiusap ni Lian. Napaismid si Lander. “Tingin mo magiging sapat iyong pera natin? Kahit pa bigyan tayo ng bangko ng grace period na tatlong buwan, wala pa ring mangyayari. Hindi pa rin natin mababayaran ang mga utang. Kaya hayaan na lang natin ang LGC. Siguro hanggang dito na lang ang buhay niya.” Napasinghot si Lian. Hindi talaga niya matanggap na ganito ang kahihinatnan ng negosyong nakalakhan na niya. Ang hirap tanggapin. “Ano kaya kung maghanap tayo ng investor? Kung may magkainteres na mag-invest, kahit paano ay makatulong iyon. O kaya ay ibenta na lang natin ang LGC baka sakaling may mapakinabangan pa tayo kahit kaunti. Mas mainam iyon kaysa naman sa hayaan na lang natin na kunin ng bangko,” suhestiyon ni Luigi. Napabuga ng hangin si Lander. “Maganda iyong suggestion mo na maghanap ng investor. Ang tanong, sino naman ang magkakainteres na mag-invest kung alam nilang nalulugi na ang negosyo? Isa pa, wala na sina Mama at Papa. Sino pa ang magpapatuloy sa pagma-manage ng LGC? Alangan namang ako. May trabaho ako.” “Sabagay, hindi rin pala ako puwede. Hindi ko kakayanin ang pagbibiyahe at ang office work,” paglilinaw ni Luigi. “Ako na lang. Ako ang magma-manage ng LGC. Tutal nakatapos na ako ng pag-aaral. Makakapag-concentrate na ako sa negosyo ng pamilya,” boluntaryo ni Lian. Napailing si Lander. “Bunso, hindi naman business management ang tinapos mo. Kung pagdidisenyo ang pag-uusapan ay puwede ka roon. Pero ibang usapan ang paghawak sa negosyo. Kailangang nakatapos ka ng tamang kurso at may sapat kang karanasan. Sa kaso mo, parehong wala ka ng dalawang requirement. Kaya paano mo masasabi na kaya mong i-manage ang LGC? Kung ako nga na mas matanda sa iyo at nakalakhan na ang negosyong iyon, wala akong sapat na kaalaman. Ikaw pa kaya na mas bata sa akin. Ano namang alam mo sa pag-handle ng negosyo maliban sa pagdidisenyo?” “Pero kuya, gusto kong makatulong. Kung pareho kayong hindi puwedeng ni Kuya Luigi na mag-manage sa negosyo, ako na lang. Mag-aaral ulit ako. Sisikapin kong pag-aralan ang lahat ng pasikot-sikot sa LGC. Basta huwag lang mawala sa atin ang pinaghirapan nina Papa at Mama,” pamimilit ni Lian. Desperado na talaga siya. “Hindi mo talaga ako naintindihan, bunso. Wala kang sapat na panahon para pag-aralan pa ang pagpapatakbo sa negosyo. Hinahabol natin ang oras, Isang buwan lang ang ibinigay sa atin ng bangko para makagawa tayo ng paraan. Tingin mo ba kaya mong matuto sa loob lang ng dalawa o tatlong linggo? Sigurado rin ba kayo ni Luigi na may mahahanap tayong investor sa maikling panahon? Baka sa negosasyon pa lang ay aabutin na tayo ng ilang linggo. Matatapos ang grace period ng wala tayong nagawa,” napailing na wika ni Lander. “Kung gano’n, payag ka nang mawala ang LGC? Hahayaan mo na lang na maglaho ang pinaghirapan ng mga magulang natin?” pangongonsensiya ni Lian. Napakamot ng batok nito si Lander. “Hindi naman sa wala akong pagpapahalaga sa mga sakripisyo nina Papa at Mama. Pero praktikal lang akong tao. Mas mabuti nang tanggapin natin ang kapalaran ng LGC kaysa manatili ito kahit wala ng resources.” Hindi umimik si Lian. Wala na yata siyang magagawa para baguhin ang desisyon ng kapatid. “Hayaan mo kung sakaling makahanap tayo ng bibili o magti-takeover sa LGC, tutulungan kitang magpatayo kahit maliit lang na boutique. Mag-disenyo ka na lang ng mga gown kaysa pangarapin mo pang i-manage ang LGC,” pampalubag-loob ni Lander. Tinapik naman ni Luigi ang likod niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD