“BUNSO! Dali! Halika dito! May good news ako,” sigaw ni Lander nang umuwi ito ng bahay ng gabing iyon.
Nagmamadali namang bumaba ng hagdan si Lian. Kasunod lang niya sa kanyang likuran si Luigi.
“Ano ba iyon, kuya?” masayang tanong ni Lian nang humarap sa kapatid.
“Dali! Umupo kayong dalawa at pag-usapan natin ito,” ani Lander at imuwestra ang mahabang sofa.
Nagkatinginan naman sina Lian at Luigi bago sila umupo.
“Alam n’yo ba na nalaman ng commanding officer ko iyong problema natin sa LGC kaya nag-offer siya ng tulong sa akin? Ang bait nga ni PCPT. Murillo. Siya mismo ang kumausap sa akin kanina,” masayang balita ni Lander.
“Anong klaseng tulong ba ang in-offer niya?” tanong naman ni Luigi.
“May kaibigan daw siyang negosyante na puwedeng tumulong sa atin. Kakausapin daw niya kung ano ang maitutulong sa atin ng kaibigan niya. Kinuha ni sir iyong number ko kanina. Ibibigay daw niya doon sa kaibigan niya. Tapos tatawagan na lang daw ako ng kaibigan niya kung saka-sakali,” paliwanag ni Lander.
Napakunot ang noo ni Lian. “So, hindi pa sigurado kung matutulungan nga niya tayo?”
“Naku! Bunso, sigurado na iyon. Hindi naman siguro mag-o-offer si sir ng tulong kung hindi siya sigurado. Ang tanong na lang ay kung anong klaseng tulong ang kayang ibigay ng kaibigan ni sir. Puwede sigurong hikayatin mo siyang mag-invest, bunso. O kaya ay ibenta na lang natin sa kanya ang LGC para may pambayad tayo sa bangko. Iyong matitira ang gagamitin natin sa panibagong negosyo. Kahit boutique na lang ang ipatayo natin. Ayos na ba iyon, bunso?”
“Teka ka lang, kuya. Bakit sinasabi mo iyan kay Lian? Anong pinaplano mo?” kunot noong tanong ni Luigi.
“Natural sa kanya ko sasabihin dahil siya ang makikipag-usap doon sa kaibigan ni sir. Hindi naman ako available saka anong alam ko sa negosyo. At least si bunso, kahit paano may alam siya doon dahil nagtatrabaho na siya sa LGC. Alangan naman kasi na ikaw ang utusan ko. Alam naman nating pareho na hindi ka basta-basta puwedeng lumabas at magpunta kung saan-saan dahil sa sakit mo,” paglilinaw ni Lander.
“Ibig sabihin, ipapain mo pa talaga si Lian. Baka naman puwedeng samahan mo siya. Maawa ka naman sa kapatid natin. Bunso siya at nag-iisang babae pa. Hindi mo siya puwedeng ipaharap na lang kahit kanino. Kung nabubuhay si papa ay siguradong magwawala iyon sa binabalak momg ipagawa kay Lian,” seryosong sabi ni Luigi.
Naguguluhang nilingon ni Lian ang nakatatandang kapatid. Hindi niya maintindihan kung ano ang ikinatatakot ng kapatid niya.
“Sandali nga lang, Luigi. Ano ba ang gusto mong palabasin, ha? Na may masamang mangyayari kay Lian kapag nakipag-usap siya sa kaibigan ni sir? Anong klaseng kaisipan ang mayroon ka, ha? Hindi naman masamang tao ang commanding officer ko para ipahamak niya ako o si Lian. Mabait at mabuting tao si PCPT Murillo kaya siguradong ganoon din ang kaibigan niya. Kaya huwag kang mag-isip ng masama riyan. Kung ikakapanatag ng loob, sasamahan ko si bunso kapag nakipag-usap siya doon sa kaibigan ni sir. Huwag ka ngang praning diyan.”
“Naniniguro lang naman ako. Baka nakakalimutan mo babae si Lian at hindi siya lalaki,” katuwiran naman ni Luigi.
Sasagot pa sana si Lander ngunit pumagitna na si Lian na kanina pa nakukulitan sa bangayan ng dalawa niyang kuya.
“Mga kuya, tigilan na ninyo iyan. Kung makapag-usap kayo ay parang wala ako sa harap ninyo. Huwag na kayong mag-away. Hindi pa nga tayo sigurado kung ano plano ng kaibigan ng boss ni Kuya Lander kaya kumalma lang muna kayo. Kung sakaling makikipag-usap ako sa kanya, baka gusto ninyong dalawa na sumama sa akin para walang sisihan."
Mabuti na lang at parehong tumango ang mga kapatid ni Lian. Kung hindi’y sasakit na naman ang ulo niya sa dalawa. Madalas kasing hindi magkasundo ang dalawa.
MAKALIPAS ang dalawang araw ay may inabot na calling card si Lander kay Lian.
“Saan naman galing ito, kuya?” usisa ni Lian habang binabasa ang nakasulat sa maliit na card. Kakaiba ito dahil hindi pangkaraniwang papel ang ginamit. Makapal ang papel at may lining na kulay ginto ang bawat gilid nito. Hindi rin madaling matupi ang card.
“Ibinigay iyan sa akin ni sir kanina. Ang sabi niya ay tatawagan daw tayo ng kaibigan niya. Kung sakaling hindi raw siya makatawag hanggang bukas, sa susunod na araw ay tayo na ang tumawag at mag-set ng appointment sa kanya,” pahayag ni Lander.
Tumango-tango si Lian habang nakatitig pa rin sa hawak niyang card. Sa kanang bahagi ng card ay may nakasulat doon na Estabillo Holdings. Samantalang sa kabila naman ay ang pangalan, contact number, at iba pang detalye. Pero napukaw ang atensyon niya sa pangalang nakasulat roon.
Melvin Jake Marquez Estabillo
Chief Execuitve Officer
Parang narinig na niya ang pangalang iyon. Hindi lang niya maalala kung saan. Pero mukhang matagal na iyon. Basta ang naalala lang niya ay may kilala siyang Melvin noong nasa high school pa siya. Kaya lang imposible namang ang lalaking nasa isip niya ang may-ari ng card. Coincidence lang siguro iyon na magkapareho sila ng pangalan.
“May problema ba, bunso?” untag ni Lander.
“Ah…w-wala naman, kuya. May naalala lang ako,” pagdadahilan niya.
“Sina Mama at Papa na naman ba? Huwag ka nang malungkot. Nandito pa naman kami ni Luigi. Hindi ka namin pababayaan. Malalampasan din natin ang problemang ito. Tiwala lang.” Tinapik pa siya ni Lander sa kanyang balikat.
Pilit namang nginitian ni Lian ang kapatid. “Salamat, kuya. Alam ko namang hindi ninyo ako pababayaan. Kaya nga gagawin ko rin ang lahat ng makakaya ko para maibangon muli ang LGC. Sa atin iyon kaya hindi dapat ito mawala.”
“Alam ko iyan, bunso. Pero bakit pa natin pipiliting buhayin ang LGC kung hindi na talaga kaya? Mas mabuti pang bitiwan na natin at hayaan na lang na iba ang magpatakbo. Mas makakabuti iyon sa nakararami kaysa naman sa sumugal ka at pilitin ang sarili mong hawakan ito tapos sa bandang huli ay ikaw rin ang mahirapan. Huwag na lang bunso. Bata ka pa, marami pang opportunity na darating para sa iyo. Huwag mong ikulong ang iyong sarili sa LGC. Puwede ka namang magtayo ng sarili mong negosyo na kaya mong i-manage. Hindi iyong katulad ng LGC na masayadong malaki. Ma-overwhelm ka lang,” payo ng kapatid niya.
Hindi alam ni Lian kung ano ang isasagot sa sinabi ng kapatid kaya nanahimik na lang siya.